“Patuloy na Daigin ng Mabuti ang Masama”
“Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.”—ROMA 12:21.
1. Bakit tayo makatitiyak na madaraig natin ang masama?
POSIBLE bang makapanindigang matatag laban sa mga taong mahigpit na sumasalansang sa tunay na pagsamba? Posible bang mapaglabanan ang mga puwersang humihila sa atin pabalik sa masamang sanlibutan? Ang sagot sa dalawang tanong na ito ay oo! Bakit natin nasabing oo? Dahil sa sinabi ni apostol Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Roma. Isinulat niya: “Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.” (Roma 12:21) Kung may tiwala tayo kay Jehova at determinado tayong huwag padaig sa sanlibutan, hindi tayo magagapi ng kasamaan nito. Isa pa, ang pananalitang ‘patuloy na daigin ang masama’ ay nagpapakitang madaraig natin ang masama kung patuloy natin itong lalabanan. Tanging ang mga nagpapabaya lamang at tumitigil sa paglaban ang nagagapi ng masamang sanlibutang ito at ng masamang pinuno nito, si Satanas na Diyablo.—1 Juan 5:19.
2. Bakit natin tatalakayin ang ilang pangyayari sa buhay ni Nehemias?
2 Mga 500 taon bago ang panahon ni Pablo, naipakita ng isang lingkod ng Diyos na naninirahan sa Jerusalem ang katotohanan ng mga salita ni Pablo tungkol sa paglaban sa masama. Ang lingkod na iyon ng Diyos, si Nehemias, ay hindi lamang nanatiling matatag laban sa pagsalansang ng masasamang tao kundi dinaig din niya ang masama sa pamamagitan ng mabuti. Anu-anong problema ang napaharap sa kaniya? Ano ang nakatulong sa kaniya para magtagumpay? Paano natin matutularan ang kaniyang halimbawa? Para masagot ang mga tanong na ito, talakayin muna natin ang mga pangyayari sa buhay ni Nehemias.a
3. Anong uri ng kapaligiran ang pinaninirahan ni Nehemias, at anong tagumpay ang nagawa niya?
3 Si Nehemias ay naglilingkod noon sa palasyo ni Haring Artajerjes ng Persia. Bagaman naninirahang kasama ng mga di-sumasampalataya, hindi siya ‘nagpahubog ayon sa sistema ng mga bagay’ noon. (Roma 12:2) Nang magkaroon ng pangangailangan sa Juda, isinakripisyo niya ang kaniyang maalwang buhay, sinuong ang mahirap na paglalakbay patungong Jerusalem, at isinagawa ang napakalaking trabaho ng pagtatayo ng pader ng lunsod. (Roma 12:1) Bagaman gobernador siya ng Jerusalem, araw-araw na nagpagal si Nehemias kasama ng kapuwa niya mga Israelita “mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa paglitaw ng mga bituin.” Dahil dito, sa loob lamang ng dalawang buwan, natapos ang proyekto! (Nehemias 4:21; 6:15) Isa itong malaking tagumpay, sapagkat sa panahon ng pagtatayo, napaharap ang mga Israelita sa iba’t ibang uri ng pagsalansang. Sinu-sino ba ang mga sumalansang kay Nehemias, at ano ang gusto nilang mangyari?
4. Ano ang gustong mangyari ng mga sumasalansang kay Nehemias?
4 Ang mga pangunahing mananalansang ay sina Sanbalat, Tobia, at Gesem, maiimpluwensiyang lalaking naninirahan malapit sa Juda. Palibhasa’y mga kaaway ng bayan ng Diyos, ‘sa kanila ay naging napakasama na si Nehemias ay pumaroon upang maghangad ng ikabubuti ng mga anak ni Israel.’ (Nehemias 2:10, 19) Determinadong patigilin ng mga kaaway ni Nehemias ang plano nitong pagtatayo, anupat nag-isip pa nga sila ng masasamang pakana. ‘Padaraig kaya sa masama’ si Nehemias?
“Nagalit at Lubhang Napoot”
5, 6. (a) Ano ang reaksiyon ng mga kaaway ni Nehemias sa gawaing pagtatayo? (b) Bakit hindi nakasira ng loob ni Nehemias ang ginawa ng mga mananalansang?
5 May-katapangang pinayuhan ni Nehemias ang kaniyang bayan: “Muli nating itayo ang pader ng Jerusalem.” Sumagot sila: “Magtayo tayo.” Sinabi ni Nehemias: “Pinalakas nila ang kanilang mga kamay para sa mabuting gawa,” pero “pinasimulan [ng mga mananalansang na] alipustain kami at tingnan kami nang may paghamak at sinabi: ‘Ano itong bagay na ginagawa ninyo? Naghihimagsik ba kayo laban sa hari?’” Ang kanilang pangungutya at maling paratang ay hindi nakasira ng loob ni Nehemias. Sinabi niya sa mga mananalansang: “Ang Diyos ng langit ang Isa na maggagawad sa amin ng tagumpay, at kami mismo, na mga lingkod niya, ay babangon, at magtatayo kami.” (Nehemias 2:17-20) Determinado si Nehemias na ituloy ang “mabuting gawa.”
6 Si Sanbalat, isa sa mga mananalansang na iyon, ay “nagalit at lubhang napoot” at lalo pa silang kinutya. “Ano ang ginagawa nitong mahihinang Judio?” ang panunuya niya. “Bubuhayin ba nila ang mga bato mula sa mga bunton ng maalikabok na basura?” Nakisali na rin si Tobia sa panunuya, na sinasabi: “Kung ang isang sorra ay sumampa roon, tiyak na magigiba nito ang kanilang batong pader.” (Nehemias 4:1-3) Paano tumugon si Nehemias?
7. Paano tumugon si Nehemias sa mga akusasyon ng mga mananalansang?
7 Hindi pinansin ni Nehemias ang pangungutya. Sinunod niya ang utos ng Diyos at hindi siya gumanti. (Levitico 19:18) Sa halip, ipinaubaya niya ito kay Jehova at nanalangin: “Dinggin mo, O aming Diyos, sapagkat kami ay naging tampulan ng paghamak; at ibalik mo ang kanilang pandurusta sa kanilang sariling ulo.” (Nehemias 4:4) Nagtiwala si Nehemias sa pagtiyak ni Jehova: “Akin ang paghihiganti, at ang kagantihan.” (Deuteronomio 32:35) Kaya ‘patuloy na itinayo ni Nehemias at ng kaniyang bayan ang pader.’ Hindi nila hinayaang magambala sila. Sa katunayan, “ang buong pader ay napagdugtong hanggang sa kalahati ng taas nito, at ang bayan ay patuloy na nagtaglay ng puso para sa paggawa.” (Nehemias 4:6) Nabigo ang mga kaaway na itigil ang pagtatayo! Paano natin matutularan si Nehemias?
8. (a) Paano natin matutularan si Nehemias kapag inaakusahan tayo ng mga mananalansang? (b) Magkuwento ng sariling karanasan o ng narinig na karanasan na nagpapakitang isang katalinuhan ang hindi pagganti.
8 Sa ngayon, maaaring tinutuya at inaakusahan tayo sa paaralan, pinagtatrabahuhan, o maging sa tahanan. Pero mapagtatagumpayan natin ang gayong mga maling paratang kung ikakapit natin ang mga simulaing ito sa Kasulatan: “May . . . panahon ng pagtahimik.” (Eclesiastes 3:1, 7) Kaya gaya ni Nehemias, hindi tayo gumaganti sa pamamagitan ng masasakit na salita. (Roma 12:17) Nananalangin tayo sa Diyos, anupat nagtitiwala sa isa na tumitiyak sa atin: “Ako ang gaganti.” (Roma 12:19; 1 Pedro 2:19, 20) Kaya naman nabibigo ang mga mananalansang na gambalain tayo sa ating mahalagang gawain ngayon—ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at paggawa ng mga alagad. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Sa tuwing nakikibahagi tayo sa pangangaral at nagpapatuloy sa kabila ng pagsalansang, naipakikita natin ang katulad na katapatang ipinakita ni Nehemias.
‘Tiyak na Papatayin Namin Kayo’
9. Anong pagsalansang ang biglang ibinangon ng mga kaaway ni Nehemias, at paano tumugon si Nehemias?
9 Nang mabalitaan ng mga mananalansang ng tunay na pagsamba noong panahon ni Nehemias na “ang pagkukumpuni ng mga pader ng Jerusalem ay sumulong na,” kinuha nila ang kanilang tabak upang “makipaglaban sa Jerusalem.” Mukhang wala nang pag-asa ang mga Judio. Nasa hilaga ang mga Samaritano, nasa silangan naman ang mga Amonita, nasa timog ang mga Arabe, at nasa kanluran naman ang mga Asdodita. Napaliligiran ang Jerusalem; waring nasukol na ang mga tagapagtayo! Ano ang ginawa nila? “Kami ay nanalangin sa aming Diyos,” ang sabi ni Nehemias. Nagbanta ang mga kaaway: “Tiyak na papatayin natin sila at patitigilin ang gawain.” Bilang tugon, inatasan ni Nehemias ang mga tagapagtayo na ipagtanggol ang lunsod “taglay ang kanilang mga tabak, ang kanilang mga sibat at ang kanilang mga busog.” Oo, sa tingin ng tao, parang wala ngang kalaban-laban sa malakas na puwersa ng kaaway ang maliit na grupong ito ng mga Judio, pero sinabi ni Nehemias sa kanila: “Huwag kayong matakot . . . si Jehova na Isa na dakila at kakila-kilabot ang ingatan ninyo sa inyong isipan.”—Nehemias 4:7-9, 11, 13, 14.
10. (a) Bakit biglang hindi na lumusob ang mga kaaway ni Nehemias? (b) Anong mga hakbang ang ginawa ni Nehemias?
10 Biglang nagbago ang hihip ng hangin, wika nga. Hindi na lumusob ang mga kaaway. Bakit? Dahil “binigo ng tunay na Diyos ang kanilang payo,” ang pag-uulat ni Nehemias. Pero alam ni Nehemias na nananatili pa ring banta ang mga kaaway. Kaya may-katalinuhan niyang binago ang paraan ng mga tagapagtayo. Mula noon, “ang bawat isa ay may isang kamay na abala sa gawain habang ang kabilang kamay ay may hawak na suligi.” Nag-atas din si Nehemias ng isang lalaking “tagahihip ng tambuli” para babalaan ang mga tagapagtayo kapag may sumalakay na kaaway. Higit sa lahat, tiniyak ni Nehemias sa kaniyang bayan: “Ang ating Diyos ang makikipaglaban para sa atin.” (Nehemias 4:15-20) Dahil napatibay at handa namang humarap sa pagsalakay, nagpatuloy ang mga tagapagtayo sa kanilang paggawa. Anong aral ang makukuha natin sa ulat na ito?
11. Bakit nananatiling matatag ang mga tunay na Kristiyano laban sa masama sa mga lupaing bawal ang pangangaral ng Kaharian, at paano nila nadaraig ang masama sa pamamagitan ng mabuti?
11 Kung minsan, napapaharap ang mga tunay na Kristiyano sa mararahas na pagsalansang. Sa katunayan, sa ilang lupain, ang mahihigpit na mananalansang ay bumubuo ng malalakas na puwersa. Sa tingin ng tao, parang walang kalaban-laban ang ating mga kapananampalataya sa mga lupaing iyon. Subalit nagtitiwala ang mga Saksing iyon na ‘ang Diyos ang makikipaglaban para sa kanila.’ Oo, ang mga inuusig dahil sa kanilang pananampalataya ay madalas na nakararanas na sinasagot ni Jehova ang kanilang mga panalangin at ‘binibigo ang payo’ ng malalakas na kaaway. Kahit sa mga bansang bawal ang pangangaral, nakagagawa pa rin ng paraan ang mga Kristiyano na patuloy na maipangaral ang mabuting balita. Kung paanong binago ng mga tagapagtayo sa Jerusalem ang kanilang paraan ng paggawa, may-katalinuhang binabago rin ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang paraan ng pangangaral kapag may panganib. Mangyari pa, hindi sila gumagamit ng literal na mga sandata. (2 Corinto 10:4) Kahit harangan man sila ng sibat, wika nga, hindi sila titigil sa pangangaral. (1 Pedro 4:16) Sa halip, ang matatapang na kapatid na iyon ay ‘patuloy sa pagdaig sa masama sa pamamagitan ng mabuti.’
“Pumarito Ka, at Magtagpo Tayo”
12, 13. (a) Anong estratehiya ang ginamit ng mga sumasalansang kay Nehemias? (b) Bakit tinanggihan ni Nehemias ang paanyayang makipagtagpo sa mga sumasalansang sa kaniya?
12 Matapos makita ng mga kaaway ni Nehemias na hindi nagtagumpay ang kanilang tuwirang pagsalakay, gumawa sila ng mas tusong paraan ng pagsalansang. Sa katunayan, sumubok sila ng tatlong pakana. Anu-ano ang mga ito?
13 Una, sinubok ng mga kaaway ni Nehemias na linlangin siya. Sinabi nila sa kaniya: “Pumarito ka, at magtagpo tayong sama-sama sa mga nayon ng kapatagang libis ng Ono ayon sa pagkakasunduan.” Ang Ono ay nasa pagitan ng Jerusalem at Samaria. Kaya iminungkahi ng mga kaaway na katagpuin sila ni Nehemias sa pagitan ng dalawang lunsod na ito para pag-usapan ang problema. Posibleng isipin ni Nehemias: ‘Mukhang tama naman iyon. Mas mabuti ngang mag-usap kaysa sa maglaban.’ Pero tumanggi si Nehemias. Ipinaliwanag niya kung bakit: “Sila ay nagpapakana na gawan ako ng pinsala.” Nahalata niya ang kanilang pakana at hindi siya nagpalinlang. Apat na ulit niyang sinabi sa mga mananalansang: “Hindi ako makabababa. Bakit kailangang matigil ang gawain habang iniiwan ko iyon upang bumaba sa inyo?” Nabigo ang pagtatangka ng mga kaaway na makipagkompromiso si Nehemias. Pinagtuunan niya ng pansin ang gawaing pagtatayo.—Nehemias 6:1-4.
14. Paano tumugon si Nehemias sa mga bulaang tagapag-akusa?
14 Ikalawa, sinubok ng mga kaaway ni Nehemias na magkalat ng tsismis, na si Nehemias daw ay “nagpapakanang maghimagsik” kay Haring Artajerjes. Minsan pang sinabihan si Nehemias: “Magsanggunian tayong magkasama.” Muling tumanggi si Nehemias, sapagkat nahahalata niya ang intensiyon ng mga kaaway. Ipinaliwanag ni Nehemias: “Tinatangka nilang lahat na takutin kami, na sinasabi: ‘Ang kanilang mga kamay ay lalaylay mula sa gawain anupat hindi iyon magagawa.’” Pero sa pagkakataong ito, sinagot ni Nehemias ang akusasyon ng kaniyang mga kaaway, na sinasabi: “Ang mga bagay na gaya ng sinasabi mo ay hindi nangyari, kundi kinakatha mo ang mga iyon mula sa iyong sariling puso.” Bukod dito, humingi ng tulong si Nehemias kay Jehova, na nananalangin: “Palakasin mo ang aking mga kamay.” Nagtitiwala siya na sa tulong ni Jehova, mabibigo niya ang masamang pakanang ito at maipagpapatuloy ang pagtatayo.—Nehemias 6:5-9.
15. Ano ang ipinayo ng isang bulaang propeta, at bakit hindi sinunod ni Nehemias ang payong iyon?
15 Ikatlo, ginamit ng mga kaaway ni Nehemias ang isang traidor, ang Israelitang si Semaias, upang udyukan si Nehemias na labagin ang Kautusan ng Diyos. Sinabi ni Semaias kay Nehemias: “Magtagpo tayo ayon sa pagkakasunduan sa bahay ng tunay na Diyos, sa loob ng templo, at isara natin ang mga pinto ng templo; sapagkat papasok sila upang patayin ka.” Sinabi ni Semaias na papatayin si Nehemias pero maililigtas ni Nehemias ang kaniyang buhay kung magtatago siya sa templo. Ngunit si Nehemias ay hindi saserdote. Magkakasala siya kung magtatago siya sa bahay ng Diyos. Lalabagin ba niya ang Kautusan ng Diyos para lamang iligtas ang kaniyang buhay? Tumugon si Nehemias: “Sinong gaya ko ang makapapasok sa templo at mabubuhay? Hindi ako papasok!” Bakit hindi nahulog si Nehemias sa bitag na iniumang sa kaniya? Sapagkat nalaman niyang bagaman kapuwa niya Israelita si Semaias, “hindi ang Diyos ang nagsugo sa kaniya.” Kung tutuusin, ang isang tunay na propeta ay hinding-hindi magpapayo sa kaniya na labagin ang Kautusan ng Diyos. Muli, hindi nagpadaig si Nehemias sa masasamang mananalansang. Di-nagtagal pagkatapos nito, iniulat niya: “Sa kalaunan ay natapos ang pader nang ikadalawampu’t limang araw ng Elul, sa loob ng limampu’t dalawang araw.”—Nehemias 6:10-15; Bilang 1:51; 18:7.
16. (a) Paano natin pakikitunguhan ang mga nagkukunwaring kaibigan, bulaang tagapag-akusa, at mga nagpapanggap na kapatid? (b) Paano mo maipakikitang hindi mo ikinokompromiso ang iyong paniniwala kapag nasa tahanan, paaralan, o pinagtatrabahuhan?
16 Gaya ni Nehemias, posible ring mapaharap tayo sa pagsalansang ng mga nagkukunwaring kaibigan, bulaang tagapag-akusa, at mga nagpapanggap na kapatid. Baka anyayahan tayo ng ilang indibiduwal na makipagtagpo sa kanila sa gitna, o makipagkompromiso. Baka kumbinsihin nila tayo na kung babawasan natin nang kaunti ang sigasig sa paglilingkod kay Jehova, maisasabay natin ang pagtataguyod ng makasanlibutang tunguhin. Pero dahil inuuna natin sa ating buhay ang Kaharian ng Diyos, ayaw nating makipagkompromiso. (Mateo 6:33; Lucas 9:57-62) Nagkakalat din ng mga maling akusasyon laban sa atin ang mga mananalansang. Sa ilang lupain, inaakusahan tayong isang panganib sa Estado, kung paanong inakusahan si Nehemias ng paghihimagsik sa hari. Ang ilang akusasyon ay matagumpay na napatunayang hindi totoo sa harap ng mga hukuman. Ngunit anuman ang maging resulta sa bawat situwasyong ito, makapagtitiwala tayong papatnubayan ni Jehova ang mga bagay-bagay ayon sa kaniyang kalooban. (Filipos 1:7) Posible ring manggaling ang pagsalansang sa mga nagpapanggap na naglilingkod kay Jehova. Kung paanong hinimok ng isang kapuwa Judio si Nehemias na labagin ang Kautusan ng Diyos para iligtas ang buhay nito, posible ring himukin tayo ng mga dating Saksing nag-apostata na makipagkompromiso sa paanuman. Pero tinatanggihan natin ang mga apostata dahil alam nating maliligtas ang ating buhay, hindi sa pamamagitan ng paglabag sa mga kautusan ng Diyos, kundi sa pagsunod sa mga ito! (1 Juan 4:1) Oo, sa tulong ni Jehova, madaraig natin ang anumang kasamaan.
Paghahayag ng Mabuting Balita sa Kabila ng Pagsalansang ng Masama
17, 18. (a) Ano ang pinagsisikapang gawin ni Satanas at ng kaniyang mga kampon? (b) Ano ang determinado mong gawin, at bakit?
17 Sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa mga pinahirang kapatid ni Kristo: “Kanilang dinaig [si Satanas] dahil sa salita ng kanilang pagpapatotoo.” (Apocalipsis 12:11) Kaya tuwirang magkaugnay ang pagdaig kay Satanas—ang pasimuno ng kasamaan—at ang pangangaral ng mensahe ng Kaharian. Hindi nga kataka-takang walang tigil si Satanas sa pagsalakay sa mga pinahirang nalabi at sa “malaking pulutong” sa pamamagitan ng pag-uudyok sa mga mananalansang!—Apocalipsis 7:9; 12:17.
18 Gaya ng nakita natin, ang pagsalansang ay maaaring dumating sa anyong pangungutya o pagbabanta ng karahasan o sa mas tusong paraan. Anuman ito, iisa lamang ang gustong mangyari ni Satanas—patigilin ang pangangaral. Pero tiyak na mabibigo siya dahil bilang pagtulad kay Nehemias noon, determinado ang bayan ng Diyos na ‘patuloy na daigin ang masama sa pamamagitan ng mabuti.’ Gagawin nila ito sa pamamagitan ng patuloy na pangangaral ng mabuting balita hanggang sa sabihin ni Jehova na tapos na ang gawain!—Marcos 13:10; Roma 8:31; Filipos 1:27, 28.
[Talababa]
a Para sa detalye hinggil sa mga pangyayaring iyon, basahin ang Nehemias 1:1-4; 2:1-6, 9-20; 4:1-23; 6:1-15.
Naaalaala Mo Ba?
• Anong pagsalansang ang napaharap sa mga lingkod ng Diyos noon at sa mga Kristiyano ngayon?
• Ano ang gustong mangyari ng mga kaaway ni Nehemias noon, at ng mga kaaway ng Diyos ngayon?
• Paano natin patuloy na dinaraig ang masama sa pamamagitan ng mabuti?
[Kahon/Larawan sa pahina 29]
Mga Aral na Nasa Aklat ng Nehemias
Ang mga lingkod ng Diyos ay napapaharap sa
• pangungutya
• pagbabanta
• panlilinlang
Gumagamit ng panlilinlang ang mga
• nagkukunwaring kaibigan
• bulaang tagapag-akusa
• nagpapanggap na kapatid
Dinaraig ng mga lingkod ng Diyos ang masama sa pamamagitan ng
• pananatili sa kanilang bigay-Diyos na atas
[Larawan sa pahina 27]
Muling itinayo ni Nehemias at ng kaniyang mga kamanggagawa ang pader ng Jerusalem sa kabila ng mahigpit na pagsalansang
[Larawan sa pahina 31]
Walang-takot na ipinangangaral ng mga tunay na Kristiyano ang mabuting balita