Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto
4 Kaya naman, alang-alang sa ministeryong ito+ na tinanggap namin dahil kinaawaan kami, hindi kami sumusuko. 2 Tinalikuran namin ang kahiya-hiyang mga bagay na ginagawa nang pailalim at hindi kami nanlilinlang at hindi namin pinipilipit ang salita ng Diyos,+ kundi ipinahahayag namin ang katotohanan; dahil dito, sa harap ng Diyos ay naging mabuting halimbawa kami sa lahat ng tao.*+ 3 Ang totoo, kung natatalukbungan ang mabuting balita na ipinahahayag namin, natatalukbungan ito para sa mga malilipol, 4 ang mga di-sumasampalataya, na ang isip ay binulag ng diyos ng sistemang ito+ para hindi makatagos ang liwanag ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo,+ na siyang larawan ng Diyos.+ 5 Dahil kapag nangangaral kami, hindi tungkol sa aming sarili ang sinasabi namin kundi tungkol sa pagiging Panginoon ni Jesu-Kristo, at ipinapakilala namin ang aming sarili bilang mga alipin ninyo alang-alang kay Jesus. 6 Dahil ang Diyos ang nagsabi: “Pasikatin ang liwanag mula sa kadiliman,”+ at sa pamamagitan ng mukha ni Kristo, pinasikat niya ang Kaniyang liwanag sa aming mga puso,+ ang liwanag na nagbibigay ng kamangha-manghang kaalaman tungkol sa Diyos.+
7 Gayunman, ibinigay sa amin ang kayamanang ito+ kahit gaya lang kami ng mga sisidlang luwad,+ para maipakita na ang lakas na higit sa karaniwan ay mula sa Diyos at hindi sa aming sarili.+ 8 Kabi-kabila ang panggigipit sa amin,+ pero hindi kami nasusukol; hindi namin alam ang gagawin, pero may nalalabasan pa rin kami;*+ 9 inuusig kami, pero hindi kami pinababayaan;+ ibinabagsak kami, pero nakakabangon kami.*+ 10 Laging pinagtitiisan ng aming katawan ang napakasamang pagtrato na dinanas ni Jesus,+ nang sa gayon, ang buhay ni Jesus ay mahayag din sa aming katawan. 11 Dahil kami na nabubuhay ay laging nalalagay sa bingit ng kamatayan+ alang-alang kay Jesus, nang sa gayon, ang buhay ni Jesus ay mahayag din sa aming mortal na katawan. 12 Kaya kamatayan ang para sa amin, at buhay naman ang para sa inyo.
13 Nasusulat: “Nanampalataya ako, kaya nagsalita ako.”+ Ganiyan din ang ipinapakita naming pananampalataya kaya naman nagsasalita kami, 14 dahil alam naming bubuhayin din kaming muli ng Isa na bumuhay-muli kay Jesus para makasama si Jesus at ihaharap Niya kaming kasama ninyo.+ 15 Lahat ng ito ay para sa inyo, para lalong mag-umapaw ang walang-kapantay na kabaitan dahil mas dumarami pa ang nagpapasalamat, at sa ganitong paraan ay maluluwalhati ang Diyos.+
16 Kaya hindi tayo sumusuko; kahit ang katawan natin ay nanghihina, ang puso at isip natin+ ay nagkakaroon ng panibagong lakas araw-araw.+ 17 Dahil kahit panandalian at magaan ang kapighatian, nagdudulot ito sa atin ng kaluwalhatian na walang katulad* at walang hanggan;+ 18 habang pinananatili nating nakapokus ang ating mga mata, hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na di-nakikita.+ Dahil ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, pero ang mga bagay na di-nakikita ay walang hanggan.