Magtiwala kay Jehova—“Ang Diyos ng Buong Kaaliwan”
“Pagpalain nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan.”—2 COR. 1:3.
1. Ano ang kailangan ng mga tao, anuman ang edad?
MULA nang isilang tayo, kailangan na natin ng kaaliwan. Ang isang sanggol ay umiiyak para ipaalam na kailangan niya nito. Marahil gusto niyang magpakarga o baka nagugutom siya. At kahit adulto na tayo, madalas pa rin tayong mangailangan ng kaaliwan, lalo na kapag dumaranas ng problema.
2. Ano ang ipinangako ni Jehova sa mga nagtitiwala sa kaniya?
2 Ang mga kapamilya at kaibigan ay makapagbibigay sa atin ng kaaliwan. Pero may mga sitwasyon na tanging ang Diyos lang ang makaaaliw sa atin. Tinitiyak sa atin ng kaniyang Salita: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya, . . . at ang kanilang paghingi ng tulong ay kaniyang diringgin.” (Awit 145:18, 19) Oo, “ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang paghingi ng tulong.” (Awit 34:15) Pero kung gusto nating alalayan at aliwin tayo ng Diyos, kailangan tayong magtiwala sa kaniya. Ipinakita iyan ng salmistang si David na umawit: “Si Jehova ay magiging matibay na kaitaasan para sa sinumang nasisiil, isang matibay na kaitaasan sa mga panahon ng kabagabagan. At yaong mga nakaaalam ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo, sapagkat tiyak na hindi mo iiwan yaong mga humahanap sa iyo, O Jehova.”—Awit 9:9, 10.
3. Ano ang sinabi ni Jesus na nagpapakita ng pag-ibig ni Jehova sa Kaniyang mga lingkod?
3 Mahalaga kay Jehova ang kaniyang mga mananamba. Ipinakita ito ni Jesus nang sabihin niya: “Ang limang maya ay ipinagbibili sa dalawang barya na maliit ang halaga, hindi ba? Gayunma’y walang isa man sa kanila ang nalilimutan sa harap ng Diyos. Ngunit maging ang mga buhok ng inyong mga ulo ay biláng na lahat. Huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.” (Luc. 12:6, 7) Sa pamamagitan ni propeta Jeremias, sinabi ni Jehova sa Kaniyang sinaunang bayan: “Ikaw ay inibig ko ng pag-ibig na hanggang sa panahong walang takda. Kaya naman inilapit kita taglay ang maibiging-kabaitan.”—Jer. 31:3.
4. Bakit tayo makapagtitiwala sa mga pangako ni Jehova?
4 Sa panahon ng kabagabagan, maaaliw tayo kung magtitiwala tayo kay Jehova at sa kaniyang mga pangako. Dapat nating tularan ang pagtitiwala ni Josue sa Diyos. Sinabi niya: “Walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.” (Jos. 23:14) Kahit nagdurusa tayo ngayon dahil sa mahihirap na kalagayan, makatitiyak tayo na “ang Diyos ay tapat” at hindi niya pababayaan ang kaniyang tapat na mga lingkod.—Basahin ang 1 Corinto 10:13.
5. Bakit magagawa nating aliwin ang iba?
5 Ayon kay apostol Pablo, si Jehova “ang Diyos ng buong kaaliwan.” Ang “pag-aliw” ay nangangahulugang pagpapaginhawa sa isa na nababagabag o namimighati. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagpawi ng kaniyang hapis o pagdadalamhati at pagpapalubag ng kaniyang loob. Ganiyan ang ginagawa ni Jehova. (Basahin ang 2 Corinto 1:3, 4.) Walang makahahadlang sa ating makalangit na Ama sa pagbibigay ng kaaliwang kailangan ng mga nagmamahal sa kaniya. Maaaliw rin natin ang mga kapananampalataya na “nasa anumang uri ng kapighatian.” Magagawa natin ito “sa pamamagitan ng kaaliwan na ipinang-aaliw din naman sa [atin] ng Diyos.” Talagang walang kapantay ang kaaliwang ibinibigay ni Jehova!
Mga Sanhi ng Kabagabagan
6. Anong mga bagay ang maaaring magdulot ng kabagabagan?
6 Maraming pagkakataong nangangailangan tayo ng kaaliwan. Ang isa sa mga ito ay kapag namatayan tayo ng mahal sa buhay, lalo na ng asawa o anak. May mga nangangailangan din ng kaaliwan dahil biktima sila ng diskriminasyon o pagtatangi. Baka mangailangan tayo ng kaaliwan dahil sa mahinang kalusugan, pagtanda, kahirapan, mga problema sa pag-aasawa, o nakababagabag na mga pangyayari sa daigdig.
7. (a) Sa mahihirap na kalagayan, anong uri ng kaaliwan ang kailangan natin? (b) Ano ang puwedeng gawin ni Jehova para pagalingin ang “pusong wasak at durog”?
7 Sa panahon ng kabagabagan, kailangan natin ng kaaliwan na magpapaginhawa sa ating puso, isip, emosyon, at makabubuti sa ating pisikal at espirituwal na kalusugan. Kuning halimbawa ang ating puso. Kinikilala ng Salita ng Diyos na ang ating puso ay puwedeng ‘mawasak at madurog.’ (Awit 51:17) Matutulungan tayo ni Jehova dahil “pinagagaling niya ang mga may pusong wasak, at tinatalian niya ang kanilang makikirot na bahagi.” (Awit 147:3) Kahit sa napakahirap na mga sitwasyon, mapagiginhawa ni Jehova ang ating bagbag na puso kung mananalangin tayo sa kaniya taglay ang pananampalataya at susundin ang kaniyang mga utos.—Basahin ang 1 Juan 3:19-22; 5:14, 15.
8. Kapag nababagabag ang ating isip, paano tayo tinutulungan ni Jehova?
8 Nangangailangan din ng kaaliwan ang ating isip dahil sa iba’t ibang pagsubok na nakababalisa sa atin. Hindi natin kayang pagtagumpayan ang mga pagsubok na ito sa ating sariling lakas. Pero ganito ang inawit ng salmista: “Nang ang aking mga nakababalisang kaisipan ay dumami sa loob ko, ang iyong mga pang-aaliw ay nagsimulang humaplos sa aking kaluluwa.” (Awit 94:19) Isinulat din ni Pablo: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Fil. 4:6, 7) Malaking tulong ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Kasulatan kapag nababagabag ang ating isip.—2 Tim. 3:15-17.
9. Paano natin mapagtatagumpayan ang pagkabagabag ng emosyon?
9 Kung minsan, baka masyado tayong nasisiraan ng loob anupat nadadaig tayo ng negatibong emosyon. Marahil inaakala natin na hindi natin kayang gampanan ang isang pribilehiyo sa kongregasyon o iba pang maka-Kasulatang pananagutan. Maaaliw at matutulungan din tayo ni Jehova sa ganitong kalagayan. Bilang paglalarawan: Nang atasan si Josue na manguna sa mga Israelita laban sa makapangyarihang mga bansa, sinabi sa kaniya ni Moises: “Magpakalakas-loob ka at magpakatibay . . . Si Jehova ang hahayo sa unahan mo. Siya mismo ay mananatiling kasama mo. Hindi ka niya pababayaan ni iiwan ka man nang lubusan. Huwag kang matakot o masindak.” (Deut. 31:7, 8) Sa tulong ni Jehova, pinangunahan ni Josue ang bayan ng Diyos papasók sa Lupang Pangako at nalupig nila ang lahat ng kanilang kaaway. Tumanggap din si Moises ng ganitong tulong mula kay Jehova nang papatawid ang Israel sa Dagat na Pula.—Ex. 14:13, 14, 29-31.
10. Kapag apektado ng kabagabagan ang ating pisikal na kalusugan, ano ang makatutulong sa atin?
10 Makasasamâ rin sa ating pisikal na kalusugan ang nakababagabag na mga pangyayari. Makatutulong ang pagkain nang tama, sapat na pahinga, ehersisyo, at kalinisan sa ating tahanan at katawan. Makabubuti rin sa kalusugan ang pagbubulay-bulay sa mga pangako ng Bibliya. Kapag napapaharap tayo sa mga pagsubok o problema, tandaan natin ang pinagdaanan ni Pablo at ang kaniyang pampatibay-loob: “Ginigipit kami sa bawat paraan, ngunit hindi nasisikipan anupat hindi na makakilos; naguguluhan kami, ngunit hindi lubos na walang malabasan; pinag-uusig kami, ngunit hindi iniiwan sa kagipitan; ibinabagsak kami, ngunit hindi napupuksa.”—2 Cor. 4:8, 9.
11. Paano natin malalabanan ang sakit sa espirituwal?
11 Ang ilang pagsubok ay maaaring makaapekto sa ating espirituwal na kalusugan. Matutulungan din tayo ni Jehova pagdating sa bagay na ito. Tinitiyak sa atin ng Kaniyang Salita: “Si Jehova ay umaalalay sa lahat ng nabubuwal, at nagbabangon sa lahat ng nakayukod.” (Awit 145:14) Para malabanan ang sakit sa espirituwal, dapat tayong humingi ng tulong sa mga elder. (Sant. 5:14, 15) At kung palagi nating isasaisip ang ating pag-asang buhay na walang hanggan, matutulungan tayong maharap ang mga pagsubok sa ating pananampalataya.—Juan 17:3.
Mga Tumanggap ng Kaaliwan Mula sa Diyos
12. Paano inaliw ni Jehova si Abraham?
12 Sinabi ng isang salmista kay Jehova: “Alalahanin mo ang salita sa iyong lingkod, na ukol doon ay pinaghintay mo ako. Ito ang aking kaaliwan sa aking kapighatian, sapagkat iningatan akong buháy ng iyong pananalita.” (Awit 119:49, 50) Sa ngayon, taglay natin ang nasusulat na Salita ni Jehova, na naglalaman ng mga halimbawa ng tumanggap ng kaaliwan mula sa kaniya. Ang isa sa kanila ay si Abraham. Lubha siyang nabagabag nang malaman niyang pupuksain ni Jehova ang Sodoma at Gomorra, kaya tinanong niya ang Diyos: “Talaga bang lilipulin mo ang matuwid na kasama ng balakyot?” Inaliw ni Jehova si Abraham nang tiyakin Niya sa kaniya na kung may 50 matuwid doon, hindi Niya pupuksain ang Sodoma. Pero limang ulit pang nagtanong si Abraham kay Jehova: Paano kung 45 lang ang matuwid doon? 40? 30? 20? 10? Paulit-ulit na tiniyak ni Jehova kay Abraham na hindi niya pupuksain ang Sodoma kung may gayon karaming matuwid doon. At kahit wala man lang sampung matuwid doon, iniligtas ni Jehova si Lot at ang mga anak na babae nito.—Gen. 18:22-32; 19:15, 16, 26.
13. Paano ipinakita ni Hana na nagtitiwala siya kay Jehova?
13 Gustung-gustong magkaanak ng asawa ni Elkana na si Hana. Pero baog siya, at nabagabag siya dahil dito. Ipinanalangin niya ito kay Jehova. Sinabi sa kaniya ng mataas na saserdoteng si Eli: “Ipagkaloob nawa ng Diyos ng Israel ang iyong pakiusap.” Nakaaliw ito kay Hana, kung kaya “ang kaniyang mukha ay hindi na nabahala.” (1 Sam. 1:8, 17, 18) Nagtiwala si Hana kay Jehova at ipinaubaya niya ang mga bagay-bagay sa Kaniya. Hindi alam ni Hana kung ano ang mangyayari, pero nagkaroon siya ng kapayapaan ng isip. Di-nagtagal, sinagot ni Jehova ang kaniyang panalangin. Nagdalang-tao siya at nagsilang ng isang lalaki, na pinangalanan niyang Samuel.—1 Sam. 1:20.
14. Bakit nangailangan ng kaaliwan si David, at kanino siya umasa?
14 Ang isa pang indibiduwal na inaliw ng Diyos ay si Haring David ng sinaunang Israel. “Tumitingin [si Jehova] sa kung ano ang nasa puso.” Kaya naman nang piliin niya si David upang maging hari ng Israel, alam niyang taimtim ito at nakatalaga sa tunay na pagsamba. (1 Sam. 16:7; 2 Sam. 5:10) Pero nang maglaon, nangalunya si David kay Bat-sheba. Para mapagtakpan ang kasalanang ito, ipinapatay niya ang asawa ni Bat-sheba. Nang maunawaan ni David kung gaano kalubha ang kaniyang kasalanan, nanalangin siya kay Jehova: “Ayon sa kasaganaan ng iyong kaawaan ay pawiin mo ang aking mga pagsalansang. Lubusan mo akong hugasan mula sa aking kamalian, at linisin mo ako mula sa aking kasalanan. Sapagkat alam ko ang aking mga pagsalansang, at ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko.” (Awit 51:1-3) Talagang pinagsisihan ni David ang kaniyang kasalanan, at pinatawad siya ni Jehova. Pero kailangan niyang harapin ang resulta ng kaniyang pagkakasala. (2 Sam. 12:9-12) Gayunpaman, naging kaaliwan sa kaniya ang awa ni Jehova.
15. Anong tulong ang ibinigay ni Jehova kay Jesus bago siya mamatay?
15 Noong nasa lupa si Jesus, napaharap siya sa maraming mahihirap na sitwasyon. Pinahintulutan ng Diyos ang mga pagsubok na ito, pero naingatan ni Jesus ang kaniyang katapatan bilang sakdal na taong laging nagtitiwala kay Jehova at nagtataguyod ng Kaniyang soberanya. Nang malapit na siyang ipagkanulo at patayin, nanalangin si Jesus kay Jehova: “Maganap nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.” Pagkatapos, isang anghel ang nagpakita kay Jesus at pinalakas siya. (Luc. 22:42, 43) Binigyan ng Diyos si Jesus ng kaaliwan, lakas, at tulong na kailangan niya nang panahong iyon.
16. Paano tayo matutulungan ng Diyos kapag nanganganib ang buhay natin dahil sa ating katapatan?
16 Kahit manganib ang buhay natin dahil sa ating paninindigan bilang Kristiyano, matutulungan tayo ni Jehova na manatiling tapat sa kaniya. Isang kaaliwan din sa atin ang pag-asa sa pagkabuhay-muli. Inaasam-asam natin ang panahong napawi na ang huling kaaway, ang kamatayan! (1 Cor. 15:26) Hinding-hindi malilimutan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod at ang iba pa na namatay, kaya bubuhayin niya silang muli. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Ang pagtitiwala natin sa pangako ni Jehova na pagkabuhay-muli ay makapagbibigay sa atin ng kaaliwan at matibay na pag-asa sa panahon ng pag-uusig.
17. Paano tayo maaaliw ni Jehova kapag namatayan tayo ng mahal sa buhay?
17 Talagang nakaaaliw malaman na ang mga namatay nating mahal sa buhay ay may pag-asang mabuhay-muli sa isang bagong sanlibutan na wala nang kabagabagan! Isang “malaking pulutong” ng mga lingkod ni Jehova ang makaliligtas sa katapusan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Pribilehiyo nilang salubungin at turuan ang mga bubuhaying-muli sa lupa!—Apoc. 7:9, 10.
Sa Ilalim ng Walang-Hanggang mga Bisig ng Diyos
18, 19. Paano inaaliw ng Diyos ang kaniyang mga lingkod kapag pinag-uusig sila?
18 Sa isang makabagbag-damdamin at nakapagpapatibay na awit, tiniyak ni Moises sa bansang Israel: “Isang taguang dako ang Diyos ng sinaunang panahon, at sa ilalim ay ang mga bisig na namamalagi nang walang takda.” (Deut. 33:27) Nang maglaon, sinabi ni propeta Samuel sa mga Israelita: “Huwag . . . kayong lilihis mula sa pagsunod kay Jehova, at maglingkod kayo kay Jehova nang inyong buong puso. . . . Hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan alang-alang sa kaniyang dakilang pangalan.” (1 Sam. 12:20-22) Hangga’t naglilingkod tayo nang tapat kay Jehova, hindi niya tayo pababayaan. Lagi niya tayong aalalayan.
19 Hindi nagkukulang ang Diyos sa pagbibigay ng tulong at kaaliwan sa kaniyang bayan sa mapanganib na mga huling araw na ito. Sa makabagong panahon, libu-libong kapananampalataya natin sa buong daigdig ang pinag-usig at ibinilanggo dahil naglilingkod sila kay Jehova. Pinatutunayan ng kanilang karanasan na talagang inaaliw ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa panahon ng pagsubok. Halimbawa, isang brother sa dating Unyong Sobyet ang sinentensiyahang mabilanggo nang 23 taon dahil sa kaniyang pananampalataya. Pero kahit nasa bilangguan, tumanggap pa rin siya ng espirituwal na pagkain na nagpalakas at nakaaliw sa kaniya. Sinabi niya: “Sa loob ng mga taóng iyon, natuto akong magtiwala kay Jehova at naging malakas ako dahil sa Kaniya.”—Basahin ang 1 Pedro 5:6, 7.
20. Bakit tayo makatitiyak na hindi tayo pababayaan ni Jehova?
20 Anuman ang mangyari sa atin sa hinaharap, makabubuting tandaan natin ang nakaaaliw na mga salita ng salmista: “Hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan.” (Awit 94:14) At kahit nangangailangan tayo ng kaaliwan, pribilehiyo rin nating aliwin ang iba. Gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo, maaari nating aliwin ang mga nagdadalamhati sa magulong daigdig na ito.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang ilang bagay na nakababagabag sa atin?
• Paano inaaliw ni Jehova ang kaniyang mga lingkod?
• Kapag nanganganib ang ating buhay, ano ang makaaaliw sa atin?
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 25]
KUNG PAANO MAPAGTATAGUMPAYAN ANG MGA BAGAY NA NAKAAAPEKTO SA ATING . . .
▪ puso Awit 147:3; 1 Juan 3:19-22; 5:14, 15
▪ isip Awit 94:19; Fil. 4:6, 7
▪ emosyon Ex. 14:13, 14; Deut. 31:6
▪ pisikal na kalusugan 2 Cor. 4:8, 9
▪ espirituwal na kalusugan Awit 145:14; Sant. 5:14, 15