Ang Mang-uusig ay Nakakita ng Matinding Liwanag
SI Saulo ay nagngingitngit sa galit sa mga tagasunod ni Jesus. Hindi pa nasisiyahan sa pag-uusig na iginawad sa kanila sa Jerusalem, lakip na ang pagbato kay Esteban, hinangad niya ngayong palawakin ang pagsupil. “Naghihinga pa ng banta at pagpaslang laban sa mga alagad, [si Saulo] ay pumaroon sa mataas na saserdote at humingi sa kaniya ng mga liham sa mga sinagoga sa Damasco, upang madala niyang nakagapos sa Jerusalem ang sinumang masumpungan niyang nasa Daan, kapuwa mga lalaki at mga babae.”—Gawa 9:1, 2.
Habang naglalakad si Saulo patungong Damasco, tiyak na pinag-iisipan niya kung paano niya mabisang maisasakatuparan ang kaniyang mandato. Ang awtoridad na ipinagkaloob sa kaniya ng mataas na saserdote ay walang alinlangang tatangkilikin ng mga pinuno ng malaking komunidad ng mga Judio sa lunsod na iyon. Hihingin ni Saulo ang kanilang tulong.
Tiyak na sumisidhi ang kasabikan ni Saulo habang papalapit na siya sa kaniyang patutunguhan. Ang paglalakbay mula sa Jerusalem patungo sa Damasco—isang pito- o walong-araw na paglakad ng mga 220 kilometro—ay nakapapagod. Walang anu-ano, nang mga katanghaliang-tapat, isang liwanag na mas maningning pa sa araw ang suminag sa palibot ni Saulo, at bumagsak siya sa lupa. Narinig niya ang isang tinig na nagsabi sa kaniya sa wikang Hebreo: “Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig? Ang patuloy na pagsipa sa mga tungkod na pantaboy ang nagpapahirap sa iyo.” “Sino ka, Panginoon?,” ang tanong ni Saulo. “Ako si Jesus, na iyong pinag-uusig,” ang tugon sa kaniya. “Gayunman, bumangon ka at tumindig sa iyong mga paa. Sapagkat sa layuning ito ay nagpakita ako sa iyo, upang piliin ka bilang isang tagapaglingkod at isang saksi kapuwa ng mga bagay na nakita mo na at ng mga bagay na ipakikita ko sa iyo may kinalaman sa akin; habang hinahango kita mula sa bayang ito at mula sa mga bansa, na pagsusuguan ko sa iyo.” “Ano ang gagawin ko Panginoon?,” ang tanong ni Saulo. “Bumangon ka, pumaroon ka sa Damasco, at doon ay sasabihin sa iyo ang tungkol sa lahat ng bagay na itinakdang gagawin mo.”—Gawa 9:3-6; 22:6-10; 26:13-17.
Narinig niyaong mga naglalakbay na kasama ni Saulo ang isang tinig, subalit hindi nila nakita ang nagsasalita o naunawaan man ang kaniyang sinabi. Dahil sa kaningningan ng liwanag, nang bumangon si Saulo ay hindi siya makakita at kailangang akayin siya. “Sa loob ng tatlong araw ay wala siyang nakitang anuman, at hindi siya kumain ni uminom.”—Gawa 9:7-9; 22:11.
Tatlong Araw ng Pagbubulay-bulay
Si Saulo ay magiliw na pinatuloy ni Judas, na nakatira sa lansangan na tinatawag na Tuwid.a (Gawa 9:11) Ang lansangang ito—na tinatawag na Darb al-Mustaqim sa Arabe—ay isa pa ring pangunahing daanan sa Damasco. Gunigunihin ang sumaisip ni Saulo samantalang siya’y nasa tahanan ni Judas. Nabulag at natulala si Saulo sa kaniyang naranasan. Ngayon ay may panahon upang bulay-bulayin ang mga kahulugan nito.
Napaharap sa mang-uusig ang bagay na hindi niya pinapansin at ipinalalagay na hindi totoo. Ang ibinayubay na Panginoong Jesu-Kristo—na hinatulan ng pinakamataas na awtoridad ng mga Judio at ‘hinamak at iniwasan ng mga tao’—ay buháy. Aba, nakatayo pa nga siyang sinang-ayunan sa kanang kamay ng Diyos sa “di-malapitang liwanag”! Si Jesus ay ang Mesiyas. Tama si Esteban at ang iba pa. (Isaias 53:3; Gawa 7:56; 1 Timoteo 6:16) Talagang mali si Saulo, sapagkat ipinakilala ni Jesus ang kaniyang sarili na kasama niyaong mga pinag-uusig mismo ni Saulo! Sa harap ng katibayan, paano pa makapagpapatuloy si Saulo sa “pagsipa sa mga tungkod na pantaboy”? Kahit na nga ang isang torong matigas ang ulo ay naitataboy sa kalaunan sa direksiyong gusto ng may-ari nito. Kaya, sa pagtangging makipagtulungan sa mga paghimok ni Jesus ay pahihirapan ni Saulo ang kaniyang sarili.
Bilang ang Mesiyas, si Jesus ay hindi maaaring hatulan ng Diyos. Subalit, pinahintulutan siya ni Jehova na dumanas ng lubhang kahiya-hiyang kamatayan at sumailalim sa parusa ng Kautusan: “Yaong nakabitin ay isang bagay na isinumpa ng Diyos.” (Deuteronomio 21:23) Namatay si Jesus samantalang nakabitin sa pahirapang tulos. Siya’y isinumpa, hindi dahil sa kaniya mismong mga kasalanan, yamang wala siyang kasalanan, kundi dahil sa pagiging makasalanan ng sangkatauhan. Nang maglaon ay nagpaliwanag si Saulo: “Ang lahat niyaong umaasa sa mga gawa ng batas ay nasa ilalim ng sumpa; sapagkat nasusulat: ‘Isinumpa ang bawat isang hindi nagpapatuloy sa lahat ng mga bagay na nasusulat sa balumbon ng Batas upang gawin ang mga iyon.’ Bukod diyan, malinaw na sa pamamagitan ng batas ay walang sinumang ipinahahayag na matuwid sa Diyos . . . Sa pamamagitan ng pagbili ay pinalaya tayo ni Kristo mula sa sumpa ng Batas sa pamamagitan ng pagiging isang sumpa sa halip na tayo, sapagkat nasusulat: ‘Isinumpa ang bawat tao na ibinayubay sa tulos.’ ”—Galacia 3:10-13.
Ang hain ni Jesus ay nakatutubos. Sa pamamagitan ng pagtanggap sa haing iyon, makasagisag na ipinako ni Jehova ang Batas at ang sumpa nito sa tulos. Nang maintindihan ang bagay na ito, napahalagahan ni Saulo bilang “karunungan ng Diyos” ang pahirapang tulos na “sa mga Judio ay isang sanhi ng ikatitisod.” (1 Corinto 1:18-25; Colosas 2:14) Kung gayon, kung ang kaligtasan ay hindi sa pamamagitan ng mga gawa ng batas kundi sa pamamagitan ng pagpapakita ng Diyos ng di-sana-nararapat na kabaitan sa mga makasalanang tulad ni Saulo mismo, maaari itong mabuksan sa mga wala sa ilalim ng Batas. At sa mga Gentil isinusugo ni Jesus si Saulo.—Efeso 3:3-7.
Hindi natin alam kung gaano karami ang naunawaan ni Saulo nang panahon na siya’y makumberte. Muling nagsalita sa kaniya si Jesus, marahil hindi lamang minsan, tungkol sa kaniyang misyon sa mga bansa. Higit diyan, ilang taon ang lumipas bago isinulat ni Saulo ang lahat ng ito sa ilalim ng pagkasi ng Diyos. (Gawa 22:17-21; Galacia 1:15-18; 2:1, 2) Gayunman, ilang araw lamang ang lumipas bago tinanggap ni Saulo ang higit pang mga tagubilin mula sa kaniyang bagong Panginoon.
Isang Pagdalaw Mula kay Ananias
Pagkatapos magpakita kay Saulo, nagpakita rin si Jesus kay Ananias, na sinasabi sa kaniya: “Pumaroon ka sa lansangan na tinatawag na Tuwid, at sa bahay ni Judas ay hanapin mo ang isang tao na pinanganlang Saulo, mula sa Tarso. Sapagkat, narito! siya ay nananalangin, at sa pangitain ay nakakita siya ng isang lalaki na pinanganlang Ananias na pumasok at nagpatong ng kaniyang kamay sa kaniya upang manumbalik ang kaniyang paningin.”—Gawa 9:11, 12.
Yamang kilala ni Ananias si Saulo, mauunawaan ang pagtataka niya sa pananalita ni Jesus. Sinabi niya: “Panginoon, narinig ko mula sa marami ang tungkol sa lalaking ito, kung gaano karaming nakapipinsalang mga bagay ang kaniyang ginawa sa mga banal sa Jerusalem. At dito ay may awtoridad siya mula sa mga punong saserdote na igapos ang lahat niyaong mga tumatawag sa iyong pangalan.” Gayunman, sinabi ni Jesus kay Ananias: “Humayo ka, sapagkat ang taong ito ay isang piniling sisidlan sa akin upang dalhin ang aking pangalan sa mga bansa at gayundin sa mga hari at sa mga anak ni Israel.”—Gawa 9:13-15.
Palibhasa’y nabigyan ng katiyakan, nagtungo si Ananias sa direksiyong ibinigay sa kaniya ni Jesus. Nang makita at mabati si Saulo, ipinatong ni Ananias ang kaniyang mga kamay sa kaniya. “At kaagad-agad,” ang sabi ng ulat, “nalaglag mula sa mga mata [ni Saulo] ang sa wari ay mga kaliskis, at nanumbalik ang kaniyang paningin.” Si Saulo ay handa na ngayong makinig. Pinatunayan ng mga salita ni Ananias ang malamang na naunawaan ni Saulo sa mga salita ni Jesus: “Pinili ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman ang kaniyang kalooban at upang makita ang Isa na matuwid at upang marinig ang tinig ng kaniyang bibig, sapagkat ikaw ay magiging saksi para sa kaniya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig. At ngayon bakit ka nagpapaliban? Bumangon ka, magpabautismo ka at hugasan ang iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng iyong pagtawag sa kaniyang pangalan.” Ang resulta? Si Saulo ay “tumindig at nabautismuhan, at kumain siya at lumakas.”—Gawa 9:17-19; 22:12-16.
Pagkatapos ganapin ang kaniyang atas, mabilis na naglaho sa tanawin ang tapat na si Ananias gaya ng mabilis na pagpasok niya rito, at wala nang sinabi pa sa atin tungkol sa kaniya. Subalit ginulat ni Saulo ang lahat ng nakarinig sa kaniya! Ang dating mang-uusig, na nagtungo sa Damasco upang dakpin ang mga alagad ni Jesus, ay nagsimulang mangaral sa mga sinagoga at nagpatunay na si Jesus ang Kristo.—Gawa 9:20-22.
“Apostol sa mga Bansa”
Ang naranasan ni Saulo sa daan patungo sa Damasco ay nagpatigil sa kaniyang gawaing pang-uusig. Sa pagkatanto sa pagkakakilanlan ng Mesiyas, naikakapit ni Saulo ang maraming ideya at mga hula sa Kasulatang Hebreo kay Jesus. Ang kabatiran na nagpakita sa kaniya si Jesus at ‘humawak sa kaniya’ at nag-atas sa kaniya bilang “apostol sa mga bansa” ay lubusang bumago sa buhay ni Saulo. (Filipos 3:12; Roma 11:13) Ngayon bilang ang apostol na si Pablo, nagkaroon siya ng pribilehiyo at awtoridad na makaimpluwensiya hindi lamang sa nalalabing araw ng kaniyang buhay sa lupa kundi rin naman sa landasin ng kasaysayang Kristiyano.
Pagkalipas ng mga taon, nang pagtalunan ang pagiging apostol ni Pablo, ipinagtanggol niya ang kaniyang awtoridad sa pamamagitan ng pagbanggit sa kaniyang karanasan sa daan patungo sa Damasco. “Hindi ba ako isang apostol? Hindi ko ba nakita si Jesus na ating Panginoon?,” ang tanong niya. At pagkatapos banggitin ang iba pang mga pagpapakita ng binuhay-muling si Jesus, sinabi ni Saulo (Pablo): “Huli sa lahat ay nagpakita rin siya sa akin na para bang sa isa na ipinanganak nang kulang sa buwan.” (1 Corinto 9:1; 15:8) Para bang si Saulo, sa pamamagitan ng kaniyang pangitain tungkol sa makalangit na kaluwalhatian ni Jesus, ay pinagkalooban ng karangalan na maipanganak na muli, o mabuhay na muli, tungo sa espiritung buhay na maaga sa panahon.
Kinilala ni Saulo ang kaniyang pribilehiyo at puspusang namuhay kasuwato nito. “Ako ang pinakamababa sa mga apostol, at hindi ako naaangkop na tawaging apostol, sapagkat pinag-usig ko ang kongregasyon ng Diyos,” ang sulat niya. “Ngunit . . . ang di-sana-nararapat na kabaitan [ng Diyos] sa akin ay hindi napatunayang sa walang kabuluhan, kundi nagpagal ako nang labis sa [lahat ng ibang apostol].”—1 Corinto 15:9, 10.
Marahil katulad ni Saulo ay naaalaala mo ang panahon nang matanto mo na upang makamit ang lingap ng Diyos, kailangang baguhin mo ang mga relihiyosong pangmalas na malaon mo nang pinanghahawakan. Walang alinlangang labis kang nagpapasalamat na tinulungan ka ni Jehova na maunawaan ang katotohanan. Nang makita ni Saulo ang liwanag at natalos kung ano ang hinihiling sa kaniya, hindi siya nag-atubiling gawin ito. At patuloy niyang ginawa ito taglay ang sigasig at determinasyon habang siya’y nabubuhay sa lupa. Anong inam na halimbawa sa lahat ng naghahangad ng lingap ni Jehova ngayon!
[Talababa]
a Ipinalalagay ng isang iskolar na si Judas ay maaaring isang pinuno ng lokal na pamayanang Judio o may-ari ng isang bahay-tuluyan para sa mga Judio.
[Larawan sa pahina 27]
Ang lansangang tinatawag na Tuwid sa kasalukuyang Damasco
[Credit Line]
Kuha ng ROLOC Color Slides