Ikalawang Liham sa mga Taga-Tesalonica
2 Pero kung tungkol sa presensiya ng ating Panginoong Jesu-Kristo+ at sa pagkakatipon nating kasama niya,+ hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, 2 na huwag ninyong hayaan na agad-agad na malihis ang inyong pangangatuwiran, at huwag kayong maniwala agad sa balitang narito na ang araw ni Jehova,+ galing man iyon sa isang pagsisiwalat na parang mula sa Diyos+ o sa isang mensahe na narinig ninyo sa iba o sa isang liham na parang galing sa amin.
3 Huwag kayong magpalinlang kaninuman sa anumang paraan, dahil bago iyon dumating, magkakaroon muna ng apostasya+ at masisiwalat ang napakasamang tao,+ ang anak ng pagkapuksa.+ 4 Isa siyang kalaban, at itinuturing niya ang sarili niya na mas mataas kaysa sa bawat isa na tinatawag na diyos o anumang bagay na sinasamba, kaya umuupo siya sa templo ng Diyos para ipakita sa mga tao na isa siyang diyos. 5 Hindi ba ninyo naaalaala na sinasabi ko ito sa inyo noong kasama pa ninyo ako?
6 At alam na ninyo ngayon kung ano ang nagsisilbing pamigil, nang sa gayon ay maisiwalat siya sa itinakdang panahon para sa kaniya. 7 Totoo, nagsisimula na nang palihim ang kasamaan ng taong ito,+ pero mananatili itong lihim hanggang sa mawala ang nagsisilbing pamigil. 8 Pagkatapos, maisisiwalat ang napakasamang tao, na pupuksain ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng kapangyarihang* lumalabas sa kaniyang bibig+ at na lilipulin niya kapag nahayag na+ ang kaniyang presensiya. 9 Pero si Satanas+ ang nasa likod ng patuloy na pag-iral ng napakasamang taong ito; magsasagawa ito ng makapangyarihang mga gawa, mapanlinlang na mga tanda, himala,+ 10 at iba pang masama at mapandayang bagay+ para sa mga tao na mapupuksa bilang parusa dahil hindi nila tinanggap at inibig ang katotohanang magliligtas sana sa kanila. 11 Kaya hinayaan ng Diyos na linlangin sila ng isang mapandayang impluwensiya para maniwala sila sa kasinungalingan,+ 12 nang sa gayon ay mahatulan silang lahat dahil nasiyahan sila sa kasamaan sa halip na maniwala sa katotohanan.
13 Pero lagi kaming nauudyukan na magpasalamat sa Diyos para sa inyo, mga kapatid na minamahal ni Jehova, dahil sa simula pa lang ay pinili na kayo ng Diyos+ para maligtas. Naging posible ito dahil pinabanal niya kayo+ sa pamamagitan ng kaniyang espiritu at dahil nanampalataya kayo sa katotohanan. 14 Tinawag niya kayo para maligtas sa pamamagitan ng mabuting balita na inihahayag namin, para maluwalhati rin kayong+ gaya ng ating Panginoong Jesu-Kristo.+ 15 Kaya mga kapatid, manatili kayong matatag+ at manghawakan kayo sa mga bagay na itinuro sa inyo,+ sinabi man ito sa inyo o isinulat namin sa aming mga liham. 16 Bukod diyan, ang ating Panginoong Jesu-Kristo mismo at ang Diyos na ating Ama, na nagmamahal sa atin+ at nagbibigay ng walang-hanggang kaaliwan at kamangha-manghang pag-asa+ sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan, 17 ay umaliw nawa at magpatatag sa inyo+ para patuloy kayong gumawa at magsalita ng mabubuting bagay.