Ang Mabuting Balitang ito ay Kailangang Maipangaral Muna
“Sa lahat ng mga bansa ay kailangang ipangaral muna ang mabuting balita.”—MARCOS 13:10.
1, 2. Ano ang isang tatak ng mga Saksi, at bakit?
BAKIT ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral nang walang puknat? Tunay na tayo’y kilala sa buong daigdig dahil sa ating pangmadlang ministeryo, maging iyon man ay sa bahay-bahay, sa mga lansangan, o sa impormal na mga pakikipag-usap. Sa bawat angkop na pagkakataon, ipinakikilala natin ang ating sarili bilang mga Saksi at nagsisikap na mataktikang ipakipag-usap ang mabuting balita na ating pinakaiingatan. Sa katunayan, masasabi natin na ang ministeryong ito ang ating tatak!—Colosas 4:6.
2 Pag-isipan lamang iyon—kailanma’t nakakakita ang mga tao sa kanilang palibot ng isang grupo ng mga lalaki, babae, at mga bata na may maaayos na bihis at may dalang mga portpolyo, ano ang karaniwan nang una nilang iniisip? Iyon ba’y, ‘Oh naririto na naman ang mga Katoliko (o Ortodokso)!’ o, ‘Naririto na naman ang mga Pentecostal (o mga Baptist)!’ Hindi. Alam ng mga tao na ang gayong mga relihiyon ay walang pami-pamilyang gumaganap ng ministeryo sa bahay-bahay. Marahil ang ilang grupong relihiyoso ay nagsusugo ng ilang “misyonero” para sa dalawang-taóng pagmimisyon sa ilang lugar, subalit ang karamihan ng kanilang mga miyembro ay hindi nakikibahagi sa gayong ministeryo. Tanging ang mga Saksi ni Jehova lamang ang kilala sa buong daigdig dahil sa kanilang sigasig sa paghahatid sa iba ng kanilang mensahe sa bawat angkop na pagkakataon. At sila’y kilala dahil sa kanilang mga magasin, Ang Bantayan at Gumising!—Isaias 43:10-12; Gawa 1:8.
Ibang-Iba sa Klero ng Sangkakristiyanuhan
3, 4. Papaano kadalasang inilalarawan ng mga pahayagan ang klero ng Sangkakristiyanuhan?
3 Bilang pagkakaiba, ang mga balita ay paulit-ulit na nagsisiwalat na marami sa klero sa ilang lupain ang nanghahalay ng mga batang musmos, imoral na mga manggagantso, at mga magdaraya. Ang kanilang mga gawa ng laman at ang kanilang maluluhong istilo ng pamumuhay ay nakikita ng lahat. Isang popular na kompositor ng awitin ang mainam na nagpahayag nito sa kaniyang awiting pinamagatang “Magsusuot Kaya si Jesus ng Rolex [isang mamahaling relo na yari sa ginto] sa Kaniyang Programa sa Telebisyon?” Siya’y nagtatanong: “Magiging pulitiko kaya si Jesus kung sakaling Siya’y babalik sa Lupa? Magkakaroon kaya siya ng Kaniyang ikalawang tahanan sa Palm Springs [isang nakaririwasang komunidad sa California] at sisikaping ikubli ang Kaniyang kayamanan?” Angkop na angkop nga ang mga salita ni Santiago: “Kayo ay namuhay nang maluho sa ibabaw ng lupa at namihasa sa pagbibigay-lugod sa laman. Pinataba ninyo ang inyong mga puso sa araw ng pagpatay.”—Santiago 5:5; Galacia 5:19-21.
4 Ang pakikipagniig ng klero sa mga pulitiko at maging ang pakikibahagi sa mga halalan bilang pulitikal na mga kandidato ay nagbubunyag sa kanila bilang modernong-panahong mga eskriba at mga Fariseo. Kasabay nito, sa mga bansang gaya ng Estados Unidos at Canada, ang mga kabang-yaman ng relihiyon ay nauubusan ng laman dahil sa malalaking gastos sa mga kaso at mga hatol laban sa klero, na resulta ng kanilang mahalay na paggawi sa mga bata at mga adulto.—Mateo 23:1-3.
5. Bakit napatunayang ang Klero ng Sangkakristiyanuhan ay hindi “ang tapat at maingat na alipin”?
5 Tama naman, sinabi ni Jesus sa klero noong kaniyang kaarawan: “Kaabahan sa inyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagkat nakakahawig kayo ng mga pinaputing libingang-dako, na sa labas nga ay nagtitinging maganda ngunit sa loob ay punô ng mga buto ng mga taong patay at ng bawat uri ng kawalang-kalinisan. Sa gayong paraan kayo rin, sa labas nga, ay nagtitinging matuwid sa mga tao, ngunit sa loob kayo ay punô ng pagpapaimbabaw at katampalasanan.” Kaya naman, hindi ibinigay ng Diyos sa klero ng Sangkakristiyanuhan, maging sa Katoliko, Protestante, Ortodokso, o sa mga walang denominasyon, ang atas na ipangaral ang mabuting balita. Napatunayan na hindi sila ang inihulang “tapat at maingat na alipin.”—Mateo 23:27, 28; 24:45-47.
Bakit Kailangang Maipangaral Muna ang Mabuting Balita?
6. Anong mga pangyayari ang malapit nang maganap?
6 Sa kaniyang maikli at makahulugang bersiyon ng utos ni Jesus na ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng bansa, si Marcos lamang ang gumagamit ng salitang “muna.” (Marcos 13:10; ihambing ang Mateo 24:14.) Ang bersiyon ni J. B. Phillips ay kababasahan: “Sapagkat bago dumating ang wakas ang ebanghelyo ay kailangang maihayag sa lahat ng bansa.” Ang paggamit ng “muna” bilang isang pang-abay ay nagpapahiwatig na may iba pang mga pangyayari na susunod sa pandaigdig na pangangaral ng ebanghelyo. Kasali sa mga pangyayaring iyon ang ipinangakong malaking kapighatian at ang matuwid na pamamahala ni Kristo sa bagong sanlibutan.—Mateo 24:21-31; Apocalipsis 16:14-16; 21:1-4.
7. Bakit nais ng Diyos na maipangaral muna ang mabuting balita?
7 Kaya bakit nais ng Diyos na maipangaral muna ang mabuting balita? Ang isang dahilan ay sapagkat siya ay isang Diyos ng pag-ibig, katarungan, karunungan, at kapangyarihan. Sa katuparan ng mga pangungusap ni Jesus na nasusulat sa Mateo 24:14 at Marcos 13:10, masusumpungan natin ang isang kapani-paniwalang pagtatanghal ng mga katangiang ito ni Jehova. Suriin natin sandali ang mga ito nang isa-isa at tingnan kung papaano kaugnay ang mga ito sa pangangaral ng mabuting balita.
Ang Mabuting Balita at ang Pag-ibig ni Jehova
8. Papaano isang paghahayag ng pag-ibig ng Diyos ang pangangaral ng mabuting balita? (1 Juan 4:7-16)
8 Papaano mababanaag sa pangangaral ng mabuting balita ang pag-ibig ng Diyos? Una sa lahat, dahilan sa iyon ay hindi isang mensaheng nilayon para lamang sa iisang lahi o grupo. Iyon ay mabuting balita para sa “lahat ng mga bansa.” Iniibig ng Diyos ang sambahayan ng tao nang gayon na lamang anupat isinugo niya sa lupa ang kaniyang bugtong na Anak upang maging haing pantubos para sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan, hindi lamang ng iisang lahi. Sumulat si apostol Juan: “Inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan. Sapagkat isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa sanlibutan, hindi upang hatulan niya ang sanlibutan, kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.” (Juan 3:16, 17) Tiyak na ang mabuting balita, isang mensaheng nangangako ng bagong sanlibutan ng kapayapaan, pagkakasuwato, at katarungan, ay isang katunayan ng pag-ibig ng Diyos.—2 Pedro 3:13.
Ang Mabuting Balita at ang Kapangyarihan ni Jehova
9. Bakit hindi ginamit ni Jehova ang makapangyarihang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan upang mangaral ng mabuting balita?
9 Papaano nahahayag ang kapangyarihan ni Jehova sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita? Isaalang-alang, sino ba ang ginagamit niya upang isagawa ang atas na ito? Iyon ba ay ang pinakamakapangyarihang mga organisasyong relihiyoso ng Sangkakristiyanuhan, tulad ng Iglesya Katolika Romana o ng prominenteng mga denominasyong Protestante? Hindi, ang kanilang pagsangkot sa pulitika ang nag-aalis sa kanila ng karapatang tuparin ang atas na iyon. (Juan 15:19; 17:14; Santiago 4:4) Ang kanilang relatibong kayamanan at ang kanilang mga koneksiyon at impluwensiya sa piling uri ng mga tao na namamahala ay hindi nakapukaw ng mabuting impresyon sa kanila ng Diyos na Jehova, ni ang kanila mang teolohiyang nakagapos sa tradisyon. Ang lakas ng tao ay hindi kailangan upang magawa ang kalooban ng Diyos.—Zacarias 4:6.
10. Sino ang pinili ng Diyos upang siyang gumawa ng pangangaral?
10 Tulad iyon ng sinabi ni apostol Pablo sa kaniyang liham sa kongregasyon sa Corinto: “Nakikita ninyo ang kaniyang pagtawag sa inyo, mga kapatid, na hindi maraming marunong sa makalamang paraan ang tinawag, hindi maraming makapangyarihan, hindi maraming may maharlikang kapanganakan; kundi pinili ng Diyos ang mga mangmang na bagay ng sanlibutan, upang mailagay niya sa kahihiyan ang mga taong marurunong; at pinili ng Diyos ang mahihinang bagay ng sanlibutan, upang mailagay niya sa kahihiyan ang malalakas na bagay; at pinili ng Diyos ang mga hamak na bagay ng sanlibutan at ang mga bagay na minamaliit, ang mga bagay na wala, upang madala niya sa wala ang mga bagay na umiiral, upang walang laman na maghambog sa paningin ng Diyos.”—1 Corinto 1:26-29.
11. Anong mga katotohanan tungkol sa mga Saksi ang nagpapakitang sila’y kakaiba?
11 Kakaunti lamang ang mayayamang miyembro ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang organisasyon at tunay na walang mga makapangyarihan sa pulitika. Ang kanilang hindi pakikialam sa pulitika ay nangangahulugan na sila’y hindi makaiimpluwensiya sa pulitika. Sa kabaligtaran, kalimitan ay nagiging biktima sila ng makahayop na pag-uusig na kagagawan ng relihiyoso at pulitikal na mga lider sa ika-20 siglong ito. Gayunman, sa kabila ng malupit na pagsalansang na ibinangon laban sa kanila ng mga alagad ng Nazismo, Pasismo, Komunismo, nasyonalismo, at huwad na relihiyon, ang mga Saksi ay hindi lamang nangangaral ng mabuting balita sa buong daigdig kundi kagila-gilalas din ang kanilang pagdami.—Isaias 60:22.
12. Bakit matagumpay ang mga Saksi?
12 Ano ba ang ipinalalagay ng mga Saksi na siyang pinagmumulan ng kanilang tagumpay? Nangako si Jesus sa kaniyang mga alagad: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag ang banal na espiritu ay dumating sa inyo, at magiging mga saksi ko kayo kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” Kung gayon, ano ang tiyak na pagmumulan ng kanilang tagumpay? Sinabi ni Jesus: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag ang banal na espiritu ay dumating sa inyo.” Gayundin sa ngayon, ang kapangyarihang buhat sa Diyos, hindi ang kakayahan ng tao, ang pinakasusi sa tagumpay ng mga Saksi sa kanilang pambuong-daigdig na ministeryo. Samantalang waring ang pinakamahihinang tao ang ginagamit, ginaganap ng Diyos ang pinakadakilang gawaing pagtuturo sa kasaysayan.—Gawa 1:8; Isaias 54:13.
Ang Mabuting Balita at ang Karunungan ni Jehova
13. (a) Bakit ang mga Saksi ay naglilingkod nang kusang-loob at walang bayad? (b) Papaano sinagot ni Jehova ang panunuya ni Satanas?
13 Ang mabuting balita ay ipinangangaral ng mga boluntaryo. Sinabi ni Jesus: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” (Mateo 10:8) Samakatuwid, walang isa man sa mga Saksi ni Jehova ang tumatanggap ng suweldo sa paglilingkod sa Diyos, ni naghahangad man sila nito. Sa katunayan, hindi man lamang sila nangungulekta sa kanilang mga pulong. Sa pamamagitan ng kanilang tapat at walang pag-iimbot na paglilingkuran, sila’y naliligayahang magbigay para sa Diyos ng kasagutan sa nagpaparatang sa kaniya, si Satanas na Diyablo. Ang espiritung mananalansang na ito sa Diyos ay nagpahiwatig na ang mga tao’y hindi maglilingkod sa Diyos taglay ang isang motibong walang pag-iimbot. Sa kaniyang karunungan si Jehova ay nakagawa ng di-matututulang sagot sa panunuya ni Satanas—ang angaw-angaw na tapat na mga Saksing Kristiyano na nangangaral ng mabuting balita sa bahay-bahay, sa mga lansangan, at sa paraang impormal.—Job 1:8-11; 2:3-5; Kawikaan 27:11.
14. Ano “ang natatagong karunungan” na tinutukoy ni Pablo?
14 Isa pang patotoo ng karunungan ng Diyos sa pagpapangyari na maipangaral ang mabuting balita ay ang bagay na ang mismong pangako tungkol sa Kaharian ay isang katunayan ng karunungan ng Diyos. Sumulat si apostol Pablo: “Ngayon ay nagsasalita kami ng karunungan sa gitna niyaong mga may-gulang, ngunit hindi ng karunungan ng sistemang ito ng mga bagay ni niyaong sa mga tagapamahala ng sistemang ito ng mga bagay, na mga mauuwi sa wala. Kundi nagsasalita kami ng karunungan ng Diyos sa isang sagradong lihim, ang natatagong karunungan, na patiunang itinalaga ng Diyos bago pa ang mga sistemang ito ng mga bagay para sa ating kaluwalhatian.” Ang “natatagong karunungan” na iyan ay tumutukoy sa matalinong paraan ng Diyos ng pagwawakas sa paghihimagsik na nagsimula sa Eden. Ang karunungan ng sagradong lihim na iyan ay nahayag kay Jesu-Kristo, na siyang pinakapangunahin sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.a—1 Corinto 2:6, 7; Colosas 1:26-28.
Ang Mabuting Balita at ang Katarungan ng Diyos
15. Papaano natin nalalaman na si Jehova ay isang Diyos ng katarungan? (Deuteronomio 32:4; Awit 33:5)
15 Lalo na may kaugnayan sa katarungan makikita natin ang kahalagahan ng salitang “muna” sa Marcos 13:10. Si Jehova ay isang Diyos ng katarungan na nilakipan ng maibiging-kabaitan. Sinasabi niya sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Jeremias: “‘Hayaang ang nagmamapuri sa kaniyang sarili ay magmapuri sa kaniyang sarili dahil sa mismong bagay na ito, ang pagkakaroon ng malalim na pagkaunawa at ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa akin, na ako’y si Jehova, ang Isang nagsasagawa ng maibiging-kabaitan, katarungan at katuwiran sa lupa; sapagkat sa mga bagay na ito nalulugod ako,’ ang sabi ni Jehova.”—Jeremias 9:24.
16. Papaano maipaghahalimbawa na ang katarungan ay humihiling ng pagbibigay muna ng isang babala?
16 Papaano ipinakikita ang katarungan ni Jehova kung tungkol sa pangangaral ng mabuting balita? Ipaghalimbawa natin ito sa isang ina na gumawa ng masarap na chocolate cake na kakanin pagka dumating ang mga bisita sa bandang hapon. Kung iiwan niya iyon sa mesa sa kusina na hindi sinasabi sa kaniyang mga anak kung kailan iyon kakanin, ano ba ang natural na gagawin ng mga bata? Lahat tayo ay nagdaan sa pagiging bata! Nanaisin ng munting daliri na subukin ang cake na iyon! Ngayon kung ang ina ay hindi nagbigay ng nararapat na babala, wala siyang matibay na batayan upang magdisiplina. Sa kabilang panig, kung malinaw na sinabi niya na ang cake ay mamaya pa kakainin kapag dumating na ang mga bisita kung kaya hindi dapat galawin, maliwanag na siya ay nagbigay ng babala. Kung may sumuway, may karapatan siyang gumawa ng matatag at nararapat na pagdisiplina.—Kawikaan 29:15.
17. Papaano ipinakita ni Jehova ang katarungan sa isang natatanging paraan sapol noong 1919?
17 Si Jehova, sa kaniyang taglay na katarungan, ay hindi hahatol laban sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay nang hindi muna nagbibigay ng babala. Kaya naman, lalo na sapol noong 1919, pagkatapos na ang unang digmaang pandaigdig ay nagdulot ng “hapdi ng kabagabagan,” pinangyari ni Jehova na ang kaniyang mga Saksi ay humayo sa buong lupa sa masigasig na paghahayag ng mabuting balita. (Mateo 24:7, 8, 14) Hindi maikakaila ng mga bansa na hindi nila alam ang pambihirang babalang ito.
Gaano Nang Kalawak Napangaralan ang Sanlibutan?
18. (a) Ano ang patotoo ng gawain ng mga Saksi sa malalayong lugar? (b) Ano pang ibang halimbawa ang alam mo?
18 Ang isang patotoo ng pagiging epektibo ng pambuong-daigdig na gawaing pagtuturong ito ay makikita sa aklat na Last Places—A Journey in the North. Binabanggit ng awtor nito na nang suriin niya ang mga tsart sa dagat para sa nakabukod na isla ng Foula, isa sa Shetland Islands sa hilaga ng Scotland, ipinakita ng mga tsart “ang WKS (wrecks), RKS (rocks), LDGS (ledges), at OBS (obstructions) sa buong palibot ng isla.” Ang mga ito ay “nagbababala sa papalapit na mga magdaragat na sila’y lumayo roon. Ang karagatan ng Foula ay isang nakatatakot na taguan ng mga pampasabog, kung kaya ang isla ay mapanganib para sa mga maglalayag, mga naglalakbay kung araw, at maging sa brigada ng Kaniyang Kamahalan para sa mga proyektong pambayan, bagaman—ilang araw pa lamang mula nang malaman ko—hindi gayon para sa mga Saksi ni Jehova.” Sinabi pa niya: “Kung papaanong kanilang masusing sinisiyasat ang mga bahayan sa malalaking lunsod at ang Third World sa paghanap ng mga nagbabalik-loob, ganiyan sila nangungumberte para sa kanilang pananampalataya sa malayong Foula.” Inamin niya na ang isang tagaroon, si Andrew, ay may sipi ng Ang Bantayan na iniwan sa kaniyang pintuan noong lumipas na mga ilang buwan. Pagkatapos ay sinabi pa niya: “Pagkalipas ng isang linggo ako’y makakakita ng isang sipi ng [Gumising! sa Daneso] sa Faeroes [mga isla sa North Sea] at makalipas ang dalawang buwan ay isang sipi naman ng [Ang Bantayan sa Daneso] sa Nuuq, Greenland.” Anong inam na patotoo sa masigasig na gawain ng mga Saksi ni Jehova sa mga rehiyong iyon sa hilaga!
Ano ang Nag-uudyok sa mga Saksi Upang Magpatuloy?
19, 20. (a) Ano ang nag-uudyok sa mga Saksi ni Jehova upang patuloy na mangaral? (b) Anong mga tanong ang susunod na sasagutin?
19 Mangyari pa, hindi madali ang pangangaral sa bahay-bahay sa mga taong di mo kilala, kahit maraming taon ka nang isang Saksi. Ano kung gayon ang nag-uudyok sa mga Kristiyanong ito upang magpatuloy? Iyon ay ang kanilang pag-aalay at ang pagkadama ng pananagutan bilang mga Kristiyano. Si Pablo ay sumulat: “Ngayon, kung ipinapahayag ko ang mabuting balita, hindi dahilan iyon upang maghambog ako, sapagkat ang pangangailangan ay iniatang sa akin. Tunay nga, ako ay aba kung hindi ko ipinahayag ang mabuting balita!” Taglay ng tunay na mga Kristiyano ang isang mensahe na nangangahulugan ng buhay, kaya papaano nila magagawang sarilinin iyon? Ang mismong simulain ng pagkakasala sa dugo dahilan sa hindi pagbibigay ng babala kung panahon ng panganib ay isang nag-uudyok na dahilan upang ipangaral ang mabuting balita.—1 Corinto 9:16; Ezekiel 3:17-21.
20 Papaano, kung gayon, ipinangangaral ang mabuting balita? Ano ang susi sa tagumpay ng mga Saksi? Anong mga pitak ng kanilang ministeryo at organisasyon ang makatutulong upang makilala sila bilang ang tunay na relihiyon? Sasagutin ng ating susunod na artikulo ang mga katanungang iyan.
[Talababa]
a Para sa higit pang paliwanag tungkol sa karunungan ng Diyos at sa “sagradong lihim,” tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo II, pahina 1190, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang nagpapakitang ang mga Saksi ni Jehova ay naiiba sa klero?
◻ Papaano nababanaag sa pangangaral ang pag-ibig, kapangyarihan, at karunungan ng Diyos?
◻ Papaano nababanaag ang katarungan ng Diyos sa pangangaral ng mabuting balita?
◻ Ano ang nag-uudyok sa mga Saksi ni Jehova upang magpatuloy sa kanilang ministeryo?
[Mga larawan sa pahina 15]
Gaano man kaliblib ang kinaroroonan ng mga tao, sila’y nais marating ng mga Saksi ni Jehova