Laging Maraming Ginagawa
1 Ang bayan ni Jehova ay laging “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (1 Cor. 15:58) Naririyan ang lingguhang mga pulong na dapat ihanda at daluhan. Tayo’y pinasisiglang makibahagi sa ministeryo sa larangan linggu-linggo. Kailangang magtakda ng panahon para sa personal at pampamilyang pag-aaral. Ang mga matatanda at ministeryal na lingkod ay maraming atas sa kongregasyon. Sa pana-panahon tayo ay hinihilingang tumulong sa mga nangangailangan. Bukod dito, tayo’y may pananagutan may kaugnayan sa ating pamilya, pinapasukang trabaho, at paaralan.
2 Kung minsan, ang ilan sa atin ay maaaring makadama na napakarami nating kailangang gawin. Subalit, ang pinakaabalang tao ay maaaring makabilang doon sa pinakamaligaya kung mapananatili ang pagiging timbang at wastong pangmalas.—Ecles. 3:12, 13.
3 Si apostol Pablo ay isa sa lubhang abala. Mas marami siyang ginawa kaysa ibang mga apostol. Nagpagal siya bilang isang ebanghelisador, habang hindi pinababayaan ang kaniyang mga pananagutan bilang isang pastol ng kawan. Bukod dito, inasikaso niya ang personal na mga pangangailangan sa pamamagitan ng pagtatrabaho bilang isang manggagawa ng tolda. (Gawa 20:20, 21, 31, 34, 35) Sa kabila ng kaniyang pagiging abala, si Pablo ay laging sabik na gumawa ng higit pa sa paglilingkod kay Jehova.—Ihambing ang Roma 1:13-15.
4 Si Pablo ay nanatiling timbang at may masayang puso dahil sa pananalig kay Jehova ukol sa kalakasan. (Fil. 4:13) Nababatid niyang ang Diyos ay hindi makalilimot sa kaniyang gawa. (Heb. 6:10) Ang kagalakan ng pagtulong sa iba na makilala si Jehova ay nagpalakas sa kaniya. (1 Tes. 2:19, 20) Ang katiyakan ng kaniyang pag-asa salig sa Bibliya ang nagbunsod sa kaniya upang manatiling masipag.—Heb. 6:11.
5 Dapat din nating isaalang-alang ang kabutihang idinudulot ng ating pagsisikap. Ang ating pakikibahagi sa mga pulong ay nagpapatibay at nagpapasigla sa iba. (Heb. 10:24, 25) Ang ating pagsisikap na abutin ang lahat taglay ang mabuting balita ay nakatutulong sa pagsulong ng kongregasyon habang nakikisama sa atin ang mga baguhan. (Juan 15:8) Ang pagtulong sa iba na nangangailangan ay nagpapaunlad ng isang malapit, tulad-pamilyang espiritu sa kongregasyon. (Sant. 1:27) Karagdagan pa, hindi natin dapat kalimutan na ang pagiging abala sa mabubuting gawa ay kalugod-lugod sa Diyos na Jehova. Itinuturing nating isang malaking pribilehiyo na paglingkuran siya. Para sa atin, wala nang iba pang bubuting paraan ng pamumuhay!
6 May karagdagan pang pakinabang sa pagiging abala. Kapag tayo ay abala sa mga espirituwal na bagay, waring mabilis na lumilipas ang panahon. Sa pagkaalam na ang paglipas ng bawat araw ay naglalapit sa atin sa bagong sanlibutan, tayo’y nagagalak tanggapin ang abalang buhay na ating tinatamasa ngayon. Atin ding kinikilala ang karunungan ng pananatiling abala, yamang kakaunti lamang ang ating panahon para mapasangkot sa walang kabuluhang hangarin ng sanlibutan.—Efe. 5:15, 16.
7 Totoo, laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon. Subalit tayo’y makapananatiling maligaya kung patuloy tayong aasa sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo, na nagpapangyari na ang ating paglilingkod ay nakagiginhawa at kapakipakinabang.—Mat. 11:28-30; 1 Juan 5:3.