IKALAWANG KABANATA
Paghahanda Para sa Matagumpay na Pag-aasawa
1, 2. (a) Papaano idiniin ni Jesus ang kahalagahan ng pagpaplano? (b) Sa anong larangan lalo nang napakahalaga ang pagpaplano?
ANG pagtatayo ng isang gusali ay nangangailangan ng maingat na paghahanda. Bago ilatag ang pundasyon, dapat munang makakuha ng lupa at makaguhit ng plano. Gayunman, may isa pang bagay na mahalaga. Sabi ni Jesus: “Sino sa inyo na nagnanais na magtayo ng tore ang hindi muna uupo at kakalkulahin ang gastusin, upang makita kung mayroon siyang sapat upang makompleto iyon?”—Lucas 14:28.
2 Ang totoo sa pagtatayo ng gusali ay totoo rin sa pagtatayo ng matagumpay na pag-aasawa. Marami ang nagsasabi: “Gusto ko nang mag-asawa.” Subalit ilan kaya ang nag-iisip muna upang isaalang-alang ang magiging obligasyon nito? Bagaman ang Bibliya ay sang-ayon sa pag-aasawa, itinatawag-pansin din nito ang mga hamon na napapaharap dahil sa pag-aasawa. (Kawikaan 18:22; 1 Corinto 7:28) Samakatuwid, yaong mga nagbabalak mag-asawa ay kailangang magkaroon ng makatotohanang pangmalas kapuwa sa mga pagpapala at mga obligasyon ng pag-aasawa.
3. Bakit napakahalagang tulong ang Bibliya sa mga nagpaplanong mag-asawa, at tutulungan tayo nito na sagutin ang anong tatlong tanong?
3 Makatutulong ang Bibliya. Ang mga payo nito ay kinasihan ng Tagapagpasimula ng pag-aasawa, ang Diyos na Jehova. (Efeso 3:14, 15; 2 Timoteo 3:16) Sa paggamit ng mga simulaing masusumpungan sa sinauna ngunit napapanahong aklat na ito, alamin natin kung (1) Papaano masasabi ng isang tao na siya’y handa nang mag-asawa? (2) Ano ang dapat hanapin sa isang mapapangasawa? at (3) Papaano mapananatiling marangal ang pagiging magkasintahan?
HANDA KA NA BANG MAG-ASAWA?
4. Ano ang isang napakahalagang salik upang mapanatili ang isang matagumpay na pag-aasawa, at bakit?
4 Maaaring mahal nga ang pagtatayo ng gusali, ngunit ang pag-aasikaso sa pangmatagalang pangangalaga rito ay mahal din. Gayundin sa pag-aasawa. Ang pag-aasawa ay waring sapat nang hamon; gayunman, ang pagpapanatili sa ugnayan ng mag-asawa sa paglipas ng mga taon ay dapat ding isaalang-alang. Ano ba ang kailangan upang mapanatili ang gayong ugnayan? Ang isang mahalagang salik ay ang dibdibang pagkilala sa pananagutan. Ganito ang pagkakalarawan ng Bibliya sa relasyon ng mag-asawa: “Kaya iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa at sila’y magiging isang laman.” (Genesis 2:24) Ibinigay ni Jesu-Kristo ang tanging maka-Kasulatang saligan para sa diborsiyo na may posibilidad na muling makapag-asawa—ang “pakikiapid,” alalaong baga’y, bawal na pakikipagtalik sa hindi asawa. (Mateo 19:9) Kung ikaw ay nagbabalak mag-asawa, tandaan ang mga pamantayang ito ng Kasulatan. Kung hindi ka pa handa sa maselang na pananagutang ito, kung gayon ay hindi ka pa handa sa pag-aasawa.—Deuteronomio 23:21; Eclesiastes 5:4, 5.
5. Bagaman ang maselang na pananagutan ng pag-aasawa ay nakatatakot para sa ilan, bakit sa halip ay dapat pahalagahan ito niyaong nagbabalak mag-asawa?
5 Ang idea ng isang maselang na pananagutan ay nakatatakot para sa marami. “Ang pagkaalam na kaming dalawa’y magsasama na habang-buhay ay nagpadama sa akin na para bang ako’y sinukol, ikinulong, mahigpit na iginapos,” ang pagtatapat ng isang binata. Subalit kung talagang mahal mo ang taong balak mong pakasalan, ang pananagutan ay hindi naman magiging waring pabigat. Sa halip, ito’y mamalasin bilang siyang pinagmumulan ng kapanatagan. Ang pagkadama ng pananagutan na ipinahihiwatig sa pag-aasawa ay magpapangyari sa mag-asawa na hangaríng sila’y magsama sa hirap at ginhawa at magkaagapay sa isa’t isa anuman ang mangyari. Isinulat ng Kristiyanong apostol na si Pablo na ang tunay na pag-ibig ay ‘nagtitiis sa lahat ng bagay’ at ‘nagbabata sa lahat ng bagay.’ (1 Corinto 13:4, 7) “Ang sumpaan ng katapatan sa pag-aasawa ay nagpapapanatag sa akin,” sabi ng isang babae. “Siyang-siya ako sa kapanatagang dulot ng aming paghahayag sa isa’t isa at sa harap ng madla na kami’y mananatiling magkasama.”—Eclesiastes 4:9-12.
6. Bakit pinakamabuti na huwag magmadali sa pag-aasawa sa batang edad?
6 Ang pagtupad sa gayong sumpaan ay nangangailangan ng pagkamaygulang. Kaya nga, nagpayo si Pablo na mas mabuti pa sa mga Kristiyano na huwag munang mag-asawa hanggang sa siya’y “lampas na sa kasibulan ng kabataan,” ang panahon na nangingibabaw pa ang damdamin sa sekso at maaaring makasira sa timbang na pagpapasiya ng isa. (1 Corinto 7:36) Ang mga kabataan ay madaling nagbabago habang sila’y nagkakaedad. Natutuklasan ng marami sa mga nag-asawa nang bata pa na pagkaraan lamang ng ilang taon ang kanilang mga pangangailangan at mga hangarin, gayundin ang sa kanilang asawa, ay nagbago na. Isinisiwalat ng estadistika na ang mga nag-aasawang tin-edyer ay mas malamang na hindi nagiging maligaya at nauuwi sa diborsiyo kaysa roon sa mga nakapaghintay muna. Kaya huwag magmadali sa pag-aasawa. Ang paggugol ng ilang taon bilang isang binata o dalaga ay makapagbibigay ng napakahalagang karanasan na huhutok sa iyo upang higit pang mahusto ang isip at maging higit na karapat-dapat na asawa. Ang pagpapaliban sa pag-aasawa ay makatutulong din sa iyo upang higit pang makilala ang iyong sarili—isang kahilingan upang mapaunlad ang matagumpay na ugnayan sa iyong pag-aasawa.
KILALANIN MUNA ANG IYONG SARILI
7. Bakit dapat munang magsuri ng kanilang sarili yaong mga nagpaplanong mag-asawa?
7 Madali ba para sa iyo na isa-isahin ang mga katangiang ibig mo sa isang asawa? Madali para sa marami. Ngunit, kumusta naman ang mga katangian mo? Anu-ano ang mga ugali mo na makatutulong sa matagumpay na pag-aasawa? Magiging anong uri ka ng asawa? Halimbawa, handa mo bang aminin ang iyong mga pagkakamali at tanggapin ang payo, o palagi kang nangangatuwiran kapag itinutuwid? Palagi ka bang masaya at di-madaling masiraan ng loob, o palagi kang malungkot, madalas na nagrereklamo? (Kawikaan 8:33; 15:15) Tandaan, hindi kayang baguhin ng pag-aasawa ang iyong personalidad. Kung ngayong wala ka pang asawa ay palalo ka na, lubhang sensitibo, o masyadong mapág-alalá, magiging ganiyan ka pa rin kahit may asawa ka na. Yamang napakahirap nating makita ang ating sarili ayon sa pangmalas ng iba sa atin, bakit hindi humingi sa magulang o sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan ng tapatang komento at mungkahi? Kung mapag-alaman mo ang ilang pagbabago na maaaring gawin, pagsikapang ikapit ang mga ito bago mag-asawa.
8-10. Anong payo ang ibinibigay ng Bibliya na tutulong sa indibiduwal upang mapaghandaan ang pag-aasawa?
8 Hinihimok tayo ng Bibliya na hayaang pakilusin tayo ng banal na espiritu ng Diyos, anupat nagbubunga ng mga katangiang gaya ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili.” Sinasabi rin nito sa atin na “magbago sa puwersa na nagpapakilos sa [ating] pag-iisip” at “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa totoong katuwiran at pagkamatapat.” (Galacia 5:22, 23; Efeso 4:23, 24) Ang pagkakapit ng payong ito habang ikaw ay wala pang asawa ay magiging gaya ng pagdedeposito ng pera sa bangko—isang bagay na mapatutunayang napakahalaga sa hinaharap, kapag ikaw ay nag-asawa na.
9 Halimbawa, kung ikaw ay dalaga, matuto kang magbigay ng higit na pansin sa “lihim na pagkatao ng puso” kaysa sa iyong panlabas na hitsura. (1 Pedro 3:3, 4) Ang kahinhinan at katinuan ng pag-iisip ay tutulong sa iyo na magkamit ng karunungan, isang tunay na “korona ng kagandahan.” (Kawikaan 4:9; 31:10, 30; 1 Timoteo 2:9, 10) Kung ikaw naman ay isang binata, pag-aralan mong pakitunguhan ang mga babae sa mabait at magalang na paraan. (1 Timoteo 5:1, 2) Habang natututuhan mo ang paggawa ng mga desisyon at pagsasabalikat ng pananagutan, pag-aralan din na maging mababang-loob at mapagpakumbaba. Ang dominanteng pag-uugali ay hahantong sa pag-aaway ng mag-asawa.—Kawikaan 29:23; Mikas 6:8; Efeso 5:28, 29.
10 Bagaman hindi madaling baguhin ang isip sa mga bagay na ito, mahalaga na ito’y pagsikapang gawin ng lahat ng Kristiyano. At ito’y tutulong sa iyo na maging isang mas mabuting asawa.
KUNG ANO ANG HAHANAPIN SA ISANG KABIYAK
11, 12. Papaano matutuklasan ng dalawang tao na sila’y magkasundo o hindi?
11 Kaugalian ba sa inyong lugar na ang bawat isa ang pumipili ng kaniyang magiging kabiyak? Kung oo, ano ang gagawin mo kapag naakit ka sa isang di-kasekso? Una, tanungin mo ang iyong sarili, ‘Ako ba’y talagang may balak mag-asawa?’ Isang kalupitan na paglaruan mo ang damdamin ng iba sa pamamagitan ng pakunwaring pagpapaasa. (Kawikaan 13:12) Saka tanungin ang sarili, ‘Nasa kalagayan na ba akong mag-asawa?’ Kung ang sagot sa dalawang tanong na ito ay oo, ang susunod mong hakbang ay mag-iiba-iba depende sa lokal na kaugalian. Sa ilang lupain, pagkatapos ng ilang panahong pagmamasid, baka lapitan mo ang isang iyon at ipahayag ang pagnanais mong higit pa kayong magkakilala. Kapag negatibo ang sagot, huwag kang mamimilit hanggang sa punto na ikaw ay kainisan. Tandaan mo, ang isang iyon ay mayroon ding karapatang magpasiya sa bagay na iyon. Ngunit kung ang sagot ay oo, maaari ninyong isaayos na gumugol ng panahon na magkasama sa mga kapaki-pakinabang na gawain. Ito’y magbibigay sa iyo ng pagkakataon na makita kung magiging isang katalinuhan nga na siya ang mapangasawa mo.a Ano naman ngayon ang hahanapin mo sa bahaging ito?
12 Upang sagutin ang tanong na iyan, isipin mo ang dalawang instrumento sa musika, maaaring piyano at gitara. Kung tama ang pagkakatono, ang bawat isa ay matutugtugan ng kaakit-akit na kathang musika. Subalit, ano kaya ang mangyayari kung sabay na tutugtugin ang mga instrumentong ito? Ngayon ay dapat na magkatono ang mga ito. Gayundin ikaw at ang iyong mapapangasawa. Bawat isa sa inyo marahil ay nagsikap nang “maitono” ang inyong personal na mga ugali bilang mga indibiduwal. Ngunit ang tanong ngayon ay: Kayo ba’y magkatono? Sa ibang pananalita, kayo ba’y magkasundo?
13. Bakit hindi isang tunay na katalinuhan na ligawan ang isa na hindi mo kapananampalataya?
13 Mahalaga na magkaroon kayo kapuwa ng parehong paniniwala at simulain. Sumulat si apostol Pablo: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-mananampalataya.” (2 Corinto 6:14; 1 Corinto 7:39) Ang pagpapakasal sa isa na may ibang pananampalataya sa Diyos ay malamang na magbunga ng matinding di-pagkakaunawaan. Sa kabilang dako naman, ang magkatulad na debosyon sa Diyos na Jehova ang pinakamatibay na saligan sa pagkakaisa. Nais ni Jehova na ikaw ay maging maligaya at magtamasa hangga’t maaari ng pinakamalapít na buklod sa isa na iyong pinakasalan. Nais Niyang matali kayo sa Kaniya at sa isa’t isa sa pamamagitan ng tatlong-ikid na tali ng pag-ibig.—Eclesiastes 4:12.
14, 15. Ang pagkakaroon ba ng magkatulad na pananampalataya ang tanging aspekto ng pagkakaisa sa pag-aasawa? Ipaliwanag.
14 Bagaman ang pagsamba sa Diyos nang magkasama ang pinakamahalagang bahagi ng pagkakaisa, mayroon pang nasasangkot. Upang maging magkatono, ikaw at ang iyong mapapangasawa ay kailangang may magkatulad na tunguhin. Anu-ano ba ang inyong tunguhin? Halimbawa, gusto ba ninyo kapuwa na magkaanak? Anong mga bagay ang pangunahin sa inyong buhay?b (Mateo 6:33) Sa isang tunay na matagumpay na pag-aasawa, ang mag-asawa ay matalik na magkaibigan at nasisiyahan kapuwa kung sila’y magkasama. (Kawikaan 17:17) Para magkaganito, kailangang magkatulad ang kanilang kinawiwilihan. Napakahirap mapanatili ang matalik na pagkakaibigan—lalo na ang pag-aasawa—kung hindi ganito ang kalagayan. Gayunman, ibig bang sabihin na kung ang iyong mapapangasawa ay mahilig sa isang partikular na libangan, gaya ng paglalakad nang malayo, at ikaw naman ay hindi, ay hindi na kayo dapat magpakasal? Hindi naman palaging gayon. Marahil naman ay magkatulad kayo sa iba pang bagay, na mas mahalagang kawilihan. Bukod diyan, maaaring mapaligaya mo ang iyong mapapangasawa kung sasamahan mo siya sa kapaki-pakinabang na mga libangan dahil sa gusto niya iyon.—Gawa 20:35.
15 Sa katunayan, sa malaking antas, ang pagkakasundo ay nakikita ayon sa kung gaano kayo nakikibagay sa isa’t isa sa halip na kung gaano kayo nagkakatulad. Sa halip na ang itanong ay, “Magkasundo ba tayo sa lahat ng bagay?” baka ang ilang mas mabuting tanong ay: “Papaano kung hindi tayo magkasundo? Napag-uusapan ba natin nang mahinahon ang mga bagay-bagay, anupat nag-uukol ng paggalang at dignidad sa bawat isa? O ang pag-uusap ba’y madalas na nauuwi sa mainitang pagtatalo?” (Efeso 4:29, 31) Kung gusto mo nang mag-asawa, mag-ingat ka sa sinumang palalo at may mataas na pagtingin sa sarili, ayaw na ayaw patatalo, o na palaging nagpupumilit at nagpapanukala na siya ang masunod.
TUKLASIN MO MUNA
16, 17. Ano ang maaaring hanapin ng binata o dalaga kapag isinasaalang-alang ang isang mapapangasawa?
16 Sa loob ng Kristiyanong kongregasyon, yaong pinagkakatiwalaan ng pananagutan ay kailangang “subukin muna may kinalaman sa pagiging nararapat.” (1 Timoteo 3:10) Maaari mo ring gamitin ang simulaing ito. Halimbawa, baka itanong ng isang dalaga, “Anong uri ng reputasyon mayroon ang binatang ito? Sino ang kaniyang mga kaibigan? Siya ba’y kakikitaan ng pagpipigil sa sarili? Papaano siya nakikitungo sa mga may-edad na? Anong uri ng pamilya ang pinagmulan niya? Papaano siya nakikisama sa kanila? Ano ba ang saloobin niya tungkol sa pera? Nag-aabuso ba siya sa mga inuming nakalalasing? Siya ba’y sumpungin, marahas? Anong mga pananagutan sa kongregasyon ang taglay niya, at papaano niya isinasagawa ang mga ito? Lubusan ko ba siyang maigagalang?”—Levitico 19:32; Kawikaan 22:29; 31:23; Efeso 5:3-5, 33; 1 Timoteo 5:8; 6:10; Tito 2:6, 7.
17 Baka itanong naman ng isang binata, “Nagpapakita ba ang dalagang ito ng pag-ibig at paggalang sa Diyos? Siya ba’y may kakayahang mangalaga sa tahanan? Ano ang inaasahan ng kaniyang pamilya mula sa amin? Siya ba’y matalino, masipag, matipid? Ano ang bukambibig niya? Siya ba’y tunay na nababahala sa kapakanan ng iba, o siya’y makasarili at pakialamera? Siya ba’y mapagkakatiwalaan? Handa ba siyang pasakop sa pagkaulo, o matigas ang kaniyang ulo, baka rebelde pa nga?”—Kawikaan 31:10-31; Lucas 6:45; Efeso 5:22, 23; 1 Timoteo 5:13; 1 Pedro 4:15.
18. Kung may maliliit na kahinaang nahahalata sa panahon ng pakikipagkasintahan, ano ang dapat isaalang-alang?
18 Huwag mong kalilimutan na ikaw ay nakikitungo sa di-sakdal na inapo ni Adan, hindi sa isang hinahangaang bidang lalaki o bidang babae sa nobela ng pag-iibigan. Ang bawat isa ay may pagkukulang, at ang ilan sa mga ito ay kailangan nang palampasin—kapuwa ang sa iyo at ang sa iyong magiging kapareha. (Roma 3:23; Santiago 3:2) Isa pa, ang itinuturing na kahinaan ay makapagbubukas ng pagkakataon upang sumulong. Halimbawa, ipagpalagay nang sa panahon ng inyong pagiging magkasintahan ay nagtalo kayo. Isaalang-alang ito: Ang mga tao man na nagmamahalan at gumagalang sa isa’t isa ay nagtatalo rin paminsan-minsan. (Ihambing ang Genesis 30:2; Gawa 15:39.) Hindi kaya kailangan lamang ninyo kapuwa na ‘magpigil ng inyong espiritu’ nang kaunti pa at matutong lutasin nang mapayapa ang mga bagay-bagay? (Kawikaan 25:28) Nagpapakita ba ang iyong mapapangasawa ng pagnanais na bumuti pa? Ikaw? Mapag-aaralan mo bang maging di-gaanong sensitibo at di-gaanong maramdamin? (Eclesiastes 7:9) Ang pagkatuto na lumutas ng mga suliranin ay makapagtatatag ng isang kagawian ng tapatang pag-uusap na napakahalaga kung kayong dalawa ay mag-asawa na.—Colosas 3:13.
19. Ano ang maaaring matalinong gawin kapag bumangon ang malulubhang suliranin sa panahon ng pakikipagkasintahan?
19 Ano kaya kung makapansin ka ng mga bagay na labis na nakababalisa sa iyo? Ang gayong mga pag-aalinlangan ay dapat na maingat na isaalang-alang. Gaano man katindi ang iyong pagmamahal o gaano man ang iyong pananabik na makapag-asawa na, huwag mong ipipikit ang iyong mga mata sa malulubhang pagkukulang. (Kawikaan 22:3; Eclesiastes 2:14) Kung ikaw ay may kaugnayan sa isang taong lubha mong pinag-aalinlanganan, isang katalinuhan na putulin na ang ugnayan at pigilin na ang pagkakaroon ng pangmatagalang pakikipagkasintahan sa taong iyon.
PANATILIHING MARANGAL ANG IYONG PAKIKIPAGKASINTAHAN
20. Papaano mapananatili ng magkasintahan na walang anumang kapintasan ang kanilang pag-uugali sa moral?
20 Papaano mo mapananatiling marangal ang iyong pakikipagkasintahan? Una, tiyakin mo na ang iyong pag-uugali sa moral ay walang anumang kapintasan. Sa inyong lugar, ang paghahawakan ba ng kamay, paghahalikan, o pagyayakapan ay itinuturing na angkop na paggawi para sa dalawang di-kasal? Bagaman ang gayong mga pagpapahayag ng pagmamahal ay hindi naman pinagkukunutan ng noo, ang mga ito’y pahihintulutan lamang kapag ang pag-uugnayan ay umabot na sa punto na nakatakda na ang kasal. Ingatan na ang pagpapahayag ng pagmamahal ay di-humantong sa paglihis sa kabutihang-asal o sa pakikiapid pa nga. (Efeso 4:18, 19; ihambing ang Awit ni Solomon 1:2; 2:6; 8:5, 9, 10.) Sapagkat ang puso’y magdaraya, kayong dalawa ay dapat na maging matalino sa pag-iwas na mapag-isa sa bahay, sa apartment, sa nakaparadang sasakyan, o saanman na magbibigay ng pagkakataon para sa maling paggawi. (Jeremias 17:9) Ang pagpapanatiling malinis sa moral ng iyong pakikipagkasintahan ay nagbibigay ng malinaw na katibayan na ikaw ay may pagpipigil sa sarili at na walang-pag-iimbot na inuuna mo ang kapakanan ng iba kaysa sa iyong sariling pagnanasa. Pinakamahalaga sa lahat, ang isang malinis na pakikipagkasintahan ay nakalulugod sa Diyos na Jehova, na nag-uutos sa kaniyang mga lingkod na umiwas sa karumihan at pakikiapid.—Galacia 5:19-21.
21. Anong tapatang pag-uusap ang baka kailanganin upang mapanatiling marangal ang pakikipagkasintahan?
21 Ikalawa, kalakip din sa isang marangal na pakikipagkasintahan ang tapatang pag-uusap. Habang patungo sa pag-aasawa ang iyong pakikipagkasintahan, may ilang bagay na kailangang pag-usapan nang tapatan. Saan kayo titira? Pareho ba kayong magtatrabaho? Gusto ba ninyong magkaanak? Gayundin, magiging makatarungan lamang na isiwalat ang anumang bagay, marahil ang hinggil sa nakaraan ng isa, na maaaring makaapekto sa pag-aasawa. Maaaring isali sa mga ito ang malaking pagkakautang o obligasyon o hinggil sa kalusugan, gaya ng anumang malubhang sakit o anumang kapansanan mo. Yamang marami sa mga may HIV (ang mikrobyo na sanhi ng AIDS) ang hindi agad kakikitaan ng mga sintoma, hindi magiging mali para sa indibiduwal o para sa nagmamalasakit na mga magulang na humiling na magpa-blood test sa AIDS yaong isa na noon ay gumawa ng karumihan sa sekso o gumamit ng droga sa pamamagitan ng pag-iiniksiyon sa ugat. Kung ang pagsusuri ay napatunayang positibo, hindi dapat ipilit ng taong may-sakit sa kaniyang mapapangasawa na ipagpatuloy pa ang ugnayan kung nais na niya itong tapusin. Ang totoo, makabubuti para sa sinumang nagkaroon ng lubhang mapanganib na istilo ng pamumuhay na kusang-loob na magpasailalim sa AIDS blood test bago pasimulan ang panliligaw.
PAGTANAW SA DAKO PA ROON PAGKATAPOS NG KASAL
22, 23. (a) Papaano maaaring mawala ang pagkatimbang kapag naghahanda sa kasal? (b) Anong timbang na pangmalas ang dapat na panatilihin kapag isinasaalang-alang ang kasal at ang pag-aasawa?
22 Sa mga huling buwan bago ang pag-aasawa, malamang na kapuwa kayo magiging lubhang abala sa pagsasaayos ng kasal. Mababawasan ninyo ang labis na tensiyon sa pamamagitan ng pagiging katamtaman. Ang isang marangyang kasal ay maaaring makalugod sa mga kamag-anak at sa komunidad, subalit pagkatapos nito ay patang-pata ang katawan at simot na simot ang bulsa ng bagong kasal at ng kani-kanilang pamilya. Ang ilang pagsunod sa lokal na mga kaugalian ay makatuwiran lamang, ngunit ang sunud-sunuran at marahil ang mapagpaligsahang pakikiayon dito ay magtatakip sa tunay na kahulugan ng okasyon at maaaring umagaw sa kagalakan na dapat mong taglayin. Bagaman dapat isaalang-alang ang damdamin ng iba, ang nobyo ang pangunahin nang may pananagutang magpasiya kung ano ang magaganap sa handaan ng kasal.—Juan 2:9.
23 Tandaan na ang iyong kasal ay tatagal lamang nang isang araw, subalit ang iyong pag-aasawa ay magpapatuloy habang buhay. Iwasan ang labis na pagbubuhos ng panahon sa araw ng kasal. Sa halip, umasa sa Diyos na Jehova para sa patnubay, at magplano para sa buhay ninyo bilang mag-asawa. Sa gayon ay makapaghahanda kang mabuti para sa isang matagumpay na pag-aasawa.
a Ito’y kakapit sa mga lupaing ang pagde-date ay itinuturing na angkop para sa mga Kristiyano.
b Maging sa loob ng Kristiyanong kongregasyon, maaaring may ilan na pabitin-bitin sa bingit, wika nga. Sa halip na maging buong-pusong mga lingkod ng Diyos, maaaring sila’y naiimpluwensiyahan ng mga saloobin at pag-uugali ng sanlibutan.—Juan 17:16; Santiago 4:4.