KABANATA 30
“Patuloy na Magpakita ng Pag-ibig”
1-3. Ano ang nagiging resulta kapag tinutularan natin ang halimbawa ni Jehova sa pagpapakita ng pag-ibig?
“MAY higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Ang mga salitang iyan ni Jesus ay nagdiriin ng mahalagang katotohanang ito: Ang mapagsakripisyong pag-ibig ay may sarili nitong kagantihan. Bagaman may malaking kaligayahan sa pagtanggap ng pag-ibig, may mas malaking kaligayahan sa pagbibigay, o pagpapakita, ng pag-ibig sa iba.
2 Walang higit na nakaaalam nito kundi ang ating makalangit na Ama. Gaya ng nakita natin sa naunang mga kabanata ng seksiyong ito, si Jehova ang pinakadakilang halimbawa ng pag-ibig. Walang sinuman ang nakapagpakita ng pag-ibig sa mas dakilang paraan o sa mas mahabang yugto ng panahon maliban sa kaniya. Kung gayon, kataka-taka bang tawagin si Jehova na “maligayang Diyos”?—1 Timoteo 1:11.
3 Nais ng ating maibiging Diyos na tayo ay magsikap na tularan siya, lalo na kung tungkol sa pagpapakita ng pag-ibig. Ang Efeso 5:1, 2 ay nagsasabi sa atin: “Tularan ninyo ang Diyos, bilang minamahal na mga anak, at patuloy na magpakita ng pag-ibig.” Kapag tinutularan natin ang halimbawa ni Jehova sa pagpapakita ng pag-ibig, natatamasa natin ang mas malaking kaligayahang dulot ng pagbibigay. Nakasisiya ring malaman na tayo’y nakalulugod kay Jehova, sapagkat ang kaniyang Salita ay humihimok sa atin na ‘ibigin ang isa’t isa.’ (Roma 13:8) Subalit may iba pang mga dahilan kung bakit dapat tayong “patuloy na magpakita ng pag-ibig.”
Kung Bakit Mahalaga ang Pag-ibig
4, 5. Bakit mahalagang magpakita tayo ng mapagsakripisyong pag-ibig sa mga kapananampalataya?
4 Bakit mahalaga na magpakita tayo ng pag-ibig sa mga kapananampalataya? Kasi pag-ibig ang pinakadiwa ng tunay na Kristiyanismo. Kung walang pag-ibig, hindi tayo magkakaroon ng matalik na buklod sa ating mga kapuwa Kristiyano, at ang masahol pa, hindi tayo magkakaroon ng halaga sa paningin ni Jehova. Isaalang-alang kung paano itinatampok sa Salita ng Diyos ang mga katotohanang ito.
5 Noong huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo. Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.” (Juan 13:34, 35) “Kung paanong inibig ko kayo”—oo, inuutusan tayong magpakita ng uri ng pag-ibig na ipinakita ni Jesus. Sa Kabanata 29, napansin natin na si Jesus ay nagpakita ng isang dakilang halimbawa sa pagpapakita ng mapagsakripisyong pag-ibig, anupat inuuna ang mga pangangailangan at mga kapakanan ng iba kaysa sa kaniyang sarili. Dapat din tayong magpakita ng mapagsakripisyong pag-ibig, at gawin natin ito sa paraang mahahalata maging ng mga nasa labas ng kongregasyong Kristiyano. Tunay nga na ang mapagsakripisyong pangkapatirang pag-ibig ang pagkakakilanlan ng tunay na mga tagasunod ni Kristo.
6, 7. (a) Paano natin nalaman na may mataas na pagpapahalaga ang Salita ni Jehova sa pagpapakita ng pag-ibig? (b) Ang mga salita ni Pablo na nakaulat sa 1 Corinto 13:4-8 ay nagtutuon ng pansin sa anong pitak ng pag-ibig?
6 Ano kaya kung wala tayong pag-ibig? “Kung . . . wala akong pag-ibig,” ang sabi ni apostol Pablo, “gaya lang ako ng isang umaalingawngaw na gong o maingay na simbalo.” (1 Corinto 13:1) Ang isang maingay na simbalo ay lumilikha ng isang ingay na masakit sa tainga. Ganiyan din ang isang umaalingawngaw na gong. Angkop na angkop nga ang mga ilustrasyong ito! Ang isang taong walang pag-ibig ay gaya ng isang instrumento sa musika na lumilikha ng isang malakas at nakakainis na ingay na nagpapayamot sa halip na makaakit. Paano makapagtatamasa ng isang matalik na kaugnayan sa iba ang gayong tao? Sinabi rin ni Pablo: “Kung . . . sa laki ng pananampalataya ko ay makapaglilipat ako ng mga bundok, pero wala akong pag-ibig, wala pa rin akong kabuluhan.” (1 Corinto 13:2) Isip-isipin na lamang ito, ang isang taong walang pag-ibig ay “walang-kuwentang tao,” sa kabila ng anumang mga bagay na maaaring nagagawa niya! (The Amplified Bible) Hindi ba’t maliwanag na may mataas na pagpapahalaga ang Salita ni Jehova sa pagpapakita ng pag-ibig?
7 Subalit, paano kaya natin maipapakita ang katangiang ito sa ating pakikitungo sa iba? Upang masagot iyan, suriin natin ang mga salita ni Pablo na masusumpungan sa 1 Corinto 13:4-8. Ang idiniriin sa mga talatang ito ay hindi yaong pag-ibig ng Diyos sa atin ni yaong pag-ibig natin sa Diyos. Sa halip, ang pinagtuunan ng pansin ni Pablo ay kung paano natin maipapakita ang pag-ibig sa isa’t isa. Binanggit niya ang ilang bagay hinggil sa kung ano ang pag-ibig at kung ano ang hindi.
Kung Ano ang Pag-ibig
8. Paanong ang pagtitiis ay nakatutulong sa atin sa pakikitungo natin sa iba?
8 “Ang pag-ibig ay matiisin.” Ang pagtitiis ay nangangahulugan na magiging mapagpasensiya tayo sa iba. (Colosas 3:13) Hindi ba’t kailangan natin ang gayong pagtitiis? Dahil sa tayo ay di-perpektong mga nilalang na naglilingkod nang balikatan, natural lamang na asahan paminsan-minsan na maaaring mainis tayo sa ating mga kapatid at maaari din namang sila ang mainis sa atin. Subalit ang pagpapaumanhin at pagtitimpi ay makatutulong sa atin na makayanan ang maliliit na galos at kalmot na natatamo natin sa ating pakikitungo sa iba—nang hindi nagagambala ang kapayapaan ng kongregasyon.
9. Sa ano-anong paraan maipapakita natin ang kabaitan sa iba?
9 “Ang pag-ibig ay . . . mabait.” Ang kabaitan ay ipinapakita sa pamamagitan ng matulunging mga gawa at makonsiderasyong mga salita. Ang pag-ibig ay nag-uudyok sa atin na humanap ng mga paraan upang maipakita ang kabaitan, lalo na sa mga higit na nangangailangan nito. Halimbawa, baka nalulungkot ang isang nakatatandang kapananampalataya at kailangang madalaw upang mapatibay. Baka kailangang tulungan ang isang nagsosolong ina o isang sister na nakatira sa isang nababahaging sambahayan dahil sa relihiyon. Baka kailangang makarinig ng mababait na salita mula sa isang tapat na kaibigan ang isang may karamdaman o nasa kagipitan. (Kawikaan 12:25; 17:17) Kapag nagkukusa tayong magpakita ng kabaitan sa ganitong mga paraan, ipinapakita natin na tunay ang ating pag-ibig.—2 Corinto 8:8.
10. Paanong ang pag-ibig ay tumutulong sa atin na ipagtanggol at sabihin ang katotohanan, kahit ito’y mahirap gawin?
10 “Ang pag-ibig ay . . . nagsasaya sa katotohanan.” Ang ibang bersiyon ay nagsasabi: “Ang pag-ibig ay . . . may kagalakang pumapanig sa katotohanan.” Ang pag-ibig ay nag-uudyok sa atin na ipagtanggol ang katotohanan at “magsalita . . . ng katotohanan sa isa’t isa.” (Zacarias 8:16) Halimbawa, kung ang isang minamahal ay nasangkot sa isang malubhang kasalanan, ang pag-ibig kay Jehova—at sa nagkasala—ay tutulong sa atin na manghawakan sa mga pamantayan ng Diyos sa halip na tangkaing itago, bigyang-katuwiran, o pasinungalingan pa nga ang pagkakamali. Sabihin pa, baka nga talagang mahirap tanggapin ang pangyayari. Subalit kung isasapuso natin ang kapakanan ng ating minamahal, nanaisin natin na siya’y tumanggap at tumugon sa anumang maibiging disiplina na ibibigay ng Diyos. (Kawikaan 3:11, 12) Bilang maibiging mga Kristiyano, gusto din nating “gumawi nang tapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.
11. Dahil sa ang pag-ibig ay ‘nagpapasensiya sa lahat ng bagay,’ ano ang dapat nating pagsikapang gawin tungkol sa mga pagkukulang ng mga kapananampalataya?
11 ‘Ang pag-ibig ay nagpapasensiya sa lahat ng bagay.’ Ang pangungusap na iyan ay literal na nangangahulugang “tinatakpan nito ang lahat ng bagay.” (Kingdom Interlinear) Ang 1 Pedro 4:8 ay nagsasabi: “Ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” Oo, ang isang Kristiyano na inuugitan ng pag-ibig ay hindi naghahangad na ibunyag ang lahat ng pagiging di-perpekto at pagkukulang ng kaniyang mga kapatid na Kristiyano. Kadalasan, ang mga pagkakamali at depekto ng mga kapananampalataya ay maliliit lamang at matatakpan ng pag-ibig.—Kawikaan 10:12; 17:9.
12. Paano ipinakita ni apostol Pablo na naniniwala siyang ang pinakamabuti ang gagawin ni Filemon, at ano ang maaari nating matutuhan mula sa halimbawa ni Pablo?
12 ‘Ang pag-ibig ay naniniwala sa lahat ng bagay.’ Sinasabi ng salin ni Moffatt na ang pag-ibig ay “laging handang paniwalaan ang pinakamabuti.” Hindi tayo labis na nagsususpetsa sa ating mga kapananampalataya, anupat pinag-aalinlanganan ang bawat motibo nila. Ang pag-ibig ay tumutulong sa atin na “paniwalaan ang pinakamabuti” tungkol sa ating mga kapatid at pagtiwalaan sila.a Pansinin ang isang halimbawa sa liham ni Pablo kay Filemon. Lumiham si Pablo upang himukin si Filemon na tanggapin nang may kabaitan ang pagbabalik ng takas na aliping si Onesimo, na naging Kristiyano. Sa halip na pilitin si Filemon, si Pablo ay nakiusap salig sa pag-ibig. May tiwala siyang gagawin ni Filemon kung ano ang tama, na sinasabi: “Nagtitiwala akong gagawin mo ang hiling ko, kaya sumusulat ako sa iyo, dahil alam kong higit pa sa sinabi ko ang gagawin mo.” (Talata 21) Kapag inudyukan tayo ng pag-ibig na magpahayag ng gayong pagtitiwala sa ating mga kapatid, napasisigla natin sila upang gumawa ng pinakamabuting magagawa nila.
13. Paano natin maipapakita na inaasahan natin ang pinakamabuti para sa ating mga kapatid?
13 ‘Ang pag-ibig ay umaasa sa lahat ng bagay.’ Kung paanong dahil sa pag-ibig ay nagtitiwala tayo, dahil din sa pag-ibig, umaasa tayo. Palibhasa’y nauudyukan ng pag-ibig, inaasahan natin ang pinakamabuti para sa ating mga kapatid. Halimbawa, kapag ang isang kapatid ay nakagawa ng “maling hakbang nang hindi niya namamalayan,” inaasahan natin na siya ay tutugon sa maibiging pagsisikap na maibalik siya sa ayos. (Galacia 6:1) Inaasahan din natin na ang mahihina sa pananampalataya ay mapalalakas. Nagiging mapagpasensiya tayo sa kanila, anupat ginagawa ang ating buong makakaya upang matulungan silang lumakas sa pananampalataya. (Roma 15:1; 1 Tesalonica 5:14) Kahit pa maligaw ng landas ang isang minamahal, hindi tayo nawawalan ng pag-asa na balang-araw ay matatauhan din siya at manunumbalik kay Jehova, gaya ng nawalang anak sa ilustrasyon ni Jesus.—Lucas 15:17, 18.
14. Sa anong mga paraan maaaring masubok ang ating pagtitiis sa loob ng kongregasyon, at paano tayo matutulungan ng pag-ibig na harapin ito?
14 ‘Ang pag-ibig ay nagtitiis sa lahat ng bagay.’ Ang pagtitiis ay tumutulong sa atin na manindigang matatag sa harap ng pagkabigo o paghihirap. Hindi lamang ang mga nasa labas ng kongregasyon ang kailangan nating pagtiisan. Kung minsan, baka kailangan din nating pagtiisan ang mga nasa loob ng kongregasyon. Dahil sa pagiging di-perpekto, may pagkakataon na binibigo tayo ng ating mga kapatid. Baka nasaktan ang ating damdamin dahil sa isang di-pinag-isipang pananalita. (Kawikaan 12:18) Baka may isang pangkongregasyong bagay na hindi napangasiwaan sa paraan na sa palagay natin ay siyang nararapat. Baka nakakainis ang paggawi ng isang iginagalang na kapatid, anupat nagtatanong tuloy tayo, ‘Paano iyan nagagawa ng isang Kristiyano?’ Kapag napaharap sa ganiyang mga sitwasyon, iiwan na ba natin ang kongregasyon at hindi na maglilingkod kay Jehova? Hindi nga kung may pag-ibig tayo! Oo, iniingatan tayo ng pag-ibig upang hindi mapiringan ng mga pagkakamali ng isang kapatid anupat wala na tayong makitang mabuting bagay sa kaniya o sa kongregasyon sa kabuoan. Ang pag-ibig ay tutulong sa atin na manatiling tapat sa Diyos at nakikipagtulungan sa kongregasyon anuman ang sabihin o gawin ng isang di-perpektong tao.—Awit 119:165.
Kung Ano ang Hindi Ginagawa ng Pag-ibig
15. Bakit hindi tayo dapat mainggit, at paano nakatutulong ang pag-ibig para maiwasan ang nakapipinsalang damdaming iyan?
15 “Ang pag-ibig ay hindi naiinggit.” Hindi tayo dapat mainggit sa tinataglay ng iba gaya ng mga ari-arian, mabubuting bagay na tinatanggap nila mula kay Jehova, o mga kakayahan. Ang gayong pagkainggit ay isang makasarili at nakapipinsalang damdamin na kung hindi masusupil ay makagagambala sa kapayapaan ng kongregasyon. Ano ang tutulong sa atin upang mapaglabanan ang tendensiya na mainggit? (Santiago 4:5) Ang sagot, pag-ibig. Ang mahalagang katangiang ito ay tutulong sa atin na makipagsaya sa kanila na sa wari’y higit na nakaririwasa sa buhay kaysa sa atin. (Roma 12:15) Ang pag-ibig ay tutulong sa atin na huwag ituring na isang insulto sa atin kapag ang isa ay tumanggap ng papuri dahil sa kaniyang pambihirang kakayahan o namumukod na tagumpay.
16. Kung talagang iniibig natin ang ating mga kapatid, bakit dapat nating iwasang ipagyabang ang ating ginagawa sa paglilingkod kay Jehova?
16 ‘Ang pag-ibig ay hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki.’ Ang pag-ibig ay pumipigil sa atin na ipagyabang ang ating mga kakayahan o mga tagumpay. Kung talagang iniibig natin ang ating mga kapatid, paano natin magagawa na paulit-ulit na ipagmalaki ang ating tagumpay sa ministeryo o ang ating mga pribilehiyo sa kongregasyon? Ang gayong pagyayabang ay nakapagpapahina sa iba, anupat iniisip tuloy nilang sila’y mababa. Ang pag-ibig ay hindi nagpapahintulot sa atin na ipagyabang ang mga pribilehiyo ng paglilingkod na ipinagkaloob sa atin ng Diyos. (1 Corinto 3:5-9) Kasi ang pag-ibig ay “hindi nagmamalaki.” Gaya nga ng sinasabi ng isang salin ng Bibliya, ang pag-ibig ang pumipigil sa isang tao na labis na pahalagahan ang sarili. Dahil sa pag-ibig, hindi natin iisipin na nakahihigit tayo sa iba.—Roma 12:3.
17. Ang pag-ibig ay nag-uudyok sa atin na magpakita ng anong konsiderasyon sa iba, at anong uri ng paggawi ang iiwasan natin kung gayon?
17 “Ang pag-ibig ay . . . hindi gumagawi nang hindi disente.” Ang isang taong gumagawi nang hindi disente ay kumikilos sa paraang masagwa o nakasusuklam. Ang gayong paggawi ay salat sa pag-ibig, sapagkat nagpapakita ito ng tahasang pagwawalang-halaga sa damdamin at kapakanan ng iba. Sa kabaligtaran naman, ang pag-ibig ay may taglay na kagandahang-loob na siyang nag-uudyok sa atin upang magpakita ng konsiderasyon sa iba. Ang pag-ibig ay nagtataguyod ng mabuting asal, makadiyos na paggawi, at paggalang sa ating kapananampalataya. Kung gayon, ang pag-ibig ay hindi magpapahintulot sa atin na masangkot sa “kahiya-hiyang paggawi”—oo, sa anumang kilos na makabibigla o makasasakit sa ating mga kapatid na Kristiyano.—Efeso 5:3, 4.
18. Bakit ang isang maibiging tao ay hindi nagpipilit na ang lahat ng bagay ay gawin ayon sa gusto niya?
18 ‘Hindi inuuna ng pag-ibig ang sarili nitong kapakanan.’ Ganito ang sabi rito ng Revised Standard Version: “Ang pag-ibig ay hindi naggigiit ng sarili nitong kagustuhan.” Ang isang maibiging tao ay hindi nagpipilit na ang lahat ng bagay ay gawin ayon sa gusto niya, na para bang ang kaniyang mga opinyon ang laging tama. Hindi niya sinisikap na kontrolin ang iba, anupat ginagamit ang kaniyang kakayahang humikayat upang daigin yaong mga may ibang pananaw. Ang gayong pagmamatigas ay magsisiwalat ng isang antas ng pagmamataas, at ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang pagmamataas ay humahantong sa pagbagsak.” (Kawikaan 16:18) Kung talagang iniibig natin ang ating mga kapatid, igagalang natin ang kanilang mga pananaw, at hangga’t maaari, ipapakita nating handa tayong magparaya. Ang mapagparayang espiritu ay kasuwato ng mga salita ni Pablo: “Patuloy na unahin ng bawat isa ang kapakanan ng ibang tao, hindi ang sarili niya.”—1 Corinto 10:24.
19. Paano tayo tinutulungan ng pag-ibig na tumugon kapag ang iba ay nagkasala sa atin?
19 “Ang pag-ibig ay . . . hindi nagagalit. Hindi ito nagkikimkim ng sama ng loob.” Ang pag-ibig ay hindi madaling magalit dahil sa sinasabi o ginagawa ng iba. Totoo, likas lamang na maghinanakit kapag ang iba ay nagkasala sa atin. Subalit kahit na may katuwiran tayong magalit, ang pag-ibig ay hindi nagpapahintulot na tayo ay manatiling galit. (Efeso 4:26, 27) Hindi tayo nag-iingat ng isang talaan ng masasakit na salita o gawa, na para bang inililista ang mga ito sa isang ledyer upang hindi malimutan ang mga ito. Sa halip, ang pag-ibig ay nag-uudyok sa atin na tularan ang ating maibiging Diyos. Gaya ng nakita natin sa Kabanata 26, si Jehova ay nagpapatawad kapag may makatuwirang dahilan para gawin iyon. Kapag napatawad na niya tayo, kinalilimutan na niya iyon, samakatuwid nga, hindi na niya sisingilin sa atin ang mga kasalanang iyon sa hinaharap. Hindi ba’t dapat nating ipagpasalamat na si Jehova ay hindi nagbibilang ng pinsala?
20. Ano ang ating magiging reaksiyon kapag ang isang kapananampalataya ay nasilo ng kasalanan at napahamak dahil dito?
20 ‘Ang pag-ibig ay hindi natutuwa sa kasamaan.’ Ang The New English Bible ay kababasahan: “Ang pag-ibig ay . . . hindi natutuwa sa mga pagkakasala ng ibang tao.” Ang salin ni Moffatt ay nagsasabi: “Ang pag-ibig ay hindi kailanman nagagalak kapag ang iba ay nagkakamali.” Ang pag-ibig ay hindi nasisiyahan sa kalikuan, kaya hindi tayo nagbubulag-bulagan sa anumang uri ng imoralidad. Ano ang ating nagiging reaksiyon kapag ang isang kapananampalataya ay nabitag ng kasalanan at napahamak dahil dito? Ang pag-ibig ay hindi magpapahintulot sa atin na magsaya, na para bang sinasabing ‘Mabuti nga sa kaniya! Dapat lang sa kaniya iyon!’ (Kawikaan 17:5) Gayunman, nagsasaya nga tayo kapag ang isang kapatid na nagkasala ay gumawa ng positibong hakbangin upang makabangon sa kaniyang pagkakadapa sa espirituwal.
Isang Bagay na “Nakahihigit sa Lahat”
21-23. (a) Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang “ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo”? (b) Ano ang isasaalang-alang sa huling kabanata?
21 “Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” Ano ang ibig sabihin ni Pablo sa mga salitang ito? Gaya ng makikita sa konteksto, tinatalakay niya ang mga kaloob ng espiritu na taglay ng sinaunang mga Kristiyano. Ang mga kaloob na iyon ay nagsisilbing mga tanda na ang pabor ng Diyos ay nasa bagong-tatag na kongregasyon. Subalit hindi lahat ng Kristiyano ay maaaring magpagaling, manghula, o magsalita ng iba’t ibang wika. Gayunman, hindi iyan mahalaga; ang makahimalang mga kaloob ay mawawala rin naman pagdating ng panahon. Subalit may isang bagay na mananatili, isang bagay na maaaring linangin ng bawat Kristiyano. Ito ay mas mahalaga at mas nagtatagal kaysa sa anumang makahimalang kaloob. Sa katunayan, sinabi ni Pablo na ito ay “nakahihigit sa lahat.” (1 Corinto 12:31) Ano ito? Ito ang pag-ibig.
22 Sa katunayan, ang Kristiyanong pag-ibig na inilarawan ni Pablo ay “hindi kailanman nabibigo,” samakatuwid nga, hindi ito kailanman magwawakas. Hanggang sa panahong ito, ang mapagsakripisyong pag-ibig na pangkapatiran pa rin ang pagkakakilanlan ng tunay na mga tagasunod ni Jesus. Hindi ba’t nakikita natin ang katibayan ng pag-ibig na iyan sa mga kongregasyon ng mga mananamba ni Jehova sa buong lupa? Ang pag-ibig na iyan ay mananatili magpakailanman, sapagkat pinangakuan ni Jehova ng walang-hanggang buhay ang kaniyang tapat na mga lingkod. (Awit 37:9-11, 29) Lagi sana nating gawin ang lahat ng ating makakaya upang “patuloy na magpakita ng pag-ibig.” Sa paggawa nito, magtatamasa tayo ng higit na kaligayahang dulot ng pagbibigay. Bukod diyan, maaari tayong patuloy na mabuhay—oo, patuloy na umibig—magpakailanman, bilang pagtulad sa ating maibiging Diyos, si Jehova.
Ang bayan ni Jehova ay nakikilala sa kanilang pag-ibig sa isa’t isa
23 Sa kabanatang ito na siyang pagwawakas ng seksiyon tungkol sa pag-ibig, tinalakay natin kung paano natin maipapakita ang pag-ibig sa isa’t isa. Subalit kung isasaalang-alang ang napakaraming paraan na doo’y makikinabang tayo mula sa pag-ibig ni Jehova—gayundin sa kaniyang kapangyarihan, katarungan, at karunungan—makakabuting itanong natin, ‘Paano ko maipapakita kay Jehova na talagang iniibig ko siya?’ Ang tanong na iyan ay isasaalang-alang sa huling kabanata.
a Mangyari pa, ang pag-ibig Kristiyano ay hindi naman labis na mapaniwalain. Pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Mag-ingat sa mga nagpapasimula ng pagkakabaha-bahagi at nagiging dahilan ng pagkatisod. . . . Iwasan ninyo sila.”—Roma 16:17.