Pagtulong sa Iba na Sumamba sa Diyos
“Kung . . . sinumang di-sumasampalataya o ordinaryong tao ay pumasok, . . . ang mga lihim ng kaniyang puso ay nahahayag, kung kaya’t siya’y magpapatirapa at sasamba sa Diyos.”—1 CORINTO 14:24, 25.
1-3. Paanong marami sa Corinto ang natulungan na kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos?
NOONG kaniyang ikalawang paglalakbay misyonero, si apostol Pablo ay naroon sa lunsod ng Corinto nang may isang taon at kalahati. Doon siya ay “puspusang abala sa salita, nagpapatotoo.” Ano ang resulta? “Marami sa mga taga-Corinto na nakapakinig ay nagsimulang sumampalataya at nabautismuhan.” (Gawa 18:5-11) Sila’y “pinabanal . . . tinawag na maging mga banal.”—1 Corinto 1:2.
2 Nang malaunan ay dumalaw si Apolos sa Corinto. Maaga rito, sina Priscilla at Aquila ay tumulong sa kaniya upang maunawaan niya ang “daan ng Diyos nang lalong tumpak,” kasali na ang tungkol sa bautismo. Sa ganoon siya ay naging isang Kristiyano na may kabutihang-loob o pagsang-ayon ng Diyos. (Gawa 18:24–19:7) Si Apolos, sa kabilang dako, ay tumulong sa mga taga-Corinto na dati’y ‘nangaligaw sa piping mga idolo.’ (1 Corinto 12:2) Marahil ang mga taong ito ay tinuruan ng Bibliya sa kani-kanilang mga tahanan; sila’y matututo rin sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pulong Kristiyano.—Gawa 20:20; 1 Corinto 14:22-24.
3 Ang resulta ng gayong turo ay na marami sa dating ‘mga di-sumasampalataya at ordinaryong mga tao’ ang naakit sa tunay na pagsamba. Anong laking kasiyahan na makita ang mga lalaki at mga babae na sumusulong tungo sa pagpapabautismo at sa pagkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos! Ito ay kasiya-siya pa rin.
Pagtulong sa mga ‘Di-sumasampalataya at Ordinaryong mga Tao’
4. Sa anong mga paraan marami sa ngayon ang natutulungan kagaya rin ng mga nasa Corinto?
4 Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay tumatalima rin sa utos ni Jesus na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila.” (Mateo 28:19, 20) Pagkatapos na makapaghasik ng mga binhi ng katotohanan sa mga pusong tumatanggap, sila’y bumabalik at dinidilig ang mga ito. (1 Corinto 3:5-9; Mateo 13:19, 23) Ang mga Saksi ay nag-aalok ng walang bayad na linggu-linggong pantahanang pag-aaral sa Bibliya upang ang mga tanong ng mga tao ay masagot at sila’y maaaring matuto ng mga katotohanan ng Bibliya. Ang gayong mga indibiduwal ay inaanyayahan din na dumalo sa lokal na mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, gaya ng unang-siglong “mga di-sumasampalataya” na dumadalo sa Corinto. Subalit paano nga dapat malasin ng mga Saksi ni Jehova ang mga taong nag-aaral ng Bibliya at dumadalo sa mga pulong?
5. Ano ang batayan sa Kasulatan para sa pag-iingat sa pakikitungo sa mga ilang indibiduwal?
5 Tayo’y nalulugod na sila’y makitang lumalapit sa Diyos. Gayunman, ating isinasaisip na sila’y hindi pa naman bautismadong mga mananampalataya. Tandaan din ang dalawang aral na batay sa naunang artikulo. (1) Ang mga Israelita ay naging maingat sa pakikitungo sa nakikipanirahang mga tagaibang bayan na, bagaman kasalamuha ng mga lingkod ng Diyos at sumusunod sa ibang mga batas, ay hindi tinuling mga proselita, na mga kapatid sa pagsamba. (2) Ang mga Kristiyanong taga-Corinto na nakikitungo sa ‘mga di-sumasampalataya at ordinaryong mga tao’ ay nakaalerto dahilan sa mga salita ni Pablo: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan?”—2 Corinto 6:14.
6. Paanong ang “mga di-sumasampalataya” ay “masasaway” sa mga pulong, at ano ang anyo ng gayong mga pagsaway?
6 Samakatuwid samantalang tinatanggap natin ang ‘mga di-sumasampalataya at ordinaryong mga tao,’ batid natin na sila’y hindi pa nakaaabot sa mga pamantayan ng Diyos. Gaya ng ipinakikita ng Bibliya sa 1 Corinto 14:24, 25, ang gayong mga tao ay baka kailangang “maingat na siyasatin,” at “sawayin” pa nga, sa pamamagitan ng mga bagay na kanilang natututuhan. Ang gayong pagsaway ay hindi katulad niyaong ginagawa sa isang paglilitis; at sa gayo’y hindi sila tinatawag upang humarap sa isang hukumang komite ng kongregasyon yamang sila’y hindi pa bautismadong mga miyembro nito. Bagkus, bilang resulta ng kanilang natututuhan, ang mga baguhang ito ay nagiging kumbinsido na hinahatulan ng Diyos ang anumang lakad na mapag-imbot at imoral.
7. Ano pang karagdagang pagsulong ang nais na magawa ng maraming tinuturuan at bakit?
7 Pagsapit ng panahon maraming mga taong di-bautismado ang marahil ay may nais na makahigit pa sa basta pagdalo lamang sa mga pulong bilang interesadong mga estudyante. Ang salitang ito ni Jesus ang nagpapakita kung bakit: “Ang tinuturuan ay hindi mataas kaysa kaniyang guro, subalit ang bawat isang tumanggap ng sakdal na pagkaturo ay magiging kagaya ng kaniyang guro.” (Lucas 6:40) Makikita ng estudyante ng Bibliya na itinuturing ng kaniyang guro ang ministeryo sa larangan bilang mahalaga at siya’y nagtatamo rito ng kaligayahan. (Mateo 24:14) Sa gayon, habang lumalaki ang pananampalataya, ang taong natututo ng mga katotohanan ng Bibliya at dumadalo sa mga pulong ay maaaring magsapuso ng mga salitang: “Anong pagkaganda-ganda sa mga bundok ang mga paa niyaong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mabuting balita ng lalong mabuting bagay, na naghahayag ng kaligtasan.” (Isaias 52:7; Roma 10:13-15) Bagaman hindi pa nababautismuhan, baka ibig na niyang maging isang mamamahayag ng Kaharian na nakikiugnay na sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.
8, 9. (a) Ano ang dapat gawin pagka nais ng isang estudyante sa Bibliya na makibahagi sa pangmadlang ministeryo? (b) Pagka dalawang matanda ang nakipagpulong sa isang umaasang maging mamamahayag at sa kaniyang guro, ano ang kanilang gagawin? (c) Anong pananagutan ang isinasabalikat ng isang bagong mamamahayag?
8 Pagka nakita ng Saksing nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya na nais ng estudyante na makibahagi sa paglilingkod sa larangan, ang bagay na iyon ay maaari niyang ipakipag-usap sa punong tagapangasiwa, na magsasaayos sa dalawang matanda upang makipagpulong sa estudyante ng Bibliya at sa kaniyang guro. Ang matatanda ay nalulugod pagka ang isang baguhan ay nagnanais na maglingkod sa Diyos. Hindi nila aasahan na siya’y may kaalaman na kasinlawak ng mga taong nabautismuhan na at lalong masulong sa katotohanan, na sa kanila’y higit pa ang inaasahan. Gayunman, nanaisin ng matatanda na makitang bago ang baguha’y makibahagi sa ministeryo sa larangan kasama ng kongregasyon, siya’y mayroon nang kaunting kaalaman sa mga turo ng Bibliya at ang kaniyang buhay ay naiayon na niya sa mga simulain ng Diyos. Kaya may mabuting kadahilanan na dalawang matanda ang makipagpulong sa umaasang maging mamamahayag at sa Saksi na nagdaraos ng pag-aaral.a
9 Ang estudyante ay patatalastasan ng dalawang matanda na kung siya’y kuwalipikado na at nakikibahagi sa paglilingkod sa larangan, siya’y maaaring magbigay ng ulat sa paglilingkod sa larangan at isang Congregation’s Publisher Record card ang susulatan ng kaukulang impormasyon para sa kaniya. Ito’y magpapakita na siya’y nakaugnay sa organisasyong teokratiko ng mga Saksi ni Jehova at nagpapasakop dito. (Ito’y totoo rin tungkol sa lahat ng mga iba pang nagbibigay ng ulat ng paglilingkod sa larangan.) Sa mga tatalakayin ay dapat na masaklaw din ang payo ng Bibliya, na gaya ng binabalangkas sa mga pahina 98 at 99 ng Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo.b Sa gayon, ito ay magiging isang angkop na panahon para kumuha ang estudyante ng isang personal na kopya ng aklat na iyon.
10. (a) Paanong ang isang di-bautismadong mamamahayag ay makapagpapatuloy na sumulong, at sa anong tunguhin? (b) Bakit may pagbabagong ginawa sa terminong “approved associate” o “sinang-ayunang kasama”? (Tingnan ang talababa.)
10 Ang isang taong kuwalipikado bilang isang di-bautismadong mamamahayag ng mabuting balita ay patungo na sa pagiging isang ‘taong may mabuting loob.’c (Lucas 2:14) Bagaman siya’y hindi nag-alay at bautismado, ngayon ay maiuulat na niya ang kaniyang nagawang pagpapatotoo kasama ng milyun-milyong mga aktibo sa buong lupa na “naghahayag ng salita ng Diyos.” (Gawa 13:5; 17:3; 26:22, 23) Maaaring ipatalastas sa kongregasyon na siya ay isang bagong di-bautismadong mamamahayag. Siya’y dapat magpatuloy na mag-aral ng Bibliya, makibahagi sa mga pulong, ikapit ang kaniyang natutuhan, at ibahagi iyon sa iba. Hindi magtatagal, nanaisin niya na gumawa ng hakbang tungo sa bautismong Kristiyano, sa ganoo’y nagiging sinang-ayunan ng Diyos at ‘tinandaan’ ukol sa kaligtasan.—Ezekiel 9:4-6.
Tulong Para sa Nagkakasala
11. Paano nakikitungo ang kongregasyon sa bautismadong mga nagkakasala?
11 Sa naunang artikulo, ating tinalakay ang mga paglalaan ng kongregasyon upang tulungan ang sinumang bautismado na gumagawa ng malubhang pagkakasala. (Hebreo 12:9-13) At nakita natin buhat sa Bibliya na kung ang isang bautismadong nagkasala ay di-nagsisisi, baka kailangan ng kongregasyon na itiwalag siya at pagkatapos ay iwasan ang anumang pakikisama sa kaniya. (1 Corinto 5:11-13; 2 Juan 9-11; 2 Tesalonica 2:11, 12) Datapuwat, anong mga hakbang ang maaaring gawin kung ang isang di-bautismadong mamamahayag ay nakagawa ng malubhang pagkakamali o pagkakasala?
12. (a) Bakit ang di-bautismadong mga mamamahayag na nagkasala ay maaari ring bigyan ng maawaing tulong? (b) Paano ang simulain sa Lucas 12:48 ay maiuugnay sa mga pananagutan ukol sa pagkakasala?
12 Ipinapayo ni Judas na pagpakitaan ng awa ang mga pinahirang Kristiyano na nagkaroon ng mga pag-aalinlangan o nangahulog sa mga pagkakasala ng laman, kung sila’y nagsisisi. (Judas 22, 23; tingnan din ang 2 Corinto 7:10.) Kung gayon, hindi baga lalong angkop na magpakita ng awa sa isang nagkasalang taong di pa bautismado na nagpapakita ng pagsisisi? (Gawa 3:19) Oo, sapagkat ang kaniyang espirituwal na pundasyon ay hindi kasintibay, at ang kaniyang karanasan sa pamumuhay Kristiyano ay higit na limitado. Baka hindi pa niya natututuhan ang kaisipan ng Diyos sa mga ilang bagay-bagay. Hindi pa siya dumaraan sa sunud-sunod na mga pakikipagtalakayan sa matatanda tungkol sa mga dapat matutuhan bago pabautismo, at hindi pa siya humahantong sa seryosong hakbang na pagpapalubog sa tubig. Isa pa, sinabi ni Jesus na “sa sinumang binigyan ng marami, marami rin ang hihingin sa kaniya.” (Lucas 12:48) Samakatuwid, marami ang inaasahan sa mga taong bautismado na, kasabay ng lumalaking kaalaman at pagpapala, ay may pantanging pananagutan.—Santiago 4:17; Lucas 15:1-7; 1 Corinto 13:11.
13. Pagka isang di-bautismadong mamamahayag ang nagkasala, ano ang gagawin ng matatanda upang makatulong?
13 Katugma ng payo ni Pablo, ang mga kapatid na lalaking kuwalipikado sa espirituwal ay nagnanais na tulungan ang sinumang di-bautismadong mamamahayag na gumagawa ng maling hakbang bago niya namamalayan iyon. (Ihambing ang Galacia 6:1.) Maaaring hingin ng matatanda na dalawa sa kanila (marahil yaong nang una pa’y nakipagpulong na sa kaniya) ay magsikap na maiwasto siya ng landas kung ibig niya na siya’y matulungan. Kanilang gagawin ito, hindi dahil sa hangarin na sawayin siya nang may kahigpitan, kundi nang may kaawaan at sa espiritu ng kaamuan. (Awit 130:3) Sa karamihan ng kaso, sapat na ang payo buhat sa Kasulatan at ang praktikal na mga mungkahi upang siya’y akayin na magsisi patungo sa tamang landas.
14, 15. (a) Ano ang maaaring gawin kung ang nagkasala ay tunay na nagsisisi? (b) Anong limitado at nagbibigay-linaw na patalastas ang maaaring gawin sa mga ilang kaso?
14 Ang dalawang matanda ay magbibigay ng payo na angkop sa kalagayan ng di-bautismadong nagkasala. Sa mga ibang kaso, sila’y maaaring magsaayos na sa loob ng isang panahon ang taong nagkasala ay huwag munang bigyan ng bahagi sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro o huwag munang payagang magkomento sa mga pulong. O maaaring kanilang sabihan siya na huwag munang makibahagi sa pangmadlang ministeryo kasama ng kongregasyon hangga’t hindi pa siya nakagagawa ng higit na pagsulong sa espirituwal. Pagkatapos ay kanilang maaaring sabihin sa kaniya na muli na naman siyang makibahagi sa ministeryo sa larangan. Kung ang pagkakasala ay hindi naman napabantog upang makalikha ng iskandalo at hindi naman nagsilbing isang panganib sa kalinisan ng kawan, hindi na kailangan na iyon ay itawag-pansin sa kongregasyon sa pamamagitan ng anumang patalastas.
15 Subalit, ano kung napatunayan ng dalawang matanda na ang taong nagkasala ay talagang nagsisisi naman, ngunit balitang-balita ang nagawang pagkakasala? O ano kung ang pagkakasala ay napatanyag nang malaunan? Sa alinmang kaso, sila’y maaaring magpatalastas sa Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon, na siyang magsasaayos ng isang simpleng patalastas, na ganito: “Isang suliranin na kinasangkutan ni . . . ang naaayos na, at siya ay magpapatuloy na maglingkod bilang isang di-bautismadong mamamahayag kasama ng kongregasyon.” Sa lahat ng gayong mga suliranin, ang lupon ng matatanda ang maaaring magpasiya kung nararapat na sa hinaharap ay magbigay ng isang pahayag sa Kasulatan na may kasamang payo tungkol sa kung anong uri ang nagawang pagkakasala.
16, 17. (a) Anong dalawang situwasyon ang maaaring maging saligan para sa isang naiibang patalastas? (b) Ano ba ang uri ng patalastas na ito?
16 Manaka-naka, ang isang di-bautismadong mamamahayag na nagkasala ay hindi tutugon sa mapagmahal na pagtulong sa kaniya. O dili kaya ang isang di-bautismadong mamamahayag ay baka magsabi na hindi niya ibig magpatuloy ng pagsulong hanggang sa punto ng bautismo, at kaniyang ipinababatid sa matatanda na ayaw niyang siya’y kilalanin na isang mamamahayag. Ano ang dapat gawin? Hindi itinitiwalag ang ganiyang mga tao na sa aktuwal ay hindi naman tumanggap ng pagsang-ayon ng Diyos. Ang kaayusan ng pagtitiwalag sa di-nagsisising mga nagkasala ay kumakapit sa mga taong ‘tinatawag na mga kapatid,’ sa mga bautismado. (1 Corinto 5:11) Subalit, ito ba’y nangangahulugan na ipinagwawalang-bahala ang pagkakasala? Hindi.
17 Ang matatanda ay may pananagutan na ‘magpastol sa kawan ng Diyos na kanilang pinangangalagaan.’ (1 Pedro 5:2) Kung matiyak ng dalawang matanda na nag-aalok ng tulong na ang isang di-bautismadong nagkasala ay di-nagsisisi at di-kuwalipikadong maging isang mamamahayag, kanilang ipababatid ito sa indibiduwal.d O kung mayroong isang taong di-bautismado na nagbigay-alam sa matatanda na hindi na niya ibig na siya’y kilalanin bilang isang mamamahayag, kanilang tatanggapin ang kaniyang pasiya. Sa alinmang kaso, angkop para sa Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon na magbigay ng isang simpleng patalastas sa angkop na panahon, na nagsasabi “Si . . . ay hindi na isang mamamahayag ng mabuting balita.”
18. (a) Pagkatapos ng gayong patalastas, ano ang isasaisip ng mga Kristiyano kung tungkol sa personal na pagpapasiya kung paano kikilos? (b) Kailangan bang lubusang iwasan ang mga di-bautismadong nagkasala noong nakaraan?
18 Paano nga pagkatapos mamalasin ng mga tapat na Saksi ang taong iyon? Bueno, noong una ay isa siyang ‘di-kapananampalataya’ na dumadalo sa mga pulong. Pagkatapos ay ibig niyang maging isang mamamahayag ng mabuting balita at siya’y naging kuwalipikado naman na maging gayon. Ngayon ay hindi na totoo ito, kaya’t siya’y muli na namang naging isang taong taga-sanlibutan. Hindi iniutos ng Bibliya na iwasan ng mga Saksi ang pakikipag-usap sa kaniya, sapagkat hindi naman siya isang tiwalag.e Gayumpaman, ang mga Kristiyano ay mag-iingat kung tungkol sa gayong taong taga-sanlibutan na hindi sumasamba kay Jehova, gaya rin ng mga Israelita na nag-ingat sa di-tuling mga taga ibang bayan na nakikipanirahan sa kanila. Ang pag-iingat na ito ay isang proteksiyon sa kongregasyon buhat sa pagpasok ng anumang “kaunting lebadura,” o anumang nakahahawa. (1 Corinto 5:6) Kung sa hinaharap ay magpakita siya ng isang tunay na hangaring pagdausan siya ng isang pag-aaral sa Bibliya, at ito’y waring sinasang-ayunan naman ng matatanda, baka ito’y tumulong sa kaniya na muling makita na isang malaking pribilehiyo ang sumamba kay Jehova kasama ng Kaniyang bayan.—Awit 100.
19. Paanong sa mga ilang kaso ay sarilinang makapagbibigay ang matatanda ng higit pang tulong?
19 Kung makita ng matatanda na may isang taong ganitong uri na isang pambihirang banta sa kawan, sila’y maaaring sarilinang magbigay ng babala sa mga nasa panganib. Halimbawa, ang dating mamamahayag ay baka isang kabataan na napalulong sa paglalasing o imoralidad. Sa kabila ng patalastas na siya’y hindi na isang di-bautismadong mamamahayag, siya’y baka magtangka na makipagbarkadahan pa rin sa mga kabataan sa kongregasyon. Sa ganiyang katayuan, ang matatanda ay makikipag-usap nang sarilinan sa mga magulang ng mga kabataang nasa panganib, at marahil pati na rin sa mga kabataang iyon. (Hebreo 12:15, 16; Gawa 20:28-30) Sa pambihirang kaso ng isang tao na gumagawa ng gulo o karahasan at mapanganib, siya’y maaaring pagsabihan na hindi siya tinatanggap sa mga pulong at na anumang pagtatangka na siya’y makapasok ay ituturing na isang pagpasok na walang pahintulot.
Pagtulong sa mga Menor-de-Edad Upang Sumamba sa Diyos
20. Ang mga magulang na Kristiyano ay naglalaan ng anong tulong sa kanilang mga anak, at ano ang resulta?
20 Ang mga magulang ay binibigyan ng Bibliya ng pananagutan na turuan ang kanilang mga anak sa daan ng banal na katotohanan. (Deuteronomio 6:4-9; 31:12, 13) Sa gayon, malaon nang hinihimok ng mga Saksi ni Jehova ang mga pamilyang Kristiyano na magkaroon ng isang lingguhang pag-aaral sa Bibliya. Dapat himukin ng mga magulang na Kristiyano ang kanilang mga maliliit na anak na sumulong hanggang sa punto ng pag-aalay at bautismo at sa ganoo’y kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos. (Kawikaan 4:1-7) Ating nakikita sa mga kongregasyon ang kalugud-lugod na resulta—daan-daang libong ulirang mga kabataan na umiibig kay Jehova at ibig nila na sumamba sa kaniya magpakailanman.
21-23. (a) Unang-una, paanong pinakikitunguhan ang pagkasuwail ng isang menor-de-edad? (b) Ano ang papel na ginagampanan ng matatanda sa kongregasyon sa gayong mga situwasyon?
21 Ang mga magulang na Kristiyano ay mayroon ding unang-unang pananagutan na dumisiplina at sumaway sa kanilang mga anak, na inilalapat ang anumang mga paghihigpit o mapagmahal na mga pagpaparusa na inaakala nilang kailangan. (Efeso 6:4; Hebreo 12:8, 9; Kawikaan 3:11, 12; 22:15) Subalit kung isang menor-de-edad na anak na kasa-kasama na bilang isang di-bautismadong mamamahayag ang napasangkot sa malubhang pagkakasala, ito’y nakababahala sa matatanda na ‘nagbabantay sa mga kaluluwa’ na nasa kawan.—Hebreo 13:17.
22 Unang-una, ang gayong pagkakasala ay dapat asikasuhin gaya ng binalangkas na sa may bandang unahan ng artikulong ito. Dalawang matatanda ang maaaring atasan na magsuri ng bagay na iyan. Halimbawa, sila’y maaaring una muna’y makipag-usap sa mga magulang (o magulang) tungkol sa nangyari, sa saloobin ng bata, at sa kung anong mga hakbang na sa pagtutuwid ang nagawa. (Ihambing ang Deuteronomio 21:18-21.) Kung ang situwasyon ay kontrolado ng mga magulang na Kristiyano, kailangan lamang na ang matatanda ay makipagtalastasan sa kanila sa pana-panahon upang magbigay ng makatutulong na payo, mga mungkahi at mapagmahal na pampatibay-loob.
23 Datapuwat, kung minsan, ipinakikita ng pakikipag-usap sa mga magulang na pinakamagaling na ang matatanda’y makipag-usap sa batang suwail at sa mga magulang. Isinasaisip ang mga hangganan at ang mga hilig ng kabataan, sisikapin ng mga tagapangasiwa na turuan nang mahinahon ang batang mamamahayag na hindi pa nababautismuhan. (2 Timoteo 2:22-26) Sa mga ilang kaso, baka maliwanag na hindi na siya kuwalipikadong maging isang mamamahayag, at na isang angkop na patalastas ang dapat gawin.
24. (a) Kahit na kung ang isang menor-de-edad ay nakagawa ng malubhang pagkakasala, ano ang angkop na gawin ng mga magulang, at paano nila maisasagawa ito? (b) Paano ito kumakapit sa isang menor-de-edad na natiwalag?
24 Pagkatapos, ano ang kailangang gawin ng mga magulang alang-alang sa kanilang nagkasalang anak na menor-de-edad? Sila ay may pananagutan pa rin sa kanilang anak, bagaman siya’y diskuwalipikado na bilang isang mamamahayag na di-bautismado o kahit na kung siya ay natiwalag dahilan sa pagkakasala pagkatapos mabautismuhan. Kung paanong sila’y magpapatuloy na paglaanan siya ng pagkain, damit, at tahanan, siya’y kailangang turuan at disiplinahin nila kasuwato ng Salita ng Diyos. (Kawikaan 6:20-22; 29:17) Ang mapagmahal na mga magulang ay maaaring magsaayos ng isang pantahanang pakikipag-aral sa kaniya sa Bibliya, kahit na kung siya’y tiwalag.f Marahil ay tatamasahin niya ang pinakamalaking pakinabang sa gayong pagtutuwid buhat sa kanilang pakikipag-aral sa kaniya na sila lamang. O marahil sila’y makapagpapasiya na maaari siyang magpatuloy na makibahagi sa pampamilyang pag-aaral. Bagaman siya’y napaligaw ng landas, ibig nila na makita siyang manumbalik kay Jehova, tulad ng alibughang anak sa ilustrasyon ni Jesus.—Lucas 15:11-24.
25. Bakit ang mga “di-sumasampalataya” sa ngayon ay pinag-uukulan ng mapagmahal na pagtingin at pagtulong?
25 Ang tunguhin natin sa pangangaral at pagtuturo ay ang tulungan ang iba na maging maliligayang mananamba ng tunay na Diyos. Ang ‘di-sumasampalataya at ordinaryong mga tao’ sa Corinto ay nakilos na ‘magpatirapa at sumamba sa Diyos, at nagpapahayag na: “Ang Diyos ay talagang nasa gitna ninyo.”’ (1 Corinto 14:25) Anong laking kagalakan sa ngayon na makitang parami nang paraming mga tao ang sumasamba sa Diyos! Ito ay isang maluwalhating katuparan ng pabalitang inihayag ng mga anghel: “Kaluwalhatian sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob [o, mga taong may pagsang-ayon ng Diyos.].”—Lucas 2:14.
[Mga talababa]
a Ang isa sa matatanda ay dapat na isang miyembro ng Komite sa Paglilingkod sa kongregasyon. Iyong isa ay maaaring ang matanda na lubhang nakakakilala sa estudyante o sa kaniyang guro, tulad baga ng konduktor sa Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon.
b Lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1983.
c Noong dati, ang isang taong di-bautismado na kuwalipikadong makibahagi sa ministeryo sa larangan ay tinatawag na “approved associate” o “sinang-ayunang kasama.” Gayunman, ang terminong “unbaptized publisher” o “di-bautismadong mamamahayag” ay lalong wasto, lalo na dahil sa ipinakikita ng Bibliya na ang pagsang-ayon ng Diyos ay resulta ng isang may patotoong pag-aalay at bautismo.
d Kung ang indibiduwal ay hindi nasisiyahan sa ganitong kinahinatnan, siya’y maaaring humiling (hindi lalampas ang pitong araw) na repasuhin ang kasong iyon.
e Dati, ang mga taong di pa bautismado na nagkasala at di-nagsisi ay lubusang iniiwasan. Bagaman, ayon sa ginawang pagbabago, ito’y hindi kahilingan, ang payo sa 1 Corinto 15:33 ay dapat pa ring sundin.
f Ang mga natiwalag na kamag-anak na mga hindi kasambahay ay dapat pakitunguhan ayon sa payo ng Kasulatan na tinalakay sa Ang Bantayan ng Abril 15, 1988, pahina 26-31; Setyembre 15, 1981, pahina 26-31.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang pangmalas ng mga Kristiyano tungkol sa “mga di-sumasampalataya” na dumadalo sa mga pulong?
◻ Pagka ang isang estudyante sa Bibliya ay nagnanais na makibahagi sa paglilingkod sa larangan, anong mga hakbang ang sinusunod ng matatanda, at anong pananagutan ang tinatanggap ng estudyante?
◻ Ano ang ginagawa kung ang isang di-bautismadong mamamahayag ay nagkakasala nang malubha?
◻ Paanong matutulungan ng mga magulang at ng matatanda ang menor-de-edad na mga anak na kasama sa tahanan, kahit na kung ang gayong mga kabataan ay nagkakasala nang malubha?
[Larawan sa pahina 16]
Ang pagiging isang mamamahayag, bagaman hindi pa bautismado, ay isang mahalaga, at may pananagutang hakbang tungo sa pagkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos