Ikadalawampu’t Limang Kabanata
Isang Panalangin ng Pagsisisi
1, 2. (a) Ano ang layunin ng disiplina ng Diyos? (b) Anong pagpili ang mapapaharap sa mga Judio matapos tanggapin ang disiplina ni Jehova?
ANG pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito noong 607 B.C.E. ay disiplina mula kay Jehova, isang pagpapamalas ng kaniyang lubusang di-pagsang-ayon. Nararapat lamang na parusahan nang mabigat ang masuwaying bansang Juda. Subalit hindi naman nilayon ni Jehova na lipulin ang mga Judio. Ipinahiwatig ni apostol Pablo ang layunin ng disiplina ni Jehova nang sabihin niya: “Totoo, walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakagagalak, kundi nakapipighati; gayunman pagkatapos doon sa mga sinanay nito ay nagluluwal ito ng mapayapang bunga, samakatuwid nga, ng katuwiran.”—Hebreo 12:11.
2 Ano kaya ang magiging reaksiyon ng mga Judio sa mapait na karanasan? Mapopoot kaya sila sa disiplina ni Jehova? (Awit 50:16, 17) O tatanggapin kaya nila ito bilang pagsasanay? Magsisisi kaya sila at mapagagaling? (Isaias 57:18; Ezekiel 18:23) Ipinahihiwatig ng hula ni Isaias na sa paanuman ay malugod na tutugon sa disiplina ang ilan sa dating mga naninirahan sa Juda. Mula sa huling mga talata 15-19 ng Isa kabanata 63 at patuloy hanggang sa Isa kabanata 64, ang bansang Juda ay kinakatawan bilang isang nagsisising bayan na lumalapit kay Jehova taglay ang taos-pusong pagsusumamo. Si propeta Isaias, alang-alang sa kaniyang mga kababayan na magiging tapon sa hinaharap, ay sumambit ng isang panalangin ng pagsisisi. Habang ginagawa ito, binanggit niya ang mga mangyayari na para bang kitang-kita niyang nagaganap na ito.
Isang Mahabaging Ama
3. (a) Paano dinakila si Jehova ng makahulang panalangin ni Isaias? (b) Paano ipinakita ng panalangin ni Daniel na ang makahulang panalangin ni Isaias ay kumakatawan sa mga kaisipan ng nagsisising mga Judio sa Babilonya? (Tingnan ang kahon sa pahina 362.)
3 Nanalangin si Isaias kay Jehova: “Tumanaw ka mula sa langit at tumingin ka mula sa iyong marangal na tahanan ng kabanalan at kagandahan.” Binanggit ng propeta ang tungkol sa espirituwal na mga langit, na tinatahanan ni Jehova at ng kaniyang di-nakikitang mga espiritung nilalang. Sa pagpapahayag ng mga kaisipan ng mga Judiong naging tapon, nagpatuloy si Isaias: “Nasaan ang iyong sigasig at ang iyong buong kalakasan, ang pagkabagabag ng iyong mga panloob na bahagi, at ang iyong kaawaan? Sa akin ay nagpigil ang mga ito.” (Isaias 63:15) Iniurong ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan at sinupil ang kaniyang masisidhing damdamin—“ang pagkabagabag ng [kaniyang] mga panloob na bahagi, at ang [kaniyang] kaawaan”—para sa kaniyang bayan. Gayunman, si Jehova ang “Ama” ng bansang Judio. Sina Abraham at Israel (Jacob) ang kanilang likas na mga ninuno, subalit kung bubuhaying-muli ang mga ito, malamang na itakwil nila ang kanilang mga apostatang supling. Higit na mahabagin si Jehova. (Awit 27:10) May-pagpapasalamat na sinabi ni Isaias: “Ikaw, O Jehova, ang aming Ama. Aming Manunubos noong sinaunang panahon ang iyong pangalan.”—Isaias 63:16.
4, 5. (a) Sa anong diwa iniligaw ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa kaniyang mga daan? (b) Anong uri ng pagsamba ang nais ni Jehova?
4 Nagpatuloy si Isaias sa pamamagitan ng taos-pusong pagsasabi: “O Jehova, bakit mo kami patuloy na inililigaw mula sa iyong mga daan? Bakit mo pinatitigas ang aming puso laban sa pagkatakot sa iyo? Magbalik ka alang-alang sa iyong mga lingkod, ang mga tribo ng iyong minanang pag-aari.” (Isaias 63:17) Oo, idinalangin ni Isaias na nawa’y ibaling na muli ni Jehova ang kaniyang pansin sa kaniyang mga lingkod. Subalit sa anong diwa ba iniligaw ni Jehova ang mga Judio mula sa kaniyang mga daan? Si Jehova ba ang may pananagutan sa pagmamatigas ng kanilang mga puso na umakay sa kanila upang huwag matakot sa kaniya? Hindi, subalit pinahintulutan nga niya ito, at dahil sa kanilang pagkasiphayo ay dumaing ang mga Judio kung bakit pa sila binigyan ni Jehova ng gayong kalayaan. (Exodo 4:21; Nehemias 9:16) Hiniling nila na sana’y nakialam si Jehova upang pigilan sila sa paggawa ng mali.
5 Mangyari pa, hindi ganiyan makitungo ang Diyos sa mga tao. Tayo’y may kalayaang magpasiya, at hinahayaan tayo ni Jehova na magdesisyon para sa ating sarili kung susunod tayo sa kaniya o hindi. (Deuteronomio 30:15-19) Ang nais ni Jehova ay pagsambang mula sa puso at isip na inuudyukan ng tunay na pag-ibig. Samakatuwid, pinahintulutan niya ang mga Judio na gamitin ang kanilang malayang kalooban, bagaman naging dahilan ito upang maghimagsik sila laban sa kaniya. Sa ganitong paraan niya pinatigas ang kanilang mga puso.—2 Cronica 36:14-21.
6, 7. (a) Ano ang resulta ng paglihis ng mga Judio mula sa mga daan ni Jehova? (b) Anong walang-saysay na kahilingan ang ipinahayag, ngunit walang karapatan ang mga Judio na umasa sa ano?
6 Ano ang resulta? Makahulang sinabi ni Isaias: “Sa kaunting panahon ay nagtaglay ng pagmamay-ari ang iyong banal na bayan. Niyapakan ng aming mga kalaban ang iyong santuwaryo. Sa loob ng mahabang panahon ay naging gaya kami niyaong mga hindi mo pinamahalaan, gaya niyaong mga hindi tinawag sa iyong pangalan.” (Isaias 63:18, 19) Ang bayan ni Jehova ay nagtaglay ng pagmamay-ari sa kaniyang santuwaryo sa kaunting panahon. Pagkatapos ay hinayaan ni Jehova na ito’y mawasak at ang kaniyang bansa ay madala sa pagkatapon. Nang mangyari iyan, para bang walang tipang umiral sa pagitan niya at ng mga supling ni Abraham at para bang hindi sila tinawag sa kaniyang pangalan. Ngayong bihag sa Babilonya, ang mga Judio ay humiyaw sa kanilang kawalang-pag-asa: “O kung hinapak mo na sana ang langit, kung bumaba ka na sana, kung nayanig na sana ang mismong mga bundok dahil sa iyo, kung paanong pinagliliyab ng apoy ang panggatong na kahoy, at pinakukulo ng apoy ang tubig, upang ipakilala ang iyong pangalan sa iyong mga kalaban, upang dahil sa iyo ay maligalig ang mga bansa!” (Isaias 64:1, 2) Talagang may kapangyarihan si Jehova na magligtas. Maaari naman sana siyang bumaba at makipagbaka para sa kaniyang bayan, anupat hinahapak ang tulad-langit na mga sistema ng pamahalaan at binubuwag ang tulad-bundok na mga imperyo. Maaari sanang ipakilala ni Jehova ang kaniyang pangalan sa pamamagitan ng pagpapakita niya ng nag-aalab na sigasig alang-alang sa kaniyang bayan.
7 Nagawa na ni Jehova ang gayong mga bagay noong nakaraan. Isinaysay ni Isaias: “Nang gumawa ka ng mga kakila-kilabot na bagay na hindi namin inaasahan, ikaw ay bumaba. Dahil sa iyo ay nayanig ang mga bundok.” (Isaias 64:3) Ang gayong dakilang mga gawa ay nagpamalas ng kapangyarihan at pagka-Diyos ni Jehova. Gayunman, walang karapatan ang di-tapat na mga Judio noong kapanahunan ni Isaias na umasang gayundin ang gagawin ni Jehova alang-alang sa kanila.
Si Jehova Lamang ang Makapagliligtas
8. (a) Ano ang isang kaibahan ni Jehova sa huwad na mga diyos ng mga bansa? (b) Bakit hindi kumilos si Jehova upang iligtas ang kaniyang bayan bagaman magagawa niya? (c) Paano sinipi at ikinapit ni Pablo ang Isaias 64:4? (Tingnan ang kahon sa pahina 366.)
8 Ang huwad na mga diyos ay hindi nakagagawa ng mga dakilang pagliligtas para sa kanilang mga mananamba. Sumulat si Isaias: “Mula noong sinaunang panahon ay walang sinumang nakarinig, ni may sinumang nagtuon ng pandinig, ni may mata man na nakakita ng isang Diyos, maliban sa iyo, na kumikilos para sa isa na patuloy na naghihintay sa kaniya. Sinalubong mo ang isa na nagbubunyi at gumagawa ng katuwiran, yaong mga patuloy na umaalaala sa iyo sa iyong mga daan.” (Isaias 64:4, 5a) Si Jehova lamang ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Kumikilos siya upang ingatan yaong mga gumagawa ng katuwiran at yaong mga umaalaala sa kaniya. (Isaias 30:18) Ganito ba ang ikinilos ng mga Judio? Hindi. Sinabi ni Isaias kay Jehova: “Narito! Ikaw ay nagalit, habang patuloy kaming nagkakasala—nasa mga iyon nang mahabang panahon, at dapat ba kaming maligtas?” (Isaias 64:5b) Palibhasa’y may mahabang rekord ng paulit-ulit na pagkakasala ang bayan ng Diyos, walang dahilan upang iurong ni Jehova ang kaniyang galit at kumilos para sa kanilang kaligtasan.
9. Ano ang maaasahan ng nagsisising mga Judio, at ano ang matututuhan natin mula rito?
9 Hindi na maaaring ibalik ng mga Judio ang nakaraan, subalit kung sila’y magsisisi at manunumbalik sa dalisay na pagsamba, makaaasa sila ng kapatawaran at mga pagpapala sa hinaharap. Gagantimpalaan ni Jehova sa kaniyang takdang panahon ang mga nagsisisi sa pamamagitan ng pagpapalaya sa kanila mula sa pagkabihag sa Babilonya. Gayunman, kailangan pa rin nilang maging matiisin. Sa kabila ng kanilang pagsisisi, hindi babaguhin ni Jehova ang kaniyang talaorasan. Subalit kung sila’y mananatiling handa at masunurin sa kalooban ni Jehova, makaaasa sila ng paglaya sa dakong huli. Sa katulad na paraan, ang mga Kristiyano sa ngayon ay may-pagtitiis na naghihintay kay Jehova. (2 Pedro 3:11, 12) Isinasapuso natin ang mga salita ni apostol Pablo, na nagsabi: “Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.”—Galacia 6:9.
10. Anong kawalang-kakayahan ang tahasang inamin sa panalangin ni Isaias?
10 Ang makahulang panalangin ni Isaias ay higit pa sa basta pormal na pagtatapat lamang ng kasalanan. Nagpahayag ito ng taimtim na pagkilala sa kawalang-kakayahan ng bansa na iligtas ang sarili nito. Sinabi ng propeta: “Kami ay naging gaya ng isa na marumi, kaming lahat, at ang lahat ng aming mga gawang katuwiran ay gaya ng kasuutan para sa mga kapanahunan ng pagreregla; at maglalaho kaming gaya ng mga dahon, kaming lahat, at tatangayin kami ng aming mga kamalian tulad ng hangin.” (Isaias 64:6) Sa pagtatapos ng pagkatapon, maaaring itinigil na ng nagsisising mga Judio ang pagsasagawa ng apostasya. Maaaring bumaling na sila kay Jehova sa pamamagitan ng mga gawang katuwiran. Subalit sila’y hindi pa rin sakdal. Ang kanilang mabubuting gawa, bagaman kapuri-puri, ay gaya lamang ng maruruming kasuutan kung pagbabayad-sala ang pag-uusapan. Ang kapatawaran ni Jehova ay isang di-sana-nararapat na kaloob na udyok ng kaniyang awa. Ito’y hindi isang bagay na maaaring matamo sa sariling sikap.—Roma 3:23, 24.
11. (a) Anong di-kaayaayang kalagayan sa espirituwal ang umiiral sa gitna ng karamihan sa mga Judiong naging tapon, at bakit nagkaganito? (b) Sinu-sino ang maiinam na halimbawa ng pananampalataya sa panahon ng pagkatapon?
11 Sa pagtanaw ni Isaias sa hinaharap, ano ang kaniyang nakita? Nanalangin ang propeta: “Walang sinumang tumatawag sa iyong pangalan, walang sinumang gumigising upang humawak sa iyo; sapagkat ikinubli mo ang iyong mukha mula sa amin, at pinangyayari mong matunaw kami sa tindi ng aming kamalian.” (Isaias 64:7) Kasumpa-sumpa na nga ang espirituwal na kalagayan ng bansa. Hindi na tumatawag ang bayan sa pangalan ng Diyos sa panalangin. Bagaman hindi na sila nagkakasala ng idolatriya na isang malubhang kasalanan, lumilitaw na sila’y nagpapabaya naman sa kanilang pagsamba, at “walang sinumang gumigising upang humawak” kay Jehova. Maliwanag na wala silang mabuting kaugnayan sa Maylalang. Marahil ay nadarama ng ilan na sila’y hindi karapat-dapat makipag-usap kay Jehova sa panalangin. Ang iba naman ay baka nagsasagawa ng kanilang pang-araw-araw na rutin nang hindi na siya isinasaalang-alang. Mangyari pa, naririyan ang mga indibiduwal na gaya nina Daniel, Hananias, Misael, Azarias, at Ezekiel na kabilang sa mga tapon, at ang mga ito’y maiinam na halimbawa ng pananampalataya. (Hebreo 11:33, 34) Habang papalapit ang kawakasan ng 70-taóng panahon ng pagkabihag, ang mga lalaking gaya nina Hagai, Zacarias, Zerubabel, at ng Mataas na Saserdoteng si Josue ay handang maglaan ng mahusay na pangunguna sa pagtawag sa pangalan ni Jehova. Gayunman, sa wari’y inilalarawan pa rin ng makahulang panalangin ni Isaias ang kalagayan ng karamihan sa mga tapon.
“Ang Pagsunod ay Mas Mabuti Kaysa sa Hain”
12. Paano ipinahayag ni Isaias na handang baguhin ng nagsisising mga Judio ang kanilang paggawi?
12 Ang nagsisising mga Judio ay handang magbago. Bilang kinatawan nila, nanalangin si Isaias kay Jehova: “Ngayon, O Jehova, ikaw ang aming Ama. Kami ang luwad, at ikaw ang aming Magpapalayok; at kaming lahat ang gawa ng iyong kamay.” (Isaias 64:8) Ang mga salitang ito’y minsan pang kumilala sa awtoridad ni Jehova bilang Ama, o Tagapagbigay-Buhay. (Job 10:9) Ang mga Judio na nagsisisi ay inihahalintulad sa malambot na luwad. Sa makasagisag na paraan, yaong mga tumutugon sa disiplina ni Jehova ay maaaring hubugin, o anyuan, ayon sa mga pamantayan ng Diyos. Subalit magagawa lamang ito kung magpapatawad si Jehova, ang Magpapalayok. Kaya naman, makalawang ulit na nagsumamo si Isaias sa kaniya upang ipaalaala na ang mga Judio ay kaniyang bayan: “Huwag kang magalit nang sukdulan, O Jehova, at huwag mong alalahanin magpakailanman ang aming kamalian. Tumingin ka ngayon, pakisuyo: kaming lahat ay iyong bayan.”—Isaias 64:9.
13. Ano ang kalagayan ng lupain ng Israel habang nasa pagkatapon ang bayan ng Diyos?
13 Sa panahon ng pagkatapon, higit pa ang pinagdusahan ng mga Judio kaysa sa pagkabihag lamang sa isang paganong lupain. Ang tiwangwang na kalagayan ng Jerusalem at ng templo nito ay nagdulot ng kadustaan sa kanila at sa kanilang Diyos. Isinaysay ng panalangin ng pagsisisi na binigkas ni Isaias ang ilang bagay na naging dahilan ng kadustaang ito: “Ang iyong mga banal na lunsod ay naging ilang. Ang Sion ay naging ganap na ilang, ang Jerusalem ay tiwangwang na kaguhuan. Ang aming bahay ng kabanalan at kagandahan, na doon ay pinuri ka ng aming mga ninuno, ay naging bagay na susunugin sa apoy; at ang lahat ng aming mga kanais-nais na bagay ay naging kagibaan.”—Isaias 64:10, 11.
14. (a) Paano nagbabala si Jehova tungkol sa kalagayang umiiral sa ngayon? (b) Bagaman nalugod si Jehova sa kaniyang templo at sa mga haing inihahandog doon, ano ang higit na mahalaga?
14 Mangyari pa, alam na alam ni Jehova ang kalagayan sa lupaing minana pa ng mga Judio sa kanilang mga ninuno. Mga 420 taon bago mawasak ang Jerusalem, binabalaan niya ang kaniyang bayan na kung hihiwalay sila sa kaniyang mga utos at maglilingkod sa ibang mga diyos, kaniyang ‘lilipulin [sila] mula sa ibabaw ng lupain,’ at ang magandang templo ay “magiging mga bunton ng mga guho.” (1 Hari 9:6-9) Totoo, nalugod si Jehova sa lupaing ibinigay niya sa kaniyang bayan, sa maringal na templong itinayo ukol sa kaniyang karangalan, at sa mga haing ibinigay sa kaniya. Subalit ang pagkamatapat at pagkamasunurin ay higit na mahalaga kaysa sa materyal na mga bagay, maging sa mga hain. Angkop lamang na sabihin ni propeta Samuel kay Haring Saul: “Mayroon bang gayon kalaking kaluguran si Jehova sa mga handog na sinusunog at mga hain na gaya ng sa pagsunod sa tinig ni Jehova? Narito! Ang pagsunod ay mas mabuti kaysa sa hain, ang pagbibigay-pansin kaysa sa taba ng mga barakong tupa.”—1 Samuel 15:22.
15. (a) Anong pagsusumamo ang makahulang inilapit ni Isaias kay Jehova, at paano ito sinagot? (b) Anong mga pangyayari ang humantong sa lubusang pagtatakwil ni Jehova sa Israel bilang isang bansa?
15 Gayunpaman, matitingnan kaya ng Diyos ng Israel ang kapahamakang sinapit ng kaniyang nagsisising bayan nang hindi siya maaawa? Sa tanong na iyan tinapos ni Isaias ang kaniyang makahulang panalangin. Alang-alang sa itinapong mga Judio, nagsumamo siya: “Sa harap ng mga bagay na ito ay patuloy ka bang magpipigil, O Jehova? Mananatili ka bang nakatigil at hahayaang pighatiin kami nang sukdulan?” (Isaias 64:12) Gaya ng nangyari, pinatawad ni Jehova ang kaniyang bayan, at noong 537 B.C.E., ibinalik niya sila sa kanilang lupain upang maisauli nila roon ang dalisay na pagsamba. (Joel 2:13) Gayunman, makalipas ang maraming siglo, muli na namang nawasak ang Jerusalem at ang templo nito, at ang tipang bansa ng Diyos ay lubusan na niyang itinakwil. Bakit? Sapagkat napalayo na ang bayan ni Jehova mula sa kaniyang mga utos at itinakwil nila ang Mesiyas. (Juan 1:11; 3:19, 20) Nang mangyari iyan, pinalitan ni Jehova ang Israel ng isang bagong bansa, isang espirituwal na bansa, samakatuwid nga, ang “Israel ng Diyos.”—Galacia 6:16; 1 Pedro 2:9.
Si Jehova, ang “Dumirinig ng Panalangin”
16. Ano ang itinuturo ng Bibliya hinggil sa pagpapatawad ni Jehova?
16 Mahahalagang aral ang maaaring matutuhan mula sa nangyari sa Israel. Nakita natin na si Jehova ay “mabuti at handang magpatawad.” (Awit 86:5) Bilang di-sakdal na mga nilalang, umaasa tayo sa kaniyang awa at kapatawaran upang maligtas. Wala tayong anumang magagawa na makatutulong upang maging karapat-dapat tayo sa mga pagpapalang iyan. Gayunman, si Jehova ay hindi basta na lamang nagpapatawad. Tanging ang mga nagsisisi lamang sa kanilang mga kasalanan at nanunumbalik ang maaaring patawarin ng Diyos.—Gawa 3:19.
17, 18. (a) Paano natin nalalaman na si Jehova ay tunay na interesado sa ating mga iniisip at nadarama? (b) Bakit matiisin si Jehova sa makasalanang mga tao?
17 Natutuhan din natin na si Jehova ay interesadung-interesado sa ating mga iniisip at nadarama kapag ipinahahayag natin sa kaniya ang mga ito sa panalangin. Siya ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2, 3) Tiniyak sa atin ni apostol Pedro: “Ang mga mata ni Jehova ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang pagsusumamo.” (1 Pedro 3:12) Isa pa, natutuhan natin na dapat ilakip sa panalangin ng pagsisisi ang mapagpakumbabang pagtatapat ng mga kasalanan. (Kawikaan 28:13) Gayunman, hindi ito nangangahulugan na awtomatiko na nating maaasahan ang awa ng Diyos. Binabalaan ng Bibliya ang mga Kristiyano na “huwag tanggapin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sumala sa layunin nito.”—2 Corinto 6:1.
18 Sa katapusan, natutuhan natin ang layunin ng pagtitiis ng Diyos sa kaniyang makasalanang bayan. Ipinaliwanag ni apostol Pedro na si Jehova ay matiisin “sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Gayunman, yaong mga patuloy na umaabuso sa pagtitiis ng Diyos ay parurusahan sa dakong huli. Hinggil dito ay mababasa natin: “Ibibigay [ni Jehova] sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga gawa: buhay na walang hanggan doon sa mga naghahanap ng kaluwalhatian at karangalan at kawalang-kasiraan sa pamamagitan ng pagbabata sa gawang mabuti; gayunman, para sa mga mahilig makipagtalo at sumusuway sa katotohanan ngunit sumusunod sa kalikuan ay darating ang poot at galit.”—Roma 2:6-8.
19. Anong di-nagbabagong mga katangian ang palaging ipinamamalas ni Jehova?
19 Sa ganitong paraan nakitungo ang Diyos sa sinaunang Israel. Ang ating kaugnayan kay Jehova sa ngayon ay inuugitan ng gayunding mga simulain sapagkat siya’y hindi nagbabago. Bagaman hindi niya iniuurong ang karampatang parusa, siya’y mananatiling “si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan, nag-iingat ng maibiging-kabaitan sa libu-libo, nagpapaumanhin sa kamalian at pagsalansang at kasalanan.”—Exodo 34:6, 7.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 362]
Ang Panalangin ng Pagsisisi na Binigkas ni Daniel
Ang propetang si Daniel ay nanirahan sa Babilonya sa buong 70-taóng panahon ng pagkabihag ng mga Judio. Noong mga ika-68 taon ng pagkatapon, napag-unawa ni Daniel mula sa hula ni Jeremias na malapit nang matapos ang pansamantalang pangingibang-bayan ng Israel. (Jeremias 25:11; 29:10; Daniel 9:1, 2) Bumaling si Daniel kay Jehova sa panalangin—isang panalangin ng pagsisisi alang-alang sa buong bansang Judio. Isinaysay ni Daniel: “Itinalaga ko ang aking mukha kay Jehova na tunay na Diyos, upang hanapin siya sa pamamagitan ng panalangin at mga pamamanhik, na may pag-aayuno at telang-sako at abo. At ako ay nagsimulang manalangin kay Jehova na aking Diyos at magtapat.”—Daniel 9:3, 4.
Sinambit ni Daniel ang kaniyang panalangin mga dalawang daang taon matapos isulat ni Isaias ang makahulang panalanging masusumpungan sa mga kabanata 63 at 64 ng kaniyang aklat. Walang alinlangan, maraming tapat na mga Judio ang nanalangin kay Jehova sa loob ng mahihirap na taon ng pagkatapon. Gayunman, itinatampok ng Bibliya ang panalangin ni Daniel, na maliwanag na kumatawan sa nadarama ng maraming tapat na mga Judio. Kaya naman, makikita sa kaniyang panalangin na ang damdamin ng makahulang panalangin ni Isaias ay siya ring damdamin ng tapat na mga Judio sa Babilonya.
Pansinin ang ilang pagkakatulad ng panalangin ni Daniel at ng panalangin ni Isaias.
Isaias 64:10, 11 Daniel 9:16-18
[Kahon sa pahina 366]
“Hindi Nakita ng Mata”
Sa kaniyang liham sa mga taga-Corinto, sumipi si apostol Pablo sa aklat ng Isaias nang isulat niya: “Gaya nga ng nasusulat: ‘Hindi nakita ng mata at hindi narinig ng tainga, ni naisip man sa puso ng tao ang mga bagay na inihanda ng Diyos para roon sa mga umiibig sa kaniya.’ ” (1 Corinto 2:9)a Ang pangungusap ni Pablo at ang pananalita ni Isaias ay kapuwa hindi tumutukoy sa mga bagay na inihanda ni Jehova para sa kaniyang bayan sa isang makalangit na mana o sa isang darating na paraiso sa lupa. Ikinapit ni Pablo ang mga salita ni Isaias sa mga pagpapalang tinatamasa na ng mga Kristiyano noong unang siglo, gaya ng pagkaunawa sa mas malalalim na bagay ng Diyos at pagtanggap ng espirituwal na kaliwanagan mula kay Jehova.
Mauunawaan lamang natin ang malalalim na espirituwal na mga bagay kapag takdang panahon na ni Jehova para isiwalat ang mga ito—at magkagayunman, tangi lamang kung tayo ay espirituwal na mga tao na may malapit na kaugnayan kay Jehova. Ang mga salita ni Pablo ay kumakapit sa mga walang gaano o sa mga talagang walang espirituwalidad. Ang kanilang mata ay hindi makakita, o makatalos, ng espirituwal na mga katotohanan, at ang kanilang tainga ay hindi makarinig, o makaunawa, ng gayong mga bagay. Ang kaalaman sa mga bagay na inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya ay ni hindi man lamang pumapasok sa puso ng gayong mga tao. Subalit para sa mga nakaalay sa Diyos, na gaya ni Pablo, isiniwalat ng Diyos ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.—1 Corinto 2:1-16.
[Talababa]
a Ang mga salita ni Pablo ay hindi matatagpuan sa Hebreong Kasulatan nang eksakto ayon sa pagkakasipi niya sa mga ito. Sa wari’y pinagsama-sama niya ang mga ideya sa Isaias 52:15; 64:4; at Isa 65:17.
[Larawan sa pahina 367]
Ang bayan ng Diyos ay nagtaglay ng pagmamay-ari sa Jerusalem at sa templo nito “sa kaunting panahon”