Ang mga Jesuita—“Lahat ng Bagay sa Lahat ng Tao”?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Espanya
ANG Ordeng Jesuita ay hindi kailanman nakilala sa kakulangan ng disiplina. Ang kautusan ng papa na nagtatag sa Society of Jesus noong 1540 ay pinamagatang “Para sa Pamamahala ng Militante ng Simbahan.”a Noong panahong iyon, ang bagong ordeng militanteng ito ay waring sinadya upang ipagtanggol ang Katolisismo sa relihiyosong mga labanan na ipinakikipagbaka.
Bagaman hinimok ni Ignatius ng Loyola ang kaniyang mga tagasunod na “makipagbaka . . . sa ilalim ng estandarte ng Krus,” tinagubilinan din niya sila na maging “lahat ng bagay sa lahat ng tao.” Ang mga Jesuita ay naniniwala na kung susundin nila ang huling banggit, maisasakatuparan nila nang mas mabuti ang nauna; ang pakikibagay ang magiging susi upang buksan ang maraming pintuan.
Hindi nagtagal, ang madaling makibagay at marunong na mga Jesuita ay hinahangad bilang mga guro at mga estadista, mga kortesano at mga kompesor. Marahil sila ay humigit pa kaysa nilayon ni Loyola. Ang tagumpay sa maraming larangan—lalo na sa pulitika—ay nagdala sa kanila ng salapi at kapangyarihan, subalit naghasik din ito ng mga binhi ng malaking kapahamakan.
Noong 1773, sumusuko sa panggigipit ng Pransiya, Portugal, at Espanya, binuwag ni Papa Clemente XIV ang ordeng Jesuita “magpakailanman.” Ang motibo? Upang “itatag ang isang tunay at nagtatagal na kapayapaan sa loob ng Iglesya.” Dahil sa kanilang impluwensiya sa pulitika, ang mga Jesuita ay naging problema. Bagaman ang pasiyang ito ng papa ay pinawalang-bisa pagkaraan ng 41 taon, hindi na kailanman nakamit ng mga Jesuita ang kanilang dating kadakilaan.
Sa ngayon may bilang na halos 23,000 sa buong daigdig, ang mga Jesuita ay nasa gitna pa rin ng alitang Katoliko, ito man ay tungkol sa teolohiya ng pagpapalaya, mga pari sa pulitika, o pagkontrol sa pag-aanak. Ang kanilang hindi pagsang-ayon ay umakay sa pagkayamot ng papa. Noong 1981, si Papa John Paul II ay lumihis sa Jesuitang pamamaraan ng pagboto upang italaga sa tungkulin ang kaniyang napiling lalaki bilang kanilang superyor heneral.
Sa nakalipas na mga taon, ang papa ay higit at higit na bumaling sa mga tagapagtaguyod ng Opus Deib bilang isang konserbatibong tagapagtanggol sa kaniyang iglesya. Gayunman, ang mga Jesuita ay hindi ordinaryong ordeng Katoliko. Bakit lagi na lamang silang pumupukaw ng gayong alitan, kahit sa gitna ng mga Katoliko? Sila ba’y namumuhay ayon sa kanilang pangalan—ang Society of Jesus? Ano talaga ang kanilang misyon?
Mga Lalaking May Misyon
Sa pasimula, nilayon ni Loyola na kumbertihin ng kaniyang maliit na pangkat ang mga tao sa Banal na Lupain. Ngunit ang mga pangyayari noong ika-16-na-siglo ay nagturo sa kanila sa ibang direksiyon. Ang pagkakahiwalay ng Protestante dahil sa hindi pagkakasundo sa relihiyon ay nagpapahina sa Iglesya Romano, at ang bagong mga ruta sa dagat patungo sa Silangan at sa Amerikas ay nagbubukas. Kaya, pinili ng mga Jesuita ang dobleng misyon—labanan ang “erehiya” sa loob ng Sangkakristiyanuhan at manguna sa pagkumberte sa daigdig ng mga hindi Katoliko. Ang atas na inilagay nila sa kanilang sarili ay napakalaki, at ang kanilang bilang ay kakaunti, kaya tiniyak ni Loyola na ang bawat Jesuita ay sanaying-mainam.
Itinatag niya ang apat na panatang Jesuita, gumawa siya ng isang serye ng espirituwal na mga pagsasanay para sa mga nobisyo, at gumawa siya ng mga konstitusyon, o ang kodigo ng paggawi ng Jesuita. (Tingnan ang kahon.) Ang ganap na pagsunod sa simbahan ang kanilang kasabihan. Si Francis Xavier, isa sa unang mga tagasunod ni Loyola, ay nagsabi: “Hindi pa nga ako maniniwala sa Ebanghelyo kung ipagbawal ito ng Banal na Iglesya.” Walang makapipigil sa kanila sa pagtupad ng kanilang misyon. “Makipagbaka para sa mga kaluluwa saanman ninyo masumpungan sila, at sa anumang paraan sa inyong pagpapasiya,” sabi ni Loyola sa kaniyang mga tauhan. Ano ang mga paraan na magagamit nila sa kanilang pagpapasiya?
Pagpapahinto sa Paglaganap ng Protestantismo
Ang edukasyon at ang pangungumpisal ang pangunahing mga sandata ng mga Jesuita upang labanan ang lumalagong kapangyarihan ng Protestantismo. Halos hindi sinasadya, natuklasan nila na ang kanilang bagong katatatag na mga paaralang de kalidad ay makapagkikintal ng Katolisismo sa mga hari at mga maharlika na mas mabisa kaysa anumang kampaniya sa pangangaral. At noong ika-16 na siglo, ang mga maharlika ang may kapangyarihan na tiyakin kung ano ang relihiyon ng kanilang kaharian.c
Binanggit ni Loyola mismo na “ang kabutihang magagawa ng Orden upang itaguyod ang kapakanan ng Roma ay mas depende sa pagtuturo sa ating mga kolehiyo kaysa pangangaral.” Tinuruan at inindoktrinahan ng piling mga paaralang Jesuita ang marami tungkol sa hinaharap na mga pinuno ng Europa na, minsang sila’y maluklok sa kapangyarihan, ay nakahilig na sugpuin ang mga Protestante. Ang panimulang tagumpay na ito ay pinagtibay ng isang bagong paraan ng pangungumpisal. Ang mananalaysay na si Paul Johnson ay nagpapaliwanag: “Sa kumpisalan, ang mga Jesuita at ang kanilang makapangyarihang mga nagsisisi ay may isang ugnayang abugado-kliyente.” Hindi kataka-takang ang bagong paraan ay mas popular. Bago pa nito, maraming hari’t reyna sa Europa ang mayroong kanilang sariling Jesuitang mga kompesor, na magaling sa pakikibagay sa lahat ng maimpluwensiyang tao na pinapayuhan nila.
Ang Jesuitang mga kompesor ay hindi mahigpit sa mga bagay na may kaugnayan sa moralidad ngunit walang awa sa pakikitungo sa “mga erehes.” Inirekomenda ng isang Jesuitang kompesor sa Pranses na haring si Louis XV na “sa kapakanan ng kaangkupan ng kilos,” ang hari ay maglagay ng isang natatagong hagdan sa pagitan ng kaniyang silid tulugan at ng silid tulugan ng kaniyang kerida. Gayunman, ang kaniyang lolo sa tuhod, si Louis XIV, ay hinimok ng kaniyang Jesuitang kompesor na pawalang-bisa ang Kautusan ng Nantes (isang batas na nagpapahintulot sa mga Protestanteng Pranses, o mga Huguenot, ng limitadong kalayaan ng pagsamba). Ang hakbang na ito ay nagpahintulot ng isang di-mapigil na kampaniya ng kasindakan laban sa mga Huguenot, marami sa kanila ay walang awang pinagpapatay.
Si Paul Johnson, sa kaniyang aklat na A History of Christianity, ay nagsasabi: “Higit sa lahat, ang mga Jesuita ay lubhang kilala sa pangmalas na ang kodigong moral sa ilang kaparaanan ay maaaring isuspende kung nanganganib ang kapakanang Katoliko. . . . Ang mga Jesuita ay isang kapansin-pansing kaso ng isang lubhang edukado at matibay ang pagkakaganyak na piling tao na hinahayaang ang mga kaigtingan ng alitang relihiyoso ay gumulo sa kanilang mga pamantayang moral.”
Sa kabila ng—o marahil dahil sa—kanilang di-tiyak na moral na mga pag-aalinlangan, ang mga Jesuita ay gumanap ng isang mahalagang papel sa Kontra-Repormasyon. Pagkalipas lamang ng 41 taon pagkatatag nila, si Papa Gregory XIII ay sumulat: “Sa kasalukuyang panahon ay walang isang paraan na ginawa ang Diyos para sa paglipol sa mga erehes na mas makapangyarihan kaysa ating sagradong Orden ng Jesuita.” Ang pakikibagay, kasama ng impluwensiya sa maimpluwensiyang mga tao, ay napatunayang matagumpay sa pakikipagbaka sa “erehiya.” Makakukuha rin kaya ito ng mga kumberte?
Pakikibagay ng Jesuita
Sa Silangan, sinusunod ang kanilang kaugalian sa Europa, nilayon ng mga Jesuita na kumbertihin ang mga pinuno at mula rito ang kanilang mga sakop. Sa pagtataguyod ng tunguhing ito, sinunod nila sa sukdulan ang utos ni Loyola na maging lahat ng bagay sa lahat ng tao. Si Roberto de Nobili, isang misyonerong Jesuita sa India noong ika-17 siglo, ay namuhay na gaya ng isang mataas na uring Brahman upang makapangaral sa namumunong uri ng mga tao. Upang huwag magalit ang mga kapuwa Brahman, kaniyang iniaalok ang Eukaristiya, o ang konsagradong ostiya ng Misa, sa mababang-uring mga Untouchable sa pamamagitan ng isang patpat.
Si Matteo Ricci ay naging isang maimpluwensiyang miyembro ng korte ng Intsik, pangunahin nang dahil sa kaniyang mga talino bilang isang dalubhasang matematiko at astronomo. Sinarili niya ang kaniyang relihiyosong mga paniwala. Ang kaniyang kahaliling Jesuita sa korte ng Ming, si Johann Adam Schall von Bell, ay nagtayo pa nga ng isang hulmahan ng mga kanyón at sinanay ang mga hukbong Intsik upang paandarin ang mga kanyón (na pinanganlan sa mga “santong” Katoliko). Upang makakuha ng mga kumberte, hinayaan ng mga Jesuita ang mga Katolikong Intsik na patuloy na isagawa ang pagsamba sa mga ninuno, isang kontrobersiyal na pasiya na sa dakong huli ay tinanggihan ng papa. Sa kabila ng gayong mga kompromiso ng mga Jesuita, kapuwa sa India at sa Tsina, ang mga pinuno ay hindi nakumbinsi.
Sa Timog Amerika isang kolonyal na paglapit ang sinubok. Sa interyor na mga dako na hindi nasakop, ang mga Jesuita ay nagtayo ng independiyenteng mga panirahanan kung saan ang mga Guaraning Indian ay halos ganap na pinamamahalaan ng mga misyonerong Jesuita. Bilang kapalit sila ay tinuruan ng agrikultura, musika, at relihiyon. Ang mga panirahanang ito, sa tugatog nito ay tumangkilik ng 100,000 katutubo, na sa wakas ay nabuwag nang makalaban ng mga panirahanan ang komersiyal na interes ng mga Portuges at mga Kastila. Bagaman sinanay ng mga Jesuita ang isang hukbo ng 30,000 Indian, na nakipagbaka ng matinding pakikipagbaka laban sa mga Portuges, ang mga panirahanan ay nawasak noong 1766 at ang mga Jesuita ay ipinatapon.
Sa nakalipas na mga siglo maraming indibiduwal na mga Jesuita ang gumawa ng dakilang mga sakripisyo upang ipalaganap ang mensaheng Katoliko sa lahat ng dako. Ang ilan ay naging martir sa kakila-kilabot na paraan dahil sa kanilang mga pagsisikap, lalo na sa Hapón, kung saan nagkaroon sila ng ilang tagumpay bago ipagbawal ng shogun ang kanilang gawain.d
Bagaman mayroon silang sigasig at espiritu ng pagsasakripisyo, ang mga pagsisikap ng mga Jesuita na kumbertihin ang daigdig ay nabigo pangunahin nang dahil sa kanilang sariling mapakanang pamamaraan.
Isang Pulitikal na Ebanghelyo
Sa kabila ng mga problema noon, waring ayaw iwan ng mga Jesuita sa ika-20 siglo ang pulitika sa mga pulitiko. Gayumpaman, isang pagbaligtad ang naging kapansin-pansin. Pagkatapos ng mga dantaon ng pagsuporta sa konserbatibo, maka-kanang mga pamahalaan, ang mga Jesuita ngayon ay mas malamang na sumuporta sa isang rebolusyonaryong layunin, lalo na kung siya ay nakatira sa isang nagpapaunlad na bansa. Ang Nicaragua ay isang kaso na maaaring banggitin.
Nang ang mga Sandinista ay lumuklok sa kapangyarihan sa Nicaragua, inasahan nila ang suporta ni Fernando Cardenal at ni Álvaro Argüello, dalawang prominenteng paring Jesuita na tumanggap ng tungkulin sa pamahalaan. Ipinagtanggol ni Argüello ang kaniyang pulitikal na tungkulin, sinasabing “kung mayroon man sa Nicaragua na hindi lalahok sa rebolusyon, siya ay tiyak na hindi isang Kristiyano. Upang maging Kristiyano sa ngayon, kailangan ding maging isang rebolusyonaryo.” Mauunawaan naman, ang gayong pulitikal na ebanghelyo ay nakagagalit sa maraming taimtim na mga tao.
Noong dekada ng 1930, binatikos ni Miguel de Unamuno y Jugo, isang kilalang pilosopong Kastila, ang pakikialam ng mga Jesuita sa pulitika bilang malayo sa mga turo ni Jesus. Siya’y sumulat: “Madalas banggitin ng mga Jesuita . . . ang kuwento tungkol sa sosyal na kaharian ni Jesu-Kristo, at sa pamamagitan ng pulitikal na ideolohiyang iyon, nais nilang lutasin ang mga problema sa pulitika, kabuhayan at panlipunan. . . . Si Kristo ay walang kinalaman sa sosyalismo ni sa pribadong pag-aari. . . . Sinabi niyang ang kaniyang kaharian ay hindi sa sanlibutang ito.”
Sa larangan naman ng mga doktrina, ang makabagong-panahong mga Jesuita ay may hilig ring maging rebolusyonaryo. Hayagang binatikos ni Michael Buckley, isang kilalang Amerikanong Jesuita, ang mga pasiya ng Vatican tungkol sa mga paring babae. Sa El Salvador, ipinagtatanggol ni Jon Sobrino ang teolohiya ng pagpapalaya at ang “impluwensiya ni Marx sa idea ng teolohikal na pagkaunawa.” Noong 1989 ang superyor heneral ng mga Jesuita ay naobligang magpadala ng isang liham sa lahat ng mga Jesuita na nag-uutos sa kanila na pigilan ang pagbatikos sa mga pasiya ng Vatican tungkol sa kontrasepsiyon.
Dahil sa rekord ng mga Jesuita, noon at sa kasalukuyan, talaga bang masasabi na sila ay isang samahan ni Jesus?
Isang Tunay na Samahan ni Jesus?
Sinabi ni Jesus: “Kayo’y aking mga kaibigan kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo.” (Juan 15:14) Ang tunay na kaibigan at alagad ni Jesus ay lubusang sumusunod sa Diyos at kay Kristo, at wala nang iba pa. (Gawa 5:29) Ang pagsunod sa tao sa halip na sa Diyos ay tiyak na humahantong sa mga pag-abuso at sa pamumulitika ng mensahe ni Kristo.
Walang alinlangan, naipanalo ng mga Jesuita ang ilang labanan na kanilang ipinakikipagbaka laban sa Protestantismo. Subalit sa anong halaga? Ang tagumpay ay nakasalalay nang higit sa pulitikal na intriga kaysa pag-ibig sa kapuwa. Ang kanilang pag-eebanghelyo ay nagsilbi upang ipalaganap ang isang mensahe ng ebanghelyo na nadumhan ng pulitikal na mga idea at mga ambisyon. Naglalayong kumbertihin ang daigdig, ang mga Jesuita ay naging bahagi nito. Iyan ba ang nais ni Jesus?
Sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang tunay na mga alagad: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Totoo, si apostol Pablo ay naging “lahat ng bagay sa lahat ng tao.” (1 Corinto 9:22, Douay) Subalit ito’y nangangahulugan ng pag-aangkop ng kaniyang mensahe sa kaniyang tagapakinig, hindi pakikipagkompromiso ng mga simulaing Kristiyano upang makagawa ng mga kumberti o magkaroon ng impluwensiya sa pulitika.
Nilayon ni Loyola na iharap ng mga Jesuita ang kanilang sarili sa daigdig bilang mga tagatulad ni Jesu-Kristo, ngunit ang larawang ito ay nadungisan ng pulitika at ng pagkukunwari. Sila’y naging “lahat ng bagay sa lahat ng tao,” subalit hindi nila ginawa “ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”—1 Corinto 10:31.
[Mga talababa]
a Ang Society of Jesus ang pangalang ibinigay ni Ignatius ng Loyola, ang Kastilang tagapagtatag, sa orden. Ang mga Protestante ang umimbento sa salitang “mga Jesuita,” ang pangalang kilala sila.
b Literal na mula sa Latin na “Gawain ng Diyos.” Isa itong organisasyon na pangunahing binubuo ng piling mga Katoliko na itinatag sa Espanya noong 1928 ng paring Katoliko, na si José María Escrivá.
c Itinatag ng kasunduang pangkapayapaan na Peace of Augsburg noong 1555 ang pamamahala na binigyan-kahulugan sa Latin bilang cuius regio eius religio (kaniyang relihiyon kung kaninong kaharian [ito]).
d Bilang ganti sa banta ng mga Kastila na susundin ng mga konkistadores ang mga hakbang ng mga misyonero, pinapatay ng Hapones na shogun na si Hideyoshi ang maraming Jesuita at Franciscano. Isang pakanang Jesuita na sakupin ang Tsina sa tulong ng mga boluntaryong Pilipino at Hapones ay walang alinlangang nagpasidhi sa mga paghihinala tungkol sa mga motibo ng Jesuita sa Hapón. Espesipikong binanggit ng opisyal na pagbabawal, na dumating noong 1614, ang mga pangamba na ang layon ng Katoliko ay “baguhin ang pamahalaan ng bansa at kunin ang bansa.”
[Kahon/Larawan sa pahina 12]
Ang Paghahanda Upang Maging Isang Jesuita
Ang apat na panata. May tatlong panimulang panata: karalitaan, kalinisan, at pagsunod. Pagkalipas ng 12 taon, sinusunod ng Jesuita ang ikaapat na panata, nananatang “susundin ang bawat tagubilin ng Papa sa Roma.”
Ang Espirituwal na mga Pagsasanay ay isang manwal na bumabalangkas sa isang apat-na-linggong programa ng pagbubulay-bulay na dinisenyo upang ikintal sa nobisyo ang habang-buhay na pag-aalay sa layuning Jesuita.
Sa unang linggo, gugunigunihin ng kalahok—taglay ang lahat niyang pandamdam—ang mga pagpapahirap sa impiyerno. Sa ikalawang linggo, kailangan niyang magpasiya kung siya ay patatala bilang isang Jesuita. Ang ikatlong linggo ay nakatalaga sa lubusang pagbubulay-bulay sa mga paghihirap at kamatayan ni Jesus, at ang panghuling linggo ay inilalaan sa “malinaw na paglalarawan sa isipan” ng pagkabuhay-muli ni Kristo.
Sunud-sunod na mga tagubilin ang inilalaan. Sa unang linggo, halimbawa, ang nobisyo ay sinasabihang “langhapin ang usok, ang asupre, at masamang amoy at kabulukan ng Impiyerno” at “damhin kung paano sinusunog ng mga apoy na yaon ang kaluluwa at tinutupok ito.”
Ang mga Konstitusyon ay isang tulad-Talmud na aklat ng mga tuntunin at mga alituntunin na ginawa ni Ignatius ng Loyola. Kabilang sa ibang bagay, ang Jesuita ay tinuturuan kung paano ipupuwesto ang mga kamay, kung paano igagalang ang isa na humahawak ng awtoridad, at kung bakit dapat iwasan niyang ikulubot ang kaniyang ilong.
Higit sa lahat, idiniriin ng mga Konstitusyon ang lubusang pagsunod ng Jesuita sa mga nakatataas sa kaniya: “Ang nakabababa ay isang bangkay sa mga kamay ng nakatataas sa kaniya.”
[Kahon/Larawan sa pahina 15]
Kung Bakit Naging Isang Saksi ni Jehova ang Isang Jesuita
Ito’y samantalang ako’y nagtatrabaho sa mas mahihirap na parokya sa Bolivia na ako’y nagsimulang magkaroon ng mga pag-aalinlangan. Sa simula ang mga ito ay hindi tungkol sa iglesya kundi tungkol sa mga kinatawan nito. Halimbawa, buwan-buwan ay kailangang ibigay ko sa lokal na obispo ang ilang persentahe ng mga koleksiyon at mga kabayaran na tinanggap para sa espesyal na mga Misa, mga kasal, libing, at iba pa. Yamang ang aking parokya ay mahirap, ang bahagi ng obispo ay hindi kailanman malaki. Sumasama ang loob ko kapag binubuksan niya ang sobre at sinasabi na may paghamak: “Ito ba ang miserableng abuloy na dala mo sa akin?” Maliwanag na ang ‘dalawang lepta ng babaing bao’ ay hindi mahalaga sa kaniya.—Lucas 21:1-4, Douay.
Gayunman isa pang salik na nakagambala sa akin ay ang pagkukusa ng herarkiya na tanggapin at pahintulutan ang lokal na mga idea at mga gawaing pagano may kaugnayan sa pagsamba sa Cristo de la Vera-Cruz (ang Kristo ng Tunay na Krus), na siyang imahen sa aking parokya. Sa maraming kaso ang mga gawain ay talagang kapahayagan ng demonikong panatisismo. Karagdagan pa ang kalasingan ay kadalasang nauugnay sa relihiyosong mga kapistahang ito, ngunit walang opisyal na pahayag ang ginawa laban sa paganong magulo’t maingay na paglalasingang ito.
Ako’y nakumbinsi na sa nilakad-lakad ng mga dantaon, ang Iglesya Katolika ay lumihis sa katotohanan ng Bibliya, pinapalitan ito ng mga tradisyon at pilosopiya ng tao, at na hindi lamang mga tao, gaya ng nabubukod na mga indibiduwal, ang nagkakamali. Kasuwato nito, natanto ko na sa kalooban ko ay hindi na ako isang Katoliko.—Gaya ng inilahad ni Julio Iniesta García.e
[Talababa]
e Para sa kaniyang buong kuwento, tingnan Ang Bantayan, ng Mayo 15, 1983.
[Mga larawan sa pahina 11]
Ang tagapagtatag ng mga Jesuita, si Ignatius ng Loyola, at ang kaniyang dambana sa Espanya
[Larawan sa pahina 13]
Dahil sa kanilang reputasyon sa pulitikal na intriga, ang mga Jesuita ay pinaalis sa Espanya noong 1767