Sundin ang Nakahihigit na Daan ng Pag-ibig
ANG Diyos na Jehova ang sagisag ng pag-ibig. (1 Juan 4:8) Ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay nagsabi na dapat nating ibigin ang Diyos at ang ating kapuwa. (Mateo 22:37-40) Oo, ang Diyos ang nagpapalakad ng buong sansinukob salig sa katangiang ito! Kaya upang kamtin ang walang-hanggang buhay saanman, kailangang sundin natin ang daan ng pag-ibig.
Ang Diyos ay nagpakita ng pag-ibig sa bansang Israel subalit nang bandang huli ay tinanggihan niya ang organisasyong iyan dahil sa kawalang katapatan. Nang magkagayon ay ipinakilala niya ang kongregasyon ng mga alagad ni Jesus bilang Kaniyang bagong organisasyon. Sa papaano? Sa pamamagitan ng natatanging pagbubuhos ng banal na espiritu na anupat sila’y nakapagsalita ng mga wika at nakapanghula. Sa gayon, noong Pentecostes 33 C.E., 3,000 Judio at mga proselita ang sumampalataya at umalis sa matandang organisasyon upang lumipat sa bagong organisasyon ng Diyos. (Gawa 2:1-41) Yamang ang mga kaloob ng espiritu ay ipinagkaloob pagkatapos sa pamamagitan ng mga apostol ni Jesus, ang gayong mga kaloob ay naparam na nang sila ay mamatay. (Gawa 8:5-18; 19:1-6) Subalit noon ang kaloob ay nagpatunay na nasa espirituwal na Israel ang pabor ng Diyos.—Galacia 6:16.
Mga himalang resulta ng mga kaloob ng espiritu ay nagdulot ng kapakinabangan. Gayunman, ang pagpapakita ng pag-ibig o walang imbot na pagtingin sa iba ay lalong mahalaga kaysa pagkakaroon ng mga kaloob ng espiritu. Ito’y ipinakita ni apostol Pablo sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto (c. 55 C.E.). Noon ay kaniyang binanggit ang pag-ibig bilang “isang nakahihigit na daan.” (1 Corinto 12:31) Ang daan na iyan ay tinatalakay sa 1 Corinto kabanata 13.
Kung Walang Pag-ibig, Tayo ay Walang Kabuluhan
Nangatuwiran si Pablo: “Kung ako’y magsasalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel datapuwat wala akong pag-ibig, ako’y naging isang kapirasong tanso o isang kumakalantog na pompiyang.” (1 Corinto 13:1) Kung walang pag-ibig, walang kabuluhan kahit magsalita sa kaloob ng espiritu na wika ng tao o sa isang wika ng mga anghel sa langit. Mas gusto ni Pablo na magsalita sa limang nakapagpapatibay na mga salita sa halip na sampung libong salita sa isang wika na hindi naman naiintindihan ng mga tao. (1 Corinto 14:19) Ang isang taong salat sa pag-ibig ay mistulang “isang tumutunog na kapirasong tanso”—isang maingay, nakayayamot na gong—o isang walang-tonong “kumakalantog na pompiyang.” Ang salat sa pag-ibig na pagsasalita sa mga wika ay hindi isang nakaaaliw, nakapagpapatibay sa espirituwal na paraan ng pagluwalhati sa Diyos at pagtulong sa bayan. Sa ngayon, tayo’y nagpapakita ng pag-ibig sa pamamagitan ng nauunawaang mga pananalita sa ministeryong Kristiyano.
Susunod ay sinabi ng apostol: “Kung magkaroon ako ng kaloob na panghuhula at maalaman ko ang lahat na banal na lihim at lahat ng kaalaman, at kung magkaroon ako ng buong pananampalataya na anupat maililipat ko ang mga bundok, ngunit wala akong pag-ibig, ako’y walang kabuluhan.” (1 Corinto 13:2) Ang kahima-himalang panghuhula, natatanging pagkaunawa sa mga banal na lihim, ang kaloob ng espiritung kaalaman ay maaaring pakinabangan ng iba subalit hindi niyaong may taglay ng gayong mga kaloob kung ang mga pinagkalooban ay walang pag-ibig. Ginamit ni Pablo ang pantanging pang-unawa ng mga banal na lihim upang tulungan ang iba, at dahil sa ipinagkaloob na kaalaman sa kaniya ay nahulaan niya ang pagkaligtas ng mga biktima ng paglubog ng sasakyang dagat. (Gawa 27:20-44; 1 Corinto 4:1, 2) Subalit, kung taglay niya ang ‘lahat ng kaalaman at lahat ng pananampalataya’ ngunit walang pag-ibig, siya’y walang kabuluhan sa paningin ni Jehova.
Sa ngayon ang espiritu ni Jehova ang nagpapangyari na ang kaniyang mga Saksi ay makaunawa ng mga hula sa Bibliya at mga banal na lihim at akayin sila sa pagtuturo sa iba ng gayong kaalaman. (Joel 2:28, 29) Ang espiritu ay lumilikha rin ng pananampalataya na kinakailangan upang madaig ang tulad-bundok na mga balakid. (Mateo 17:20) Yamang ginagawa ng espiritu ang mga bagay na ito, isang kamalian na maghangad ng personal na karangalan buhat sa mga ito. Tayo’y walang kabuluhan maliban sa gawin natin ang mga bagay-bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos at taglay ang pag-ibig sa kaniya at sa mga kapuwa tao.—Galacia 5:6.
Walang Pakikinabangin sa Walang Pag-ibig na Pagbibigay
Sinabi ni Pablo: “Kung ipagkaloob ko ang lahat ng aking ari-arian upang pakanin ang iba, at kung ibigay ko ang aking katawan, upang maipagmalaki ko, ngunit wala akong pag-ibig, ako ay walang anumang pakikinabangin.” (1 Corinto 13:3) Kung walang pag-ibig, si Pablo ay walang pakikinabangin kung kaniyang ibibigay ang lahat ng kaniyang ari-arian upang pakanin ang iba. Tayo’y ginaganti ng Diyos dahil sa pag-ibig na nasa likod ng ating mga ipinagkakaloob, hindi dahil sa materyal na halaga o dahil sa humahanap tayo ng kaluwalhatian bilang mga tagapagbigay, tulad ng nagsinungaling na sina Ananias at Safira. (Gawa 5:1-11) Si Pablo ay nagpakita ng isang mainam na halimbawa ng maibiging pagbibigay ng kaniyang sarili may kaugnayan sa isang ministeryo ng pagtulong sa mga mananampalataya ng Judea.—1 Corinto 16:1-4; 2 Corinto 8:1-24; 9:7.
Kahit na ang walang pag-ibig na pagmamartir bilang isang saksi sa katotohanan ay walang kabuluhan sa Diyos. (Kawikaan 25:27) Binanggit ni Jesus ang kaniyang hain ngunit hindi naman niya ipinagmalaki iyon. Sa halip na ipagmalaki ay kusang ibinigay niya ang kaniyang sarili ng dahil sa pag-ibig. (Marcos 10:45; Efeso 5:2; Hebreo 10:5-10) Ang kaniyang espirituwal na mga kapatid ay ‘naghahandog ng kanilang mga katawan bilang isang buháy na hain’ sa paglilingkod sa Diyos hindi sa lumuluwalhati ng sarili na pagmamartir kundi sa simpleng mga paraan na lumuluwalhati kay Jehova at nagpapakita ng kanilang pag-ibig sa kaniya.—Roma 12:1, 2.
Mga Ilang Paraan na Tayo’y Pakikilusin ng Pag-ibig
Sumulat si Pablo: “Ang pag-ibig ay matiisin at magandang loob.” (1 Corinto 13:4a) Para sa marami, ang pagkamatiisin ng Diyos magbuhat nang magkasala si Adan ay nagbigay-daan sa pagsisisi na umakay hanggang sa kaligtasan. (2 Pedro 3:9, 15) Kung tayo’y may pag-ibig, matiyagang tuturuan natin ang iba ng katotohanan. Iiwasan natin ang mga bugso ng damdamin at tayo’y magiging makonsiderasyon at mapagpatawad. (Mateo 18:21, 22) Ang pag-ibig ay mabait din naman, at tayo’y naaakit sa Diyos dahilan sa kaniyang kabaitan. Ang bunga ng kaniyang espiritu na kabaitan ay umaakay sa atin upang huwag maging mapaghanap sa iba kaysa hinahanap niya sa atin. (Efeso 4:32) Ang pag-ibig ay humihila rin sa atin na maging mabait sa mga taong di-marunong magpasalamat.—Lucas 6:35.
Isinusog ni Pablo: “Ang pag-ibig ay hindi nananaghili, ito’y hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo.” (1 Corinto 13:4b) Ang pananaghili ay gawa ng laman na hahadlang upang ang isa ay huwag makapasok sa Kaharian ng Diyos. (Galacia 5:19-21) Dahil sa pag-ibig ay hindi tayo mananaghili sa mga ari-arian o nakahihigit na kalagayan ng isang tao. Kung siya’y nasa isang pribilehiyo ng paglilingkuran na nais natin, dahil sa pag-ibig ay makikigalak tayo sa kaniya, susuportahan natin siya, at pasasalamatan natin ang Diyos na siya’y nagagamit sa kapakinabangan ng kongregasyon.
Yamang ang pag-ibig ay “hindi nagmamapuri,” hindi tayo inuudyukan nito na ipagmalaki ang nagagawa natin sa paglilingkuran sa Diyos ayon sa kaniyang ipinahihintulot. Ang ibang mga Kristiyano ay nagmamapuri na para bang sa kanila nanggagaling ang mga kaloob ng espiritu, ngunit ang mga ito ay galing sa Diyos, tulad din ng mga pribilehiyo sa kaniyang organisasyon sa modernong panahon. Kung gayon, sa halip na ipagmapuri ang ating katayuan sa organisasyon ng Diyos, ang ingatan natin ay huwag mahulog. (1 Corinto 1:31; 4:7; 10:12) Ang pag-ibig ay “hindi nagpapalalo,” ngunit ang isang taong walang pag-ibig ay baka nag-iisip na siya’y napakahalaga. Ang mga taong may pag-ibig ay hindi nag-iisip na sila’y nakahihigit sa iba.—1 Corinto 4:18, 19; Galacia 6:3.
Hindi Nag-uugaling Mahalay, Hindi Mapag-imbot, Hindi Mararamdamin
Ang pag-ibig ay “hindi nag-uugaling mahalay, hindi hinahanap ang sariling kapakanan, hindi nayayamot.” (1 Corinto 13:5a) Ito’y kakikitaan ng mabubuting asal, maka-Diyos na ugali, paggalang sa autoridad, at disenteng pagkilos sa mga pulong Kristiyano. (Efeso 5:3-5; 1 Corinto 11:17-34; 14:40; ihambing ang Judas 4, 8-10.) Yamang dahil sa pag-ibig ay nadarama ng bawat isa na siya’y kinakailangan, tulad ng lahat ng bahagi ng katawan ng tao, ang isang maibiging kongregasyon ay isang dako ng kapayapaan at kanlungan. (1 Corinto 12:22-25) Sa halip na may pag-iimbot na ‘hanapin ang kaniyang sariling kapakanan,’ dahil sa pag-ibig ay kung minsan ating ipinagpaparaya ang ating mga karapatan at tayo’y nagpapakita ng interes sa iba at sa kanilang ikabubuti. (Filipos 2:1-4) Dahil sa pag-ibig tayo ay ‘nagiging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng mga tao, upang ating mailigtas ang ilan’ sa pamamagitan ng ating ministeryo.—1 Corinto 9:22, 23.
Ang pag-ibig ay “hindi nayayamot.” Ang mga silakbo ng galit ay mga gawa ng makasalanang laman, ngunit dahil sa pag-ibig tayo ay nagiging “mabagal sa pagkagalit.” (Santiago 1:19; Galacia 5:19, 20) Kahit na kung sakaling tayo’y may katuwiran na magalit, hindi tinutulutan ng pag-ibig na tayo’y patuloy na magalit, sa gayo’y binibigyang daan ang Diyablo. (Efeso 4:26, 27) Ang matatanda ang lalo nang kailangang umiwas sa pagkagalit kung ang mga kapananampalataya ay hindi ikinakapit ang ilang mungkahi.
Tungkol sa pag-ibig ay sinabi rin ni Pablo: “Ito ay hindi nagagalak sa kalikuan.” (1 Corinto 13:5b) Ang pag-ibig ay hindi nag-iingat ng listahan ng mga kamalian, tulad ng mga isinusulat sa isang ledger. Nakikita nito ang mga kabutihan sa mga kapananampalataya at hindi gumaganti dahil sa tunay o ginuguniguning masamang nagawa sa kaniya. (Kawikaan 20:22; 24:29; 25:21, 22) Ang pag-ibig ay tumutulong sa atin na “itaguyod ang mga bagay na gumagawa ng kapayapaan.” (Roma 14:19) Si Pablo at si Bernabe ay nagkaroon ng di-pagkakaunawaan at naghiwalay ng daan sa paglilingkod sa Diyos, subalit dahil sa pag-ibig ay nalunasan ang samaan ng loob.—Levitico 19:17, 18; Gawa 15:36-41.
Nakahilig sa Katuwiran at Katotohanan
Tungkol sa pag-ibig, nagpatuloy pa si Pablo: “Ito ay hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan.” (1 Corinto 13:6) Ganiyan na lamang ang katuwaan ng ilang mga tao sa kalikuan na anupat “sila’y hindi natutulog maliban sa sila’y gumawa ng kasamaan.” (Kawikaan 4:16) Subalit sa organisasyon ng Diyos tayo ay hindi nakikipag-alitan o nagagalak kung ang isa ay nasilo ng kasalanan. (Kawikaan 17:5; 24:17, 18) Kung may sapat na pag-ibig sa Diyos at sa katuwiran sa kongregasyon sa Corinto, ang imoralidad ay hindi sana pinayagang umiral doon. (1 Corinto 5:1-13) Bukod sa iba pang mga bagay, ang pag-ibig sa katuwiran ay hahadlang sa atin sa panonood ng masasamang palabas sa telebisyon, sa sine, o sa dulaan.
Ang pag-ibig ay “nakikigalak sa katotohanan.” Dito ang katotohanan ay ipinakikitang naiiba sa kalikuan. Maliwanag na ito’y nangangahulugan na pinapangyayari ng pag-ibig na tayo’y magalak sa impluwensiya sa katuwiran na naidudulot ng katotohanan sa mga tao. Tayo’y nagagalak sa mga bagay na nagpapatibay sa mga tao at nagpapasulong ng kapakanan ng katotohanan at katuwiran. Tayo’y hinahadlangan ng pag-ibig na magsinungaling, nagbibigay sa atin ng kagalakan pagka ang matuwid ay pinatunayang walang-sala, at tayo’y nagagalak sa pagtatagumpay ng katotohanan ng Diyos.—Awit 45:4.
Kung Papaano Pinakikitunguhan ng Pag-ibig ang Lahat ng Bagay
Sa pagpapatuloy sa kaniyang pagtalakay sa pag-ibig, si Pablo ay sumulat: “Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis.” (1 Corinto 13:7) ‘Sa pagbabata ng lahat ng bagay,’ dahil sa pag-ibig ay nagagawang mahadlangan ang pagiging maramdamin gaya ng nagagawa ng isang mabuting bubong na nagsisilbing proteksiyon sa ulan. Kung sakaling may nagkasala sa atin ngunit pagkatapos ay humingi ng kapatawaran, dahil sa pag-ibig ay natitiis natin ang kasamaang nagawa, pinatatawad ang nagkasala sa halip na ipaghatid-dumapit ang gayong mga bagay. Sa pamamagitan ng pag-ibig ating sinisikap na ‘mahikayat ang ating kapatid.’—Mateo 18:15-17; Colosas 3:13.
Ang pag-ibig ay “naniniwala sa lahat ng bagay” sa Salita ng Diyos at pinasasalamatan natin ang lahat ng pagkaing espirituwal na inilalaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Bagaman hindi tayo basta naniniwala, ang pag-ibig ay humahadlang sa atin na magkaroon ng mapag-alinlangang puso at naiingatan tayo mula sa pagpaparatang nang masasama sa kapananampalataya. (Eclesiastes 7:21, 22) Ang pag-ibig ay “umaasa sa lahat ng bagay” na nakasulat sa Kasulatan, tulad ng mga katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos. Udyok ng pag-ibig, tayo’y umaasa at nananalangin na ang pinakamagaling ang kalabasan sa mga kalagayang nagsisilbing pagsubok. Pinakikilos din tayo ng pag-ibig na sabihin sa iba ang dahilan ng ating pag-asa. (1 Pedro 3:15) Isa pa, ang pag-ibig ay “natitiis ang lahat ng bagay,” kasali na ang mga kasalanan laban sa atin. (Kawikaan 10:12) Ang pag-ibig sa Diyos ay tumutulong din sa atin na pagtiisan ang pag-uusig at ang iba pang mga pagsubok.
Isinusog ni Pablo: “Ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman.” (1 Corinto 13:8a) Ito’y hindi natatapos o nagkukulang na gaya na rin ni Jehova. Yamang ang ating walang-hanggang Diyos ang uliran ng pag-ibig, ang katangiang ito ay hindi kailanman mapaparam. (1 Timoteo 1:17; 1 Juan 4:16) Ang sansinukob ay laging uugitan ng pag-ibig. Kaya ipanalangin natin na tulungan tayo ng Diyos na madaig ang mapag-imbot na mga ugali at ipakita ang di-nagkukulang na bungang ito ng kaniyang espiritu.—Lucas 11:13.
Mga Bagay na Matatapos
Sa pagpapatuloy, sumulat si Pablo: “Subalit maging ang mga kaloob na panghuhula ay matatapos; maging ang mga wika ay titigil; maging ang kaalaman ay mawawala.” (1 Corinto 13:8b) ‘Ang mga kaloob ng panghuhula’ ay nagbibigay sa mga mayroon nito ng kakayahan na magsalita ng mga bagong hula. Bagaman ang gayong mga kaloob ay natapos na nang maitatag ang kongregasyong Kristiyano bilang organisasyon ng Diyos, ang kaniyang kapangyarihang manghula ay hindi natatapos, at taglay ng kaniyang Salita ang lahat ng hula na ngayon ay kailangan natin. Ang bigay-espiritung kakayahan na magsalita sa mga wika ay natapos na rin, at ang natatanging kaalaman ay “natapos na,” ayon sa inihula. Subalit ang buong Salita ni Jehova ay nagbibigay ng kinakailangan nating maalaman ukol sa kaligtasan. (Roma 10:8-10) Bukod diyan, ang bayan ng Diyos ay punô ng kaniyang espiritu at nagsisibol ng mga bunga niyaon.
Nagpapatuloy pa si Pablo: “Sapagkat tayo’y may bahagyang kaalaman at tayo’y nanghuhula nang bahagya; subalit kung dumating na ang sakdal, ang bahagya ay matatapos.” (1 Corinto 13:9, 10) Ang kaloob na kaalaman at panghuhula ay hindi kumpleto. Maliwanag, ang gayong hula ay hindi nagbigay ng mga detalye, at bawat propeta ay hindi kumpleto ang kaalaman sa pagsisiwalat ng hinaharap, kulang ng sakdal na kaalaman tungkol sa kaniyang inihula. Gayunman, sa ngayon, ang pagkaunawa sa hula ay unti-unting nagiging kumpleto. Halimbawa, ang mga pangyayari na katuparan ng hula sa Bibliya ay nagpapatotoo na tinanggap ni Jesus ang autoridad na maghari sa sangkatauhan noong 1914. Magmula noon, tayo ay nasa “panahon ng kawakasan” at nagtatamasa ng patuloy na paglago ng espirituwal na kaalaman at kaunawaan sa hula sa Bibliya. (Daniel 12:4) Samakatuwid, tayo ay dumating na sa sakdal na kaalaman at “yaong kumpleto na” ay naririto na.
Nananatili ang Pinakadakilang Katangian
Samantalang ang pagsulong ng kongregasyon ang tinutukoy, si Pablo ay sumulat: “Nang ako’y isang bata, nagsasalita akong gaya ng bata, nag-iisip akong gaya ng bata, nangangatuwiran akong gaya ng bata; ngunit ngayon na ganap na ang aking pagkatao, iniwan ko na ang ugali ng isang bata.” (1 Corinto 13:11) Yamang ang isang bata ay kumikilos salig sa limitadong kaalaman at pisikal na paglaki, ito ay maaaring maimpluwensiyahan na paabante at paatras, na parang iniuugoy sa isang duyan. Ngunit ang isang tao ay lumaki na sa pisikal, may lalong malaking kaalaman, at kadalasan ay hindi dagling naiimpluwensiyahan. Kaniyang iniwan na ang kaisipan, saloobin, at mga pamamaraan ng isang bata. Sa katulad na paraan, pagkatapos na ang makalupang organisasyon ng Diyos ay makalampas na sa pagkabata, Kaniyang ipinasiya na hindi na nangangailangan ito ng kaloob ng espiritu na mga hula, wika, at kaalaman. Bagaman ang kasalukuyang mga miyembro ng kongregasyon, na ngayon ay nasa katandaan na, ay naniniwala rin na hindi na kailangan ang gayong mga kaloob, sila’y nagagalak na maglingkod sa Diyos sa ilalim ng pag-akay sa kanila ng kaniyang espiritu.
Isinusog ni Pablo: “Sapagkat sa kasalukuyan ay malabo ang ating pagkakita sa pamamagitan ng isang salaming metal, ngunit pagkatapos ay makikita na natin siya nang mukhaan. Ngayon ay nakikilala ko nang bahagya, ngunit pagkatapos ay makikilala ko naman nang wasto gaya ng wastong pagkakilala sa akin.” (1 Corinto 13:12) Sa panahon ng pagkabata ng kongregasyon, hindi panahon ng Diyos na magsiwalat ng ilang mga bagay. Samakatuwid, ang mga ito ay nakita nang malabo, na para bang ang mga Kristiyano ay nakatingin sa isang salaming metal na hindi mapanalaminan. (Gawa 1:6, 7) Subalit hindi malabo ang ating natatanaw. Malinaw na nakikita natin ang hula at ang inilalarawan nito, sapagkat ito ang panahon ng Diyos ng pagsisiwalat. (Awit 97:11; Daniel 2:28) Bagaman si Pablo mismo ay may pagkakilala sa Diyos, ang pinakasukdulan ng kaalaman kay Jehova at ang pinakamatalik na kaugnayan sa Kaniya ay sasapit pagka ang apostol ay binuhay na sa langit, sa gayo’y tinatanggap ang buong gantimpala ng kaniyang landasing Kristiyano.
Bilang pagwawakas sa kaniyang uliran ng pag-ibig, si Pablo ay sumulat: “Datapuwat ngayon, nananatili ang pananampalataya, pag-asa, pag-ibig, ang tatlong ito; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.” (1 Corinto 13:13) Bagaman nawala na ang mga kahima-himalang kaloob ng espiritu, ang kongregasyon ngayon ay may lalong kumpletong kaalaman at dahilan para sa lalong mayamang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Mayroon itong pananampalataya na ang lahat ng ipinangako ng Diyos ay para na ring natupad. (Hebreo 11:1) Ang mga katangian ng pananampalataya ay matatapos pagka natupad na ang mga bagay na inihula sa Salita ng Diyos. Ang mga pitak ng pag-asa ay matatapos pagka nakita natin ang mga bagay na ating inasahan na nagaganap. Subalit ang pag-ibig ay mananatili magpakailanman. Kung gayon, hayaang lahat ng mga Saksi ni Jehova ay magpatuloy na sumunod sa nakahihigit na daan ng pag-ibig.