PAG-AAYUNO
Pag-iwas sa lahat ng pagkain sa loob ng isang yugto ng panahon. Ang mga pag-aayunong udyok ng tamang motibo ay nilayong magpakita ng makadiyos na kalumbayan at pagsisisi dahil sa nagawang mga kasalanan. (1Sa 7:6; Joe 2:12-15; Jon 3:5) Angkop ding gawin ang mga ito noon sa harap ng nagbabantang malaking panganib, kapag lubhang nangangailangan ng patnubay ng Diyos, habang nagbabata ng mga pagsubok at napapaharap sa mga tukso, o kapag nag-aaral, nagbubulay-bulay, o nagtutuon ng pansin sa mga layunin ng Diyos. (2Cr 20:3; Ezr 8:21; Es 4:3, 16; Mat 4:1, 2) Ang pag-aayuno ay hindi isang uri ng pagpaparusa sa sarili, kundi ito’y pagpapakumbaba sa harap ni Jehova. (Ezr 8:21; 9:5; ihambing ang 1Ha 21:27-29.) Nag-ayuno si Jesus nang 40 araw, gaya ng ginawa ni Moises at ni Elias, na kapuwa nakitang kasama ni Jesus sa pangitain ng kaniyang pagbabagong-anyo.—Mat 17:1-9; Exo 34:28; Deu 9:9; 1Ha 19:7, 8.
Hindi ginamit ng Kautusang Mosaiko ang terminong “pag-aayuno,” ngunit ganito ang iniutos nito may kaugnayan sa Araw ng Pagbabayad-Sala, “Pipighatiin ninyo ang inyong mga kaluluwa.” (Lev 16:29-31; 23:27; Bil 29:7) Karaniwang inuunawa na ito’y tumutukoy sa pag-aayuno, at ang pangmalas na ito ay sinusuportahan ng Isaias 58:3, 5 at Awit 35:13.
Ang Isaias kabanata 58 ay tungkol sa isang panahon noon nang maging mabigat ang mga kasalanan ng mga Judio; gayunma’y hindi sila nagsisi nang taimtim, bagaman nagkunwari silang sumasamba kay Jehova, anupat naglingkod sa kaniya nang hanggang salita lamang at nagsagawa ng relihiyosong mga gawa o mga kaugalian bilang pakitang-tao. Ang pag-aayuno ay isa sa mga kaugaliang iyon, at inakala nila na matatamo nila ang pansin at paglingap ng Diyos dahil doon. Palibhasa’y nabigo ito, itinanong nila taglay ang malaking pagtataka: “Sa anong dahilan kami nag-ayuno at hindi mo nakita, at pinighati namin ang aming kaluluwa at hindi mo pinapansin?” Sinabi ni Jehova sa kanila kung bakit. Kahit sa panahon ng pag-aayuno, samantalang hinihiling nila ang kaniyang matuwid na mga kahatulan at gumagawi na para bang nagsasagawa sila ng katuwiran, ang pansarili nilang kaluguran at kapakanan ang kanilang itinataguyod, anupat napasangkot sila sa pakikipaghidwaan, paniniil, at karahasan; hindi sila nagpakita ng makadiyos na kalumbayan at pagsisising kaugnay ng taimtim na pag-aayuno. Ang kanilang pag-aayuno ay hindi upang iparinig sa langit ang kanilang tinig, bagaman talagang maingay ang kanilang pakitang-taong paghagulhol. Tinuligsa ni Jehova ang kanilang mapagpaimbabaw na palabas: “Dapat bang maging ganito ang pag-aayuno na pipiliin ko, isang araw upang pighatiin ng makalupang tao ang kaniyang kaluluwa? Upang iyukod ang kaniyang ulo gaya ng halamang hungko, at upang maglatag siya ng telang-sako at abo bilang kaniyang higaan? Ito ba ang tinatawag mong pag-aayuno at araw na kaayaaya kay Jehova?”—Isa 58:1-5.
Upang maging kaayaaya ang pag-aayuno, dapat itong lakipan ng pagtutuwid sa nagawang mga kasalanan. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, ipinaalam ni Jehova kung ano ang itinuturing niyang tunay na pag-aayuno sa pagsasabing: “Hindi ba ito ang pag-aayuno na pipiliin ko? Na kalagin ang mga pangaw ng kabalakyutan, alisin ang mga panali ng pamatok, at payauning malaya ang mga nasisiil, at na baliin ninyo ang bawat pamatok? Hindi nga ba ang magbahagi ng iyong tinapay sa gutóm, at ang dalhin mo sa iyong bahay ang mga taong napipighati at walang tahanan? Na kung makakita ka ng sinumang hubad ay daramtan mo siya, at na hindi mo pagtataguan ang iyong sariling laman?”—Isa 58:6, 7.
Apat na Taunang Pag-aayuno ng mga Judio. Maraming pag-aayuno ang itinatag ng mga Judio, at may panahon noon na apat ang ipinangingilin nila nang taunan, maliwanag na upang magsilbing palatandaan ng kapaha-pahamak na mga pangyayaring kaugnay ng pagkubkob at pagtitiwangwang sa Jerusalem noong ikapitong siglo B.C.E. (Zac 8:19) Ang apat na taunang pag-aayunong ito ay: (1) “Ang pag-aayuno sa ikaapat na buwan” na lumilitaw na nagpagunita sa pagsira ng mga Babilonyo sa mga pader ng Jerusalem noong Tamuz 9, 607 B.C.E. (2Ha 25:2-4; Jer 52:5-7) (2) Winasak ang templo noong buwan ng Ab, ang ikalimang buwan sa kalendaryong Judio, at maliwanag na ipinagdiwang “ang pag-aayuno sa ikalimang buwan” bilang tagapagpaalaala ng pangyayaring ito. (2Ha 25:8, 9; Jer 52:12, 13) (3) Lumilitaw na “ang pag-aayuno sa ikapitong buwan” ay ipinagdiwang bilang isang malungkot na pag-alaala sa kamatayan ni Gedalias o sa lubusang pagkatiwangwang ng lupain pagkatapos na mapaslang si Gedalias, nang bumaba sa Ehipto ang mga natitirang Judio dahil sa takot sa mga Babilonyo. (2Ha 25:22-26) (4) “Ang pag-aayuno sa ikasampung buwan” ay maaaring kaugnay ng pagtanggap ng itinapong mga Judio na nasa Babilonya ng malungkot na balitang bumagsak na ang Jerusalem (ihambing ang Eze 33:21), o maaaring ipinagugunita nito ang pasimula ng matagumpay na pagkubkob ni Nabucodonosor laban sa Jerusalem nang ikasampung araw ng buwang iyon, noong 609 B.C.E.—2Ha 25:1; Jer 39:1; 52:4.
Nang magtanong ang ilang Judio sa pamamagitan ni Zacarias: “Tatangis ba ako sa ikalimang buwan, habang nagsasagawa ng pangingilin, gaya ng ginagawa ko nitong napakaraming taon na?” sumagot si Jehova: “Nang mag-ayuno kayo . . . sa loob ng pitumpung taon, talaga bang nag-ayuno kayo para sa akin, sa akin nga?” Ipinakita ng Diyos na ang tunay na pag-aayuno para sa kaniya ay dapat sanang nilakipan ng pagkamasunurin at na ang hinihiling niya ay pagkamatapat, kahatulan, kapayapaan, at isang taimtim na puso. Kung magkagayon, sa halip na mag-ayuno nang may pagdadalamhati at alalahanin ang nakalipas, maaari silang magbunyi at magsaya sa mga kapanahunan ng pista taglay ang mga pagpapala ng pagsasauli ng tunay na pagsamba at ng pagtitipon ng mga iba pa tungo sa paglilingkod kay Jehova.—Zac 7:3-7; 8:16, 19, 23.
Payo sa mga Kristiyano Hinggil sa Pag-aayuno. Noong si Jesus ay nasa lupa, tinagubilinan niya ang kaniyang mga alagad: “Kapag nag-aayuno kayo, huwag na kayong magmukhang malungkot na tulad ng mga mapagpaimbabaw, sapagkat pinasasamâ nila ang anyo ng kanilang mga mukha upang magtingin silang nag-aayuno sa mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Taglay na nilang lubos ang kanilang gantimpala. Ngunit ikaw, kapag nag-aayuno, langisan mo ang iyong ulo at hilamusan mo ang iyong mukha, upang magtingin kang nag-aayuno, hindi sa mga tao, kundi sa iyong Ama na nasa lihim; sa gayon ang iyong Ama na tumitingin sa lihim ang gaganti sa iyo.” (Mat 6:16-18) Tinukoy niya rito ang di-taimtim na pag-aayuno ng mga Pariseo, na binanggit niya sa isang ilustrasyon noong isa pang pagkakataon. (Luc 18:9-14) Kaugalian noon ng mga Pariseo ang mag-ayuno nang makalawang ulit sa isang sanlinggo, tuwing ikalawa at ikalimang araw ng sanlinggo.—Luc 18:12.
Ang basta pag-iwas ng isang tao sa pagkain dahil sa pormalidad ay inilalarawan ni Pablo bilang pagpapasakop sa mga tuntunin, “Huwag kang humawak, ni tumikim, ni humipo,” at sinasabi niya na “ang mismong mga bagay na iyon ay mayroon ngang kaanyuan ng karunungan sa isang ipinataw-sa-sariling anyo ng pagsamba at pakunwaring kapakumbabaan, isang pagpapahirap sa katawan; ngunit ang mga iyon ay walang halaga sa pakikipagbaka sa pagbibigay-lugod sa laman.”—Col 2:20-23.
Pinag-aayuno ng ilang sekta ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang kanilang mga miyembro, ngunit hindi iniuutos ng Bibliya na mag-ayuno ang mga Kristiyano. Noong makipag-usap si Jesus sa kaniyang mga alagad tungkol sa pag-aayuno, gaya ng nabanggit na (Mat 6:16-18), siya at ang kaniyang mga alagad ay nasa ilalim pa ng Kautusang Mosaiko at nangingilin ng Araw ng Pagbabayad-Sala at ng pag-aayuno nito.
Ang teksto tungkol sa pag-aayuno sa Mateo 17:21, na makikita sa King James Version, ay wala sa ilan sa pinakamahahalagang sinaunang manuskrito. Gayundin, bagaman ang King James Version ay bumabanggit ng pag-aayuno sa Marcos 9:29, Gawa 10:30, at 1 Corinto 7:5, ang mga tekstong ito, ayon sa mga manuskritong iyon, ay hindi tumutukoy sa pag-aayuno.
Inuunawa ng ilan ang Mateo 9:15 bilang isang utos na mag-ayuno ang mga Kristiyano. Ngunit sa katunayan, sinasabi lamang ni Jesus kung ano ang mangyayari kapag namatay siya. Samantalang si Jesus ay kasama ng kaniyang mga alagad sa lupa, hindi angkop na mag-ayuno sila. Nang mamatay siya, talagang nagdalamhati sila at nag-ayuno. Ngunit wala na silang dahilan upang mag-ayuno nang may pagdadalamhati matapos siyang buhaying-muli at lalo na pagkatapos ng kamangha-manghang pagbubuhos ng banal na espiritu. (Mar 2:18-20; Luc 5:33-35) Tiyak na hindi obligado ang mga Kristiyano na mag-ayuno sa anibersaryo ng kamatayan ng Panginoon, sapagkat nang itinutuwid ng apostol na si Pablo ang mga pag-abuso may kaugnayan sa pagkain ng hapunan sa dakong pinagtitipunan ng kongregasyon bago ang pangingilin ng Hapunan ng Panginoon, sinabi niya: “Tiyak namang may mga bahay kayo para sa pagkain at pag-inom, hindi ba? . . . Dahil dito, mga kapatid ko, kapag nagtitipon kayo upang kainin ito [ang Hapunan ng Panginoon], hintayin ninyo ang isa’t isa. Kung ang sinuman ay gutóm, kumain siya sa bahay, upang huwag kayong magkatipon ukol sa paghatol.”—1Co 11:22, 33, 34.
Bagaman hindi sila nag-aayuno bilang isang relihiyosong kahilingan, nag-ayuno ang unang mga Kristiyano sa pantanging mga okasyon. Nang isugo sina Bernabe at Pablo sa pantanging atas na maging mga misyonero sa Asia Minor, nag-ayuno sila at nanalangin. Karagdagan pa, naghahandog sila ng panalangin na “may mga pag-aayuno” kapag nag-aatas ng matatanda sa isang bagong kongregasyon. (Gaw 13:2, 3; 14:23) Samakatuwid, ang mga Kristiyano ay hindi inuutusang mag-ayuno ni pinagbabawalan man silang gawin iyon.—Ro 14:5, 6.