Pagpapatotoo sa “Lahat ng mga Bansa”
“Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—MATEO 24:14.
1. Bakit ang mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 24:14 ay naging isang sorpresa sa kaniyang mga tagasunod?
ANONG laking sorpresa para sa kaniyang mga alagad na Judio ang nabanggit na mga salita ni Jesus! Ang mismong idea na ang pinabanal na mga Judio ay makikipag-usap sa “di-malinis” na mga Gentil, “mga tao ng mga bansa,” ay malayo sa isip ng isang Judio, nakasusuklam pa nga.a Aba, ang isang taimtim na Judio ay hindi mag-iisip na pumasok sa tahanan ng isang Gentil! Marami pang dapat malaman ang Judiong mga alagad na iyon tungkol kay Jesus, sa kaniyang pag-ibig, at sa kaniyang iniutos. At sila’y marami pang dapat matutuhan tungkol sa pagkawalang-itinatangi ni Jehova.—Gawa 10:28, 34, 35, 45.
2. (a) Gaano na kalaganap ang ministeryo ng mga Saksi? (b) Anong tatlong saligang mga salik ang nagdulot ng pagsulong sa mga Saksi?
2 Naipangaral na ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balita sa mga bansa, kasali na ang modernong-panahong Israel, at ipinahahayag ito ngayon sa mas maraming bansa kaysa noong nakaraan. Nitong 1994 ay mahigit na apat at kalahating milyong Saksi ang nangangaral sa humigit-kumulang 230 lupain. Sila’y nagdaraos ng mga apat at kalahating milyong pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya sa mga taong interesado. Ito’y ginagawa sa kabila ng maling palagay ng daigdig, kadalasan dahilan sa kawalang-alam tungkol sa mga turo at motibo ng mga Saksi. Tulad ng sinabi tungkol sa sinaunang mga Kristiyano, masasabi rin tungkol sa kanila: “Totoong kung tungkol sa sektang ito nalalaman namin na sa lahat ng dako ay pinagsasalitaan ito nang laban.” (Gawa 28:22) Kung gayon ay ano ang masasabi natin na dahilan ng kanilang matagumpay na ministeryo? May di-kukulangin sa tatlong salik na dahilan ng kanilang pagsulong—ang pagsunod sa mga pag-akay ng espiritu ni Jehova, pagtulad sa praktikal na mga paraan ni Kristo, at ang paggamit ng tamang mga instrumento para sa epektibong komunikasyon.
Ang Espiritu ni Jehova at ang Mabuting Balita
3. Bakit hindi natin maipagmamapuri ang naisagawa na?
3 Ipinagmamapuri ba ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang tagumpay, na para bang iyon ay dahil sa anumang natatanging mga kakayahan na taglay nila? Hindi, sapagkat kumakapit ang mga salita ni Jesus: “Kapag nagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na iniatas sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami ay walang-kabuluhang mga alipin. Ang aming ginawa ay ang dapat naming gawin.’” Bilang naaalay, bautisadong mga Kristiyano, kusang-loob na tinanggap ng mga Saksi ni Jehova ang pananagutan na maglingkod sa Diyos, anuman ang kanilang personal na mga kalagayan. Para sa ilan, iyan ay nangangahulugan ng buong-panahong paglilingkuran bilang mga misyonero o bilang mga boluntaryo sa mga tanggapang pansangay at mga pasilidad para sa paglilimbag ng mga publikasyong Kristiyano. Para sa iba naman ang gayong pagkukusang Kristiyano ay umaakay sa kanila sa gawaing pagtatayo ng mga gusaling relihiyoso, hanggang sa buong-panahong pangangaral bilang mga payunir na ministro, o sa bahaging-panahong pangangaral bilang mga mamamahayag ng mabuting balita sa lokal na mga kongregasyon. Walang isa man sa atin ang matuwid na makapagmamapuri tungkol sa pagsasagawa ng ating tungkulin, “ang dapat nating gawin.”—Lucas 17:10; 1 Corinto 9:16.
4. Papaano napagtatagumpayan ang pananalansang ng buong daigdig sa ministeryong Kristiyano?
4 Anumang tagumpay na taglay natin ay masasabing dulot ng espiritu, o aktibong puwersa ni Jehova. May katuwirang sabihin sa ngayon ang gaya ng sinabi noong mga kaarawan ni propeta Zacarias: “Ito ang salita ni Jehova kay Zerubabel, na nagsasabi: ‘Hindi sa pamamagitan ng hukbong militar, ni sa pamamagitan man ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo.” Sa gayon, ang pambuong-daigdig na pagsalansang sa gawaing pangangaral ng mga Saksi ay napagtatagumpayan, hindi sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao, kundi sa pamamagitan ng patnubay at proteksiyon mula kay Jehova.—Zacarias 4:6.
5. Anong papel ang ginagampanan ni Jehova sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian?
5 Tungkol sa mga tumutugon sa mensahe ng Kaharian, sinabi ni Jesus: “Nasusulat sa mga Propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ni Jehova.’ Bawat isa na nakarinig mula sa Ama at natuto ay lumalapit sa akin. . . . Walang sinuman ang makalalapit sa akin malibang ipagkaloob ito sa kaniya ng Ama.” (Juan 6:45, 65) Si Jehova ay nakababasa ng mga puso at pag-iisip, at alam niya kung sino yaong malamang na tumugon sa kaniyang pag-ibig bagaman siya’y hindi pa nila nakikilala. Ginagamit din niya ang kaniyang mga anghel upang pangasiwaan ang pambihirang ministeryong ito. Iyan ang dahilan kung kaya sa pangitain ay nakita ni Juan ang bahaging ginampanan ng mga anghel at siya’y sumulat: “Nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, at siya ay may walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.”—Apocalipsis 14:6.
Palaisip sa Espirituwal na Pangangailangan
6. Anong pangunahing saloobin ang kinakailangan upang tumugon ang isang tao sa mabuting balita?
6 Isa pang salik sa pagbibigay ni Jehova sa isang tao ng pagkakataong tanggapin ang mabuting balita ay yaong ipinahayag ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, yamang ang kaharian ng mga langit ay sa kanila.” (Mateo 5:3) Ang isang taong nasisiyahan sa sarili o ang isa na hindi humahanap ng katotohanan ay hindi magiging palaisip sa espirituwal na pangangailangan. Iniisip lamang niya ang tungkol sa mga bagay na materyal, makalaman. Ang pagiging kampante ay nagiging isang balakid. Samakatuwid, kapag marami ang tumatanggi sa mensahe kapag tayo ay nagbabahay-bahay, kailangang isaalang-alang natin ang lahat ng iba’t ibang dahilan ng gayong pagtugon ng mga tao.
7. Bakit marami ang hindi tumutugon sa katotohanan?
7 Marami ang tumatangging makinig sapagkat sila’y mapilit na nangungunyapit sa relihiyon na kanilang minana at hindi bukás sa anumang talakayan. Ang iba naman ay naaakit sa isang relihiyon na umaangkop sa kanilang personalidad—nais ng ilan ang mistisismo, tumutugon ang ilan sa emosyonalismo, at ang iba naman ay humahanap ng mga kapisanang panlipunan sa kanilang simbahan. Marami sa ngayon ang pumipili ng isang istilo ng pamumuhay na salungat sa mga pamantayan ng Diyos. Marahil sila ay namumuhay sa imoral na paraan, na siyang dahilan nila sa pagsasabing, “Hindi ako interesado.” Subalit ang iba, na nag-aangking edukado at makasiyensiya, ay tumatanggi sa Bibliya bilang masyadong mababaw.—1 Corinto 6:9-11; 2 Corinto 4:3, 4.
8. Bakit ang pagtanggi ay hindi dapat makapagpahina ng ating sigasig? (Juan 15:18-20)
8 Ang pagtanggi ba ng karamihan ay dapat magpahina sa ating pananampalataya at sigasig sa ministeryong nagliligtas ng buhay? Maaaliw tayo buhat sa mga salita ni Pablo sa mga taga-Roma: “Ano, kung gayon, ang kalagayan? Kung ang ilan ay hindi nagpahayag ng pananampalataya, pawawalang bisa kaya ng kanilang kawalan ng pananampalataya ang katapatan ng Diyos? Huwag nawang mangyari iyan kailanman! Kundi masumpungan nawang totoo ang Diyos, bagaman ang bawat tao ay masumpungang sinungaling, gaya ng nasusulat: ‘Upang ikaw ay mapatunayang matuwid sa iyong mga salita at magwagi kapag ikaw ay hinahatulan.’”—Roma 3:3, 4.
9, 10. Ano ang ebidensiya na ang pagsalansang ay napagtatagumpayan sa maraming lupain?
9 Patitibayin ang ating loob ng maraming halimbawa sa buong daigdig tungkol sa mga bansang waring walang gaanong pagtugon subalit, pagsapit ng panahon, napatunayan ang kabaligtaran nito. Batid ni Jehova at ng mga anghel na may mabubuting-loob na masusumpungan pa—subalit ang mga Saksi ni Jehova ay kailangang maging masigasig at matiisin sa kanilang ministeryo. Kunin nating halimbawa ang ilang bansa na kung saan ang Katolisismo ay waring nagbibigay ng isang di-mapagtatagumpayang balakid 50 taon na ang nakalipas—Argentina, Brazil, Colombia, Espanya, Irlandya, Italya, Mexico, at Portugal. Kakaunti ang mga Saksi noong 1943, mayroon 126,000 lamang sa buong daigdig, 72,000 sa mga ito ay nasa Estados Unidos. Ang kawalang-alam at maling palagay na nakaharap sa mga Saksi ay mistulang isang batong pader na hindi mapaglalagusan. Gayunman, sa ngayon ang ilan sa pinakamatagumpay na mga resulta sa pangangaral ay nakamit sa mga bansang ito. Totoo rin iyan sa maraming dating mga bansang Komunista. Ang bautismo ng 7,402 sa isang kombensiyon sa Kiev, Ukraine, noong 1993 ay nagpapatotoo nito.
10 Anong mga paraan ang ginamit ng mga Saksi upang maipakipag-usap ang mabuting balita sa kanilang mga kapitbahay? Gumagamit ba sila ng materyal na mga panghihikayat upang makakumberte, gaya ng sinasabi ng ilan? Ang mahihirap at mga di-nakapag-aral ba lamang ang kanilang dinadalaw, gaya ng inaangkin ng iba?
Matagumpay na mga Paraan ng Paghahatid ng Mabuting Balita
11. Anong mainam na halimbawa ang ipinakita ni Jesus sa kaniyang ministeryo? (Tingnan ang Juan 4:6-26.)
11 Itinatag ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang parisan na sinusunod ng mga Saksi hanggang sa araw na ito sa kanilang paggawa ng mga alagad. Naparoon si Jesus saanman may mga tao, mayayaman o mahihirap—sa mga tahanan, pampublikong mga lugar, mga tabi ng loók, mga tabi ng bundok, maging sa mga sinagoga.—Mateo 5:1, 2; 8:14; Marcos 1:16; Lucas 4:15.
12, 13. (a) Papaano naglaan si Pablo ng isang parisan para sa mga Kristiyano? (b) Papaano tinularan ng mga Saksi ni Jehova ang halimbawa ni Pablo?
12 Tungkol sa kaniyang sariling ministeryo, matuwid na masasabi ni apostol Pablo: “Nalalaman ninyong lubos kung paanong mula nang unang araw na tumungtong ako sa distrito ng Asia ay kasama ninyo ako sa buong panahon, na nagpapaalipin para sa Panginoon . . . , samantalang hindi ko ipinagkait ang pagsasabi sa inyo ng anuman sa mga bagay na kapaki-pakinabang ni sa pagtuturo sa inyo nang hayagan at sa bahay-bahay.”—Gawa 20:18-20.
13 Ang mga Saksi ni Jehova ay kilalá sa buong daigdig dahil sa kanilang pagsunod sa paraan ng mga apostol, ang ministeryo sa bahay-bahay. Sa halip na ibuhos ang pansin sa isang magastos, mababaw, at di-personal na ministeryo sa TV, nagpupunta ang mga Saksi sa mga tao, mayayaman at mahihirap, at harapang nakikipag-usap sa kanila. Sinisikap nilang makipag-usap tungkol sa Diyos at sa kaniyang Salita.b Hindi nila sinisikap na gumawa ng mga Kristiyanong kanin, anupat nangungumberte sa pamamagitan ng pamimigay ng materyal na mga bagay. Sa mga handang makipagkatuwiranan, itinatawag-pansin nila na ang tanging tunay na solusyon sa mga suliranin ng sangkatauhan ay ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos, na babago sa mga kalagayan sa ating lupa tungo sa ikabubuti.—Isaias 65:17, 21-25; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4.
14. (a) Papaano naglatag ng matibay na pundasyon ang maraming misyonero at mga payunir? (b) Ano ang natututuhan natin buhat sa karanasan ng mga Saksi ni Jehova sa Hapón?
14 Upang maganap ang gawain sa pinakamaraming lupain hangga’t maaari, pinasimulan ng mga misyonero at mga payunir ang gawain sa maraming bansa. Sila’y naglatag ng isang pundasyon, at pagkatapos ang lokal na mga Saksi ang nangunguna. Sa gayon, hindi na kailangan ang maraming Saksing banyaga upang maipagpatuloy ang pangangaral at panatilihin ang mainam na pagkakaorganisa niyaon. Isang litaw na halimbawa ay yaong sa Hapón. Noong mga huling taon ng dekada ng 1940, pangunahin nang Australiano at Britanong mga misyonero ang naparoon, nag-aral ng wika, nakibagay sa medyo sinaunang mga kalagayan ng panahong iyon pagkatapos ng digmaan, at humayo sa pagpapatotoo sa bahay-bahay. Noong Digmaang Pandaigdig II, ang mga Saksi ay ipinagbawal at pinag-usig sa Hapón. Kaya nang dumating ang mga misyonero nasumpungan nila ang iilang aktibong mga Saksing Hapones. Subalit sa ngayon sila’y lumampas pa sa 187,000 sa mahigit na 3,000 kongregasyon! Ano ba ang lihim ng kanilang maagang tagumpay? Ganito ang sabi ng isang misyonero na mahigit nang 25 taóng naglilingkod doon: “Pinakamahalaga na matutunang makipag-usap sa mga tao. Sa pagkaalam ng kanilang wika, natuto kaming maging kaisa nila, unawain at pahalagahan ang kanilang paraan ng pamumuhay. Kinailangang ipakita namin na mahal namin ang mga Hapones. Mangyari pa, may kapakumbabaang sinikap namin na maging bahagi ng lokal na pamayanan nang hindi ikinokompromiso ang aming mga pamantayang Kristiyano.”
Ang Paggawing Kristiyano ay Isa Ring Patotoo
15. Papaano nagpamalas ng paggawing Kristiyano ang mga Saksi?
15 Gayunman, hindi tumugon ang mga tao sa isa lamang mensahe sa Bibliya. Nakita rin nila ang pagka-Kristiyano sa kilos. Nasaksihan nila ang pag-iibigan, pagkakasuwato, at pagkakaisa ng mga Saksi kahit na sa ilalim ng pinakamahihirap na mga kalagayan, tulad halimbawa ng mga gera sibil, alitan ng mga tribo, at pagkakapootan dahil sa lahi. Ang mga Saksi ay nanatiling may malinaw na paninindigang neutral bilang Kristiyano sa lahat ng mga alitan at tumupad sa mga salita ni Jesus: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong kautusan, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo, ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:34, 35.
16. Anong karanasan ang naglalarawan ng praktikal na pag-ibig Kristiyano?
16 Ang pag-ibig sa kapuwa ay inilarawan sa kaso ng isang lalaking may edad na sumulat sa isang lokal na pahayagan tungkol kina “Mr. and Mrs. Nice Guy.” Ipinaliwanag niya na ang kaniyang mga kapitbahay ay naging mabait sa kaniya nang mamamatay na ang kaniyang asawa. “Magbuhat nang siya’y mamatay . . . napakabait nila,” ang isinulat niya. “Mula noon ay ‘inampon’ nila ako . . . , ginagawa ang lahat ng uri ng gawain at tumutulong upang lutasin ang mga suliranin ng isang 74-anyos na retirado. Ang lalo pang pambihira rito ay ang bagay na sila’y mga itim, ako’y puti. Sila’y mga Saksi ni Jehova, ako’y huminto na sa pagiging isang Katoliko.”
17. Anong landasin ang dapat nating iwasan?
17 Inilalarawan ng karanasang ito na tayo’y makapagpapatotoo sa maraming paraan, kasali na ang ating pang-araw-araw na paggawi. Sa katunayan, maliban sa ang ating paggawi ay tulad-Kristo, ang ating ministeryo ay magiging tulad ng sa mga Fariseo, walang epekto. Hindi natin ibig matulad sa mga inilarawan ni Jesus: “Lahat ng mga bagay na sinasabi nila sa inyo, ay gawin ninyo at tuparin, ngunit huwag ninyong gawin ang ayon sa kanilang mga gawa, sapagkat sinasabi nila ngunit hindi isinasagawa.”—Mateo 22:37-39; 23:3.
Ang Uring Alipin ay Naglalaan ng Tamang mga Instrumento
18. Papaano tayo sinasangkapan ng mga literatura sa Bibliya upang matulungan ang tapat-pusong mga tao?
18 Isa pang mahalagang salik sa pangangaral ng mabuting balita sa lahat ng bansa ay ang pagkakaroon ng literatura sa Bibliya na ginawa ng Watch Tower Bible and Tract Society. Tayo’y may mga aklat, brosyur, tract, at mga magasin na makapagbibigay ng kasiyahan sa halos bawat taimtim na nagtatanong. Kung makatagpo tayo ng isang Muslim, Hindu, Buddhista, Taoista, o isang Judio, magagamit natin ang aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos o ang sari-saring tract at mga buklet upang makapagsimula ng pag-uusap at posibleng iyon ay maging isang pag-aaral sa Bibliya. Kung magtanong ang isang ebolusyonista tungkol sa paglalang, magagamit natin ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? Kung magtanong ang isang kabataan, ‘Ano ba ang layunin ng buhay?’ maaaring ituro natin sa kaniya ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. Kung ang isa ay lubhang apektado ng personal na mga suliranin—panlulumo, pagkahapo, panghahalay, diborsiyo—may mga magasin tayo na tumatalakay sa gayong mga paksa sa isang praktikal na paraan. Oo, ang tapat na uring alipin na inihula ni Jesus na maglalaan ng “pagkain sa tamang panahon” ay tumutupad ng kaniyang papel.—Mateo 24:45-47.
19, 20. Papaano bumilis ang gawaing pang-Kaharian sa Albania?
19 Subalit upang marating ang mga bansa, kailangan na gawin ang mga literaturang ito sa maraming wika. Papaano nangyaring maisalin ang Bibliya at ang maka-Kasulatang literatura sa mahigit na 200 wika? Ang isang maikling pagsasaalang-alang ng isang halimbawa, ang Albania, ay naglalarawan kung papaano itinataguyod ng uring tapat at maingat na alipin ang mabuting balita sa kabila ng malalaking suliranin at bagaman walang naganap na modernong-panahong Pentecostes upang dagliang matuto ng mga wika.—Gawa 2:1-11.
20 Mga ilang taon lamang ang nakalipas, ang Albania ay itinuturing na ang tanging bansa na tunay na ateyistang Komunista. Ganito ang sabi ng magasing National Geographic noong 1980: “Ibinabawal ng Albania [ang relihiyon], anupat ipinahayag ang sarili nito noong 1967 bilang ‘ang unang ateyistang estado sa daigdig.’ . . . Ateyismo lamang ang kilala ng bagong salinlahi ng Albania.” Ngayong lumubog na ang Komunismo, ang mga taga-Albania na kumikilala sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan ay tumutugon sa pangangaral na ginagawa ng mga Saksi ni Jehova. Isang maliit na grupo sa pagsasalin na binubuo ng kabataang mga Saksi na may kaalaman sa mga wikang Italyano at Ingles ang binuo sa Tiranë noong 1992. Sila’y tinuruan ng kuwalipikadong mga kapatid buhat sa ibang mga lupain upang gumamit ng laptop na mga computer upang magpasok ng teksto sa wikang Albaniano. Sila’y nagsimula sa pagsasalin ng mga tract at ng magasing Bantayan. Habang sila’y nasasanay, isinasalin nila ang iba pang mahahalagang publikasyon sa Bibliya. Sa kasalukuyan ay may mga 200 aktibong Saksi sa maliit na bansang iyon (may populasyong 3,262,000), at 1,984 ang dumalo sa Memoryal nitong 1994.
Lahat Tayo ay May Pananagutan
21. Anong uri ng panahon ang kinabubuhayan natin?
21 Umaabot na sa sukdulan ang mga pangyayari sa daigdig. Sa pagdami ng krimen at karahasan, ng pagpapatayan at panghahalay sa lokal na mga digmaan, ng umiiral na kaluwagan sa moralidad at sa ibinubunga nitong mga sakit na nakukuha sa pagtatalik, ng kawalang-galang sa legal na awtoridad, ang daigdig ay lumilitaw na nasa anarkiya, hindi na mapamahalaan. Tayo ay nasa isang yugto na nahahawig sa mga panahon noong bago sumapit ang Baha na inilarawan sa Genesis: “Nakita ni Jehova na ang kasamaan ng tao ay lubhang laganap sa lupa at ang bawat hilig ng kaisipan ng kaniyang puso ay pawang kasamaan na lamang palagi. At si Jehova ay nakadama ng panghihinayang sa kaniyang pagkalalang sa mga tao sa lupa, at siya’y nasaktan sa kaniyang puso.”—Genesis 6:5, 6; Mateo 24:37-39.
22. Anong pananagutang Kristiyano ang taglay ng lahat ng Saksi ni Jehova?
22 Gaya rin noong kaarawan ni Noe, kikilos si Jehova. Subalit sa kaniyang katarungan at pag-ibig, nais niyang maipangaral muna sa lahat ng bansa ang mabuting balita at ang babalang mensahe. (Marcos 13:10) Sa ganitong paraan ang mga Saksi ni Jehova ay may pananagutan—hanapin yaong karapat-dapat sa kapayapaan ng Diyos at turuan sila ng kaniyang mga daan ng kapayapaan. Di na magtatagal, sa takdang panahon ng Diyos, ang atas na mangaral ay matagumpay na matatapos. “Kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 10:12, 13; 24:14; 28:19, 20.
[Mga talababa]
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga Gentil, tingnan ang paksang “Nations” sa Insight on the Scriptures, Tomo II, pahina 472-4, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Para sa praktikal na mga mungkahi tungkol sa ministeryong Kristiyano, tingnan Ang Bantayan, Pebrero 15, 1985, pahina 18, “Paano Magiging Mabibisang Ministro,” at pahina 24, “Mabisang Ministeryo Nagbubunga ng Higit Pang mga Alagad.”
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang nakamit na tagumpay ng modernong-panahong mga Saksi sa kanilang ministeryo?
◻ Bakit marami ang tumatanggi sa mensaheng Kristiyano?
◻ Anong paraan ng mga apostol sa pangangaral ang ginagamit ng mga Saksi?
◻ Anong mga instrumento ang taglay natin ukol sa isang mabisang ministeryo?
◻ Ano ang dapat gawin nating lahat kasuwato ng Marcos 13:10?
[Kahon sa pahina 19]
BANSA MGA SAKSING AKTIBO NOONG 1943 NOONG 1993
Argentina 374 102,043
Brazil 430 366,297
Chile 72 44,668
Colombia ?? 60,854
Pransya Digmaang Pandaigdig II—walang rekord 122,254
Irlandya 150? 4,224
Italya Digmaang Pandaigdig II—walang rekord 201,440
Mexico 1,565 380,201
Peru Walang rekord ng gawain 45,363
Pilipinas Digmaang Pandaigdig II—walang rekord 116,576
Polandya Digmaang Pandaigdig II—walang rekord 113,551
Portugal Walang rekord ng gawain 41,842
Espanya Walang rekord ng gawain 97,595
Uruguay 22 9,144
Venezuela Walang rekord ng gawain 64,081
[Larawan sa pahina 17]
Dumarami ang mga Saksi ni Jehova sa maraming bansang Katoliko, tulad sa Espanya
[Mga larawan sa pahina 18]
Ang mga Saksi ni Jehova ay aktibo sa mga bansa sa palibot ng globo