Ang Huling Kaaway, ang Kamatayan, ay Papawiin
“Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay papawiin.”—1 COR. 15:26.
1, 2. Ano ang kalagayan nina Adan at Eva noong pasimula? Anong mga tanong ang bumabangon?
NANG lalangin sina Adan at Eva, wala silang kaaway. Sila ay mga taong sakdal na nakatira sa paraiso. May malapít na kaugnayan sila sa kanilang Maylalang bilang kaniyang mga anak. (Gen. 2:7-9; Luc. 3:38) Ipinahihiwatig ng mismong atas na ibinigay ng Diyos sa kanila kung gaano katagal sila mabubuhay. (Basahin ang Genesis 1:28.) Magagampanan nina Adan at Eva ang bahagi ng atas na ‘punuin ang lupa at supilin iyon’ sa isang partikular na haba ng panahon. Pero para patuloy na ‘mapamahalaan ang bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa,’ kailangan nilang mabuhay magpakailanman; magpapatuloy ang pangangasiwa ni Adan dahil hindi siya mamamatay.
2 Pero bakit ibang-iba ang mga kalagayan ngayon? Paano nagkaroon ng napakaraming kaaway—na ang pinakamalupit ay kamatayan—na humahadlang sa kaligayahan ng tao? Ano ang gagawin ng Diyos para pawiin ang mga kaaway na ito? Nasa Bibliya ang sagot sa mga ito at sa iba pang kaugnay na tanong. Suriin natin ang ilang mahahalagang bahagi nito.
ISANG MAIBIGING BABALA
3, 4. (a) Anong utos ang ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva? (b) Gaano kahalaga ang pagsunod sa utos na iyon?
3 Bagaman maaari silang mabuhay magpakailanman, hindi imortal sina Adan at Eva. Para patuloy silang mabuhay, kailangan nilang huminga, uminom, matulog, at kumain. Pero mas mahalaga kaysa sa mga ito ang kaugnayan nila kay Jehova, ang Tagapagbigay-Buhay. (Deut. 8:3) Kailangan nilang tanggapin ang patnubay ng Diyos para patuloy silang mabuhay. Nilinaw ito ni Jehova kay Adan bago pa niya lalangin si Eva. Paano? “Ang Diyos na Jehova ay nag-utos din sa tao ng ganito: ‘Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan. Ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.’”—Gen. 2:16, 17.
4 Ang “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama” ay sumasagisag sa karapatan ng Diyos na magtakda kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. Siyempre, may alam na si Adan tungkol sa kung ano ang mabuti at masama; nilalang siya ayon sa larawan ng Diyos at mayroon siyang budhi. Ang puno ay magsisilbing paalala kina Adan at Eva na lagi nilang kailangan ang patnubay ni Jehova. Kung kakain sila ng bunga nito, mangangahulugan iyon na ayaw nilang magpasakop sa Diyos, at napakalaking kapahamakan ang idudulot nito sa kanila at sa magiging mga supling nila. Ipinakikita ng parusang kalakip ng utos ng Diyos kung gaano kaseryoso ang paglabag dito.
KUNG PAANO NAKAPASOK SA SANGKATAUHAN ANG KAMATAYAN
5. Paano naakay sina Adan at Eva na sumuway kay Jehova?
5 Matapos lalangin ng Diyos si Eva, sinabi ni Adan sa kaniya ang utos ni Jehova. Alam na alam iyon ni Eva, at nasabi pa nga niya iyon nang halos salita-por-salita. (Gen. 3:1-3) Binanggit niya iyon sa isa na nagkunwaring serpiyente, o ahas, isang mailap na hayop. Ang nasa likod ng ahas ay si Satanas na Diyablo, isang espiritung anak ng Diyos. Hinayaan nitong tubuan siya ng pagnanasang maging hiwalay sa Diyos at maging mas makapangyarihan. (Ihambing ang Santiago 1:14, 15.) Para makuha ang gusto niya, pinalabas niyang sinungaling ang Diyos. Tiniyak nito kay Eva na kung gagawa siya ng sariling pasiya, hindi siya mamamatay kundi magiging gaya siya ng Diyos. (Gen. 3:4, 5) Naniwala si Eva; gumawa siya ng sariling pasiya at kumain ng bunga ng puno. Hinimok din niya si Adan na kumain. (Gen. 3:6, 17) Nagsinungaling ang Diyablo. (Basahin ang 1 Timoteo 2:14.) Kahit alam ni Adan na maling kainin ang bunga, ‘pinakinggan niya ang tinig ng kaniyang asawa.’ Bagaman parang isang kaibigan ang ahas, ang totoo, si Satanas na Diyablo ay isang malupit na kaaway at alam niyang ikamamatay ni Eva ang iminungkahi niya.
6, 7. Paano hinatulan ni Jehova ang mga nagkasala?
6 Udyok ng makasariling hangarin, sina Adan at Eva ay nagrebelde laban sa Isa na nagbigay sa kanila ng buhay at ng lahat ng mayroon sila. Siyempre pa, alam ni Jehova ang lahat ng nangyari. (1 Cro. 28:9; basahin ang Kawikaan 15:3.) Hinayaan niya ang tatlong iyon na ipakita kung ano ang talagang damdamin nila sa kaniya. Bilang Ama, tiyak na nasaktan nang husto si Jehova. (Ihambing ang Genesis 6:6.) Pero bilang Hukom, kailangan niyang kumilos para ilapat ang sinabi niyang kahihinatnan ng paglabag.
7 Sinabi ng Diyos kay Adan: “Sa araw na kumain ka mula [sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama] ay tiyak na mamamatay ka.” Maaaring inisip ni Adan na ang “araw” na iyon ay isang 24-oras na araw. Matapos niyang labagin ang utos ng Diyos, baka inaasahan niyang mamamatay siya bago lumubog ang araw. “Sa mahanging bahagi ng araw,” kinausap ni Jehova ang mag-asawa. (Gen. 3:8) Nilitis niya sila, wika nga; pinakinggan niya ang kanilang panig. (Gen. 3:9-13) Pagkatapos, sinentensiyahan niya ang mga nagkasala. (Gen. 3:14-19) Kung pinatay niya sina Adan at Eva noon mismong sandaling iyon, mabibigo ang nilayon niya para sa kanila at sa kanilang mga supling. (Isa. 55:11) Bagaman hinatulan niya silang mamatay at nagsimula agad ang mga epekto ng kasalanan, pinahintulutan niya sina Adan at Eva na magkaroon ng mga anak na makikinabang sa iba pang mga paglalaan niya. Sa paningin ng Diyos, namatay sina Adan at Eva noong araw na magkasala sila, at namatay nga sila bago matapos ang isang “araw” na binubuo ng 1,000 taon.—2 Ped. 3:8.
8, 9. Paano nakaapekto sa mga supling ni Adan ang kaniyang pagkakasala? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
8 Nakaapekto ba sa mga anak nina Adan at Eva ang ginawa nila? Oo. Nagpaliwanag ang Roma 5:12: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” Ang tapat na si Abel ang unang namatay. (Gen. 4:8) Nang maglaon, ang iba pang mga supling ni Adan ay tumanda at namatay. Bukod sa kamatayan, namana rin ba nila ang kasalanan? Ganito ang sagot ni apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ay marami ang ibinilang na makasalanan.” (Roma 5:19) Sa gayon, ang kasalanan at kamatayang namana kay Adan ay naging walang-awang mga kaaway na hindi matatakasan ng di-sakdal na mga tao. Hindi natin alam kung paano eksaktong naipasa sa mga anak at inapo ni Adan ang kasalanan at kamatayan, pero kitang-kita natin ang mga resulta.
9 Kaya naman sa Bibliya, ang kasalanan at kamatayan ay inilalarawan bilang ang “balot na bumabalot sa lahat ng mga bayan, at . . . sa lahat ng mga bansa.” (Isa. 25:7) Walang sinumang tao ang makakatakas sa kasalanan at kamatayan. Kaya totoo ang sinasabi ng Bibliya na “kay Adan ang lahat ay namamatay.” (1 Cor. 15:22) Angkop lang na bumangon ang tanong na binanggit ni Pablo: “Sino ang sasagip sa akin mula sa katawan na dumaranas ng kamatayang ito?” Sino nga ba?a—Roma 7:24.
PAPAWIIN ANG KASALANAN AT KAMATAYANG MINANA KAY ADAN
10. (a) Ano ang ilang teksto sa Bibliya na nagpapakitang papawiin ni Jehova ang kamatayang minana kay Adan? (b) Ano ang matututuhan natin sa mga tekstong ito tungkol kay Jehova at sa kaniyang Anak?
10 Si Jehova ang makakasagip kay Pablo. Matapos banggitin ang tungkol sa “balot,” nagpatuloy si Isaias: “Lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.” (Isa. 25:8) Gaya ng isang ama na nag-aalis sa sanhi ng pagdurusa ng kaniyang mga anak at nagpapahid ng kanilang luha, gustong-gusto ni Jehova na pawiin ang kamatayang minana kay Adan. May katulong siya sa paggawa nito. Sinasabi sa 1 Corinto 15:22: “Kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.” At matapos itanong ni Pablo: “Sino ang sasagip sa akin?” nagpatuloy siya: “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon!” (Roma 7:25) Maliwanag, ang pag-ibig na nag-udyok kay Jehova na lalangin ang tao ay hindi lumamig kahit naghimagsik sina Adan at Eva. At ang isa na kasama ni Jehova nang lalangin niya ang unang mag-asawa ay hindi nawalan ng pagkagiliw sa mga tao. (Kaw. 8:30, 31) Pero paano matutupad ang gayong pagsagip?
11. Ano ang inilaan ni Jehova para tulungan ang mga tao?
11 Nang magkasala si Adan, sinentensiyahan siya ni Jehova ng kamatayan. Bilang resulta, ang lahat ng tao ay nagmana ng di-kasakdalan at kamatayan. (Roma 5:12, 16) Mababasa natin: “Sa pamamagitan ng isang pagkakamali ang resulta sa lahat ng uri ng mga tao ay kahatulan.” (Roma 5:18) Paano maaalis ni Jehova ang hatol na iyon nang hindi isinasaisantabi ang kaniyang mga pamantayan? Ang sagot ay nasa mga pananalita ni Jesus nang sabihin niya na dumating siya upang “ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mat. 20:28) Nilinaw ni Jesus, na isinilang sa lupa bilang sakdal na tao, na siya ang magiging pantubos. Ano ang magiging papel ng pantubos kaayon ng hinihiling ng katarungan?—1 Tim. 2:5, 6.
12. Ano ang katumbas na pantubos na hinihiling ng katarungan?
12 Bilang taong sakdal, si Jesus ay puwedeng mabuhay nang walang hanggan, gaya ni Adan bago ito nagkasala. Layunin ni Jehova na ang lupa ay mapuno ng sakdal na mga supling ni Adan. Dahil sa matinding pag-ibig ni Jesus sa kaniyang Ama at sa mga inapo ni Adan, ibinigay niya ang kaniyang buhay-tao bilang hain. Oo, ang ibinigay ni Jesus ay sakdal na buhay na katumbas ng naiwala ni Adan. Nang maglaon, binuhay-muli ni Jehova ang kaniyang Anak bilang espiritu. (1 Ped. 3:18) Kaayon ng katarungan, maaaring tanggapin ni Jehova ang hain ni Jesus bilang isang sakdal na tao. Nagsilbi itong pantubos, o pambayad, para maibigay sa pamilya ni Adan ang buhay na naiwala niya. Si Jesus ang naging kapalit ni Adan. Nagpaliwanag si Pablo: “Ganito nga ang nasusulat: ‘Ang unang taong si Adan ay naging kaluluwang buháy.’ Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay.”—1 Cor. 15:45.
13. Paano kikilos ang “huling Adan” alang-alang sa mga namatay?
13 Bilang “espiritung nagbibigay-buhay,” ang “huling Adan” ay malapit nang kumilos alang-alang sa mga inapo ni Adan. Kasama rito ang karamihan sa mga namatay na. Bubuhayin niya silang muli dito sa lupa.—Juan 5:28, 29.
14. Anong paglalaan ni Jehova ang tutulong para mapalaya sa di-kasakdalan ang mga supling ni Adan?
14 Paano mapapalaya ang mga tao mula sa minanang di-kasakdalan? Naglaan si Jehova ng isang Kaharian, o pamahalaan, na binubuo ng “huling Adan” at ng mga kasamang pinili mula sa mga tao. (Basahin ang Apocalipsis 5:9, 10.) Ang mga makakasamang ito ni Jesus sa langit ay magiging maunawaing mga tagapamahala dahil naranasan nilang maging di-sakdal. Sa loob ng sanlibong taon, tutulungan ni Jesus at ng mga tagapamahalang ito ang mga tao na mapalaya mula sa di-kasakdalan.—Apoc. 20:6.
15, 16. (a) Anong kamatayan ang tinutukoy na “huling kaaway”? Kailan ito papawiin? (b) Ayon sa 1 Corinto 15:28, ano ang gagawin ni Jesus?
15 Sa katapusan ng sanlibong-taóng pamamahala ng Kaharian, ang masunuring mga tao ay napalaya na mula sa kasalanan at kamatayan. Sinasabi ng Bibliya: “Kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin. Ngunit bawat isa ay sa kani-kaniyang katayuan: si Kristo ang unang bunga, pagkatapos ay yaong mga kay Kristo [mga kasamang tagapamahala] sa panahon ng kaniyang pagkanaririto. Sumunod, ang wakas, kapag ibinigay niya ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama, kapag pinawi na niya ang lahat ng pamahalaan at ang lahat ng awtoridad at kapangyarihan. Sapagkat kailangan siyang mamahala bilang hari hanggang sa mailagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay papawiin.” (1 Cor. 15:22-26) Sa wakas, ang kamatayang minana kay Adan, ang “balot” na tumatakip sa buong sangkatauhan, ay tuluyan nang aalisin.—Isa. 25:7, 8.
16 Sa ganito tinapos ni apostol Pablo ang kaniyang kinasihang pananalita: “Kapag ang lahat ng bagay ay naipasakop na sa kaniya, kung magkagayon ay magpapasakop din mismo ang Anak sa Isa na nagpasakop ng lahat ng bagay sa kaniya, upang ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa.” (1 Cor. 15:28) Sa panahong iyon, natupad na ang layunin ng pamamahala ng Anak. Malugod niyang isasauli kay Jehova ang awtoridad at ihaharap ang pinasakdal na pamilya ng tao.
17. Ano ang pinakahuling gagawin kay Satanas?
17 Ano naman ang mangyayari kay Satanas, ang pasimuno ng lahat ng paghihirap ng sangkatauhan? Sinasagot iyan ng Apocalipsis 20:7-15. Bilang huling pagsubok sa lahat ng taong sakdal, pahihintulutan si Satanas na subuking iligaw sila. Ang Diyablo at ang mga magpapalinlang sa kaniya ay permanenteng pupuksain sa “ikalawang kamatayan.” (Apoc. 21:8) Hindi na muling mabubuhay ang mga daranas ng kamatayang ito, kaya hindi ito papawiin. Gayunman, ang “ikalawang kamatayan” ay hindi kaaway ng mga taong umiibig at naglilingkod sa kanilang Maylalang.
18. Paano matutupad ang atas na ibinigay ng Diyos kay Adan?
18 Sa panahong iyon, ang pinasakdal na mga tao ay tatayo sa harap ni Jehova bilang lubos na sinang-ayunan para sa buhay na walang hanggan. Wala na silang kaaway. Matutupad ang atas na ibinigay kay Adan nang wala siya. Ang buong lupa ay mapupuno ng kaniyang mga supling, na lubos na masisiyahan sa pangangasiwa sa sari-saring nabubuhay na nilalang. Lagi nawa nating pahalagahan ang mga ginawa ni Jehova para pawiin ang huling kaaway, ang kamatayan.
a Tungkol sa pagsisikap ng mga siyentipiko na ipaliwanag ang sanhi ng pagtanda at kamatayan, ang Kaunawaan sa Kasulatan ay nagsabi: “Nakakaligtaan nila ang katotohanan na ang Maylalang mismo ang nagtalaga ng hatol na kamatayan sa unang mag-asawang tao, anupat ipinatutupad Niya ang hatol na iyon sa paraang hindi lubusang nauunawaan ng tao.”—Tomo 1, p. 444.