Ang Diyos at si Cesar
“Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar,ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”—LUCAS 20:25.
1. (a) Ano ang mataas na posisyon ni Jehova? (b) Ano ang obligasyon natin kay Jehova na hindi natin kailanman maibibigay kay Cesar?
NANG ibigay ni Jesu-Kristo ang tagubiling iyan, walang pag-aalinlangan sa kaniyang isipan na ang kahilingan ng Diyos sa Kaniyang mga lingkod ay dapat na mauna sa anumang hingin sa kanila ni Cesar, o ng Estado. Higit na alam ni Jesus kaysa kaninuman ang katotohanan ng panalangin ng salmista kay Jehova: “Ang iyong paghahari ay paghaharing hanggang sa mga panahong walang-takda, at ang iyong pamumuno [soberanya]a ay sa lahat ng sunud-sunod na mga salinlahi.” (Awit 145:13) Nang ialok ng Diyablo kay Jesus ang awtoridad sa lahat ng kaharian sa tinatahanang lupa, sumagot si Jesus: “Nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.’ ” (Lucas 4:5-8) Ang pagsamba ay hindi maaaring iukol kailanman kay “Cesar,” maging si Cesar man ay ang Romanong emperador, iba pang tagapamahalang tao, o ang Estado mismo.
2. (a) Ano ang posisyon ni Satanas sa sanlibutang ito? (b) Sino ang nagpapahintulot kay Satanas sa hawak niyang posisyon?
2 Hindi itinanggi ni Jesus na ang mga kaharian sa sanlibutan ay kay Satanas. Nang dakong huli, tinawag niya si Satanas na “ang tagapamahala ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31; 16:11) Sa pagtatapos ng unang siglo C.E., sumulat si apostol Juan: “Alam natin na tayo ay nagmumula sa Diyos, ngunit ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Hindi ito nangangahulugan na ipinaubaya na ni Jehova ang kaniyang soberanya sa lupa. Tandaan na si Satanas, nang iniaalok kay Jesus ang pamamahala sa mga pulitikal na kaharian, ay nagsabi: “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng awtoridad na ito . . . sapagkat ibinigay na sa akin.” (Lucas 4:6) May awtoridad si Satanas sa lahat ng kaharian sa sanlibutan dahil lamang sa pahintulot ng Diyos.
3. (a) Anong posisyon ang taglay ng mga pamahalaan ng mga bansa sa harap ni Jehova? (b) Papaano natin masasabi na ang pagpapasakop sa mga pamahalaan sa sanlibutang ito ay hindi nangangahulugan ng pagpapasakop ng ating sarili kay Satanas, ang diyos ng sanlibutang ito?
3 Gayundin naman, may awtoridad ang Estado dahil lamang sa ipinahihintulot ito ng Diyos na siyang Soberanong Tagapamahala. (Juan 19:11) Sa gayon, ang “umiiral na mga awtoridad” ay masasabing “inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon.” Kung ihahambing sa kataas-taasang soberanong awtoridad ni Jehova, di-palak na mas mababa ang kanilang awtoridad. Gayunman, sila’y ‘mga ministro ng Diyos,’ anupat “mga pangmadlang lingkod ng Diyos,” sa bagay na naglalaan sila ng kinakailangang mga serbisyo, nagpapanatili ng batas at kaayusan, at nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama. (Roma 13:1, 4, 6) Kaya kailangang maunawaan ng mga Kristiyano na bagaman si Satanas ang di-nakikitang tagapamahala ng sanlibutan, o sistemang ito, hindi sila nagpapasakop ng kanilang sarili sa kaniya kapag kinikilala nila ang kanilang relatibong pagpapasakop sa Estado. Sila ay sumusunod sa Diyos. Sa taóng ito, 1996, ang pulitikal na Estado ay bahagi pa rin ng “kaayusan ng Diyos,” isang pansamantalang kaayusan na pinahihintulutan ng Diyos na umiral, at ito ay dapat na kilalaning gayon ng mga lingkod ni Jehova sa lupa.—Roma 13:2.
Ang mga Lingkod ni Jehova Noon at ang Estado
4. Bakit pinahintulutan ni Jehova si Jose na maging prominente sa pamahalaan ng Ehipto?
4 Bago ang panahong Kristiyano, pinahintulutan ni Jehova ang ilan sa kaniyang mga lingkod na humawak ng mga prominenteng posisyon sa mga pamahalaan ng Estado. Halimbawa, noong ika-18 siglo B.C.E., si Jose ay naging punong ministro ng Ehipto, pangalawa lamang sa naghaharing Faraon. (Genesis 41:39-43) Ang sunud-sunod na pangyayari ay nagpakita na ito ay minaneobra ni Jehova upang si Jose ay magsilbing kasangkapan sa pagliligtas sa ‘binhi ni Abraham,’ ang kaniyang mga inapo, upang matupad ang Kaniyang mga layunin. Mangyari pa, dapat tandaan na si Jose ay ipinagbili upang maging alipin sa Ehipto, at nabuhay siya sa panahon nang ang mga lingkod ng Diyos ay wala niyaong Kautusang Mosaiko ni ng “batas ng Kristo.”—Genesis 15:5-7; 50:19-21; Galacia 6:2.
5. Bakit inutusan ang mga ipinatapong Judio na “hanapin ang kapayapaan” ng Babilonya?
5 Pagkaraan ng mga siglo ay kinasihan ni Jehova ang tapat na propetang si Jeremias upang sabihin sa mga ipinatapong Judio na sila’y magpasakop sa mga tagapamahala habang sila’y nasa pagkatapon sa Babilonya at manalangin pa nga ukol sa kapayapaan ng lunsod na iyan. Sa kaniyang liham sa kanila, sumulat siya: “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, sa lahat ng ipinatapon, . . . ‘Hanapin ninyo ang kapayapaan ng lunsod na pinagtapunan ko sa inyo, at manalangin kayo kay Jehova alang-alang dito, sapagkat sa kapayapaan nito ay mapatutunayang may kapayapaan para sa inyo mismo.’ ” (Jeremias 29:4, 7) Laging may dahilan ang bayan ni Jehova na “hanapin ang kapayapaan” para sa kanilang sarili at sa bansa na kung saan sila nakatira, upang magkaroon ng kalayaang sumamba kay Jehova.—1 Pedro 3:11.
6. Bagaman pinagkalooban ng matataas na posisyon sa pamahalaan, sa anu-anong paraan na si Daniel at ang kaniyang tatlong kasamahan ay tumangging makipagkompromiso hinggil sa batas ni Jehova?
6 Sa panahon ng pagkatapon sa Babilonya, si Daniel at ang tatlong iba pang tapat na Judio na bihag bilang mga alipin sa Babilonya ay sumailalim sa pagsasanay ng Estado at naging mga lingkod-bayan na may matataas na posisyon sa Babilonya. (Daniel 1:3-7; 2:48, 49) Gayunman, kahit na noong sinasanay sila, matatag na ang kanilang paninindigan sa mga bagay na may kinalaman sa pagkain na maaaring umakay sa kanilang paglabag sa Kautusan na ibinigay ng kanilang Diyos, si Jehova, sa pamamagitan ni Moises. Dahil dito ay pinagpala sila. (Daniel 1:8-17) Nang magtayo si Haring Nabucodonosor ng isang imaheng pang-Estado, maliwanag na ang tatlong Hebreong kasamahan ni Daniel ay napilitang dumalo sa seremonya kasama ng kanilang kapuwa mga administrador sa Estado. Gayunpaman, sila’y tumangging “sumubsob at sumamba” sa idolo ng Estado. Muli, ginantimpalaan ni Jehova ang kanilang katapatan. (Daniel 3:1-6, 13-28) Gayundin sa ngayon, iginagalang ng mga Saksi ni Jehova ang watawat ng bansa na kanilang tinitirahan, ngunit hindi sila gagawa ng anumang anyo ng pagsamba ukol doon.—Exodo 20:4, 5; 1 Juan 5:21.
7. (a) Anong mahusay na paninindigan ang tinaglay ni Daniel, sa kabila ng pagkakaroon ng mataas na posisyon sa kaayusan ng pamahalaan ng Babilonya? (b) Anong mga pagbabago ang naganap noong mga panahong Kristiyano?
7 Pagkatapos na bumagsak ang Neo-Babilonikong dinastiya, si Daniel ay pinagkalooban ng isang mataas na posisyon sa pamahalaan sa ilalim ng bagong rehimen ng Medo-Persia na humalili roon sa Babilonya. (Daniel 5:30, 31; 6:1-3) Subalit hindi niya hinayaan na akayin siya ng mataas na posisyong ito na ipakipagkompromiso ang kaniyang integridad. Nang hilingin ng isang batas ng Estado na sumamba siya kay Haring Dario sa halip na kay Jehova, tumanggi siya. Dahil dito ay inihagis siya sa mga leon, subalit iniligtas siya ni Jehova. (Daniel 6:4-24) Sabihin pa, ito ay bago ang panahong Kristiyano. Nang maitatag ang Kristiyanong kongregasyon, ang mga lingkod ng Diyos ay napasa “ilalim ng batas kay Kristo.” Iba na ang magiging pangmalas sa maraming bagay na pinahintulutan sa ilalim ng Judiong sistema, anupat nakasalig na sa paraan ng pakikitungo ngayon ni Jehova sa kaniyang bayan.—1 Corinto 9:21; Mateo 5:31, 32; 19:3-9.
Ang Saloobin ni Jesus sa Estado
8. Anong pangyayari ang nagpapakita na si Jesus ay determinadong umiwas na masangkot sa pulitika?
8 Nang si Jesus ay nasa lupa, nagtakda siya ng mas matataas na pamantayan para sa kaniyang mga tagasunod, at tumanggi siyang masangkot sa anumang pulitikal o pangmilitar na mga bagay. Pagkatapos na makahimalang pakanin ni Jesus ang ilang libong tao sa pamamagitan ng ilang tinapay at dalawang maliit na isda, ibig siyang sunggaban ng mga lalaking Judio at gawin siyang isang pulitikal na hari. Ngunit iniwasan sila ni Jesus na agad umalis patungo sa bundok. (Juan 6:5-15) Hinggil sa pangyayaring ito, ganito ang sabi ng The New International Commentary on the New Testament: “Maalab ang damdamin ng pagiging nasyonalistiko ng mga Judio nang panahong iyon, at tiyak na marami sa mga nakakita sa himala ang nakadama na narito na ang isang lider na sinang-ayunan ng Diyos, na siyang nararapat na manguna sa kanila laban sa mga Romano. Kaya nagpasiya sila na gawin siyang hari.” Idinagdag pa nito na “mahigpit na tinanggihan” ni Jesus ang alok na ito ng pulitikal na pamumuno. Hindi sumuporta si Kristo sa anumang Judiong pag-aalsa laban sa pamamahala ng Roma. Sa katunayan, inihula niya kung ano ang magiging resulta ng paghihimagsik na magaganap pagkamatay niya—matitinding kaabahan para sa mga nananahanan sa Jerusalem at pagkawasak ng lunsod na iyan.—Lucas 21:20-24.
9. (a) Papaano inilarawan ni Jesus ang kaugnayan ng kaniyang Kaharian sa sanlibutan? (b) Anong tuntunin ang inilaan ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod hinggil sa kanilang pakikitungo sa mga pamahalaan ng sanlibutan?
9 Sandaling panahon bago siya mamatay, sinabi ni Jesus sa pantanging kinatawan ng Romanong emperador sa Judea: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang aking kaharian ay bahagi ng sanlibutang ito, ang aking mga tagapaglingkod ay lumaban sana upang ako ay hindi madala sa mga Judio. Ngunit, ang totoo, ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.” (Juan 18:36) Hangga’t hindi winawakasan ng kaniyang Kaharian ang pamamahala ng pulitikal na mga pamahalaan, sinusunod ng mga alagad ni Jesus ang kaniyang halimbawa. Sumusunod sila sa itinatag na mga awtoridad subalit hindi nakikialam sa pulitikal na mga gawain ng mga ito. (Daniel 2:44; Mateo 4:8-10) Naglaan si Jesus ng tuntunin para sa kaniyang mga alagad, anupat sinabi: “Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mateo 22:21) Nauna rito, sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Kung may isa sa ilalim ng awtoridad na pumipilit sa iyo na maglingkod ng isang milya, sumama ka sa kaniya ng dalawang milya.” (Mateo 5:41) Sa konteksto ng sermong ito, inilalarawan ni Jesus ang simulain ng kusang pagpapasakop sa lehitimong mga kahilingan, maging sa mga ugnayan ng mga tao o sa mga kahilingan ng pamahalaan na kasuwato ng batas ng Diyos.—Lucas 6:27-31; Juan 17:14, 15.
Ang mga Kristiyano at si Cesar
10. Ayon sa isang istoryador, anong maingat na posisyon ang tinaglay ng mga unang Kristiyano hinggil kay Cesar?
10 Ang maiikling tuntuning ito ay dapat na umugit sa ugnayan sa pagitan ng mga Kristiyano at ng Estado. Sa kaniyang aklat na The Rise of Christianity, sumulat ang istoryador na si E. W. Barnes: “Sa loob ng sumunod na mga siglo, kailanma’t may alinlangan ang isang Kristiyano hinggil sa kaniyang tungkulin sa Estado, bumabaling siya sa may awtoridad na turo ni Kristo. Nagbabayad siya ng buwis: maaaring mabigat ang ipinapataw na halaga—ang mga ito ay naging gayon na lamang kabigat bago bumagsak ang Kanluraning Imperyo—ngunit kakayanin ng Kristiyano ang mga ito. Tatanggapin din naman niya ang lahat ng iba pang obligasyon sa Estado, hangga’t hindi siya hinihilingan na mag-ukol kay Cesar ng mga bagay na nauukol sa Diyos.”
11. Papaano pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano sa kanilang pakikitungo sa makasanlibutang mga tagapamahala?
11 Kasuwato nito kung kaya, mahigit 20 taon pagkamatay ni Kristo, sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Roma: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.” (Roma 13:1) Mga sampung taon pagkaraan, sandaling panahon bago ng kaniyang ikalawang pagkabilanggo at pagbitay sa kaniya sa Roma, sumulat si Pablo kay Tito: “Patuloy na paalalahanan mo sila [ang mga Kristiyano sa Creta] na magpasakop at maging masunurin sa mga pamahalaan at sa mga awtoridad bilang mga tagapamahala, na maging handa para sa bawat mabuting gawa, na huwag magsalita nang nakapipinsala tungkol sa kaninuman, huwag maging palaaway, maging makatuwiran, nagpapakita ng buong kahinahunan sa lahat ng tao.”—Tito 3:1, 2.
Pasulong na Pagkaunawa sa “Nakatataas na mga Awtoridad”
12. (a) Ano ang pangmalas ni Charles Taze Russell bilang wastong posisyon ng isang Kristiyano may kinalaman sa mga awtoridad ng pamahalaan? (b) Hinggil sa serbisyo sa hukbong sandatahan, anong iba’t ibang posisyon ang taglay ng mga pinahirang Kristiyano noong Digmaang Pandaigdig I?
12 Sing-aga ng 1886, ganito ang isinulat ni Charles Taze Russell sa aklat na The Plan of the Ages: “Maging si Jesus ni ang mga Apostol man ay hindi nakialam sa mga makalupang tagapamahala sa anumang paraan. . . . Tinuruan nila ang Iglesya na sumunod sa mga batas, at igalang yaong mga nasa awtoridad dahil sa kanilang katungkulan, . . . na magbayad ng kanilang itinakdang mga buwis, at maliban na kung ang mga ito ay salungat sa mga batas ng Diyos (Gawa 4:19; 5:29) ay huwag sumalungat sa anumang itinakdang batas. (Roma 13:1-7; Mat. 22:21) Si Jesus at ang mga Apostol at ang sinaunang iglesya ay pawang masunurin sa batas, bagaman sila ay hiwalay, at hindi nakibahagi sa mga pamahalaan ng sanlibutang ito.” May kawastuang ipinakilala ng aklat na ito “ang mas mataas na mga kapangyarihan,” o “nakatataas na mga awtoridad,” na binanggit ni apostol Pablo, bilang ang mga awtoridad ng pamahalaan ng tao. (Roma 13:1, King James Version) Sinabi ng aklat na The New Creation noong 1904 na ang tunay na mga Kristiyano ay “dapat na kabilang sa mga pinakamasunurin sa batas sa ngayon—hindi mga manunulsol, hindi palaaway, hindi mapamintas.” Sa pagkaunawa ng ilan ay nangangahulugan ito ng lubusang pagpapasakop sa mga kapangyarihang iyon, maging hanggang sa pagseserbisyo sa hukbong sandatahan noong Digmaang Pandaigdig I. Gayunman, minalas ng iba na ito ay salungat sa sinabi ni Jesus: “Ang lahat niyaong mga kumukuha ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mateo 26:52) Lumilitaw na kailangan ang isang mas maliwanag na pagkaunawa sa Kristiyanong pagpapasakop sa nakatataas na mga awtoridad.
13. Anong pagbabago sa pagkaunawa ng pagkakakilanlan ng mas mataas na mga kapangyarihan ang iniharap noong 1929, at papaano ito napatunayang kapaki-pakinabang?
13 Noong 1929, nang ang mga batas ng iba’t ibang pamahalaan ay magsimulang magbawal ng mga bagay na iniuutos ng Diyos o humiling ng mga bagay na salungat sa mga batas ng Diyos, inakala na ang mas mataas na mga kapangyarihan ay tiyak na ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo.b Ito ang pagkaunawa ng mga lingkod ni Jehova noong mapanganib na yugto bago at sa panahon ng Digmaang Pandaigdig II at patuloy hanggang sa Cold War, lakip ang págtatakután na nagaganap noon at ang pagiging handa sa militar. Sa paggunita, masasabi na ang pangmalas na ito sa mga bagay-bagay, anupat dumadakila sa kahigitan ni Jehova at ng kaniyang Kristo, ay tumulong sa bayan ng Diyos upang mapanatili ang matatag na paninindigang neutral sa loob ng mahirap na yugtong ito.
Relatibong Pagpapasakop
14. Papaano sumikat ang mas matinding liwanag sa Roma 13:1, 2 at sa kaugnay na mga kasulatan noong 1962?
14 Nakumpleto ang New World Translation of the Holy Scriptures noong 1961. Ang paghahanda nito ay nangailangan ng lubusang pag-aaral sa wika na ginamit sa Kasulatan. Ang eksaktong salin ng mga salitang ginamit hindi lamang sa Roma kabanata 13 kundi gayundin sa mga tekstong gaya ng Tito 3:1, 2 at 1 Pedro 2:13, 17 ay nagpaging malinaw na ang terminong “nakatataas na mga awtoridad” ay tumutukoy, hindi sa Kataas-taasang Awtoridad na si Jehova at sa kaniyang Anak na si Jesus, kundi sa mga awtoridad ng pamahalaan ng tao. Noong bandang katapusan ng 1962, naglathala ng mga artikulo sa Ang Bantayan na nagbibigay ng tumpak na paliwanag sa Roma kabanata 13 at naglaan din ng mas malinaw na pangmalas kaysa sa pangmalas noong panahon ni C. T. Russell. Binanggit ng mga artikulong ito na ang pagpapasakop ng Kristiyano sa mga awtoridad ay hindi maaaring lubusan. Ito ay dapat na relatibo, anupat hindi ito dapat humantong sa pagsalungat ng mga lingkod ng Diyos sa mga batas ng Diyos. Karagdagan pang mga artikulo sa Ang Bantayan ang nagbigay-diin sa mahalagang puntong ito.c
15, 16. (a) Anong mas timbang na pangmalas ang ibinunga ng bagong pagkaunawa sa Roma kabanata 13? (b) Ano pang mga tanong ang sasagutin?
15 Ang susing ito sa wastong pagkaunawa sa Roma kabanata 13 ay nagpangyari sa bayan ni Jehova na mapagtimbang ang paggalang na nauukol sa pulitikal na mga awtoridad at ang matatag na paninindigan sa mahahalagang simulain sa Kasulatan. (Awit 97:11; Jeremias 3:15) Ito’y nagpahintulot sa kanila na magkaroon ng wastong pangmalas sa kanilang kaugnayan sa Diyos at sa kanilang pakikitungo sa Estado. Tiniyak nito na samantalang ibinabayad nila kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, hindi nila kinaliligtaang ibayad sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.
16 Subalit ano nga ba ang mga bagay na kay Cesar? Anong lehitimong mga kahilingan ang magagawa ng Estado sa isang Kristiyano? Ang mga tanong na ito ay isasaalang-alang sa kasunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Tingnan ang Awit 103:22, talababa (sa Ingles).
b The Watchtower, Hunyo 1 at 15, 1929.
c Tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 1 at 15, Disyembre 1, 1962 (sa Ingles); Nobyembre 1, 1990; Pebrero 1, 1993; Hulyo 1, 1994.
Kapansin-pansin, sa kaniyang komentaryo sa Roma kabanata 13, sumulat si Propesor F. F. Bruce: “Maliwanag buhat sa mismong konteksto, gaya ng sa pangkalahatang konteksto ng mga isinulat ng mga apostol, na ang estado ay may karapatang mag-utos ng pagsunod tangi lamang kung ito’y nakapaloob sa hangganan ng layunin ng pagkatatag dito ng Diyos—higit sa lahat, ang estado ay hindi lamang maaaring tanggihan kundi talagang dapat tanggihan kapag hinihingi nito ang katapatan na nauukol lamang sa Diyos.”
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Bakit ang pagpapasakop sa nakatataas na mga kapangyarihan ay hindi nangangahulugan ng pagpapasakop kay Satanas?
◻ Ano ang saloobin ni Jesus sa pulitika noong kaniyang kaarawan?
◻ Anong payo ang inilaan ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod may kinalaman sa kanilang pakikitungo kay Cesar?
◻ Papaano pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano hinggil sa pakikitungo sa mga tagapamahala ng mga bansa?
◻ Papaano sumulong ang pagkaunawa sa pagkakakilanlan ng nakatataas na mga awtoridad sa paglipas ng mga taon?
[Larawan sa pahina 10]
Nang alukin siya ni Satanas ng pulitikal na kapangyarihan, tinanggihan ito ni Jesus
[Larawan sa pahina 13]
Sumulat si Russell na ang tunay na mga Kristiyano ay “dapat na kabilang sa mga pinakamasunurin sa batas sa ngayon”