Mabuhay Para sa Kasalukuyan o sa Walang-Hanggang Kinabukasan?
“Iniligtas tayo sa pag-asang ito.”—ROMA 8:24.
1. Ano ang itinuro ng mga Epicureo, at paano nakaapekto sa ilang Kristiyano ang gayong uri ng pilosopiya?
SUMULAT si apostol Pablo sa mga Kristiyanong nakatira sa Corinto: “Paano ngang ang ilan sa inyo ay nagsasabing walang pagkabuhay-muli ng mga patay?” (1 Corinto 15:12) Lumilitaw na ang nakalalasong pilosopiya ng Griegong paham na si Epicurus ay nakapasok na sa mga unang-siglong Kristiyano. Kaya ibinaling ni Pablo ang pansin sa Epicureong turo: “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo ay mamamatay.” (1 Corinto 15:32) Palibhasa’y nililibak ang anumang pag-asa tungkol sa isang buhay pagkatapos mamatay, naniniwala ang mga tagasunod ng pilosopo na ang pagpapalugod sa laman ang siyang tangi at pangunahing kapakinabangan sa buhay. (Gawa 17:18, 32) Ang Epicureong pilosopiya ay makasarili, mapang-uyam, at lubhang nakasasama.
2. (a) Bakit totoong mapanganib na itakwil ang pagkabuhay-muli? (b) Paano pinatibay ni Pablo ang pananampalataya ng mga Kristiyano sa Corinto?
2 May matitinding epekto ang pagtangging ito sa pagkabuhay-muli. Nangatuwiran si Pablo: “Kung wala ngang pagkabuhay-muli ng mga patay, si Kristo ay hindi rin naman ibinangon. Ngunit kung hindi ibinangon si Kristo, ang ating pangangaral ay tiyak na walang kabuluhan, at ang ating pananampalataya ay walang kabuluhan. . . . Kung sa buhay na ito lamang tayo umasa kay Kristo, tayo sa lahat ng tao ang pinakakahabag-habag.” (1 Corinto 15:13-19) Oo, kung walang pag-asa sa isang walang-hanggang kinabukasan, ang Kristiyanismo ay magiging “walang kabuluhan.” Ito’y mawawalan ng layunin. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na sa ilalim ng impluwensiya ng paganong kaisipang ito, ang kongregasyon sa Corinto ay naging sentro ng mga suliranin. (1 Corinto 1:11; 5:1; 6:1; 11:20-22) Kaya naman, layunin ni Pablo na patibayin ang kanilang pananampalataya sa pagkabuhay-muli. Sa pamamagitan ng paggamit sa mabisang pangangatuwiran, mga pagsipi sa Kasulatan, at mga ilustrasyon, walang-alinlangang pinatunayan niya na ang pag-asa sa pagkabuhay-muli ay hindi katha kundi isang katotohanang may tiyak na katuparan. Salig dito, maaari niyang himukin ang kaniyang mga kapananampalataya: “Maging matatag kayo, di-natitinag, na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.”—1 Corinto 15:20-58.
“Manatili Kayong Mapagbantay”
3, 4. (a) Ayon kay Pedro, anong mapanganib na saloobin ang mangingibabaw sa marami sa mga huling araw? (b) Ano ang kailangang patuloy na ipaalaala natin sa ating sarili?
3 Sa ngayon, marami ang may negatibo at mabuhay-para-sa-ngayon na saloobin. (Efeso 2:2) Ito ay gaya ng inihula ni apostol Pedro. Bumanggit siya tungkol sa “mga manunuya na may pagtuya . . . at nagsasabi: ‘Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ay nagpapatuloy nang gayung-gayon ang lahat ng mga bagay mula noong pasimula ng paglalang.’ ” (2 Pedro 3:3, 4) Kung magpapaimpluwensiya ang mga Kristiyano sa gayong pangmalas, baka sila’y maging “di-aktibo o di-mabunga.” (2 Pedro 1:8) Mabuti na lamang, hindi gayon ang kalagayan ng karamihan sa bayan ng Diyos sa ngayon.
4 Hindi naman mali ang maging interesado sa dumarating na wakas ng kasalukuyang balakyot na sistema. Alalahanin ang interes na ipinakita ng sariling mga apostol ni Jesus: “Panginoon, isasauli mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?” Sumagot si Jesus: “Hindi sa inyo ang alamin ang mga panahon o mga kapanahunan na inilagay ng Ama sa kaniyang sariling hurisdiksiyon.” (Gawa 1:6, 7) Taglay ng mga salitang ito ang saligang mensahe na ipinahayag niya sa Bundok ng mga Olibo: “Hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon. . . . Sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.” (Mateo 24:42, 44) Kailangang patuloy nating ipaalaala sa ating sarili ang payong ito! Ang ilan ay baka matukso ng saloobing, ‘Marahil ay dapat muna akong magrelaks at huwag masyadong dibdibin ang mga bagay-bagay.’ Isa itong malaking pagkakamali! Tingnan sina Santiago at Juan, ang “mga Anak ng Kulog.”—Marcos 3:17.
5, 6. Anong mga aral ang makukuha natin sa mga halimbawa nina Santiago at Juan?
5 Alam natin na si Santiago ay isang napakasigasig na apostol. (Lucas 9:51-55) Nang maitatag na ang kongregasyong Kristiyano, tiyak na gumanap siya ng malaking bahagi. Ngunit si Santiago ay medyo bata pa nang ipapatay siya ni Herodes Agripa I. (Gawa 12:1-3) Inaakala ba natin na dahil sa nakita niyang mamamatay siya nang maaga, ikinalungkot ni Santiago ang bagay na siya’y naging totoong masigasig, anupat nagbuhos ng kaniyang sarili sa kaniyang ministeryo? Hinding-hindi! Tiyak na siya’y maligaya na ginugol niya ang pinakamaiinam na taon ng kaniyang totoong maikling buhay sa paglilingkod kay Jehova. Ngayon, walang sinuman sa atin ang nakaaalam kung mamamatay tayo nang biglaan. (Eclesiastes 9:11; ihambing ang Lucas 12:20, 21.) Kaya maliwanag na isang karunungan na manatiling lubhang masigasig at aktibo sa paglilingkod kay Jehova. Sa ganitong paraan ay maiingatan natin ang ating mabuting pangalan sa kaniya at patuloy na mabubuhay taglay ang pag-asang walang-hanggang kinabukasan.—Eclesiastes 7:1.
6 May isang kaugnay na aral tungkol kay apostol Juan, na naroroon nang mariing nagpayo si Jesus: “Manatili kayong mapagbantay.” (Mateo 25:13; Marcos 13:37; Lucas 21:34-36) Isinapuso ito ni Juan, anupat buong-kasiglahang naglingkod sa loob ng maraming dekada. Sa katunayan, waring nabuhay siya nang mas matagal kaysa sa lahat ng iba pang apostol. Nang matandang-matanda na si Juan, anupat nakagugunita sa mga dekada ng tapat na paggawa, minalas kaya niya iyon bilang isang pagkakamali, isang buhay na may maling direksiyon o di-timbang? Aba, hindi! Sabik na sabik pa rin siyang nakatingin sa hinaharap. Nang sabihin ng binuhay-muling si Jesus: “Oo; ako ay dumarating nang madali,” agad na tumugon si Juan, “Amen! Pumarito ka, Panginoong Jesus.” (Apocalipsis 22:20) Tiyak na si Juan ay hindi nabuhay para sa kasalukuyan, anupat nagnanasa ng isang mabagal-ang-takbo at kalmadong ‘normal na buhay.’ Nagpasiya siyang manatiling naglilingkod taglay ang kaniyang buong buhay at lakas, kailanman darating ang Panginoon. Kumusta naman tayo?
Mga Saligan ng Paniniwala sa Buhay na Walang-Hanggan
7. (a) Paanong ang pag-asa sa buhay na walang-hanggan ay ‘ipinangako bago pa ang lubhang mahabang mga panahon’? (b) Paano niliwanag ni Jesus ang pag-asa sa buhay na walang-hanggan?
7 Magtiwala na ang pag-asa sa buhay na walang-hanggan ay hindi gawang-taong pangarap o guniguni. Gaya ng sabi ng Tito 1:2, ang ating makadiyos na debosyon ay salig sa “pag-asa sa buhay na walang-hanggan na ipinangako ng Diyos, na hindi makapagsisinungaling, bago pa ang lubhang mahabang mga panahon.” Orihinal na layunin ng Diyos na mabuhay magpakailanman ang lahat ng masunuring tao. (Genesis 1:28) Walang anuman, kahit na ang paghihimagsik nina Adan at Eva, ang maaaring bumigo sa layuning ito. Gaya ng nakaulat sa Genesis 3:15, agad na nangako ang Diyos ng isang “binhi” na mag-aalis sa lahat ng pinsalang idinulot sa sangkatauhan. Nang dumating ang “binhi” o Mesiyas, si Jesus, ginawa niyang isa sa kaniyang mga saligang turo ang pag-asa sa buhay na walang-hanggan. (Juan 3:16; 6:47, 51; 10:28; 17:3) Sa paghahandog ng kaniyang sakdal na buhay bilang isang pantubos, natamo ni Kristo ang legal na karapatang magkaloob ng walang-hanggang buhay sa sangkatauhan. (Mateo 20:28) Ang ilan sa kaniyang mga alagad, 144,000 lahat, ay mabubuhay magpakailanman sa langit. (Apocalipsis 14:1-4) Kaya ang ilang dating-mortal na mga tao ay ‘magbibihis ng imortalidad’!—1 Corinto 15:53.
8. (a) Ano ba ang “imortalidad,” at bakit ipinagkakaloob ito ni Jehova sa 144,000? (b) Anong pag-asa ang ipinaaabot ni Jesus para sa “ibang mga tupa”?
8 Ang “imortalidad” ay nangangahulugan ng higit pa kaysa basta pagiging hindi namamatay. Nasasangkot dito ang “kapangyarihan ng isang buhay na di-masisira.” (Hebreo 7:16; ihambing ang Apocalipsis 20:6.) Subalit ano ba ang naisasakatuparan ng Diyos sa pagbibigay ng gayong pambihirang kaloob? Tandaan ang hamon ni Satanas na walang sinuman sa mga nilalang ng Diyos ang mapagkakatiwalaan. (Job 1:9-11; 2:4, 5) Sa pagkakaloob ng imortalidad sa 144,000, ipinakikita ng Diyos ang kaniyang ganap na pagtitiwala sa grupong ito na pantanging nakasagot sa hamon ni Satanas. Subalit paano na ang nalalabing bahagi ng sangkatauhan? Sinabi ni Jesus sa mga naunang miyembro ng “munting kawan” na ito ng mga tagapagmana ng Kaharian na sila’y ‘mauupo sa mga trono upang hatulan ang labindalawang tribo ng Israel.’ (Lucas 12:32; 22:30) Ipinakikita nito na ang iba ay tatanggap ng buhay na walang-hanggan sa lupa bilang mga sakop ng kaniyang Kaharian. Bagaman ang “ibang mga tupa” na ito ay hindi pinagkakalooban ng imortalidad, sila’y talagang tumatanggap ng “buhay na walang-hanggan.” (Juan 10:16; Mateo 25:46) Kaya buhay na walang-hanggan ang pag-asa ng lahat ng Kristiyano. Hindi ito guniguni kundi isang bagay na taimtim na ipinangako ng “Diyos, na hindi makapagsisinungaling,” at binayaran ng napakahalagang dugo ni Jesus.—Tito 1:2.
Sa Matagal Pang Hinaharap?
9, 10. Ano ang maliwanag na nagpapakitang tayo ay malapit na sa kawakasan?
9 Inihula ni apostol Pablo na ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” ay magpapahiwatig na walang-alinlangang sumapit na tayo sa “mga huling araw.” Habang ang lipunan ng tao sa paligid natin ay gumuguho sa kalagayan ng kawalang-pag-ibig, kasakiman, pagpapalugod-sa-sarili, at pagkadi-makadiyos, hindi ba natin natatanto na mabilis na dumarating ang araw ni Jehova sa pagsasagawa ng kaniyang mga kahatulan sa balakyot na sistemang ito ng sanlibutan? Habang dumarami ang karahasan at pagkakapootan, hindi ba natin nakikita sa palibot natin ang katuparan ng mga sinabi pa ni Pablo: “Ang mga taong balakyot at mga impostor ay susulong mula sa masama tungo sa lalong masama”? (2 Timoteo 3:1-5, 13) Ang ilan ay baka positibong sumigaw ng “Kapayapaan at katiwasayan,” ngunit lahat ng pag-asa sa kapayapaan ay maglalaho, sapagkat “biglang pagkapuksa ang kagyat na mapapasa-kanila gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao; at hindi sila sa anumang paraan makatatakas.” Hindi tayo naiwang nangangapa sa dilim kung tungkol sa kahulugan ng ating panahon. Kaya, “manatili tayong gising at panatilihin ang ating katinuan.”—1 Tesalonica 5:1-6.
10 Karagdagan pa, ipinakikita ng Bibliya na ang mga huling araw ay ‘isang maikling yugto ng panahon.’ (Apocalipsis 12:12; ihambing ang 17:10.) Ang malaking bahagi sa ‘maikling yugtong’ ito ay maliwanag na natapos na. Halimbawa, buong kawastuang inilalarawan ng hula ni Daniel ang alitan sa pagitan ng “hari ng hilaga” at ng “hari ng timog” na umabot na hanggang sa siglong ito. (Daniel 11:5, 6) Ang natitira na lamang upang matupad ay ang huling pagsalakay ng “hari ng hilaga,” na inilarawan sa Daniel 11:44, 45.—Tingnan Ang Bantayan ng Hulyo 1, 1987, at Nobyembre 1, 1993, para sa pagtalakay sa hulang ito.
11. (a) Hanggang saan na nakaabot ang katuparan ng Mateo 24:14? (b) Ano ang ipinakikita ng mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 10:23?
11 Nariyan din ang hula ni Jesus na “ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Sa ngayon, ginaganap ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang gawain sa 233 lupain, mga grupo ng isla, at mga teritoryo. Totoo, mayroon pa ring mga teritoryong di-nagagawa, at marahil sa panahong itinakda ni Jehova, mabubuksan ang isang pintuan ng pagkakataon. (1 Corinto 16:9) Gayunpaman, seryoso ang mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 10:23: “Hindi ninyo sa anumang paraan matatapos ang sirkito ng mga lunsod ng Israel hanggang sa ang Anak ng tao ay dumating.” Bagaman ang mabuting balita ay tiyak na ipahahayag sa buong lupa, hindi natin personal na mararating ang lahat ng bahagi ng lupa taglay ang mensahe ng Kaharian bago “dumating” si Jesus bilang Tagapuksa.
12. (a) Anong ‘pagtatatak’ ang tinutukoy sa Apocalipsis 7:3? (b) Ano ang kahulugan ng lumiliit na bilang ng mga pinahiran sa lupa?
12 Isaalang-alang ang teksto sa Apocalipsis 7:1, 3, na nagsasabing ang “apat na hangin” ng pagpuksa ay pinipigil “hanggang sa matapos naming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Diyos.” Hindi ito tumutukoy sa unang pagtatatak, na nagaganap kapag yaong mga kabilang sa 144,000 ay tumatanggap ng makalangit na pagtawag. (Efeso 1:13) Tumutukoy ito sa huling pagtatatak, kapag sila ay walang-pagsalang ipinakilala bilang subok at tapat na “mga alipin ng ating Diyos.” Ang bilang ng tunay na pinahirang mga anak ng Diyos na nabubuhay pa sa lupa ay lubhang lumiit. Isa pa, maliwanag na sinasabi ng Bibliya na “dahil sa mga pinili” kung kaya ang panimulang yugto ng malaking kapighatian ay “paiikliin.” (Mateo 24:21, 22) Karamihan sa mga nag-aangking kabilang sa mga pinahiran ay totoong matatanda na. Muli, hindi ba ito nangangahulugan na napakalapit na ang wakas?
Isang Tapat na Bantay
13, 14. Ano ang pananagutan ng uring bantay?
13 Samantala, makabubuti sa atin na bigyang pansin ang tagubilin ng ‘tapat na alipin.’ (Mateo 24:45) Sa loob ng mahigit na isang daang taon, buong-katapatang naglingkod ang modernong-panahong “alipin” bilang isang “bantay.” (Ezekiel 3:17-21) Ganito ang paliwanag ng Ang Bantayan ng Hulyo 1, 1984: “Ang bantay na ito ay nagmamasid kung paano nagaganap ang mga pangyayari sa lupa bilang katuparan ng hula sa Bibliya, nagbibigay ng babala tungkol sa isang dumarating na ‘malaking kapighatian na hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan’ at naglalathala ng ‘mabuting balita ng isang bagay na mas mabuti.’ ”—Mateo 24:21; Isaias 52:7.
14 Tandaan: Tungkulin ng isang bantay na isigaw “kung ano ang nakikita niya.” (Isaias 21:6-8) Noong panahon ng Bibliya ay nagbibigay-babala ang isang bantay kahit na ang posibleng banta ay napakalayo pa upang ito ay maliwanag na makilala. (2 Hari 9:17, 18) Tiyak na nagkaroon noon ng mga maling babala. Ngunit ang isang mabuting bantay ay hindi mag-aatubiling magsalita dahil sa takot na mapahiya. Kung nasusunog ang inyong bahay, ano kaya ang madarama ninyo kung hindi dumating ang mga bombero dahil sa inaakala nilang baka iyon ay isa lamang maling babala? Hindi, inaasahan natin na kikilos agad ang gayong mga tao sa anumang pahiwatig ng panganib! Sa katulad na paraan, nagpapahayag ang uring bantay kapag ang mga kalagayan ay waring sapat nang dahilan upang gawin iyon.
15, 16. (a) Bakit gumawa ng mga pagbabago sa ating pagkaunawa sa hula? (b) Ano ang matututuhan natin sa tapat na mga lingkod ng Diyos na may maling pagkaunawa sa ilang hula?
15 Subalit habang nagaganap ang mga pangyayari, nagiging lalong malinaw ang pagkaunawa natin sa hula. Ipinakikita ng kasaysayan na bihira, kung nangyayari man, na ang mga banal na hula ay lubusang nauunawaan bago matupad ang mga iyon. Eksaktong sinabi ng Diyos kay Abram kung gaano katagal na ang kaniyang binhi ay magiging “isang naninirahang dayuhan sa isang lupain na hindi sa kanila,” samakatuwid nga, 400 taon. (Genesis 15:13) Gayunman, iniharap nang maaga ni Moises ang kaniyang sarili bilang manunubos.—Gawa 7:23-30.
16 Isaalang-alang din ang mga hula tungkol sa Mesiyas. Sa paggunita ay waring napakaliwanag na ang kamatayan at pagkabuhay-muli ng Mesiyas ay inihula. (Isaias 53:8-10) Gayunman, hindi masakyan ng sariling mga alagad ni Jesus ang bagay na ito. (Mateo 16:21-23) Hindi nila naunawaan na ang Daniel 7:13, 14 ay matutupad sa panghinaharap na pa·rou·siʹa, o “pagkanaririto” ni Kristo. (Mateo 24:3) Kaya maaga ng halos 2,000 taon ang kanilang pagtantiya nang tanungin nila si Jesus: “Panginoon, isasauli mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?” (Gawa 1:6) Kahit na noong naging matatag na ang kongregasyong Kristiyano, patuloy pa ring bumabangon ang di-wastong mga ideya at maling mga inaasahan. (2 Tesalonica 2:1, 2) Bagaman ang ilan ay may maling pangmalas sa pana-panahon, hindi maikakailang pinagpala ni Jehova ang gawain ng unang-siglong mga mananampalatayang iyon!
17. Ano ang dapat na maging pangmalas natin sa mga pagbabago sa ating pagkaunawa sa Kasulatan?
17 Kinakailangan din namang linawin ng uring bantay sa ngayon ang mga pangmalas nito sa pana-panahon. Subalit mag-aalinlangan ba ang sinuman na pinagpapala ni Jehova ang ‘tapat na alipin’? Maliban dito, kung mamalasin sa kabuuan, hindi ba ang karamihan sa mga pagbabagong naganap ay maliliit naman? Hindi nagbago ang ating saligang pagkaunawa sa Bibliya. Mas matibay higit kailanman ang ating paninindigan na tayo ay nabubuhay sa mga huling araw!
Mabuhay Para sa Walang-Hanggang Kinabukasan
18. Bakit dapat nating iwasan na mabuhay para lamang sa ngayon?
18 Maaaring sabihin ng sanlibutan, ‘Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo ay mamamatay,’ ngunit hindi ganito ang dapat na maging saloobin natin. Bakit magsusumikap nang walang kabuluhan para sa kasiyahang matatamo ninyo sa buhay ngayon kung maaari naman kayong magpagal para sa isang walang-hanggang kinabukasan? Ang pag-asang ito, iyon man ay imortal na buhay sa langit o buhay na walang-hanggan sa lupa, ay hindi pangarap, hindi guniguni. Ito ay katotohanang ipinangako ng Diyos “na hindi makapagsisinungaling.” (Tito 1:2) Gayon na lamang karami ang patotoo anupat ang katuparan ng ating pag-asa ay kaylapit-lapit na! “Ang panahong natitira ay pinaikli.”—1 Corinto 7:29.
19, 20. (a) Paano minamalas ni Jehova ang mga pagsasakripisyo natin alang-alang sa Kaharian? (b) Bakit dapat tayong mamuhay na nasa isip ang kawalang-hanggan?
19 Totoo, ang sistemang ito ay nanatili nang mas matagal kaysa sa inaakala ng marami na itatagal nito. Maaaring nadarama ng ilan sa ngayon na kung alam lamang nila ito noon, baka hindi na sila gumawa ng ilang pagsasakripisyo. Ngunit hindi dapat panghinayangan ng isa ang paggawa nito. Tutal, ang pagsasakripisyo ay mahalagang bahagi ng pagiging isang Kristiyano. Ang mga Kristiyano ay ‘nagtatatwa ng kanilang sarili.’ (Mateo 16:24) Hindi natin dapat madama kailanman na walang kabuluhan ang ating mga pagsisikap na mapalugdan ang Diyos. Nangako si Jesus: “Walang sinuman na nag-iwan ng bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ina o ama o mga anak o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita ang hindi tatanggap ng sandaang ulit ngayon . . . at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang-hanggan.” (Marcos 10:29, 30) Isang libong taon mula ngayon, ano kaya ang kabuluhan ng inyong trabaho, bahay, o deposito sa bangko? Gayunpaman, ang mga pagsasakripisyo na ginawa ninyo para kay Jehova ay magiging makabuluhan isang milyong taon mula ngayon—isang bilyong taon mula ngayon! “Sapagkat ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa.”—Hebreo 6:10.
20 Kung gayon, mamuhay nawa tayo na nasa isip ang kawalang-hanggan, anupat itinutuon ang ating mga mata, “hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na di-nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, ngunit ang mga bagay na di-nakikita ay walang-hanggan.” (2 Corinto 4:18) Sumulat si propeta Habacuc: “Ang pangitain ay sa itinakdang panahon pa, at iyon ay nagmamadali tungo sa katapusan, at hindi magbubulaan. Bagaman magluluwat, patuloy na asamin iyon; sapagkat walang-pagsalang magkakatotoo. Hindi iyon magtatagal.” (Habacuc 2:3) Paanong ang ‘patuloy na pag-asam’ sa wakas ay may epekto sa pagbalikat natin ng ating personal at pampamilyang mga responsibilidad? Tatalakayin ng ating susunod na artikulo ang mga bagay na ito.
Mga Punto Para sa Repaso
◻ Paano naapektuhan ang ilan sa ngayon ng waring pagluluwat ng wakas ng sistemang ito ng mga bagay?
◻ Ano ang saligan ng ating pag-asa sa buhay na walang-hanggan?
◻ Paano natin dapat malasin ang ating mga pagsasakripisyo para sa mga kapakanan ng Kaharian?
[Larawan sa pahina 15]
Dapat matapos ang gawaing pangangaral sa buong globo bago dumating ang wakas