Ipakita ang Iyong Pananampalataya sa mga Pangako ni Jehova
“Ang pananampalataya ay . . . ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.”—HEB. 11:1.
1. Paano natin dapat ituring ang pananampalatayang Kristiyano?
ANG pananampalatayang Kristiyano ay isang mahalagang katangian. Hindi lahat ng tao ay mayroon nito. (2 Tes. 3:2) Pero binigyan ni Jehova ang bawat mananamba niya ng pananampalataya. (Roma 12:3; Gal. 5:22) Laking pasasalamat natin na mayroon tayong pananampalataya!
2, 3. (a) Anong mga pagpapala ang posible sa mga may pananampalataya? (b) Anong mga tanong ang isasaalang-alang natin?
2 Inilalapit ng ating makalangit na Ama ang mga tao sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng Kaniyang Anak. Kung mananampalataya tayo kay Jesus, mapapatawad ang ating mga kasalanan. Dahil dito, maaari tayong magkaroon ng walang-hanggang kaugnayan kay Jehova. (Juan 6:44, 65; Roma 6:23) Karapat-dapat ba tayo sa gayong pagpapala? Dahil makasalanan tayo, nararapat tayo sa kamatayan. (Awit 103:10) Pero nakita ni Jehova na may potensiyal tayong gumawa ng mabuti. Dahil sa kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan, binuksan niya ang ating puso sa mabuting balita. Kaya naman nagsimula tayong manampalataya kay Jesus at umaasang magkakamit ng buhay na walang hanggan.—Basahin ang 1 Juan 4:9, 10.
3 Pero ano ba talaga ang pananampalataya? Ito ba ay kaalaman lang tungkol sa mga pagpapalang ilalaan ng Diyos sa atin? At mas mahalaga, sa anong mga paraan natin dapat ipakita ang ating pananampalataya?
‘MANAMPALATAYA KA SA IYONG PUSO’
4. Ipaliwanag kung bakit hindi lang isip ang nasasangkot sa pananampalataya.
4 Ang pananampalataya ay hindi lang pagkaunawa sa layunin ng Diyos. Ito ay puwersang nag-uudyok sa isa na kumilos kaayon ng kalooban ng Diyos. Ang pananampalataya sa pagliligtas ng Diyos ay nagpapakilos sa isang mananampalataya na ibahagi ang mabuting balita. Ipinaliwanag ni apostol Pablo: “Kung hayagan mong sinasabi yaong ‘salita sa iyong sariling bibig,’ na si Jesus ay Panginoon, at nananampalataya ka sa iyong puso na ibinangon siya ng Diyos mula sa mga patay, ikaw ay maliligtas. Sapagkat sa pamamagitan ng puso ang isa ay nananampalataya ukol sa katuwiran, ngunit sa pamamagitan ng bibig ang isa ay gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan.”—Roma 10:9, 10; 2 Cor. 4:13.
5. Bakit napakahalaga ng pananampalataya, at paano natin ito mapananatiling matibay? Ilarawan.
5 Maliwanag, para mabuhay nang walang hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos, kailangan nating magkaroon ng pananampalataya at panatilihin itong matibay. Maihahalintulad ito sa pagdidilig ng halaman. Di-tulad ng artipisyal na halaman, ang tunay na halaman ay nagbabago—puwede itong malanta o lumago, depende kung kulang o sapat ang suplay ng tubig. Ang malusog na halaman ay puwedeng mamatay dahil sa kakulangan ng tubig. Ganiyan din ang ating pananampalataya. “Malalanta” ito at mamamatay pa nga kapag napabayaan. (Luc. 22:32; Heb. 3:12) Pero kung aalagaan nating mabuti ang ating pananampalataya, mananatili itong buháy at “lumalaki,” at tayo ay magiging “malusog sa pananampalataya.”—2 Tes. 1:3; Tito 2:2.
ANG PAGLALARAWAN NG BIBLIYA SA PANANAMPALATAYA
6. Sa anong dalawang paraan inilalarawan ng Hebreo 11:1 ang pananampalataya?
6 Sa Hebreo 11:1 (basahin), inilalarawan ng Bibliya kung ano ang pananampalataya. Ang pananampalataya ay nakapokus sa dalawang bagay na hindi natin nakikita: (1) “Mga bagay na inaasahan”—kasama rito ang mga bagay na ipinangakong mangyayari sa hinaharap, tulad ng wakas ng kasamaan at ang dumarating na bagong sanlibutan. (2) “Mga katunayan bagaman hindi nakikita.” Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na isinaling “malinaw na pagtatanghal” ay tumutukoy sa “nakakukumbinsing ebidensiya” ng mga bagay na totoo pero di-nakikita, tulad ng pag-iral ng Diyos na Jehova, ni Jesu-Kristo, ng mga anghel, at ang mga isinasagawa ng makalangit na Kaharian. (Heb. 11:3) Paano natin maipakikita na buháy ang ating pag-asa at na naniniwala tayo sa di-nakikitang mga bagay na nasa Salita ng Diyos? Sa pamamagitan ng ating salita at gawa—dahil kung wala ang mga ito, may kulang sa ating pananampalataya.
7. Paano nakatutulong ang halimbawa ni Noe para maunawaan natin ang kahulugan ng pagkakaroon ng pananampalataya? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
7 Itinampok ng Hebreo 11:7 ang pananampalataya ni Noe na, “pagkatapos mabigyan ng babala mula sa Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay nagpakita ng makadiyos na takot at nagtayo ng arka ukol sa pagliligtas ng kaniyang sambahayan.” Ipinakita ni Noe ang kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng pagtatayo ng arka. Tiyak na tinanong siya ng mga kapitbahay niya kung bakit siya nagtatayo ng gayon kalaking istraktura. Nanahimik na lang ba si Noe o nagsabing huwag silang makialam? Tiyak na hindi! Pinakilos siya ng kaniyang pananampalataya na mangaral nang may katapangan at babalaan ang mga tao tungkol sa dumarating na paghatol ng Diyos. Malamang na inulit ni Noe sa mga tao kung ano ang eksaktong sinabi ni Jehova sa kaniya: “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap ko, sapagkat ang lupa ay punô ng karahasan dahilan sa kanila . . . , dadalhin ko ang delubyo ng tubig sa ibabaw ng lupa upang lipulin ang lahat ng laman na may puwersa ng buhay sa silong ng langit. Bawat bagay na nasa lupa ay papanaw.” At tiyak na ipinaliwanag din ni Noe sa mga tao ang tanging paraan para maligtas. Iniutos ng Diyos: “Pumasok ka sa arka.” Kaya naman, higit pang ipinakita ni Noe ang kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng pagiging “isang mangangaral ng katuwiran.”—Gen. 6:13, 17, 18; 2 Ped. 2:5.
8. Sa ilalim ng pagkasi, ano ang ipinaliwanag ng alagad na si Santiago tungkol sa kahulugan ng tunay na pananampalatayang Kristiyano?
8 Ang liham ni Santiago ay malamang na isinulat matapos isulat ni apostol Pablo ang kinasihang paglalarawan niya sa pananampalataya. Tulad ni Pablo, ipinaliwanag ni Santiago na ang tunay na pananampalatayang Kristiyano ay hindi lang basta paniniwala; nangangailangan ito ng gawa. “Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalataya na hiwalay sa mga gawa,” ang isinulat ni Santiago, “at ipakikita ko sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa.” (Sant. 2:18) Saka nilinaw ni Santiago ang pagkakaiba ng basta paniniwala lang at ng pagpapakita ng pananampalataya. Ang mga demonyo ay naniniwalang may Diyos, ngunit wala silang tunay na pananampalataya. Sinasalansang pa nga nila ang katuparan ng mga layunin ng Diyos. (Sant. 2:19, 20) Sa kabaligtaran, tinukoy ni Santiago ang isang sinaunang taong may pananampalataya, at nagtanong siya: “Hindi ba si Abraham na ating ama ay ipinahayag na matuwid sa pamamagitan ng mga gawa pagkatapos niyang maihandog si Isaac na kaniyang anak sa ibabaw ng altar? Nakikita mo na ang kaniyang pananampalataya ay gumawang kasama ng kaniyang mga gawa at sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa ay napasakdal ang kaniyang pananampalataya.” At para idiin ang punto, idinagdag ni Santiago: “Kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, gayundin ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.”—Sant. 2:21-23, 26.
9, 10. Paano tayo tinutulungan ni apostol Juan na maunawaan ang kahalagahan ng pagpapakita ng pananampalataya?
9 Pagkaraan ng mahigit tatlong dekada, isinulat ni apostol Juan ang kaniyang Ebanghelyo at tatlong liham. Napahalagahan ba niya ang kahulugan ng tunay na pananampalatayang Kristiyano na ipinaliwanag ng ibang kinasihang manunulat ng Bibliya? Kumpara sa kanila, mas maraming beses na ginamit ni Juan ang pandiwang Griego na kung minsan ay isinasalin bilang “manampalataya.”
10 Halimbawa, ipinaliwanag ni Juan: “Siya na nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; siya na sumusuway sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay nananatili sa kaniya.” (Juan 3:36) Lakip din sa pananampalatayang Kristiyano ang pagkamasunurin sa mga utos ni Jesus. Madalas sipiin ni Juan ang mga pananalita ni Jesus na nagpapakitang kailangan nating patuloy na ipakita ang ating pananampalataya.—Juan 3:16; 6:29, 40; 11:25, 26; 14:1, 12.
11. Paano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga dahil nalaman natin ang katotohanan?
11 Laking pasasalamat natin na ginamit ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu para isiwalat sa atin ang katotohanan nang sa gayon ay magkaroon tayo ng pananampalataya sa mabuting balita! (Basahin ang Lucas 10:21.) Patuloy nawa nating pasalamatan si Jehova dahil inilapit niya tayo sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng kaniyang Anak, ang “Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya.” (Heb. 12:2) Para maipakita ang ating pagpapahalaga sa di-sana-nararapat na kabaitang ito, patibayin natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aaral ng Salita ng Diyos.—Efe. 6:18; 1 Ped. 2:2.
12. Sa anong mga paraan natin maipakikita ang ating pananampalataya?
12 Patuloy nating ipakita ang ating pananampalataya sa mga pangako ni Jehova. Magagawa natin iyan sa mga paraang nakikita ng iba. Halimbawa, patuloy tayong nangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos at nakikibahagi sa paggawa ng mga alagad. Dapat din tayong “gumawa . . . ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.” (Gal. 6:10) Sinisikap din nating “hubarin . . . ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito” at magbantay laban sa anumang maaaring magpahina ng ating espirituwalidad.—Col. 3:5, 8-10.
ANG PANANAMPALATAYA SA DIYOS AY BAHAGI NG ATING PUNDASYON
13. Gaano kahalaga ang “pananampalataya sa Diyos”? Saan ito inihahalintulad, at bakit?
13 “Kung walang pananampalataya,” ang sabi ng Bibliya, “imposibleng palugdan [ang Diyos] nang lubos, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Heb. 11:6) Inilalarawan ng Bibliya ang “pananampalataya sa Diyos” bilang bahagi ng “pundasyon” na kailangan para ang isa ay maging, at manatiling, tunay na Kristiyano. (Heb. 6:1) Sa pundasyong iyon, kailangang ‘idagdag ng mga Kristiyano sa kanilang pananampalataya’ ang iba pang mahahalagang katangian para ‘mapanatili nila ang kanilang sarili sa pag-ibig ng Diyos.’—Basahin ang 2 Pedro 1:5-7; Jud. 20, 21.
14, 15. Kung ihahambing sa pag-ibig, gaano kahalaga ang pananampalataya?
14 Para idiin ang kahalagahan ng pananampalataya, daan-daang ulit itong binanggit ng mga Kristiyanong manunulat ng Bibliya. Walang ibang katangiang Kristiyano na mas madalas banggitin kaysa rito. Ibig bang sabihin, pananampalataya ang pinakamahalagang katangiang Kristiyano?
15 Pinaghambing ni Pablo ang pananampalataya at pag-ibig. Isinulat niya: “Kung taglay ko ang lahat ng pananampalataya upang maglipat ng mga bundok, ngunit wala akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan.” (1 Cor. 13:2) Idiniin ni Jesus kung gaano kahalaga ang pag-ibig sa Diyos nang sagutin niya ang tanong: “Alin ang pinakadakilang utos sa Kautusan?” (Mat. 22:35-40) Saklaw ng pag-ibig ang maraming mahahalagang katangiang Kristiyano, kasama na ang pananampalataya. “Pinaniniwalaan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay,” ang sabi ng Bibliya. Nananampalataya ito sa mga sinasabi ng Diyos sa kaniyang Salita ng katotohanan.—1 Cor. 13:4, 7.
16, 17. Paano magkasamang binabanggit sa Kasulatan ang pananampalataya at pag-ibig? Pero ano ang pinakadakila, at bakit?
16 Dahil mahalaga ang pananampalataya at pag-ibig, ang mga ito ay madalas banggitin ng mga Kristiyanong manunulat ng Bibliya nang magkasama, kadalasan, sa iisang pangungusap o parirala. Halimbawa, hinimok ni Pablo ang kaniyang mga kapatid na “isuot ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig.” (1 Tes. 5:8) Isinulat ni Pedro: “Bagaman hindi ninyo . . . nakita [si Jesus], iniibig ninyo siya. Bagaman hindi ninyo siya nakikita sa kasalukuyan, gayunma’y nananampalataya kayo sa kaniya.” (1 Ped. 1:8) Tinanong ni Santiago ang kaniyang mga pinahirang kapatid: “Pinili ng Diyos ang mga dukha may kinalaman sa sanlibutan upang maging mayaman sa pananampalataya at mga tagapagmana ng kaharian, na ipinangako niya sa mga umiibig sa kaniya, hindi ba?” (Sant. 2:5) Isinulat ni Juan: “Ito ang . . . utos [ng Diyos], na tayo ay magkaroon ng pananampalataya sa pangalan ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo at mag-ibigan sa isa’t isa.”—1 Juan 3:23.
17 Bagaman mahalaga ang pananampalataya, may mga aspekto ng katangiang ito na mawawala kapag nakita na natin ang katuparan ng mga pangako ng Diyos at ng ating pag-asang Kristiyano. Pero hindi maglalaho ang pangangailangang lumago sa pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. Kaya naman, isinulat ni Pablo: “Ngayon ay nananatili ang pananampalataya, pag-asa, pag-ibig, ang tatlong ito; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay pag-ibig.”—1 Cor. 13:13.
ISANG MAPUWERSANG PAGTATANGHAL NG PANANAMPALATAYA
18, 19. Anong mapuwersang pagtatanghal ng pananampalataya ang nakikita natin ngayon, at sino ang dapat tumanggap ng kapurihan para dito?
18 Sa ngayon, ipinakikita ng bayan ni Jehova ang kanilang pananampalataya sa itinatag na Kaharian ng Diyos. Dahil dito, sumulong ang pambuong-daigdig na espirituwal na paraiso na may mahigit walong milyong mamamayan. Nananagana rito ang bunga ng espiritu ng Diyos. (Gal. 5:22, 23) Talagang isa itong mapuwersang pagtatanghal ng tunay na pananampalataya at pag-ibig Kristiyano!
19 Walang taong makagagawa nito. Naging posible lang ang pagkakaisang ito dahil sa Diyos. Nagbibigay ito ng “[katanyagan] kay Jehova, isang tanda hanggang sa panahong walang takda na hindi mapaparam.” (Isa. 55:13) Tunay nga, “kaloob ng Diyos” na ‘nailigtas tayo sa pamamagitan ng pananampalataya.’ (Efe. 2:8) Ang ating espirituwal na paraiso ay patuloy na lalago hanggang sa ang buong lupa ay mapuno ng sakdal, matuwid, at maliligayang tao para sa kapurihan ng pangalan ni Jehova magpakailanman. Patuloy nawa nating ipakita ang ating pananampalataya sa mga pangako ni Jehova!