“Espirituwal na mga Salita” Para sa Nababagabag ang Isip
ANG pagkabagabag ng isip ay dumarating kahit na sa ibang tapat na mga lingkod ng Diyos. At bagaman kung minsan ay baka kailangan at angkop para sa mga nababagabag na gumamit ng tulong ng mga may kinalaman dito, sila’y maaari rin namang makinabang sa tulong at pampatibay-loob na ibinibigay ng kongregasyong Kristiyano. Halimbawa, nang ang tapat na Kristiyanong si Epafrodito ay dumanas ng mahigpit na kalumbayan, ang kaniyang mga kapananampalataya sa Filipos ay pinayuhan na huwag ipagwalang-bahala ang kaniyang suliraning iyon kundi “tanggapin siya sa Panginoon nang buong kagalakan; at patuloy na pakamahalin ang gayong uri ng mga tao.”—Filipos 2:25-29.
Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nasa ilalim din ng obligasyon na “patuloy na mag-aliwan sa isa’t isa” at “alalayan ang mahihina.” (1 Tesalonica 5:11, 14) Ang mga Kristiyanong hinirang na matatanda ang dapat manguna may kaugnayan sa bagay na ito.—Isaias 32:2.
Mangyari pa, karaniwan nang ang matatanda ay hindi kuwalipikado na magsilbing mga manggagamot o gumamit ng mga pamamaraan at ng termino ng sikayatriya. Ang paggawa ng gayon ay magiging kapalaluan at marahil mapanganib. (Kawikaan 11:2) Tulad ni apostol Pablo, sila’y kailangang “magsalita, hindi sa mga salitang itinuturo ng karunungan ng tao, kundi sa itinuturo ng espiritu, habang ang espirituwal na mga bagay ay iniwawangis [nila] sa espirituwal na mga salita.” (1 Corinto 2:13) Sa ganitong “espirituwal na mga salita” ay kasali ang mga ideya at prinsipyo na nasa Bibliya. Kung ikakapit nang wasto, malaki ang magagawa nito upang aliwin at patibaying-loob ang mga taong nababagabag.—2 Timoteo 3:16.
“Mabilis Tungkol sa Pakikinig”
Una, ang matatanda ay kailangang “mabilis tungkol sa pakikinig, mabagal tungkol sa pagsasalita.” (Santiago 1:19) ‘Ang pagsagot sa isang bagay bago pakinggan iyon’ ay madaling aakay tungo sa pagbibigay ng di-angkop na payo. (Kawikaan 18:13) Dahilan sa hindi nila naunawaan ang isang kapatid sa kaniyang dinaranas na pagkabagabag ng isip, isang grupo ng matatanda ang may palagay na siya’y mahina sa espirituwal. “Dagdagan mo pa ang iyong pananalangin,” ang sabi nila sa kaniya—na isang payo na nahirapan niyang ikapit dahilan sa kaniyang nababagabag na isip.
Kung gayon, bago magpayo, dapat pakinggan ng matatanda ang lahat ng sasabihin ng isang may suliranin. Marahil, ang kaniyang kailangan ay isang mabuting tagapakinig. Sa pamamagitan ng pagtitiyaga at matalas na pang-unawa, ‘igibin’ mo ang nasa kaniyang puso. (Kawikaan 20:5) Kung ang taong nababagabag ay nahihirapan na ilarawan sa salita ang kaniyang mga damdamin, alalahanin kung paanong si Elcana ay nagharap ng may kabaitan ngunit matatalas na tanong tungkol sa kalungkutan ng kaniyang asawa. “Ana,” ang tanong niya, “bakit ka umiiyak at bakit hindi ka kumakain, at bakit nagdadalamhati ang iyong puso?” (1 Samuel 1:8) Ang mataktikang mga tanong, na malumanay na inihaharap, ay malimit na nakatutulong sa isang nalulumbay na kapatid na tiyakin ang pinagmumulan ng kaniyang “kabalisahan.” (Kawikaan 12:25) Halimbawa, sa isang kaso ang mga suliranin sa pagsasama ng mag-asawa ang napatunayang sanhi ng kalumbayan ng isang kapatid.
Pagtulong Nang “Hindi Nanunumbat”
Ang mga taong nababagabag ay hindi laging may makatuwirang paliwanag tungkol sa kanilang dinaramdam. Ganito ang isinulat ng isang maysakit sa isip: “Nang ako’y magkasakit hindi ko maintindihan iyon at kung minsa’y sinisisi ko si Jehova.” Ang mga maysakit nito ay marahil naghahanap ng walang batayang mga reklamo na sila’y minamaltrato o itinatakuwil ng kongregasyon. Paano nga dapat tumugon ang matatanda?
Si Jehova ang nagpapakita ng halimbawa sa pamamagitan ng ‘saganang pagbibigay sa lahat nang hindi nanunumbat.’ (Santiago 1:5) Sa mga may suliranin nito ay hindi dapat ipadama na sila’y hangal o mangmang sa pagkadama ng gaya ng kanilang nadarama. Ang kanilang nadarama—bagaman marahil malayo sa katotohanan—ay talagang tunay sa kanila. Sila’y nangangailangan ng “pagdamay,” hindi ng pamimintas. (1 Pedro 3:8) Pakaingat din ang matatanda na huwag dagdagan ang pinapasan ng isang taong maysakit ang isip sa pamamagitan ng pagbibintang na siya’y gumagawa ng masama. Ganiyan na lamang ang kalumbayan na dinanas ng matuwid na taong si Job kung kaya’t siya’y nanaghoy: “Ang aking kaluluwa ay tunay na nakadarama ng pagkasuklam sa aking buhay.” (Job 10:1) Subalit hindi siya inaliw ng kaniyang tatlong kasama. Isa sa kanila ang nagsabi pa man din: “Hindi ba sobra na ang iyong kasamaan, at hindi na ba matatapos ang iyong mga pagkakasala?”—Job 22:5.
Gayunman, kung minsan, ang masamang gawa ang sanhi ng pagkabagabag ng damdamin o isang nagpapalubha nito. “Nang ako’y magsawalang-kibo [tungkol sa gawang masama] ay nanlumo ang aking mga buto dahil sa aking pag-angal buong araw,” ang sabi ng salmistang si David. (Awit 32:3) Gayundin, isang kapatid ang nakaranas ng napakatinding pagkabalisa na anupa’t hindi na siya makapagtrabaho. Ano ang sanhi ng kaniyang pagkabalisa? Ang pangangalunya na kaniyang inilihim. Kaya kung may dahilan na maghinalang nasasangkot ang isang pagkakasala, ito’y maaaring suriin ng matatanda kung ang gayo’y maaaring mangyari. Subalit dapat nilang gawin ito na may kabaitan, hindi upang isumbat sa isang tao na siya’y gumawa ng masama.
Nagpapagaling ang Dila ng Pantas
Pagkatapos na magawa ng matatanda ang magagawa nila upang tiyakin kung ano ang problema ng isang tao, sila’y dapat kumilos na kasuwato ng Kawikaan 12:18, na nagsasabi: “Ang dila ng mga pantas ay nagpapagaling.” Hindi, hindi mapagagaling ng matatanda ang sakit mismo. Subalit sa pamamagitan ng paggamit ng maingat na piniling mga salita, baka matulungan nila ang mga taong maysakit ang isip upang mabawasan ang di-kinakailangang kabalisahan at kaigtingan. Maaaring simulan ng matatanda sa pamamagitan ng pagpili ng mga artikulo sa Bantayan at Gumising! na may kinalaman sa mga suliranin ng isip at emosyon. Ito’y maaaring talakayin kasama ang mga taong nababagabag ang isip upang matulungan sila na lalong maunawaan ang kanilang kalagayan. Malimit na sila’y nagiginhawahan pagka nalaman nila na ang kanilang problema ay resulta ng di-kasakdalan ng katawan, at hindi dahil sa inalis sa kanila ang paglingap ni Jehova.
Sasang-ayon tayo, ang naliligalig na mga tao ay maaaring mahirap na pakitunguhan, ang iba’y nagiging lubhang balisa. Gayunman, isinasaisip ng isang matalinong matanda na “ang isang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng galit.” (Kawikaan 15:1) Pagka tinitiyak niya na sa tuwina’y magiliw ang kaniyang pananalita, kaniyang naiiwasan ang hindi kinakailangang pagpapalubha ng situwasyon. (Colosas 4:6) Halimbawa, isang kapatid na maysakit ng schizophrenia ay marahil igigiit na siya’y nakaririnig ng mga tinig.a Ganito ang napuna ni Dr. E. Fuller Torrey: ‘Hindi makabubuti na makipagtalo sa mga schizophrenic sa kanilang mga naguguniguning paniniwala. Ang pagtatangka na gumawa ng gayon ay kalimitang nagbubunga ng di-pagkakaunawaan at galit. Imbes na makipagtalo, basta sabihin mo lamang na hindi ka naniniwala roon.’ Sa ibang pananalita, ang matatanda ay maaaring matiyagang magpaliwanag na bagaman ang mga tinig na iyon ay waring tunay, malamang na siya’y nililinlang lamang ng kaniyang isip.
Ang epektibong paggamit ng Bibliya ay maaaring magbunga rin ng mabuti. (Hebreo 4:12) Halimbawa, kung ang isang taong maysakit ay nagpapahayag ng walang batayang mga pagkatakot na siya’y pinabayaan na ng Diyos, may kabaitang magpakita ng simpatiya sa kaniyang mga pagkatakot. Subalit, kasabay nito ay matiyagang paalalahanan siya tungkol sa bisa ng pantubos, na ginagamit ang mga teksto na gaya ng nasa Awit 103:8-14 at 1 Juan 2:1, 2. Ang 1 Pedro 5:6, 7 at Roma 8:26, 27 ay baka makatulong sa kaniya na maunawaan niyang ‘pinangangalagaan siya’ ng Diyos at dinirinig ang kaniyang mga panalangin, bagama’t nahihirapan siya na ang kaniyang mga nadarama’y masabi niya nang berbalan. Sa pagsunod sa prinsipyo na nasa Santiago 5:14, ang matatanda ay pagkatapos maaaring manalangin kasama ng taong nababagabag ang isip.
Ano kaya kung ang isang maysakit ay madaling magalit dahilan lamang sa mga bagay-bagay na walang kabuluhan? Maipaaalaala sa kaniya ang payo ng Bibliya na huwag kang labis na “magpakamatuwid.” (Eclesiastes 7:16) Ang isa ay marahil makikinabang sa pampatibay-loob na nasa Filipos 4:8, na tutulong sa kaniya na paglabanan ang mahahalay na kaisipan. Subalit ang isa naman ay baka hindi tumanggap ng kaniyang mga kahinaan at marahil ay masisiraan ng loob dahilan sa limitado ang kaniyang nagagawa bilang Kristiyano dahilan sa kaniyang sakit. Ang mga teksto na gaya ng Mateo 13:23 at Lucas 21:1-4 ay magagamit upang tulungan siya na makilalang bagaman limitado ang nagagawa natin dahilan sa ating mga kalagayan, malaki naman ang pagpapahalaga ni Jehova sa ating mga pagsisikap.
Oo, kung nasasangkapan ang dilang sinanay ayon sa Bibliya, malaki ang magagawa ng mga matatanda upang tumulong at aliwin ang nababagabag na mga kapananampalataya. Ang sabi ng isang sister na nakaranas na magkasakit sa isip: “Talagang pinahahalagahan ko ang sinasabi ng Isaias 32:2 tungkol sa matatanda sa kongregasyon. Naroon silang lagi taglay ang praktikal na payo pagka kailangan ko ang mga iyan.”
Mga Pulong at Paglilingkod sa Larangan
Ang isang taong nababagabag ang isip ay mayroon ding espirituwal na mga pangangailangan. (Mateo 5:3) Oo, para sa iba, ang pananatiling malakas sa espirituwal ay nangangahulugan ng pagpili ng buhay at hindi kamatayan. Si Irene, na dumanas ng hirap dahilan sa pagkakasakit ng schizophrenia nang may 30 taon, ay nagbibida: “Kung minsan, ako’y litung-lito. Subalit ang katotohanan ay laging nasa isip ko—matatag na sintatag ng kongkreto. Ito ang pumigil sa akin upang huwag kitlin ang aking buhay!”
Kung gayon, kung hanggang saan makakayanan ng taong maysakit, siya’y dapat himukin na makibahagi sa pangangaral at dumalo sa mga pulong, huwag “magbukod ng sarili.” (Kawikaan 18:1) Dahilan sa sakit sa isip, ganito ang nadama ng isang sister: ‘Ako noong una’y kumbinsido na nakagawa ako ng walang-kapatawarang pagkakasala laban sa ating Diyos, si Jehova. Kaya naman, lahat ng narinig ko sa mga pulong ay binibigyan ko ng maling kahulugan. Anumang masama, ang paniwala ko’y patama iyon sa aking sarili.’ Subalit siya’y patuloy na dumalo sa mga pulong at sa wakas nakarinig ng isang pahayag na tumulong sa kaniya na mapagtagumpayan ang kaniyang maling akala na siya’y itinakuwil ng Diyos.
Datapuwat, ano kung ang isang taong malubha ang sakit ay labis na balisa at ginagambala niya ang mga pulong ng kongregasyon o ang paglilingkod sa larangan? Malamang, ang maysakit ay hindi naman sadyang may masamang hangarin kundi siya’y nasa gayong pagkabalisa lamang dahilan sa naguguluhan siya sa kaniyang pag-iisip. Gayunman, ito’y maaaring maging isang mahirap na pagsubok para sa lahat ng kinauukulan. Kung ang gayong panggugulo ay bahagya lamang o madalang, marahil matitiis iyon ng kongregasyon. (Colosas 3:12, 13) Kung hindi, baka dapat imungkahing ang maysakit ay umupo kung saan sakaling siya’y manggulo ay hindi gaanong makakaabala. Makagagawa ng mapagmahal na kaayusan upang ang gayong tao ay manatiling aktibo sa gawaing pangangaral, na laging isasaayos na siya’y may kasamang maygulang, na maunawaing mamamahayag, o na siya’y nakaupo kasama ng mga inaaralan sa pantahanang mga pag-aaral ng Bibliya na kung saan ang kaniyang kalagayan ay nauunawaan at siya’y pinagbibigyan.
Datapuwat, kung minsan, ang iginagawi ng isang tao ay nakagigitla, kahiya-hiya, o mapanganib sapagkat hindi masupil. Baka ang taong iyon ay huminto na sa dating inihatol na panggagamot sa kaniya at kailangan ang puspusang paghimok sa kaniya na bumalik sa dating rutina ng paggamot sa kaniya. Subalit kung ayaw sumunod o ipinagpapatuloy ang panggugulo ng taong iyon, baka kailangan na pahintuin muna siya ng pagdalo sa mga pulong at ng pakikibahagi ng paglilingkod sa larangan upang mapanatili ang kaayusan. (1 Corinto 14:40) Sa mabait na paraan, sa maysakit ay sasabihin ng matatanda na hindi naman siya itinuturing na di-tapat kundi iyon ay dahil lamang sa siya’y walang gaanong magagawa dahilan sa kaniyang sakit. ‘Ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang kaniyang gawa,’ at nauunawaan Niya ang kaniyang mga limitasyon. (Hebreo 6:10) Ang regular na mga pagdalaw ng espirituwal na mga pastol ay tutulong sa indibiduwal upang mapanatili ang kaniyang espirituwalidad hanggang sa bumuti ang kaniyang kalagayan.
Pagtulong sa Kanilang mga Pami-pamilya
Ang sakit sa isip ay gumagawa ng malaking pinsala sa mga pami-pamilya. “Ito’y totoong may malaking pinsalang nagagawa,” ang sabi ng isang kapatid na ang anak na lalaki ay may malubhang sakit ng isip. “Araw-araw ay wala akong nakikitang paggaling,” ang susog pa ng kaniyang maybahay. “Naapektuhan nito ang aming pagsasamang mag-asawa, sapagkat kung minsan ay nagkakasagutan kami.” Gunigunihin, din naman, ang hapdi pagka nakita mong ang iyong kabiyak ay nagkasakit ng sakit sa isip. Ang sabi ng isang kapatid: “Ang aking maybahay ay maysakit na tinatawag na ‘paranoid schizophrenic.’ Siya’y nakaririnig ng mga tinig at umaayaw siya na pagamot sapagkat siya’y naniniwala na siya ay ‘malalason’ niyaon. Hindi siya naniniwala na ako ang kaniyang asawa at siya’y tumatangging maglingkod o dumalo sa mga pulong.” Paano natin matutulungan ang mga pamilya nila?
Sinabi ni Pablo: “Aliwin ang mga kaluluwang namamanglaw.” (1 Tesalonica 5:14) Isang kalupitan na iwasan o ipagwalang-bahala ang mga kapuwa Kristiyano na nagpapagal sa pag-aalaga ng isang miyembro ng pamilya na maysakit ang isip. “Tanggapin ninyo ang isa’t isa,” ang sabi ni Pablo. (Roma 15:7) Ang mga pulong Kristiyano ang nagbibigay sa atin ng pagkakataon na gawin iyan nang buong ningas at tayo’y magpakita ng pag-ibig at pagpapahalaga sa kanila na ‘nagkakapit ng maka-Diyos na debosyon sa pakikitungo sa kanilang sambahayan.’—1 Timoteo 5:4.
Sa mga pagdalaw bilang espirituwal na mga pastol, maaari pa ring himukin ng matatanda ang gayong mga tao upang ipagpatuloy ang pampamilyang pag-aaral, ang pagdalo sa mga pulong, at ang pananatiling masigasig bilang mga mangangaral ng Kaharian. Subalit, kung tungkol sa kanilang materyal at praktikal na mga pangangailangan higit pa ang dapat gawin ng kongregasyon kaysa pagsasabi lamang, “Magpakainit ka at magpakabusog.” (Santiago 2:16) Baka ang pamilya ay nangangailangan ng tulong upang makapunta sa mga pulong. May mga taong marahil ay nasa kalagayan na tumulong sa kanila sa pagbabayad ng kanilang lumalaking gastos sa pagpapagamot. (1 Juan 3:17, 18) Anong laki ng pagpapahalaga sa ganiyang mapagmahal na pagmamalasakit! Ganito ang sabi ng asawa ng isang sister na maysakit ang isip: “Batid ng kongregasyon ang aming problema, at kanilang ipinakikita nang may pagmamahal na sila’y nagmamalasakit.”
Pananatili sa Katapatan
“Ang lahat ng nilalang ay patuloy na samasamang dumaraing at sama-samang nagdaramdam ng sakit,” ang sabi ni Pablo. (Roma 8:22) At ang sakit ng isip ay isa lamang sa maraming masaklap na ipinamamana sa atin ng di-kasakdalan. Ang mga doktor ay marahil may nagagawang bahagyang tulong para sa ikagiginhawa. Subalit marami na humingi sa kanila ng tulong nakaranas ng gaya ng karanasan ng babae noong panahon ni Jesus na “napahirapan na ng maraming hirap ng mga manggagamot at nagugol na niya ang lahat niyang tinatangkilik ngunit hindi gumaling kaunti man kundi, bagkus, lalo pang lumubha.”—Marcos 5:26.
Kung gayon, marami ang kailangang matutong mamuhay na taglay ang kanilang mga problema, na sa bagong sanlibutan ng Diyos umaasa na sila’y magtatamo ng tunay na ginhawa. (Apocalipsis 21:3, 4) “Purihin mo si Jehova, . . . na siyang nagpapagaling sa lahat mong karamdaman,” ang bulalas ng salmista. (Awit 103:2, 3) Samantala, ang dapat nating unang-unang pagtuunan ng ating pansin ay, hindi ang magkaroon ng sakdal na kalusugan ng isip o pangangatawan, kundi ang patunayan ang ating katapatan. (Awit 26:11; ihambing ang 1 Corinto 7:29-31.) Baka ito’y mahirap kung tayo’y dumaranas ng sakit sa isip. Subalit maraming mga lingkod ng Diyos, katulad ni Pablo, ang may katapatang naglingkod samantalang siya’y may “tinik sa laman.” (2 Corinto 12:7) “Napatunayan ko na walang doktor, kahit na ang mga kapatid, ang makapagpapagaling sa akin,” ang sabi ng isang maysakit sa isip. “Subalit natuto akong umasa kay Jehova.” Ang mga taong nababagabag ang isip ay maaari ring umasa sa tulong ng mapagmahal na mga kapatid na matiyagang nangungusap ng “espirituwal na mga salita” bilang pang-aliw at pang-alalay sa kanila.
[Talababa]
a Ang Artikulong “Pagkabagabag ng Isip—Pagka Ito’y Naging Suliranin ng Kristiyano” sa Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1988, ay may mga panuntunan para sa pagharap sa mga situwasyon na kung saan pinaghihinalaan na nakasingit ang impluwensiya ng demonyo.
[Larawan sa pahina 21]
Ang “espirituwal na mga salita” mula sa mapagmahal na matatanda ay malaki ang magagawa upang tulungan ang mga taong may karamdaman