Bakit Namatay si Jesus?
Ang sagot ng Bibliya
Namatay si Jesus upang mapatawad ang mga kasalanan ng mga tao at magkaroon sila ng buhay na walang hanggan. (Roma 6:23; Efeso 1:7) Pinatunayan din ng kamatayan ni Jesus na maaaring manatiling tapat sa Diyos ang isang tao kahit sa harap ng pinakamatinding pagsubok.—Hebreo 4:15.
Pag-isipan kung paanong ang kamatayan ng isang tao ay maaaring magdulot ng maraming pakinabang.
Namatay si Jesus “para mapatawad ang mga kasalanan natin.”—Colosas 1:14.
Ang unang tao, si Adan, ay nilalang na perpekto at walang kasalanan. Pero pinili niyang sumuway sa utos ng Diyos. Napakalaki ng naging epekto ng pagsuway, o kasalanan, ni Adan sa lahat ng kaniyang inapo. Ipinaliwanag ito ng Bibliya: “Sa pagsuway ng isang tao, marami ang naging makasalanan.”—Roma 5:19.
Perpekto rin si Jesus, pero hindi siya kailanman nagkasala. Kaya naman maaari siyang maging “handog na pambayad-sala para sa mga kasalanan natin.” (1 Juan 2:2; talababa) Nagdulot ng kasalanan sa pamilya ng tao ang pagsuway ni Adan, pero inalis ng kamatayan ni Jesus ang mantsa ng kasalanan mula sa lahat ng nananampalataya sa kaniya.
Sa ibang pananalita, ipinagbili ni Adan ang sangkatauhan sa kasalanan, pero tinubos ito ni Jesus sa pamamagitan ng kusang-loob na pagbibigay ng kaniyang buhay para sa atin. Bilang resulta, “kung magkasala ang sinuman, may katulong tayo na kasama ng Ama, ang matuwid na si Jesu-Kristo.”—1 Juan 2:1.
Namatay si Jesus “para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16.
Si Adan ay nilalang para mabuhay magpakailanman, pero namatay siya bilang parusa sa kaniyang pagkakasala. Sa pamamagitan ni Adan, “ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan at dahil sa kasalanan ay pumasok ang kamatayan, kaya naman ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao, dahil silang lahat ay nagkasala.”—Roma 5:12.
Sa kabaligtaran, inalis ng kamatayan ni Jesus hindi lang ang mantsa ng kasalanan kundi pati ang sentensiyang kamatayan para sa lahat ng nananampalataya sa kaniya. Ganito ang paliwanag ng Bibliya: “Kung paanong naghari ang kasalanan kasama ng kamatayan, [makakapaghari] din ang walang-kapantay na kabaitan nang may katuwiran at [mabubuksan] ang daan tungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon.”—Roma 5:21.
Limitado pa rin ang haba ng buhay ng tao sa ngayon. Pero nangangako ang Diyos na pagkakalooban niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong matuwid at bubuhayin niyang muli ang mga patay upang sila rin ay makinabang sa sakripisyong kamatayan ni Jesus.—Awit 37:29; 1 Corinto 15:22.
Si Jesus ay “naging masunurin hanggang kamatayan,” sa gayon ay pinatunayan niya na maaaring maging tapat sa Diyos ang isang tao sa ilalim ng anumang pagsubok.—Filipos 2:8.
Kahit perpekto ang isip at katawan ni Adan, sinuway niya ang Diyos dahil naging makasarili siya at ninasa niya ang isang bagay na hindi para sa kaniya. (Genesis 2:16, 17; 3:6) Nang maglaon, ipinahiwatig ng pangunahing kaaway ng Diyos, si Satanas, na sumusunod lang ang mga tao sa Diyos para sa pansariling pakinabang, at hindi sila susunod lalo na kung nanganganib ang kanilang buhay. (Job 2:4) Pero ang perpektong taong si Jesus ay naging masunurin sa Diyos at nanatiling tapat sa Kaniya, kahit kinailangan niyang dumanas ng kahiya-hiya at napakasakit na kamatayan. (Hebreo 7:26) Lubusan nitong nilutas ang isyu: Maaaring manatiling tapat sa Diyos ang tao sa ilalim ng anumang pagsubok.
Mga tanong tungkol sa kamatayan ni Jesus
Bakit kinailangang magdusa at mamatay si Jesus para matubos ang mga tao? Bakit hindi na lang kinansela ng Diyos ang sentensiyang kamatayan?
Sinasabi ng batas ng Diyos na “ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23) Sa halip na ilihim kay Adan ang batas na ito, sinabi ng Diyos sa kaniya na ang parusa sa pagsuway ay kamatayan. (Genesis 3:3) Nang magkasala si Adan, tinupad ng Diyos, “na hindi makapagsisinungaling,” ang kaniyang salita. (Tito 1:2) Ipinamana ni Adan sa kaniyang mga inapo hindi lang ang kasalanan kundi pati ang kabayaran ng kasalanan—ang kamatayan.
Bagaman karapat-dapat sa parusang kamatayan ang makasalanang mga tao, ipinakita ng Diyos sa kanila ang “kasaganaan ng walang-kapantay na kabaitan” niya. (Efeso 1:7) Ang paglalaan niya para tubusin ang sangkatauhan—ang pagsusugo kay Jesus bilang isang perpektong hain—ay lubhang makatarungan at napakamaawain.
Kailan namatay si Jesus?
Namatay si Jesus nang “ikasiyam na oras” mula sa pagsikat ng araw, o mga alas-tres ng hapon noong Paskuwa ng mga Judio. (Marcos 15:33-37) Pumapatak ito ng Biyernes, Abril 1, 33 C.E., sa makabagong mga kalendaryo.
Saan namatay si Jesus?
Pinatay si Jesus sa “tinatawag na Golgota sa Hebreo, na ang ibig sabihin ay Bungo.” (Juan 19:17, 18) Ito ay nasa “labas ng pintuang-daan” ng Jerusalem noong panahon ni Jesus. (Hebreo 13:12) Maaaring ito ay nasa isang burol, dahil sinasabi ng Bibliya na namasdan ng ilan ang pagpatay kay Jesus “mula sa malayo.” (Marcos 15:40) Pero hindi na matiyak sa ngayon ang lokasyon ng Golgota.
Paano namatay si Jesus?
Marami ang naniniwala na si Jesus ay ipinako sa krus, pero sinasabi ng Bibliya: “Pinasan niya ang ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa punongkahoy.” (1 Pedro 2:24, King James Version) Dalawang salitang Griego ang ginamit ng mga manunulat ng Bibliya para tumukoy sa instrumentong ginamit sa pagpatay kay Jesus—stau·rosʹ at xyʹlon. Sinasabi ng maraming iskolar na ang mga salitang ito ay tumutukoy sa isang tulos o poste na gawa sa isang piraso ng kahoy.
Paano dapat alalahanin ang kamatayan ni Jesus?
Noong gabi ng taunang Paskuwa ng mga Judio, pinasimulan ni Jesus ang isang simpleng seremonya kasama ang kaniyang mga tagasunod at inutusan niya sila: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (1 Corinto 11:24) Di-nagtagal, pinatay na si Jesus.
Inihambing ng mga manunulat ng Bibliya si Jesus sa korderong inihahain tuwing araw ng Paskuwa. (1 Corinto 5:7) Kung paanong ipinaalaala ng pagdiriwang ng Paskuwa sa mga Israelita na pinalaya sila mula sa pagkaalipin, ang Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo ay nagpapaalaala naman sa mga Kristiyano na pinalaya sila mula sa kasalanan at kamatayan. Ang Paskuwa, na idinaos tuwing Nisan 14 ayon sa kalendaryong lunar, ay ipinagdiwang nang minsan sa isang taon; ipinagdiwang din ng unang mga Kristiyano ang Memoryal minsan sa isang taon.
Taon-taon, sa petsang katumbas ng Nisan 14, inaalaala ng milyon-milyong tao sa buong daigdig ang kamatayan ni Jesus.