Pag-eeksperimento sa Hayop—Isang Timbang na Pangmalas
BAGAMAN ang kabayaran ay maaaring pinagtatalunan, karamihan ng mga tao ay naniniwala na ang pag-eeksperimento sa hayop ay nagbunga ng napakalaking kabutihan para sa tao. Kahit na yaong nagtataguyod ng karahasan laban sa paggamit ng hayop sa pagsubok ay nakinabang sa bagong kaalaman sa medisina at sa mga pamamaraan sa pag-opera gayundin sa mga gamot na lumalaban-sa-sakit.
Si Martin Stephens ng Humane Society ng Estados Unidos ay nagsabi: “Dapat tayong maging tapat at kilalanin natin na may mga pakinabang mula sa pag-eeksperimento sa hayop. Subalit ang ating ultimong tunguhin ay ang ganap na paghalili sa mga hayop.” (Parade Magazine, Oktubre 9, 1988) “Inaamin ko,” sabi ni Vicki Miller, pangulo ng Toronto Humane Society, “na may ilang kabutihang gamit sa mga hayop sa pasimula ng dantaon. Ang pagsawata sa diabetes ay lehitimong nakuha buhat sa pag-eeksperimento sa hayop. Subalit hindi na ito kailangan ngayon na mayroon na tayo ng lahat ng uri ng mapagpipiliang teknolohiya.”—The Sunday Star, Toronto, Canada.
Ang kritiko ring ito ay tinanong kung paano niya sasagutin yaong nangangatuwiran na: Kung ang isang daga ay kailangang mamatay upang iligtas ang buhay ng isang sanggol, sulit naman ito. Kung ang mga hayop ay hindi gagamitin sa pag-eeksperimento, ang mga sanggol ay namamatay upang iligtas ang mga daga. Ang kaniyang tugon sa Globe and Mail ng Toronto ay: “Isa itong emosyonal na usapin, at mula sa punto de vistang iyan ay halos imposibleng mapagtagumpayan . . . Nariyan ang bagay tungkol sa daga-o-ang-sanggol at ikaw ay laging talo.”
Ang tanong ay ibinangon sa naunang artikulo: “Kung ang pag-eeksperimento sa hayop ay makapagliligtas sa iyo o sa isang mahal sa buhay mula sa isang napakasakit na karamdaman o kamatayan, tatanggihan mo ba ito?” Si John Kaplan, propesor sa batas sa Stanford University, California, ay sumulat ng isang sagot sa labas noong Nobyembre 1988 ng magasing Science: “Yaong mga tutol sa pag-eeksperimento sa mga hayop ay bihirang manindigan sa simulain at itinatagubilin sa kanilang mga manggagamot na huwag gamitin ang mga resulta ng biyomedikal na pag-eeksperimento sa hayop gayong pakikinabangan ito ng kanilang mga mahal sa buhay o nila mismo. Ni handa man kaya silang sumumpa sa kanilang sarili na aalisin ang mga pakinabang ng anumang pagsulong sa hinaharap mula sa pag-eeksperimento sa hayop. Maaari nating hangaan ang mga simulain na nagtutulak sa mga Saksi ni Jehova na tumanggi sa mga pagsasalin ng dugo . . . at yaong tumututol sa pangangaso ng mga hayop na may magagandang balahibo na huwag magsuot ng mga kasuotang yari sa balahibo ng hayop. Subalit dapat nating masigasig na labanan ang ideolohiya na umaakay sa mga salansang sa pag-eeksperimento sa hayop na itaguyod ang kanilang layunin hindi sa pamamagitan ng halimbawa kundi bagkus sa pagkikipaglaban sa pamamagitan ng di-tapat na mga argumento upang ipagkait sa lahat ang mga pakinabang.”
“Dapat na ipaalam sa publiko,” sulat ng editor ng magasing Science ng Marso 10, 1989, “na ang pag-eeksperimento sa hayop ay pinakikinabangan din ng iba pang hayop. Sa katunayan, isang bakuna para sa rinderpest, isang virus na dahan-dahan at masakit na pumapatay ng angaw-angaw na baka, ay nagawa sa pamamagitan ng mga eksperimento sa hayop; ang bakuna ay ibinibigay ngayon ng World Health Organization sa angaw-angaw na baka sa Aprika.”
Ang Pangmalas ng Bibliya
Kasunod ng pangglobong Baha noong panahon ni Noe, inilabas ng Diyos na Jehova ang utos na ito kay Noe at sa kaniyang mga anak, na kinabibilangan ng ating salinlahi: “Bawat gumagalaw na hayop na buháy ay maaaring maging pagkain ninyo. Gaya ng mga sariwang pananim, ibinibigay kong lahat iyan sa inyo. Tanging ang laman na may kaluluwa—ang dugo nito—ang huwag ninyong kakanin.” (Genesis 9:1, 3, 4) Ang mga balat ng hayop ay maaari ring gamitin sa pananamit. Hindi nito lalabagin ang bigay-Diyos na pamamahala sa mga hayop.—Genesis 3:21.
“Kung ang mga hayop ay maaaring gamitin bilang pagkain upang sumustini sa buhay ng tao,” sulat ng magasing Gumising! ng Nobyembre 22, 1980, “waring makatuwirang gamitin ang mga ito sa mga eksperimento sa medisina upang iligtas ang buhay. Gayunman, hindi ito nagbibigay ng kalayaan para sa walang takda at kalimita’y walang halaga, paulit-ulit na mga eksperimento na nagsasangkot ng matinding pagpapahirap.” Tiyak, mula sa pangmalas ng Bibliya, ang walang-pusong kalupitan sa mga hayop ay hindi maaaring bigyan-matuwid.—Exodo 23:4, 5, 12; Deuteronomio 25:4; Kawikaan 12:10.
Maraming doktor at siyentipiko ang umaamin na may ilang kabutihan mula sa radikal na pagkilos niyaong salansang sa pag-eeksperimento sa hayop. “Maraming punto na ginawa ng kilusan para sa kapakanan ng hayop ay kalabisan subalit tama,” sabi ng isang siyentipiko. “Ang buhay at paghihirap ng mga hayop ay tiyak na may halaga,” sabi ng Amerikanong siyentipiko na si Jeremy J. Stone. “Ang ilang kaalaman ay maaaring kamtin sa napakalaking halaga,” sang-ayon ng Britanong pisiyologo na si Dr. D. H. Smith. “Sumasang-ayon kami sa pagnanais na gawing hindi gaanong masakit ang eksperimento, alagaan at bawasan ang bilang ng mga hayop sa eksperimento,” sabi ni Dr. J. B. Wyngaarden ng National Institutes of Health ng E.U. At isang aktibista sa hayop ang nagsabi: “Dati’y mukha kang macho kapag gumamit ka ng mga hayop at huwag nang mag-isip ng ano pa man tungkol dito. Ngayon, ang pag-iisip tungkol sa mga mapagpipilian ay itinuturing na siyang dapat gawin.”
“Mga mapagpipilian,” ang susing salita. Inaamin ng mga siyentipiko na maaaring hindi nila marating ang punto ng ganap na pag-alis ng mga hayop sa pag-eeksperimento, subalit kung maaari ay madalas silang humahanap ng mga mapagpipilian. Halimbawa, ang mga kuneho ay hindi na ginagamit upang tiyakin ang pagbubuntis ng tao, yamang isang kemikal na paraan ang makukuha na ngayon. Ang mga dagang-puti ay hindi na ginagamit upang ibukod ang tubercle bacillus. Ang kulturang mga paraan ay nagliligtas ngayon ng buhay ng mga hayop na sana’y mamamatay. Ang iba pang mga pamamaraan sa tissue culture ay humalili sa pagsubok sa mga daga. At maraming kuneho na ginagamit para sa masakit na Draize na pagsubok ay maaaring hindi na gamitin dahil sa paggamit ng kahaliling paggamit sa lamad (membrane) ng itlog-ng-manok bilang siyang pagsusubukan. Tiyak, ang mga taong sensitibo sa paghihirap ng mga hayop ay umaasang magkakaroon ng marami pang matutuklasang mapagpipilian, at sa lalong madaling panahon.
Gayunman, ang pinakadakilang mapagpipilian sa pagsubok sa hayop ay ang malaon nang hinihintay na makalupang Paraiso na idinadalangin ng tunay na mga Kristiyano. Ang Diyos na Jehova, ang maibiging Maylikha, ay nangako na ang lahat ng sakit at ang kamatayan mismo ay aalisin magpakailanman. Sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos, ang tao at ang mga hayop ay magkakaroon ng kapayapaan sa isa’t isa magpakailan, at walang tatakot sa kanila. At mawawala na ang mga sakit at sa gayo’y hindi na kakailanganin pa ang pag-eeksperimento sa mga hayop. Ang kalupitan ay magiging isang lipas na bagay na.—Isaias 25:8; 33:24; 65:25; Mateo 6:9, 10.