Ang Pangmalas ng Bibliya
Ang mga Judio ba ang Piniling Bayan ng Diyos?
ANG pagkatatag ng isang lupang tinubuan ng mga Judio noong 1948 ay isang traumatikong pangyayari sa mga teologo ng Sangkakristiyanuhan. Sa loob ng mga dantaon itinuro ng marami na ang mga Judio ay hinatulang magpagala-galà sa lupa dahil sa kasalanan nila laban kay Kristo, at ngayon ang “pagala-galang Judio” ay hindi na gumagala-gala.
Habang ang kasalukuyang mga pangyayari sa Gitnang Silangan ay patuloy na nakatuon ang pansin sa mga Judio, mga tanong tungkol sa mga usapin na inaakalang malaon nang nalutas ay ibinabangon ngayon. Ang mga Judio pa rin ba ang piniling bayan ng Diyos? Ang Diyos ba ay nagpapakita ngayon ng pantanging pabor sa mga Judio?
Mga dantaon na ang lumipas, sinabi ng Diyos sa mga Israelita: “Kung maingat na susundin ninyo ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan, kung gayo’y magiging aking tanging pag-aari nga kayo higit sa lahat ng bayan, sapagkat ang buong lupa ay akin. At kayo mismo ay magiging isang kaharian ng mga saserdote sa akin at isang banal na bansa.” (Exodo 19:5, 6) Lahat ng bansa ay sa Diyos, subalit ang mga Israelita ay magiging kaniyang tanging pag-aari, sa wakas ay maglilingkod bilang mga saserdote alang-alang sa lahat ng sangkatauhan.
Subalit wala bang pasubali ang tanging kaugnayang ito sa Diyos? Mayroon! Sabi ng Diyos: “Kung maingat na susundin ninyo ang aking tinig . . . kung gayo’y magiging aking tanging pag-aari nga kayo.” Kaya ang kanilang pananatili sa isang piling kaugnayan sa Diyos ay may kondisyon, depende sa kanilang patuloy na katapatan sa kaniya.
Isang Mariing Ilustrasyon
Ito ay binigyan-diin ng mga pangyayari noong ikawalong siglo B.C.E., noong kaarawan ni propeta Oseas. Sa kabila ng pagtanggap ng pantanging pabor bilang piniling bayan ng Diyos, tinalikdan ng karamihan ng mga Israelita ang tunay na pagsamba kay Jehova. Ano ang reaksiyon ni Jehova? “Hindi na ako muling magpapakita ng awa sa sambahayan ni Israel, sapagkat tiyak na aalisin ko sila. . . . Kayo’y hindi aking bayan at ako’y hindi magiging inyong Diyos.” (Oseas 1:6, 9) Kaya, ang apostatang Israel na iyon ay hindi nanatili sa pabor ng Diyos. Tanging isang tapat na nalabi ang magkakapribilehiyo balang araw na maisasauli at muling daranas ng mga pagpapala ng Diyos.—Oseas 1:10.
Tapat sa hulang ito, pinahintulutan ng Diyos ang mga Israelita na maging bihag ng kanilang mga kaaway at ang kanilang templo ay sinira, mariing inilalarawan ang pagkawala ng kanilang sinang-ayunang kaugnayan sa kaniya. Tanging ang tapat na nalabi ng mga Israelita (na noo’y kilala bilang mga Judio) lamang ang nagbalik mula sa pagkabihag noong 537 B.C.E. at itinayong-muli ang templo ni Jehova, minsan pang tinamasa ang pabor ni Jehova bilang kaniyang piniling bayan.
Tanging “Isang Nalabi” ang Nananatiling Tapat
Gayumpaman, sa sumunod na mga siglo, ang mga Judio ay dinagsaan ng impluwensiya ng pilosopyang Griego—gaya ng doktrina ni Plato tungkol sa kaluluwang walang kamatayan—taglay ang kapaha-pahamak na mga epekto nito sa kanilang pagsamba. Ang pagsambang iyon ay hindi na muli magiging batay lamang sa mga turo ni Moises at ng mga propetang Hebreo.
Patuloy kayang mamalasin ni Jehova ang mga Judio bilang kaniyang piniling bayan? Kinikilala na ang marami ay minsang pang nagtaliwakas sa dalisay na pagsamba kay Jehova, sinabi ni Jesus: “Aalisin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bansang nagkakabunga ng mga bunga niyan.” (Mateo 21:43) Palibhasa’y hindi nila sinunod ang babalang iyon, ang karamihan ay nagpatuloy sa kanilang apostatang landasin at tinanggihan si Jesus bilang ang pinahiran ni Jehova. Kaya, hindi nagtagal ipinahintulot ng Diyos na ang templong itinayong-muli ay mawasak, noong 70 C.E. (Mateo 23:37, 38) Ibig bang sabihin nito na tinatanggihan na ngayon ng Diyos ang lahat ng Judio?
Gaya ng paliwanag ni Pablo, isang Judiong apostol ni Kristo: “Hindi itinakwil ng Diyos ang kaniyang bayan, na una pa’y kinilala niya. . . . Gayundin nga sa panahong itong kasalukuyan ay may isang nalalabi ayon sa paghirang sa di sana nararapat na awa.” (Roma 11:2, 5) Kung papaanong ang marami ay maaaring anyayahan sa isang seremonya ng kasal subalit ilan lamang ang maaaring dumalo, inanyayahan ng Diyos ang buong bansang Judio sa isang pantanging kaugnayan sa kaniya, ngunit isang nalabi lamang sa mga ito ang pinanatili ang pantanging kaugnayang iyon sa pamamagitan ng kanilang katapatan. Tunay ngang ang pagtitiis ng Diyos ay isang pagtatanghal ng di sana nararapat na awa!
“Yaong Hindi Ko Bayan” ay Magiging “Aking Bayan”
Di natagalan sa tapat na nalabing Judiong ito ay may sumamang mga di-Judio na nagnanais ding maglingkod sa Diyos. Kahit na ang kanilang mga ninuno ay wala sa pantanging kaugnayan sa kaniya, si Jehova ngayon ay handang tanggapin ang tapat na mga di-Judiong ito bilang kaniyang bayan. Binabanggit ito, si Pablo ay sumulat: “Kung, ngayon, [tayo] na tinawag . . . ng Diyos hindi lamang mula sa mga Judio kundi mula rin sa [di-Judiong] mga bansa, ay ano? Iyon ay gaya ng sinasabi rin niya sa Oseas: ‘Yaong hindi ko bayan ay tatawagin kong “aking bayan.” ’ ”—Roma 9:22-25.
Sa gayon, kapuwa ang mga Judio at di-Judio ay maaaring maging piniling bayan ng Diyos, taglay ang pag-asang maglingkod bilang mga saserdote alang-alang sa iba pa ng sangkatauhan. Nagsasalita sa tapat na mga mananamba ng iba’t ibang pambansang pinagmulan, ang Kristiyanong apostol na si Pedro, isang Judio mula sa pagsilang, ay sumulat: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang tanging pag-aari’ . . . Sapagkat dati’y hindi kayo bayan, ngunit ngayon ay bayan na ng Diyos.” (1 Pedro 2:9, 10) Ito ang “bansa,” bayan na may maka-Diyos na mga katangian, na sinabi ni Jesus na magbubunga ng ‘mga bunga ng kaharian ng Diyos’ at samakatuwid ay magtatamasa ng pantanging kaugnayan kay Jehova.—Mateo 21:43.
Hinahanap ng Diyos ang pananampalataya at matuwid na paggawi sa kaniyang pagpili sa magiging mga saserdoteng ito, hindi ilang pantanging angkang pinagmulan. Gaya ng sinabi ni Pedro: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
Kaya, ang Diyos ay hindi na nagkakaloob ng pantanging pabor sa kaninumang tao salig sa kaniyang pagsilang. Binibigyan niya ang mga tao ng lahat ng pambansang pinagmulan ng pagkakataong gumawa ng isang kaugnayan sa kaniya. Harinawang ipakita natin na nais natin maging bayan ng Diyos sa pamamagitan ng ating pananampalataya at paggawi.