Maka-Diyos na Pagsunod sa Isang Nababahaging Pamilya Dahil sa Relihiyon
“MAS MASAKIT pa ito kaysa anumang suntok. . . . Pakiramdam ko’y parang nalamog ang buong katawan ko, gayunma’y walang sinuman ang nakakikita nito.” “Kung minsan ay parang gusto ko nang sumuko . . . o kaya’y umalis at huwag nang bumalik.” “Napakahirap mag-isip kung minsan.”
Ang gayong madamdaming mga salita ay nagsisiwalat ng kawalang pag-asa at kalungkutan. Ang mga ito’y galing sa mga biktima ng berbal na pang-aabuso—mga pagbibintang, pagbabanta, nanghahamak na pagtawag, ang di-pamamansin—at maging ang pisikal na pang-aabuso mula sa mga asawa at mga miyembro ng pamilya. Bakit pinakikitunguhan nang gayon na lamang kasamâ ang mga taong ito? Dahilan lamang sa pagkakaiba ng relihiyosong paniniwala. Sa ilalim ng ganitong mga kalagayan, nagiging isang tunay na hamon ang pagsamba kay Jehova sa isang nababahaging pamilya dahil sa relihiyon. Gayunpaman, marami sa mga Kristiyanong nasa ganitong kalagayan ay matagumpay na nakapagpapamalas ng maka-Diyos na pagsunod.
Mabuti na lamang, ang gayong paghihirap at kaigtingan ay hindi nasusumpungan sa lahat ng mga nababahaging sambahayan dahil sa relihiyon. Magkagayunman, umiiral pa rin ito. Ang iyo bang sambahayan ay katulad nito? Kung gayon, masusumpungan mong mahirap mapanatili ang paggalang sa iyong asawa o sa iyong mga magulang. Kung ikaw ay isang asawang babae na nasa ganoong kalagayan o anak na nasa ganoon ding kapaligiran, papaano ka magtatagumpay sa pagpapamalas ng maka-Diyos na pagsunod sa isang nababahaging sambahayan dahil sa relihiyon? Anong tulong ang maibibigay ng iba? At papaano ba talaga minamalas ng Diyos ang bagay na ito?
Bakit Napakahirap na Maging Masunurin?
Ang malasariling interes at kawalan ng utang na loob ng sanlibutan ay gumagawang kasama ng iyong di-sakdal na hilig at nagiging isang patuloy na pakikipagpunyagi ang maka-Diyos na pagsunod. Alam ito ni Satanas, at nandiyan siya upang sirain ang iyong loob. Madalas niyang gamitin ang mga miyembro ng pamilya na may kakaunti o walang pagpapahalaga at paggalang sa maka-Diyos na mga pamantayan. Ang iyong mataas na pamantayan sa espirituwal at sa moral ay kadalasang naiiba sa pamantayan ng iyong di-nananampalatayang pamilya. Ito’y nangangahulugan ng nagkakasalungatang mga pangmalas sa paggawi at gawain. (1 Pedro 4:4) Ang panggigipit upang italikod ka mula sa Kristiyanong pamantayan ay maaaring matindi, yamang sinusunod mo ang utos na: “Tumigil kayo sa pakikibahagi sa kanila sa di-mabungang mga gawa na nauukol sa kadiliman.” (Efeso 5:11) Sa kanilang pangmalas ay wala nang tama sa iyong ginagawa. Ang lahat ng ito ay dahil sa iyong relihiyon. Isang ina, nang nahihirapan na sa mga anak niyang maysakit, ang humingi ng tulong sa kaniyang asawa at tumanggap ng isang nang-uuyam na, “May panahon ka sa iyong relihiyon; hindi mo kailangan ang tulong.” Ang gayong mga pananalita ay nakadaragdag sa hamon ng pagiging masunurin.
Kung minsan ay may mga pagkakataon na maaaring hindi ka sumang-ayon sa mga bagay na hindi naman tuwirang labag sa Kasulatan. Gayunman, natatanto mo na ikaw ay bahagi ng isang pamilya at dahil doon ay may mga pananagutan ka. “Ako’y lubhang nalulungkot kapag naiisip ko kung papaano kami pinakikitunguhan ng aking ama dahil natatanto kong nadarama niyang siya’y nag-iisa,” sabi ni Connie. “Kailangan kong madalas na paalalahanan ang aking sarili na huwag magdamdam sa pagsalungat ng aking ama. Kailangan kong sabihin sa aking sarili na may matibay na dahilan kung bakit siya sumasalungat o tumatanggi sa ating pinaninindigan. Si Satanas ang pinuno ng sistemang ito ng mga bagay.” Si Susan, asawa ng isang di-nananampalataya, ay nagsabi: “Sa pasimula ay nadarama ko na gusto kong humiwalay—ngunit hindi na ngayon. Alam ko na ginagamit siya ni Satanas upang subukin ako.”
Ang mga pagsisikap ni Satanas na ipadama sa iyo na wala kang halaga ay waring walang katapusan. Ang mga araw ay maaaring lumipas na hindi kayo nag-iimikan ng iyong asawa. Maaaring maging napakalungkot ng buhay. Ito’y sumisira ng pagtitiwala at paggalang sa sarili at sumusubok sa iyong maka-Diyos na pagsunod. Ang mga anak ay nakadarama rin ng emosyonal at pisikal na panghihina. Sa isang pagkakataon, bagaman tumutol ang kanilang mga magulang, tatlong kabataang lingkod ng Diyos ang may-katapatang dumalo sa Kristiyanong mga pagpupulong. Isa sa kanila, ngayo’y isa nang buong-panahong ministro, ang nagsabi: “Kami’y parang manhid at hapung-hapo; hindi kami makatulog; talagang nanlulumo kami.”
Anong Inaasahan ng Diyos sa Iyo?
Ang pagsunod sa Diyos ay palaging nauuna, at ang relatibong pagsunod sa pagkaulo ng asawang lalaki ay dapat na palaging kaayon ng mga utos ni Jehova. (Gawa 5:29) Maaaring maging mahirap iyon, ngunit posible naman. Patuloy na umasa sa Diyos para sa tulong. Nais niyang ikaw ay “sumamba sa espiritu at sa katotohanan” at upang makinig at magpasakop sa kaniyang pag-akay. (Juan 4:24) Ang kaalaman mula sa Salita ng Diyos, habang pinupuno nito ang wastong uri ng puso, ay nag-uudyok ng kusang pagsunod. Bagaman magbago ang iyong personal na mga kalagayan, hindi magbabago si Jehova ni ang kaniyang Salita. (Malakias 3:6; Santiago 1:17) Iniatas ni Jehova ang pagkaulo sa asawang lalaki. Ito’y nananatiling gayon tanggapin man niya ang pagkaulo ni Kristo o hindi. (1 Corinto 11:3) Bagaman ito’y mahirap tanggapin kung napapaharap ka sa patuloy na pang-aabuso at panlalait, ang alagad na si Santiago ay nagsasabi: “Ang karunungan mula sa itaas ay . . . handang sumunod.” (Santiago 3:17) Kinakailangan ang espiritu ng Diyos, lalo na ang bunga nito na pag-ibig, upang kilalanin ang pagkaulong ito nang walang-pasubali at tanggapin ito.—Galacia 5:22, 23.
Kapag mahal mo ang isa, mas madaling ipakita ang maka-Diyos na pagsunod sa tatag-Diyos na awtoridad. Ipinapayo ng Efeso 5:33: “Ibigin din ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili; sa kabilang dako naman, ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.”
Isaalang-alang si Jesus. Siya’y nilait at pinahirapan, gayunma’y hindi niya kailanman inupasala ang sinuman. Pinanatili niya ang isang walang dungis na ulat. (1 Pedro 2:22, 23) Upang mabata ni Jesus ang gayong matinding paghamak, kinailangan niya ang pambihirang katapangan at di-nagbabagong pag-ibig para sa kaniyang Ama, si Jehova. Ngunit, “tinitiis nito [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay.”—1 Corinto 13:4-8.
Pinaalalahanan ni Pablo ang kaniyang kamanggagawang si Timoteo, at pinaaalalahanan din niya tayo ngayon: “Ang Diyos ay hindi nagbigay sa atin ng espiritu ng karuwagan, kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng katinuan ng pag-iisip.” (2 Timoteo 1:7) Ang malalim na pag-ibig kay Jehova at kay Jesu-Kristo ay makapag-uudyok sa iyo sa maka-Diyos na pagsunod kapag ang kalagayan ay waring imposibleng mabata. Ang katinuan ng isip ang tutulong sa iyo na mapanatili ang isang balanseng pangmalas at mapamalagi ang iyong pansin sa iyong kaugnayan kay Jehova at kay Jesu-Kristo.—Ihambing ang Filipos 3:8-11.
Mga Asawa na Nagtatagumpay sa Pagpapakita ng Maka-Diyos na Pagsunod
Kung minsan kailangang maghintay ka ng mahabang panahon upang makita kung papaano lulutasin ni Jehova ang iyong mga suliranin. Gayunman, hindi maiksi ang kaniyang kamay. “Laging gawin ang mga bagay na kung saan binigyan ka ni Jehova ng karapatan at pribilehiyo upang gawin—ang sambahin siya sa mga pagpupulong at mga asamblea, mag-aral, maglingkuran, at manalangin,” ang payo ng isa na nagtatagumpay sa pagpapakita ng maka-Diyos ng pagsunod. Ang iyong mga pagsisikap ang pinagpapala ni Jehova, hindi lamang ang iyong mga naisagawa. Sa 2 Corinto 4:17, ang apostol Pablo ay nagsabi na ‘ang kapighatian ay panandalian lamang, ngunit nagsasagawa ito sa atin ng isang kaluwalhatian na walang-hanggan.’ Bulay-bulayin ito. Magiging isang pampatibay ito sa iyo. Isang asawang babae ang gumugunita: “Hindi bumubuti ang aking buhay pampamilya, at kung minsan ay naiisip ko kung nalulugod kaya si Jehova sa akin. Ngunit ang isang bagay na itinuturing kong pagpapala niya ay ang katunayan na ako’y mas mahinahong nakakaraos sa mahihirap na kalagayan kaysa sa aking asawa. Nagiging sulit ang pakikipagpunyagi dahil sa pagkaalam na nakalulugod kay Jehova ang ating mga gawi.”
Nangangako si Jehova na hindi ka niya hahayaang makaranas ng mga kalagayan na hindi mo mababata. Magtiwala ka sa kaniya. Higit ang kaniyang alam kaysa sa iyo, at mas kilala ka niya nang higit kaysa pagkakilala mo sa iyong sarili. (Roma 8:35-39; 11:33; 1 Corinto 10:13) Ang pananalangin kay Jehova sa panahon ng mahihirap na kalagayan ay nakatutulong. Manalangin para sa kaniyang espiritu upang gumabay sa iyo, lalo na kapag hindi mo alam kung saan tutungo o kung papaano haharapin ang isang kalagayan. (Kawikaan 3:5; 1 Pedro 3:12) Patuloy na magsumamo sa kaniya para sa pagtitiis, pagpipigil-sa-sarili, at kapakumbabaan upang sundin ang awtoridad sa iyong buhay. Sinabi ng salmista: “Si Jehova ang aking bato at ang aking moog at ang Tagapaglaan ng pagtakas para sa akin.” (Awit 18:2) Ang pagsasaisip nito ay isang nakapagpapalakas na tulong para doon sa mga nasa nababahaging mga sambahayan dahil sa relihiyon.
Higit sa lahat, pagsikapang gawing maligaya ang iyong pag-aasawa. Oo, patiunang nakita ni Jesus na magdudulot ng pagkakabaha-bahagi ang mabuting balita. Gayunman, manalangin na hindi sana ang iyong saloobin o paggawi ang maging dahilan ng pagkakabaha-bahagi. (Mateo 10:35, 36) Sa layuning ito, pinauunti ng pakikipagtulungan ang mga suliraning pangmag-asawa. Kahit na kung ikaw lamang ang nagpapamalas ng ganitong wastong saloobin, malaki ang magagawa nito sa paghadlang sa mga suliranin upang hindi na mauwi sa malaking sigalot at pagtatalo. Napakahalaga ng pagtitiis at pag-ibig. “Maging banayad” at “nagpipigil sa ilalim ng kasamaan.”—2 Timoteo 2:24.
Ang apostol Pablo ay naging “lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.” (1 Corinto 9:22) Gayundin, samantalang hindi ikinokompromiso ang mga pananagutang Kristiyano, maaaring kailanganin mong baguhin ang iyong iskedyul kung minsan upang makagugol ng higit na panahon kasama ng iyong asawa at pamilya. Gumugol ng malaking panahon hangga’t maaari sa isa na iyong pinili upang makasama sa iyong buhay. Magpakita ng Kristiyanong konsiderasyon. Ito’y isang kapahayagan ng maka-Diyos na pagsunod.
Ang may-takot sa Diyos at mapagpasakop na asawang babae na nakikibagay at madamayin ay nakasusumpong na madaling magpamalas ng maka-Diyos na pagsunod. (Efeso 5:22, 23) Ang malumanay na mga salita, “tinimplahan ng asin,” ay tumutulong upang mabawasan ang posibilidad ng mga pagtatalo.—Colosas 4:6; Kawikaan 15:1.
Ang maka-Diyos na karunungan ay nagpapayo sa iyo na lutasin agad ang mga di-pagkakaunawaan at ibalik ang kapayapaan taglay ang mabubuting salita na nagpapatibay, sa halip na matulog na nasa “isang kalagayang pukáw sa galit.” (Efeso 4:26, 29, 31) Ito’y humihiling ng pagpapakumbaba. Umasa nang lubusan kay Jehova para sa lakas. Mapakumbabang inamin ng isang asawang babae: “Pagkatapos ng masidhing panalangin, naranasan ko na iniaangat ng espiritu ni Jehova ang aking kamay upang yakapin ko ang aking asawa.” Nagpapayo ang Salita ng Diyos: “Huwag gumanti ng masama para sa masama sa kaninuman. . . . Patuloy na daigin ng mabuti ang masama.” (Roma 12:17-21) Ito’y matalinong payo at ang landasin ng maka-Diyos na pagsunod.
Mga Anak na Nagpapakita ng Maka-Diyos na Pagsunod
Ganito ang payo ni Jehova sa inyo mga anak na nasa nababahaging pamilya dahil sa relihiyon: “Maging masunurin kayo sa inyu-inyong mga magulang sa lahat ng bagay, sapagkat ito ay nakalulugod nang mainam sa Panginoon.” (Colosas 3:20) Pansinin na isinaalang-alang dito ang Panginoong Jesu-Kristo. Gayunman, ang pagsunod sa mga magulang ay hindi walang-pasubali. Ang payo ng Gawa 5:29 na “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao,” ay kumakapit din sa mga kabataang Kristiyano. May mga pagkakataong babangon kung saan kakailanganin mong magpasiya batay sa kung ano ang alam mong tama ayon sa Kasulatan. Maaari itong magbunga ng isang uri ng parusa dahilan sa pagtangging makibahagi sa isang gawang huwad na pagsamba. Samantalang ito ay di-kaaya-ayang asamin, makakasumpong ka ng kaaliwan at magagalak pa nga sa bagay na ikaw ay nagbabata dahilan sa paggawa ng kung ano ang tama sa paningin ng Diyos.—1 Pedro 2:19, 20.
Yamang ang iyong mga kaisipan ay pinapatnubayan ng mga simulain ng Bibliya, maaaring maging kakaiba ka sa iyong mga magulang sa ilang usapin. Hindi nito pinangyayaring maging kaaway mo sila. Kahit na hindi sila naaalay na lingkod ni Jehova, karapat-dapat pa rin sila sa wastong paggalang. (Efeso 6:2) Sinabi ni Solomon: “Dinggin mo ang iyong ama na nagpangyaring maisilang ka, at huwag mong hamakin ang iyong ina.” (Kawikaan 23:22) Sikapin mong maintindihan ang kirot na nadarama nila sa pagsunod mo sa isang pananampalataya na waring kakatwa sa kanila. Makipag-usap ka sa kanila, at “hayaang malaman ang inyong pagka-makatuwiran.” (Filipos 4:5) Ibahagi mo ang iyong damdamin at mga iniisip. Manghawakang matatag sa maka-Diyos na mga simulain, gayunman, “kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Roma 12:18) Ang bagay na ikaw ay sumusunod ngayon sa magulang ay nagpapakita kay Jehova na ibig mong magpatuloy na maging masunurin bilang isang sakop ng Kaharian.
Kung Ano ang Magagawa ng Iba
Ang mga Kristiyanong nabubuhay sa nababahaging pamilya dahil sa relihiyon ay nangangailangan ng pampatibay at pang-unawa mula sa kapuwa mga mananamba. Ito’y mahahalata mula sa mga salita ng isa na nagsabi: “Dama ko’y lubusan na akong walang pag-asa at walang-kaya, yamang walang magawa ang iba, at wala rin akong magawa upang baguhin ito. Ako’y nagtitiwala kay Jehova na isasagawa ang kaniyang kalooban sa aming pamilya, anuman ito.”
Ang pakikisalamuha sa espirituwal na mga kapatid sa mga pulong Kristiyano ay isang kanlungan. Inilarawan ng tao ring ito na ang kaniyang buhay ay “kagaya ng dalawang magkaibang daigdig. Isa na doo’y kailangang naroon ako at isa na gusto kong tamasahin.” Ang pag-ibig ng kapatiran ang nagpapangyaring maging posible para sa mga napipighating ito na makapagbata at makapaglingkuran sa lahat ng mga kalagayan. Isama sila sa iyong mga panalangin. (Efeso 1:16) Sa bawat pagkakataon, patuloy na magsalita ng nakapagpapatibay, positibo, at nakaaaliw na mga salita sa kanila. (1 Tesalonica 5:14) Kung praktikal at angkop, isama sila sa inyong teokratiko at sosyal na mga gawain.
Mga Pagpapala at Pakinabang ng Maka-Diyos na Pagsunod
Bulay-bulayin sa araw-araw ang mga pagpapala at pakinabang ng pagpapamalas ng maka-Diyos na pagsunod sa isang nababahaging sambahayan dahil sa relihiyon. Magsikap na maging masunurin. “Huwag manghihimagod.” (Galacia 6:9) Ang pagbabata ng di-kaaya-ayang mga kalagayan at kawalang-katarungan “dahil sa budhi ukol sa Diyos . . . ay isang kaayaayang bagay” sa Diyos. (1 Pedro 2:19, 20) Maging masunurin hanggang sa lawak na hindi naman ikinokompromiso ang matuwid na mga simulain at mga batas ni Jehova. Ito’y pagpapakita ng katapatan sa kaayusan ni Jehova. Maaari pa ngang iligtas ng iyong maka-Diyos na paggawi ang buhay ng iyong asawa, mga anak, o mga magulang.—1 Corinto 7:16; 1 Pedro 3:1.
Habang ikaw ay nagsisikap na maabot ang mga kahilingan at mga inaasahan ng iyong nababahaging pamilya dahil sa relihiyon, tandaan ang kahalagahan ng pananatiling tapat sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Maaari kang magparaya sa maraming bagay, ngunit ang ipagparaya ang katapatan ay pagpaparaya na sa lahat ng bagay, kalakip na ang buhay mismo. Ang apostol Pablo ay nagsabi: “Ang Diyos . . . ay nagsalita sa atin sa wakas ng mga araw na ito sa pamamagitan ng isang Anak, na inatasan niyang tagapagmana ng lahat ng mga bagay, at na sa pamamagitan niya ay kaniyang ginawa ang mga sistema ng mga bagay.” Ang pagkilala sa ganitong “kaligtasan na may gayong kadakilaan” ay magpapatibay sa iyo na maging masunurin.—Hebreo 1:1, 2; 2:3.
Ang iyong walang-pakikipagkompromisong pagsunod at katatagan para sa matuwid na asal at kagalingan ay isang mahusay na sanggalang para sa iyo at sa iyong di-nananampalatayang asawa. Ang katapatan ay lumilikha ng isang matibay na buklod ng pamilya. Sinasabi ng Kawikaan 31:11 tungkol sa isang may-kakayahan at tapat na asawang babae: “Ang puso ng kaniyang asawa ay tumitiwala sa kaniya.” Ang iyong malinis na paggawi at matinding paggalang ay maaaring magbukas sa mata ng iyong di-nananampalatayang asawang lalaki. Maaari itong umakay sa kaniya na tanggapin ang katotohanan ng Diyos.
Ang maka-Diyos na pagsunod ay totoong mahalaga at nagliligtas-buhay. Manalangin ukol dito sa iyong buhay pampamilya. Magbubunga ito ng kapayapaan ng isip at magdudulot ng papuri kay Jehova.