KABANATA 8
Gusto ni Jehova na Maging Malinis ang Bayan Niya
“Sa mga taong dalisay ay ipinapakita mong dalisay ka.”—AWIT 18:26.
1-3. (a) Bakit tinitiyak ng isang nanay na malinis ang anak niya? (b) Bakit gusto ni Jehova na maging malinis ang bayan niya?
INIHAHANDA ng isang mapagmahal na nanay ang anak niya sa pagpasok sa eskuwelahan. Tinitiyak niyang naligo ito at malinis ang damit nito para manatili itong malusog at makita ng iba na inaalagaan siya ng mga magulang niya.
2 Gusto rin ng ating Ama, si Jehova, na maging malinis tayo at dalisay. (Awit 18:26) Alam niyang nakikinabang tayo kapag malinis tayo. At dahil diyan, napapapurihan siya.—Ezekiel 36:22; basahin ang 1 Pedro 2:12.
3 Ano ang ibig sabihin ng pagiging malinis? At bakit makakabuti ito para sa atin? Habang pinag-aaralan natin ang mga tanong na iyan, baka makita nating may kailangan tayong baguhin sa sarili natin.
BAKIT KAILANGAN NATING MAGING MALINIS?
4, 5. (a) Bakit kailangan nating maging malinis? (b) Ano ang itinuturo ng paglalang tungkol sa pananaw ni Jehova sa kalinisan?
4 Natututo tayong maging malinis at dalisay mula mismo sa halimbawa ni Jehova. (Levitico 11:44, 45) Kaya ang pangunahing dahilan kung bakit kailangan nating maging malinis ay dahil gusto nating ‘tularan ang Diyos.’—Efeso 5:1.
5 Maraming itinuturo ang paglalang tungkol sa pananaw ni Jehova sa kalinisan. Ginawa ni Jehova ang likas na mga siklo para manatiling malinis ang hangin at tubig. (Jeremias 10:12) Isipin ang iba’t ibang paraan kung paano nililinis ng lupa ang sarili nito, kahit parumihin pa ito ng tao. Halimbawa, gumawa si Jehova ng pagkaliliit na mikrobyo. Kayang baguhin ng mga mikrobyo ang isang nakakalasong basura para hindi ito makapinsala. Isa itong kahanga-hangang proseso. Ginagamit pa nga ng mga siyentipiko ang mga mikrobyo para ayusin ang epekto ng polusyon.—Roma 1:20.
6, 7. Paano ipinapakita ng Kautusan ni Moises na dapat maging malinis ang mga sumasamba kay Jehova?
6 Makikita rin nating mahalaga ang kalinisan sa Kautusan na ibinigay ni Jehova sa mga Israelita sa pamamagitan ni Moises. Halimbawa, kailangan nilang maging malinis sa pisikal para tanggapin ni Jehova ang pagsamba nila. Sa Araw ng Pagbabayad-Sala, ang mataas na saserdote ay kailangang maligo nang dalawang beses. (Levitico 16:4, 23, 24) At bago maghandog ang iba pang saserdote, kailangan nilang maghugas ng kamay at paa. (Exodo 30:17-21; 2 Cronica 4:6) Sa ilang sitwasyon, kamatayan ang parusa kapag lumabag sa mga batas sa kalinisan.—Levitico 15:31; Bilang 19:17-20.
7 Kumusta naman sa ngayon? Sa Kautusan, marami tayong matututuhan tungkol sa pamantayan ni Jehova. (Malakias 3:6) Malinaw na ipinapakita nito na kailangang maging malinis ang mga mananamba ni Jehova. Hindi nagbabago ang pamantayan ni Jehova. Inaasahan pa rin niyang magiging malinis at dalisay ang mga sumasamba sa kaniya ngayon.—Santiago 1:27.
ANO ANG IBIG SABIHIN NG PAGIGING MALINIS?
8. Sa ano-anong paraan tayo dapat maging malinis?
8 Sa pananaw ni Jehova, ang pagiging malinis ay hindi lang sa katawan, damit, at bahay. Sangkot dito ang buong buhay natin. Kasama diyan ang ating pagsamba, paggawi, at kaisipan. Oo, para ituring tayong malinis ni Jehova, dapat tayong maging malinis at dalisay sa lahat ng ginagawa natin.
9, 10. Ano ang ibig sabihin ng pagiging malinis sa pagsamba?
9 Dalisay na pagsamba. Hindi tayo dapat maging bahagi ng huwad na relihiyon sa anumang paraan. Noong bihag sa Babilonya ang mga Israelita, napapaligiran sila ng mga taong gumagawa ng imoral habang sumasamba sa paganong mga diyos. Inihula ni Isaias na babalik sa sariling bayan ang mga Israelita para isauli ang dalisay na pagsamba. Sinabi ni Jehova sa kanila: “Lumabas kayo riyan, huwag kayong humipo ng anumang marumi! Lumabas kayo mula sa kaniya, manatili kayong malinis.” Ang pagsamba nila sa Diyos ay hindi puwedeng mahaluan ng mga turo, paggawi, o kaugalian ng huwad na relihiyon ng Babilonya.—Isaias 52:11.
10 Sa ngayon, iniiwasan din ng mga tunay na Kristiyano ang huwad na relihiyon. (Basahin ang 1 Corinto 10:21.) Maraming popular na tradisyon, kaugalian, at paniniwala sa mundo ang galing sa mga turo ng huwad na relihiyon. Halimbawa, sa maraming lugar, naniniwala ang mga tao na may isang bagay sa loob natin na nananatiling buháy pagkamatay natin, at maraming kaugalian ang batay sa paniniwalang ito. (Eclesiastes 9:5, 6, 10) Kailangang iwasan ng mga Kristiyano ang ganitong mga kaugalian. Baka pilitin tayo ng mga kapamilya natin na makisali sa mga kaugaliang ito. Pero dahil gusto nating maging malinis sa paningin ni Jehova, hindi tayo nagpapadala sa kanila.—Gawa 5:29.
11. Ano ang ibig sabihin ng pagiging malinis sa paggawi?
11 Malinis na paggawi. Para ituring tayong malinis ni Jehova, dapat nating iwasan ang lahat ng klase ng seksuwal na imoralidad. (Basahin ang Efeso 5:5.) Sa Bibliya, sinasabi sa atin ni Jehova na ‘tumakas mula sa seksuwal na imoralidad.’ Nilinaw niya na ang mga taong imoral at ayaw magsisi ay “hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos.”—1 Corinto 6:9, 10, 18; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 22.
12, 13. Bakit kailangang maging malinis ang kaisipan natin?
12 Malinis na kaisipan. Madalas, ginagawa natin kung ano ang iniisip natin. (Mateo 5:28; 15:18, 19) Kung malinis ang kaisipan natin, magiging malinis din ang pagkilos natin. Siyempre, dahil hindi tayo perpekto, nakapag-iisip tayo ng mali kung minsan. Pero dapat natin itong alisin agad. Kung hindi, darating ang panahon na baka puro masama na lang ang nasa isip natin. Baka gustuhin na nating gawin ang lagi nating iniisip. Kaya dapat nating punuin ang isip natin ng mga bagay na malinis. (Basahin ang Filipos 4:8.) Iiwasan natin ang imoral o mararahas na libangan. Maingat nating pinipili ang ating binabasa, pinapanood, at pinag-uusapan.—Awit 19:8, 9.
13 Para manatili sa pag-ibig ng Diyos, dapat tayong maging malinis o dalisay sa ating pagsamba, paggawi, at kaisipan. Pero mahalaga rin kay Jehova na maging malinis tayo sa pisikal.
PAANO TAYO MAGIGING MALINIS SA PISIKAL?
14. Bakit mahalagang maging malinis sa pisikal?
14 Kapag pinanatili nating malinis ang katawan at paligid natin, nakikinabang tayo at ang iba. Magiging masaya tayo, at hindi tayo lalayuan ng iba. Pero ang mas mahalaga, napapapurihan nito si Jehova. Isipin ito: Kung makakita ka ng isang bata na laging marumi, baka isipin mong pabaya ang mga magulang niya. Kung hindi rin naman natin aalagaan at pananatilihing malinis ang sarili natin, mapipintasan si Jehova. Sinabi ni Pablo: “Hindi kami gumagawa ng anumang bagay na ikakatisod ng iba para hindi mapintasan ang aming ministeryo; kundi sa bawat paraan ay inirerekomenda namin ang sarili namin bilang mga lingkod ng Diyos.”—2 Corinto 6:3, 4.
15, 16. Ano ang puwede nating gawin para manatili tayong malinis?
15 Ang ating katawan at pananamit. Ang pagpapanatiling malinis ng sarili natin ay kailangang maging bahagi ng araw-araw na gawain natin. Halimbawa, naliligo tayo araw-araw, hangga’t posible. Naghuhugas tayo ng kamay gamit ang sabon at tubig, lalo na bago magluto o kumain, at siyempre, pagkatapos gumamit ng CR o humawak ng marumi. Mukhang simpleng bagay lang ang paghuhugas ng kamay, pero kailangan ito para hindi kumalat ang baktirya at sakit. Puwede pa nga itong makapagligtas ng buhay. Kung wala tayong CR o poso negro, may iba pang paraan sa pagtatapon ng dumi. Walang palikuran ang mga Israelita noon, kaya ibinabaon nila ang dumi nila sa lupa, pero malayo sa mga bahay at pinagkukunan ng tubig.—Deuteronomio 23:12, 13.
16 Ang mga damit naman natin ay hindi kailangang magarbo, mamahalin, o nasa uso. Pero dapat na maayos at malinis ito. (Basahin ang 1 Timoteo 2:9, 10.) Gusto nating laging makapagbigay ng kapurihan kay Jehova ang hitsura natin.—Tito 2:10.
17. Bakit pinananatili nating malinis ang ating bahay at paligid?
17 Ang ating bahay at paligid. Saanman tayo nakatira, pinananatili nating malinis ang bahay natin. Tinitiyak din nating malinis ang ating kotse, motorsiklo, bisikleta, o iba pa nating sasakyan, lalo na kapag dumadalo sa pulong o nangangaral. Dahil kapag nangangaral tayo, sinasabi natin sa iba ang tungkol sa buhay sa isang malinis na paraisong lupa. (Lucas 23:43; Apocalipsis 11:18) Kapag malinis ang bahay at paligid natin, ipinapakita nating naghahanda na tayo ngayon sa pagtira sa malinis na bagong sanlibutang iyon.
18. Bakit gusto nating maging malinis ang ating lugar ng pagsamba?
18 Ang ating lugar ng pagsamba. Ipinapakita nating mahalaga sa atin ang kalinisan kapag pinananatili nating malinis ang ating pinagtitipunan, Kingdom Hall man o mga pinagdarausan ng asamblea. Kapag may bagong dumalo sa Kingdom Hall, madalas na napapansin nilang malinis ito. Dahil diyan, napapapurihan si Jehova. Bilang mga miyembro ng kongregasyon, may pagkakataon tayong lahat na tumulong sa paglilinis ng Kingdom Hall at panatilihin itong maayos.—2 Cronica 34:10.
UMIWAS SA MASASAMANG BISYO
19. Ano ang kailangan nating iwasan?
19 Hindi binabanggit ng Bibliya ang mga bisyong dapat iwasan, pero may mga prinsipyo ito na tutulong sa ating maintindihan ang tingin ni Jehova sa ganoong mga bagay. Ayaw niyang manigarilyo tayo o umabuso sa alak o droga. Kung kaibigan tayo ng Diyos, iiwasan natin ang mga bagay na ito. Bakit? Dahil malaki ang pagpapahalaga natin sa buhay. Dahil sa mga bisyong ito, puwede tayong mamatay agad, magkasakit, at mapinsala ang mga nakapaligid sa atin. Sinisikap ng marami na ihinto ang mga bisyong ito para hindi sila magkasakit. Pero bilang mga kaibigan ni Jehova, may mas magandang dahilan tayo—ang pag-ibig natin sa Diyos. Sinabi ng isang kabataang babae: “Sa tulong ni Jehova, inayos ko ang buhay ko at napagtagumpayan ko ang lahat ng bisyo ko. . . . Kung sa sarili ko lang, hindi ko siguro magagawa ang mga pagbabagong ito.” Pag-usapan natin ang limang prinsipyo sa Bibliya na tutulong sa isa na maihinto ang masasamang bisyo.
20, 21. Gusto ni Jehova na maging malaya tayo mula sa anong klase ng mga bisyo?
20 “Dahil sa mga pangakong ito sa atin, mga minamahal, linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu para maabot natin ang lubos na kabanalan nang may takot sa Diyos.” (2 Corinto 7:1) Gusto ni Jehova na maging malaya tayo mula sa mga bisyo na makakasamâ sa isip o katawan natin.
21 Mababasa sa 2 Corinto 6:17, 18 ang isang mabigat na dahilan para “linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karumihan.” Sinasabi sa atin ni Jehova: “Huwag na kayong humipo ng maruming bagay.” Pagkatapos, ipinangako niya: “Tatanggapin ko kayo. At ako ay magiging isang ama sa inyo, at kayo ay ituturing kong mga anak.” Oo, mamahalin tayo ni Jehova gaya ng isang ama kung iiwasan natin ang anumang bagay na magpaparumi sa atin sa paningin niya.
22-25. Anong mga prinsipyo sa Bibliya ang makakatulong sa atin na umiwas sa masasamang bisyo?
22 “Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.” (Mateo 22:37) Ito ang pinakamahalagang utos sa lahat. (Mateo 22:38) Karapat-dapat si Jehova sa ating buong-pusong pag-ibig. Paano natin siya mamahalin nang buong puso kung gumagawa tayo ng isang bagay na magpapaikli ng buhay natin o makakasira sa ating utak? Sa halip, ginagawa natin ang lahat para ipakitang pinapahalagahan natin ang buhay na ibinigay niya.
23 “[Si Jehova] ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay, hininga, at lahat ng bagay.” (Gawa 17:24, 25) Kung binigyan ka ng kaibigan mo ng isang regalo, itatapon mo ba ito o sisirain? Ang buhay ay isang kamangha-manghang regalo ni Jehova. Talagang pinapahalagahan natin ito. Kaya gusto nating gamitin ang buhay natin para sa kapurihan niya.—Awit 36:9.
24 “Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) Hindi lang tayo ang napipinsala ng masasamang bisyo. Puwede ring mapinsala ang mga nasa paligid natin, na kadalasan ay mga mahal natin sa buhay. Halimbawa, ang isang taong nakatira kasama ng isang naninigarilyo ay puwedeng magkasakit nang malubha dahil lang sa nalalanghap niyang usok. Kapag inihinto natin ang masasamang bisyo, ipinapakita natin sa mga kasama natin na mahal natin sila.—1 Juan 4:20, 21.
25 “Patuloy mo silang paalalahanan na magpasakop at maging masunurin sa mga pamahalaan at awtoridad.” (Tito 3:1) Sa maraming lupain, ipinagbabawal ang pagkakaroon o paggamit ng ilang klase ng droga. Dahil inuutusan tayo ni Jehova na igalang ang gobyerno, sinusunod natin ang ganoong mga pagbabawal.—Roma 13:1.
26. (a) Ano ang kailangan nating gawin para tanggapin ni Jehova ang pagsamba natin? (b) Bakit ang pananatiling malinis sa harap ng Diyos ang pinakamahusay na paraan ng pamumuhay?
26 Kung gusto nating maging kaibigan ni Jehova, baka kailangan nating gumawa ng ilang pagbabago. At dapat natin itong gawin agad. Baka hindi madaling ihinto ang isang bisyo, pero kaya natin iyan! Nangangako si Jehova na tutulungan niya tayo: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang nagtuturo sa iyo para makinabang ka, ang pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.” (Isaias 48:17) Kapag ginagawa natin ang lahat para manatiling malinis at dalisay, makakatiyak tayo na napapapurihan natin ang Diyos.