Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Kailangan bang maglambong ang mga sister kapag nag-iinterpret ng mga pahayag sa wikang pasenyas sa mga Kristiyanong pagpupulong, asamblea, o kombensiyon?
Ang mga babaing Kristiyano ay kailangang maglambong kapag gumaganap ng mga responsibilidad na karaniwan nang para sa kaniyang asawa o sa isang brother sa kongregasyon. Kaayon ito ng simulaing binanggit ni apostol Pablo na “ang bawat babae na nananalangin o nanghuhula nang di-nalalambungan ang kaniyang ulo ay humihiya sa kaniyang ulo” sapagkat ang ‘ulo ng babae ay ang lalaki.’ (1 Cor. 11:3-10) Ang paglalagay ng simple at angkop na lambong sa gayong mga sitwasyon ay tanda ng pagpapasakop sa kaayusan ng Diyos sa kongregasyong Kristiyano.—1 Tim. 2:11, 12.a
Paano kung iniinterpret ng isang sister sa wikang pasenyas ang pahayag ng isang brother? Oo nga’t nag-iinterpret lang ang sister at hindi naman siya ang talagang nagtuturo kundi ang brother na nagpapahayag. Pero ibang-iba ang pag-iinterpret sa wikang pasenyas at ang pag-iinterpret sa binibigkas na wika. Sa binibigkas na wika, ang mga tagapakinig ay nakapagtutuon pa rin ng pansin sa tagapagsalita habang nakikinig sa interpreter. Gayundin, di-tulad sa pag-iinterpret sa wikang pasenyas, ang mga sister na nag-iinterpret sa binibigkas na wika ay karaniwan nang hindi masyadong napapansin. Puwede pa nga silang mag-interpret habang nakaupo, o kung nakatayo naman, maaaring nakaharap sila sa tagapagsalita sa halip na sa tagapakinig. Kaya hindi na kailangang maglambong ng mga sister kapag nag-iinterpret sa binibigkas na wika.
Iba naman pagdating sa pag-iinterpret ng mga pahayag sa wikang pasenyas. Dahil sa pagsulong ng teknolohiyang ginagamit dito, higit na nabibigyang-pansin ng mga tagapakinig ang interpreter. Karaniwan nang makikita sa malaking iskrin ang interpreter, samantalang ang mismong nagpapahayag ay baka hindi man lang nakikita ng mga tagapakinig. Kaya waring angkop na maglambong ang sister para ipakitang nag-iinterpret lang siya ng pahayag.
Ano ang epekto ng bagong tagubiling ito sa pag-iinterpret sa wikang pasenyas ng mga bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, pagtatanghal, at mga komento sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya, Pulong sa Paglilingkod, at Pag-aaral sa Bantayan? Dapat din bang maglambong ang mga sister na nag-iinterpret sa mga pagkakataong ito? Lumilitaw na hindi na nila kailangang maglambong sa ilang pagkakataon, dahil alam naman ng lahat na hindi sila ang talagang nangangasiwa sa pulong. Halimbawa, hindi na nila kailangang maglambong kapag nag-iinterpret ng mga komento ng mga tagapakinig, bahagi ng mga sister, o mga pagtatanghal. Pero kapag nag-iinterpret ng pahayag ng mga brother, komento ng konduktor sa Pag-aaral sa Bantayan o Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya, o nangunguna o nagsisilbing prompter sa pagsesenyas ng awit, dapat silang maglambong. Sa pulong, baka kailangang mag-interpret ang isang sister para sa mga brother, sister, bata, at mga elder. Kaya naman mas praktikal na maglambong siya sa buong pulong.
[Talababa]
a Para sa detalyadong pagtalakay tungkol sa paglalambong ng mga babaing Kristiyano, tingnan ang pahina 209 hanggang 212 ng Manatili sa Pag-ibig ng Diyos.