Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Paano makikita ng isang Kristiyano ang pagkakaiba ng pagsuhol (na minamasama ng Bibliya) at ng pagbibigay ng “tip” o “regalo” para sa serbisyong nagawa sa isa?
Kailangang maunawaan natin kung anong mga kaugalian ang nagkakaiba-iba sa lugar at lugar. Ang mga paraan na tinatanggap sa mga ilang lupain ay maaaring hindi tinatanggap o di-wasto sa mga ibang lugar. Halimbawa, ang mga tao sa isang bansa ay baka yumuyuko sa harap ng isang opisyal, subalit sa ibang bansa naman ay itinuturing iyon na idolatriya.a Gayundin, ang ugaling pagbibigay ng “tip” sa isang bansa ay baka nakagigitla o ilegal sa isa naman. Samantalang isinasaisip ang ganiyang mga pagkakaiba, lahat ng Kristiyano ay dapat magkapit ng payo ng Diyos laban sa pagsuhol.
Ano ba ang suhol, at ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito? Ang paliwanag ng The World Book Encyclopedia ay ganito: “Ang ibig sabihin ng pagsuhol ay pagbibigay o pag-aalok ng isang bagay na mahalaga sa isang tao na nasa puwesto, na isang paglabag sa kaniyang tungkulin o sa batas upang makinabang ang nagbigay ng suhol.” Samakatuwid ay pagsuhol ang magbigay ng salapi (o isang regalo) sa isang hukom upang maimpluwensiyahan ang kaniyang disisyon at ilihis ang hustisya. Isa ring pagsuhol ang mag-alok ng salapi upang malabag ang batas, tulad halimbawa ng pagsuhol sa isang inspektor ng gusali o kotse para palusutin niya ang isang paglabag sa batas.
Minamasama ng Diyos ang pagsuhol, at ang sabi niya sa mga hukom na Israelita: “Huwag kang magliliko ng paghatol. Huwag kang magtatangi ng mga pagkatao o tatanggap ng suhol, sapagkat ang suhol ay bumubulag ng mga mata ng marurunong at nagliliko ng mga salita ng matuwid.” (Deuteronomio 16:19; ihambing ang Kawikaan 17:23; Isaias 1:23; 5:23; 1 Samuel 8:3-5.) Si Jehova mismo ang naglagay ng pamantayan, sapagkat sa kaniya ay “walang kalikuan ni pagtatangi ni pagkuha ng suhol.” (2 Cronica 19:7; Deuteronomio 10:17) Ang mga Kristiyanong naghahangad ng pagsang-ayon ng Diyos ay lumalayo sa pagsuhol.—Ihambing ang Gawa 24:26.
Samantalang ang mga tao sa buong daigdig ay nagtatakwil at may mga batas laban sa pagsuhol, maraming tao ang nakaharap sa problema na mababanaag sa tanong sa itaas. Batid nila na kailangan ang pagbibigay ng isang “regalo” o “tip” upang ang mabababang opisyales sa kanilang bansa ay gawin ang kanilang tungkulin o gawin iyon nang may katuwiran. Halimbawa, ang The Wall Street Journal ay nagsabi tungkol sa isang bansa na doo’y mataas ang implasyon: “Upang magkaroon ng ekstrang kita na kailangan upang ikabuhay, ang mga manggagawa sa gobyerno ay nagbibigay-daan sa kaunting katiwalian. ‘Babayaran mo sila upang bigyan ka nila ng anumang uri ng porma,’ ang sabi ng ulo ng isang state agency. Samantala, ang mga opisyales ng imigrasyon ay nanghihingi sa mga nagtatakang turista sa internasyonal airport ng $20 para tatakan ang kanilang mga pasaporte upang ang mga nagbibiyaheng ito ay segurado sa kanilang mga sasakyang eruplano.”
Kamakailan, ang U.S.News & World Report ay nagkomento tungkol sa biyurukratikong mga pagkabalam at ang resulta nitong mga pagbabayad na uso sa buong daigdig. Halimbawa, ang sabi nito: “Ang isang Indian sa mga araw na ito ay kailangang magpadulas ng salapi sa isang opisyal upang maipasok ang kaniyang anak sa paaralan, upang tanggapin siya sa ospital, at kahit upang makakuha ng reserbasyon sa isang tren.” Ang iba pang ilustrasyon nito ay ganito:
—Ang isang manggagawa ay nangangailangan ng permiso bago siya makapagtrabaho. Siya’y nagbabayad ng opisyal na butaw sa opisina ng gobyerno, subalit batid ng lahat na kung siya’y walang ibibigay na “regalo” ang kaniyang mga papeles ay hanggan doon na lamang sa kailalim-ilaliman ng salansan. Bagama’t hindi niya hinihiling na unahin siya sa iba, kung siya’y magbibigay ng normal na “tip,” ang kaniyang mga papeles ay aayusin nila kaagad.
—Sa isang lupain, batid ng mga tao na maliit ang suweldo ng mga opisyales sa trapiko at ito’y kanilang dinaragdagan ng “mga regalo para pang-inom.” Pinahihinto ng isang pulis ang isang tsuper at sinasabihan siya na lumabag siya sa isang batas, kaya kailangang magmulta ang tsuper na iyon. Pagka tumutol ang tsuper at sinabing wala naman siyang nilabag na batas, ang pulis ay nag-aabiso na pagka napaharap sa hukuman ang kasong iyon, kaniyang paparatangan ang tsuper ng paglapastangan sa isang alagad ng batas. Kaya naman, marami ang nagbabayad na lamang ng “multa,” at itinuturing nila na iyon ay isang paraan ng paghingi ng buwis. Ang iba naman ay tumatanggi, at handa silang harapin kung ano man ang kahihinatnan.
—Ang isang munisipalidad ay inaasahan na kukolekta ng basura. Subalit normal para sa isang maybahay na bigyan ang mga basurero ng “regalo.” Kung mayroong ayaw magbigay, ang kaniyang basura ay “kinaliligtaan,” at malamang na siya’y pagmultahin dahil sa pagkakalat ng basura.
Ang gayong mga problema ay nagpapatunay na marami na nasa panunungkulan ang gumagamit ng kanilang puwesto sa gobyerno para sa masakim na pakinabang. (Eclesiastes 8:9) Ang mga Kristiyano ay nasasabik na dumating na sana ang matuwid na bagong sistema ng Diyos, subalit hangga’t hindi dumarating iyon kailangang pagtiisan nila ang kasalukuyang sistema. (2 Pedro 3:13) Kilalanin nila ang lokal na mga situwasyon na kung saan ang mga pinunong-bayan ay umaasang riregaluhan sila sa pagganap ng kanilang tungkulin. Kahit na sa mga bansa na kung saan normal ang ganiyang kaugalian, marami sa mga Saksi ni Jehova na nakikitungo sa mga inspektor at mga opisyales ng customs ang tumanggi na magbigay ng mga “tip” upang makuha ang anumang binibigyan-karapatan sila ng batas na kunin. Dahilan sa sila’y kilala sa ganitong paninindigan, sila’y tumatanggap ng trato na kinakamit ng karamihan ng mga tao sa pamamagitan lamang ng pagbabayad. (Kawikaan 10:9) Datapuwat, bawat Kristiyano ay kailangang akayin ng kaniyang tinuruan-sa-Bibliyang budhi ayon sa lokal na situwasyon.
Ang pag-ibig sa kapuwa ay isang salik na dapat na isaalang-alang. (Mateo 22:39) Kawalang-pag-ibig ang gamitin ang isang “regalo” upang bigyan ka ng natatanging trato, tulad baga ng paglalagay sa iyo sa unahan ng isang pila, kahit na mayroong nauna sa iyo sa pagpila. Ipinayo ni Jesus na tratuhin natin ang iba gaya ng ibig nating itrato sa atin. (Mateo 7:12) May mga Kristiyano na nag-iisip na pagka sila’y nakapila at dumating na ang kanilang turno, sila’y maaaring sumunod sa kaugalian na pagbibigay ng “regalo” sa isang opisyal para gawin ang kaniyang tungkulin. Sa mga lupain na hindi uso ang gayong mga “regalo” o nakagigitla sa publiko, ang maibiging Kristiyano ay kikilos sa paraan na hindi nakakatisod sa iba.—1 Corinto 10:31-33.
Ang isa pang salik ay pagsunod sa batas. Ang payo ni Jesus: “Ibigay ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”b (Marcos 12:17; tingnan din ang Mateo 17:24-27.) Isang bagay kung ang isang Kristiyano na hindi lumabag sa batas ay inaasahan na magbibigay ng “tip” sa isang empleado ng gobyerno o iba pang opisyal. Subalit ano naman kung ang isang Kristiyano ay nakalabag sa batas? Sa kasong iyan, paano siya magkakaroon ng mabuting budhi sa pagbibigay ng suhol upang himukin ang isang opisyal na palampasin ang paglabag? Si apostol Pablo ay sumulat na tayo’y dapat matakot sa mga nakatataas na awtoridad ng pamahalaan, na binigyan kapangyarihan “upang magpahayag ng poot sa isang gumagawa ng masama.” (Roma 13:3, 4) Ang sariling posisyon ni Pablo ay: Kung siya’y nakagawa ng mali, tatanggapin niya ang nararapat na parusa. (Gawa 25:10, 11) Samakatuwid, ang isang Kristiyano na lumabag sa isang batas ng trapiko ay baka kailanganin na magbayad ng multa o butaw, pagka iniutos iyon ng isang opisyal o isang hukom.
Sinabi rin ni Pablo na ang mga gobyerno ay ‘mga ministro sa inyo para sa inyong ikabubuti.’ Sa kabila ng kasakiman ng ilang mga opisyales, ang mga gobyerno ay naglalaan ng serbisyo para sa pangmadlang kabutihan. Halimbawa, iniinspeksiyon ng mga opisyales ang mga awto para masiguro kung hindi panganib iyon sa lansangan, at kanilang sinusuri ang mga gusali kung ito’y nakakasunod sa mga kahilingan ng batas tungkol sa sunog. Samakatuwid, kung inaakala ng isang Kristiyano na, sa loob ng nasasaklaw ng batas, maaari siyang magbigay ng “tip” sa isang opisyal na umaasang tatanggap ng isang “service fee,” maliwanag na ito ay naiiba sa pagsuhol sa isang inspektor upang palampasin ang mga paglabag sa batas.
Sa anumang bansa sila naninirahan, ang mga Kristiyano ay dapat na magkaroon ng praktikal na karunungan sa pagharap sa lokal na mga kalagayan. Tatandaan ng mga lingkod ng Diyos na silang mga ‘magiging panauhin sa tolda ng Diyos at tatahan sa kaniyang banal na bundok’ ay hindi maaaring padala sa pagsuhol. (Awit 15:1, 5) Tungkol sa pagbibigay ng “tip” upang tanggapin ang nararapat tanggaping serbisyo o upang maiwasan ang di-mabuting trato buhat sa mga opisyales, kailangang ipasiya ng Kristiyano kung ano ang ipinahihintulot ng kaniyang budhi at balikatin ang pananagutan sa anumang magiging resulta niyaon. Tunay na siya’y lalakad sa isang landasin na nagbibigay sa kaniya ng mabuting budhi at hindi sumisira sa mabuting pangalan ng Kristiyanismo o tumitisod sa mga nagmamasid.—2 Corinto 6:3.
[Mga talababa]
a “Questions From Readers,” The Watchtower ng Hunyo 1, 1968.
b Ang mga elder o matatanda sa kongregasyong Kristiyano ang may pananagutan na humawak ng mga kaso tungkol sa paglabag sa batas ng Diyos, tulad baga ng pagnanakaw, pagpatay, at imoralidad. Subalit hindi kahilingan ng Diyos sa mga elder ng kongregasyon na ipatupad ang mga batas at kodigo ni Cesar. Sa gayon, hindi inisip ni Pablo na kailangang sapilitang isuko niya sa mga maykapangyarihang Romano si Onesimo, na isang takas kung ang batas Romano ang susundin. (Filemon 10, 15) Mangyari pa, kung mayroong sinuman na lantarang lumalabag sa sekular na batas, at napapabantog sa pagiging isang manlalabag-batas, siya’y hindi magiging isang mabuting halimbawa at maaaring matiwalag pa nga. (1 Timoteo 3:2, 7, 10) Kung dahil sa paglabag sa batas ay naging sanhi iyon ng kamatayan ng iba, baka ang resulta ay kasalanan laban sa dugo na kailangang imbistigahan ng kongregasyon.