“Aliwin ang Lahat ng Nagdadalamhati”
“Pinahiran ako ni Jehova . . . upang aliwin ang lahat ng nagdadalamhati.”—ISA. 61:1, 2.
1. Ano ang ginawa ni Jesus para sa mga nagdadalamhati, at bakit?
SINABI ni Jesu-Kristo: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” (Juan 4:34) Sa pagtupad sa kaniyang bigay-Diyos na atas, tinularan ni Jesus ang magagandang katangian ng kaniyang Ama. Isa na rito ang dakilang pag-ibig ni Jehova para sa mga tao. (1 Juan 4:7-10) Tinukoy ni apostol Pablo ang isang paraan kung paano ipinakikita ni Jehova ang pag-ibig na iyan nang ilarawan niya Siya bilang “Diyos ng buong kaaliwan.” (2 Cor. 1:3) Ipinakita rin ni Jesus ang pag-ibig na iyan nang tuparin niya ang hula ni Isaias. (Basahin ang Isaias 61:1, 2.) Sa sinagoga sa Nazaret, binasa ni Jesus ang hulang iyan at ikinapit ito sa kaniyang sarili. (Luc. 4:16-21) Sa buong panahon ng kaniyang ministeryo, maibiging inaliw ni Jesus ang mga nagdadalamhati at binigyan sila ng pampatibay-loob at kapayapaan ng isip.
2, 3. Bakit natin kailangang tularan si Kristo sa pagbibigay ng kaaliwan?
2 Gaya ni Jesus, kailangan nating aliwin ang mga nagdadalamhati. (1 Cor. 11:1) Sinabi ni Pablo: “Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa.” (1 Tes. 5:11) Lalo natin itong dapat gawin ngayon dahil nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Tim. 3:1) Sa buong daigdig, parami nang paraming tapat-pusong tao ang nagdurusa at naghihinagpis dahil sa sinasabi at ginagawa ng iba.
3 Gaya ng inihula ng Bibliya, sa mga huling araw ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay, marami ang “maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” Lalo pang sumasamâ ang ugali ng mga tao dahil ‘ang mga taong balakyot at mga impostor ay nagpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama.’—2 Tim. 3:2-4, 13.
4. Ano ang mga kalagayan ngayon sa daigdig?
4 Hindi natin ito dapat ipagtaka dahil sinasabi ng Salita ng Diyos na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Kasama sa “buong sanlibutan” ang pulitika, relihiyon, at komersiyo, pati na ang mga paraang ginagamit ni Satanas para palaganapin ang kaniyang propaganda. Kaya naman walang-alinlangang si Satanas na Diyablo ang “tagapamahala ng sanlibutan” at “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (Juan 14:30; 2 Cor. 4:4) Pasamâ nang pasamâ ang mga kalagayan sa daigdig dahil si Satanas ay may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon. (Apoc. 12:12) Nakaaaliw malaman na malapit nang puksain ng Diyos si Satanas at ang kaniyang balakyot na sistema, at malulutas na ang usaping ibinangon ni Satanas tungkol sa soberanya ni Jehova!—Gen., kab. 3; Job, kab. 2.
Ang Mabuting Balita ay Ipinangangaral sa Buong Lupa
5. Sa mga huling araw na ito, paano natutupad ang hula tungkol sa pangangaral?
5 Sa magulong yugtong ito ng kasaysayan ng tao, natutupad ang hula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mat. 24:14) Lumalaganap sa buong daigdig ang gawaing pagpapatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos. Sa ngayon, mahigit 7,500,000 Saksi ni Jehova na nakaugnay sa mahigit 107,000 kongregasyon sa buong lupa ang nangangaral at nagtuturo tungkol sa Kaharian ng Diyos, gaya ng ginawa ni Jesus. (Mat. 4:17) Dahil sa ating pangangaral, maraming nagdadalamhati ang nabibigyan ng kaaliwan. Kamakailan, sa loob lang ng dalawang taon, 570,601 ang nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova!
6. Ano ang masasabi mo hinggil sa paglawak ng ating gawaing pangangaral?
6 Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasalin ng mga literatura sa Bibliya sa mahigit 500 wika at ipinamamahagi ito sa mga tao. Kailanman, walang ibang organisasyon ang nakagawa nito! Talagang kamangha-mangha ang gawain at paglago ng makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova. Sa sanlibutang kontrolado ni Satanas, imposible itong mangyari kung walang tulong ng banal na espiritu ng Diyos. Dahil sa pangangaral ng mabuting balita sa buong lupa, tumatanggap ng kaaliwan mula sa Kasulatan hindi lang ang ating mga kapananampalataya kundi pati ang mga nagdadalamhati na tumatanggap sa mensahe ng Kaharian.
Pag-aliw sa mga Kapananampalataya
7. (a) Bakit hindi natin dapat asahan na aalisin ngayon ng Diyos ang lahat ng sanhi ng kabagabagan? (b) Paano natin nalalaman na posibleng mabata ang pag-uusig at kapighatian?
7 Sa sanlibutang ito na punô ng kabalakyutan at pagdurusa, tiyak na mapapaharap tayo sa nakababagabag na mga sitwasyon. Hindi mawawala ang mga bagay na nagpapalungkot sa atin hangga’t hindi pa pinupuksa ng Diyos ang sistemang ito ng mga bagay. Bukod diyan, napapaharap tayo sa inihulang pag-uusig na sumusubok sa ating katapatan sa pansansinukob na soberanya ni Jehova. (2 Tim. 3:12) Pero dahil tinutulungan tayo at inaaliw ng ating Ama sa langit, matutularan natin ang mga pinahirang Kristiyano sa sinaunang Tesalonica na nagbata at nagpakita ng pananampalataya sa harap ng pag-uusig at kapighatian.—Basahin ang 2 Tesalonica 1:3-5.
8. Paano ipinakikita ng Bibliya na inaaliw ni Jehova ang kaniyang mga lingkod?
8 Walang alinlangan na naglalaan si Jehova ng kaaliwan sa kaniyang mga lingkod. Halimbawa, nang pagbantaan ni Reyna Jezebel ang buhay ng propetang si Elias, natakot ito, tumakas, at nagsabing gusto na niyang mamatay. Pero sa halip na pagalitan si Elias, inaliw siya ni Jehova at binigyan ng lakas ng loob para patuloy na makapaglingkod bilang propeta. (1 Hari 19:1-21) Ang isa pang halimbawa ay may kinalaman sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo. Mababasa natin sa Bibliya na “ang kongregasyon sa buong Judea at Galilea at Samaria ay nagkaroon ng isang yugto ng kapayapaan, anupat napatitibay.” Bukod diyan, “habang lumalakad ito sa pagkatakot kay Jehova at sa kaaliwan mula sa banal na espiritu ay patuloy itong dumarami.” (Gawa 9:31) Laking pasasalamat natin na taglay rin natin ang “kaaliwan mula sa banal na espiritu”!
9. Bakit nakaaaliw ang pagkuha ng kaalaman tungkol kay Jesus?
9 Bilang mga Kristiyano, naaliw tayo nang matuto tayo tungkol kay Jesu-Kristo at sumunod sa kaniyang yapak. Sinabi ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Mat. 11:28-30) Habang natututo tayo sa mabait at maibiging pakikitungo ni Jesus sa mga tao at sinisikap na tularan siya, nababawasan ang anumang stress na nararanasan natin.
10, 11. Sa kongregasyon, sinu-sino ang makapagbibigay ng kaaliwan?
10 Maaaliw rin tayo ng ating mga kapuwa Kristiyano. Halimbawa, isaalang-alang kung paano tinutulungan ng mga elder sa kongregasyon ang mga napapaharap sa kabagabagan. Isinulat ng alagad na si Santiago: “Mayroon bang sinumang may sakit sa inyo [sa espirituwal]? Tawagin niya ang matatandang lalaki ng kongregasyon, at ipanalangin nila siya.” Ang resulta? “Ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa isa na may dinaramdam, at ibabangon siya ni Jehova. Gayundin, kung nakagawa siya ng mga kasalanan, ito ay ipatatawad sa kaniya.” (Sant. 5:14, 15) Makapagbibigay rin ng kaaliwan ang iba pang miyembro ng kongregasyon.
11 Kadalasan na, mas komportable ang mga babae na ipakipag-usap sa kapuwa babae ang kanilang problema. Ang mga may-edad at makaranasang sister ay makapagbibigay ng mainam na payo sa nakababatang mga sister dahil malamang na napagdaanan na nila ang mga problemang napapaharap sa mga ito. Ang kanilang pagdamay at pagmamalasakit ay malaking tulong. (Basahin ang Tito 2:3-5.) Siyempre, ang mga elder din at ang iba pa ay maaari at dapat na “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tes. 5:14, 15) At makabubuting tandaan na ang Diyos ay ‘umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian, upang maaliw natin yaong mga nasa anumang uri ng kapighatian.’—2 Cor. 1:4.
12. Bakit mahalagang dumalo tayo sa mga pulong?
12 Ang isang napakahalagang paraan para makatanggap tayo ng kaaliwan ay ang pagdalo sa mga pulong, kung saan napatitibay tayo dahil sa pag-aaral ng Bibliya. Mababasa natin na sina Hudas at Silas ay “nagpatibay-loob sa mga kapatid sa pamamagitan ng maraming diskurso at pinalakas sila.” (Gawa 15:32) Bago at pagkatapos ng pulong, napatitibay tayo sa pakikipag-usap sa mga kapatid. Kaya naman, kahit mayroon tayong mabigat na problema, huwag nating ibukod ang ating sarili dahil hindi ito makatutulong. (Kaw. 18:1) Sa halip, sundin natin ang payo ni apostol Pablo: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.”—Heb. 10:24, 25.
Kaaliwan Mula sa Salita ng Diyos
13, 14. Ipaliwanag kung paano tayo maaaliw ng Kasulatan.
13 Tayo man ay bautisado nang Kristiyano o nagsisimula pa lang matuto tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin, makasusumpong tayo ng malaking kaaliwan sa nasusulat na Salita ng Diyos. Sumulat si Pablo: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Ang Banal na Kasulatan ay makaaaliw at makatutulong sa atin na maging “lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2 Tim. 3:16, 17) Talagang nakaaaliw malaman ang layunin ng Diyos at magkaroon ng tunay na pag-asa sa hinaharap! Kaya gamitin nating mabuti ang Salita ng Diyos at ang salig-Bibliyang mga publikasyon na kapaki-pakinabang at makaaaliw sa atin.
14 Huwaran si Jesus sa paggamit ng Kasulatan para turuan at aliwin ang iba. Halimbawa, matapos siyang buhaying muli, nagpakita siya sa dalawa niyang alagad at ‘lubusang binuksan sa kanila ang Kasulatan.’ Lubha silang naantig sa kanilang narinig. (Luc. 24:32) Tinularan ni apostol Pablo ang magandang halimbawa ni Jesus at ‘nangatuwiran siya mula sa Kasulatan.’ Sa Berea, “tinanggap [ng kaniyang mga tagapakinig] ang salita nang may buong pananabik ng kaisipan, na maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw.” (Gawa 17:2, 10, 11) Napakahalaga ngang basahin natin ang Bibliya araw-araw! Sa tulong nito at ng mga publikasyong Kristiyano, magkakaroon tayo ng kaaliwan at pag-asa sa magulong panahong ito.
Iba Pang Paraan Para Aliwin ang Iba
15, 16. Ano ang ilan sa mga puwede nating gawin para tulungan at aliwin ang ating mga kapatid?
15 Marami tayong magagawa para tulungan at aliwin ang ating mga kapatid. Halimbawa, maaari nating ipamalengke ang mga may-edad na o may sakit. Matutulungan din natin ang iba sa kanilang mga gawain sa bahay. Ipinakikita nito na interesado tayo sa kapakanan nila. (Fil. 2:4) Maaari natin silang bigyan ng komendasyon dahil sa kanilang magagandang katangian, gaya ng kanilang pag-ibig, lakas ng loob, at pananampalataya.
16 Para aliwin ang mga may-edad na, dalawin natin sila at makinig habang ikinukuwento nila ang kanilang mga karanasan at pagpapala sa paglilingkod kay Jehova. Baka nga tayo pa mismo ang mapatibay at maaliw! Maaari din tayong magbasa sa kanila ng Bibliya o salig-Bibliyang mga publikasyon. Puwede nating talakayin sa kanila ang nakaiskedyul na araling artikulo sa Ang Bantayan o impormasyon sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya. Maaari nating panoorin kasama nila ang isa sa ating mga DVD. At puwede nating basahin o ikuwento sa kanila ang ilang nakapagpapatibay na karanasan sa ating mga publikasyon.
17, 18. Bakit makatitiyak ang tapat na mga lingkod ni Jehova na aalalayan at aaliwin niya sila?
17 Kung mapansin natin na nangangailangan ng kaaliwan ang isang kapananampalataya, puwede natin siyang ipanalangin. (Roma 15:30; Col. 4:12) Habang binabata natin ang mga problema sa buhay at sinisikap na aliwin ang iba, matutularan natin ang pananampalataya ng salmista: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.” (Awit 55:22) Oo, laging naririyan si Jehova para aliwin at alalayan ang kaniyang tapat na mga lingkod.
18 Sinabi ng Diyos sa mga lingkod niya noon: “Ako—ako ang Isa na umaaliw sa inyo.” (Isa. 51:12) Aaliwin din tayo ni Jehova at pagpapalain niya ang ating mga pagsisikap na aliwin ang mga nagdadalamhati. Makalangit man o makalupa ang ating pag-asa, maaaliw tayo sa sinabi ni Pablo sa kaniyang mga kapuwa pinahirang Kristiyano: “Nawa’y ang ating Panginoong Jesu-Kristo mismo at ang Diyos na ating Ama, na umibig sa atin at nagbigay ng walang-hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan, ay umaliw sa inyong mga puso at magpatatag sa inyo sa bawat mabuting gawa at salita.”—2 Tes. 2:16, 17.
Natatandaan Mo Ba?
• Gaano kalawak ang ating gawain na umaaliw sa mga nagdadalamhati?
• Ano ang magagawa natin para aliwin ang iba?
• Paano ipinakikita ng Bibliya na inaaliw ni Jehova ang kaniyang mga lingkod?
[Larawan sa pahina 28]
Inaaliw mo ba ang mga nagdadalamhati?
[Larawan sa pahina 30]
Parehong makapagbibigay ng pampatibay-loob ang mga bata’t matanda