Mga Kabataan—Huwag Kayong Padaya
“Si Satanas man ay patuloy na nagkukunwaring isang anghel ng liwanag.”—2 CORINTO 11:14.
1. (a) Sa paanong marami sa atin ang nadaya? (b) Sino, karaniwan na, ang mas madaling madaya?
TIYAK na lahat sa atin ay nadaya na. Baka ikaw ay naglalaro at ang iyong kalaro ay kumilos nang may kadayaan upang maalis ka sa iyong puwesto at sa ganoo’y siya tuloy ang nanalo sa laro. O baka ikaw ay nakabili ng isang damit na maganda kung tingnan, ngunit natuklasan mo na pagkatapos maisuot iyon nang sandali at mapalabhan mo ay hindi pala yaon isang kasuotan na maganda sa paningin. Sino, karaniwan na, ang lalong madaling madaya, samakatuwid nga, maloko o mapaglalangan? Hindi ba yaong mga taong walang gaanong karanasan? At malimit na ang resulta ay lalong malubha kaysa pagkatalo lamang sa isang laro o pagkadaya sa iyo sa pinamili mo.
2. Bakit ang mga ibang kabataan ay naakay sa malubhang pagkakasala?
2 Halimbawa, si Julie, na nasa pangalawang baitang lamang sa high school, ay, gaya ng sabi niya, “umibig” sa “pinakaguwapo at popular na lalaki sa buong paaralan.” Ipinaliwanag niya: “Sinabihan ko siya na hindi pa ako handa sa ibig niya, ngunit kaniyang patuloy na sinabihan ako kung gaano ang laki ng kaniyang pag-ibig sa akin, at na lahat ay magiging okay. Nang pahindian ko pa rin siya, doon siya nagbigay ng ultimatum. Sinabi niya, ‘Talagang minamahal kita, at akala ko’y ganoon din ikaw sa akin. Kung hindi mo patutunayan iyan sa akin, marahil ay kailangang putulin na natin ang lahat.’” Kaya si Julie ay pumayag na rin at nagkasala ng pakikiapid. Kinabukasan, nang kaniyang matuklasan na ipinangalandakan ng lalaki ang kaniyang “tagumpay,” noon niya natalos na siya pala’y lubusang nalinlang. Sana ay nabatid niya na kung talagang mahal siya ng lalaking iyon, hindi niya gagawin iyon sa kaniya.
3. (a) Bakit ang pakikiapid ay isang malubhang pagkakasala? (b) Ano ang layunin ni Satanas na Diyablo?
3 Si Julie ay nadaya o napaglalangan na gumawa ng isang malubhang paglabag sa kautusan ng Diyos. Kaya naman ang Bibliya ay nagpapayo: “Magsitakas kayo sa pakikiapid.” At buong linaw na sinasabi: “Walang mapakiapid . . . ang may anumang mana sa kaharian ng Kristo at ng Diyos.” (1 Corinto 6:18; Efeso 5:5) Kaya bagaman walang pakialam si Satanas na Diyablo sa kung manalo ka man o matalo sa isang paglalaro ng bola o kung nakabili ka ng isang bagay na mabuti man o masama, kaniyang talagang sinisikap na mailigaw ka para labagin mo ang kautusan ng Diyos. “Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gagala-gala na gaya ng leong umuungal, humahanap ng masisila,” ang babala ng Bibliya. (1 Pedro 5:8) Oo, kaniyang ginagamit ang lahat ng kaniyang tusong pag-iisip, kasali na ang pagkukunwaring anghel ng liwanag, upang tayo’y mailayo sa paglilingkod sa Diyos na Jehova! Hindi ba isang bagay iyan na dapat pag-isipan?—2 Corinto 11:14.
Matuto sa Nangyari kay Eva
4. Bakit masasabing ang mga kabataan ang lalo nang inaasinta ni Satanas?
4 Subalit para sa inyo na mga kabataan, ito ay isang lalong higit na maselang na kaisipan: Kayo ang lalo nang inaasinta ni Satanas. Bakit? Sapagkat dahilan sa inyong kabataan, kaunting panahon pa lamang ang nagamit ninyo sa pagkuha ng kaalaman at karunungan, at ang pinipili ni Satanas ay yaong mga di-gaano ang karanasan. Ganiyan ang kaniyang ginawa sa simulang-simula pa lamang ng kaniyang paghihimagsik. Gunitain ang ginawa niyang paglapit kay Eva sa halamanan ng Eden, hindi niya nilapitan ang asawa nito na si Adan na mas unang nilalang kay Eva. At nagtagumpay naman si Satanas. Siya’y nandaya, oo, nanlinlang sa pamamagitan ng pagkukunwari, sa nakababata na si Eva na walang gaanong karanasan. “Sapagkat unang nilalang si Adan,” ang paliwanag ng Bibliya, “saka si Eva. At, hindi nalinlang si Adan, kundi ang babae ang lubusang nalinlang at nahulog sa pagkakasala.”—1 Timoteo 2:13, 14.
5. (a) Sa anong pag-iisip hindi tayo dapat padala? (b) Sa ano nabahala si apostol Pablo, at bakit angkop naman iyon?
5 Huwag padadala sa pag-iisip na ang mga pamamaraan ni Satanas ay hindi tatalab sa iyo, na hindi niya maaakay ka na sirain ang mga kautusan ng Diyos. Alalahanin ang babala ng Diyos na “si Satanas man ay patuloy na nagkukunwaring isang anghel ng liwanag.” (2 Corinto 11:14) Tama naman ang pagkabahala ni apostol Pablo na baka magtagumpay ang Pusakal na Magdaraya sa kaniyang paglapit sa walang gaanong karanasan na mga kapuwa Kristiyano ni Pablo. Si Pablo ay sumulat: “Ako’y natatakot na sa paano man, kung paanong nadaya si Eva ng ahas sa kaniyang katusuhan, baka ang inyong mga isip naman ay pasamain upang mailayo sa kataimtiman at sa kalinisan na nauukol sa Kristo.”—2 Corinto 11:3.
6. Ano ang ibig sabihin ng ma-seduce o pahikayat?
6 Pansinin na si Eva ay hindi lamang nadaya o napaglalangan; siya’y na-seduced o nahikayat din. Ito’y nangangahulugan na siya’y nahila sa pagkapahamak sa pamamagitan ng nakararahuyong panghihikayat o tukso. Sang-ayon sa Webster’s Third New International Dictionary, ang ibig sabihin ng seduce ay “hikayatin tungo sa pagsuway,” “akitin o hikayatin o tulad nga sa pamamagitan ng tahimik at tusong panghalina.” Espisipikong sinasabi ng diksiyunaryong ito na, ang ibig sabihin ng seduce ay “hikayatin (ang isang babae) na magkaroon ng kauna-unahang seksuwal na pakikipagtalik.” Tayo’y makikinabang kung ating rirepasuhin ang ginawa ni Satanas na paraan ng panghihikayat kay Eva (bagama’t walang kasama iyon na seksuwal na pakikipagtalik) at pag-alam din ng katulad na mga pamamaraan na kaniyang ginagamit sa ngayon.
7, 8. (a) Ano ang layunin ng pagtatanong ni Satanas kay Eva? (b) Paano ginawa ni Satanas na ang pagkain ng bunga ng punungkahoy ay magtingin na totoong kaakit-akit?
7 Sa mismong pasimula ng kaniyang paglapit, sa tusong pamamaraan, ginamit ni Satanas ang isang ahas upang si Eva ay mag-alinlangan sa kautusan ng Diyos. Sa mga pananalitang maingat na isinaayos upang pumukaw ng paghihinala at pagkawalang tiwala, siya’y nagtanong: “Talaga nga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng bunga ng bawat puno sa halamanan?” Sa pamamagitan ng nagbabantang tanong na ito, ipinahiwatig ni Satanas na sayang at si Eva’y hindi makakain ng bunga ng lahat ng puno sa halamanan. Sa katunayan, sinabi niya na, imbis na mamatay gaya ng sinabi ng Diyos, ang pagkain ng bunga ng binabawal na puno ay tunay na makabubuti sa kaniya. “Sapagkat alam ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo niyaon,” ang tiniyak pa ni Satanas sa kaniya, “madidilat ang inyong mga mata at kayo’y magiging parang Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”—Genesis 3:1-5.
8 Anong pagkasamá-samâ nga ng tusong si Satanas upang ipahiwatig na ipinagkakait ng Diyos kay Eva ang kaalaman na kapaki-pakinabang! Sang-ayon kay Satanas, ang Diyos ay gumagamit pa rin ng isang walang kabuluhang pagbabanta ng kamatayan upang pigilin siya ng paggamit ng kakayahan na gumawa ng sariling pagpapasiya. ‘Hoy, malaki ang nawawala sa iyo!’ ang diwa ng sinabi niya kay Eva. ‘Kayo’y hindi mamamatay. Tatamasahin ninyo ang tinatamasa ng Diyos. Maaari kayong magpasiya para sa inyong sarili kung ano ang mabuti o masama.’ Naging kaakit-akit kay Eva ang paggawa ng kaniyang sariling mga disisyon nang hindi nananagot sa kaninuman.
9. Gaya ng ipinakikita sa Santiago 1:14, 15, anong sunud-sunod na mga pangyayari ang humantong sa pagkakasala ni Eva at sa wakas ay sa kamatayan?
9 Kaya naman, pinagmasdan na ni Eva nang may pagnanasa ang punungkahoy. “Nang magkagayo’y nakita ng babae na ang bungangkahoy ay mabuting kainin at nakalulugod malasin, oo nga, ang punungkahoy ay nakararahuyong pagmasdan. Kaya’t sinimulan niyang pitasin ang bunga niyaon at kinain yaon.” (Genesis 3:6) Subalit pagkatapos, nang matuklasan ni Eva na hindi naman niya natanggap ang ipinangako, siya’y nagpaliwanag: “Ang ahas—iyan ang dumaya sa akin.” (Genesis 3:13) Sa katunayan, siya’y napaglalangan din nito, ginamitan siya ng nakararahuyong pang-aakit o panunukso hanggang sa ang mapag-imbot na pagnanasa ang humila sa kaniya na magkasala at, ang ibinunga, kamatayan sa wakas.—Santiago 1:14, 15.
Mag-ingat Laban sa mga Panukala ni Satanas
10. Bakit di-dapat na tayo’y mawalang-alam sa mga panukala ni Satanas, at anong mga turo ang isang katalinuhan na sundin natin?
10 Si Satanas ay gumagamit ng katulad na mga panukala, samakatuwid nga, mga pakana, pagmamaneobra, at panlilinlang, upang mandaya at manghikayat sa mga kabataan ngayon. Subalit yamang ang Bibliya ay nagbibigay ng hustong kasaysayan ng mga pamamaraan ni Satanas sa pandaraya, hindi ka kailangang mawalang-alam sa kaniyang mga panukala. (2 Corinto 2:11) Ang kailangan mo ay ang pagpapasiya na makinig sa mga babala at mga turo na inilalaan ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita at organisasyon.—Kawikaan 2:1-6; 3:1-7, 11, 12; 4:1, 2, 20-27; 7:1-4.
11. Paano malimit na hinihikayat o dinadaya ni Satanas ang mga kabataan upang magkasala?
11 Paano nga malimit nirarahuyo o hinihikayat ang mga kabataan upang magkasala? Ang mga gawaing minamasama ng Diyos, gawain na aakay upang maiwala mo ang pagsang-ayon ng Diyos, ay pinagtitingin niya na lubhang kaakit-akit, ngunit pinagtitingin niya na hindi makapipinsala, gaya rin niyaong bungangkahoy na nakaakit kay Eva. At gaya ng ginawa niya kay Eva, kaniyang hihikayatin ka sa ideya na pinalalampas mo ang isang bagay na magdudulot sa iyo ng kaligayahan. Sa gayon, sa isang tusong, mapandayang paraan ay sinisikap ni Satanas na sirain ang iyong paggalang sa Salita ni Jehova, at ang mga turo sa iyo ng iyong may-takot sa Diyos na mga magulang at ng organisasyon ng Diyos. Kaya naman may katuwiran na magpayo ang Bibliya, “Magsitibay laban sa mga lalang [o, gaya ng pagkasalin ng The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures, “crafty acts,” (mga gawang katusuhan)] ng Diyablo.”—Efeso 6:11.
12. (a) Anong bagay tungkol sa Satanas ang dapat nating lahat maingat na pag-isipan, at bakit? (b) Ano ba ang pangmalas mo tungkol sa sinasabi sa 1 Juan 2:15 at Santiago 4:4? (c) Ano ang gusto ni Satanas na ipandaya sa iyo upang paniwalaan mo?
12 Maliwanag nga na si Eva ay isang hangal upang maniwala sa kasinungalingan ni Satanas. Gayunman hindi ba maraming kabataan sa ngayon ang katulad din niya na di-pumapansin sa mga babala ng Salita ni Jehova o ng kanilang mga magulang o ng mga Kristiyanong hinirang na matatanda? Kumusta ka naman? Halimbawa, maingat na pinag-iisipan mo ba ang bagay na si Satanas na Diyablo ang tagapamahala ng sanlibutang ito at na, bilang diyos ng sistemang ito ng mga bagay, kaniyang binubulag ang pag-iisip ng mga tao? (1 Juan 5:19; Juan 12:31; 14:30; 16:11; 2 Corinto 4:4) Talaga bang sinisikap mong sundin ang utos ng Diyos na: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan ni ang mga bagay na nasa sanlibutan”? (1 Juan 2:15) At tanungin ang iyong sarili: ‘Talaga bang naniniwala ako sa sinasabi ng Kasulatan na, “Kaya’t sinumang nagnanais maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.”’? (Santiago 4:4) Gusto ni Satanas na ikaw ay dayain upang maniwala ka na hindi nagbibigay ng panganib ang sanlibutan, na ang mga gawain na itinataguyod nito ay hindi nakapipinsala. Subalit pakaingat ka! Huwag kang padaya!
Mga Nakararahuyong Pandaraya Ngayon
13. Anong kaugalian ang naging popular sa maraming lugar, at ano ang ibig ni Satanas na paniwalaan natin tungkol dito?
13 Malimit na inaakit ni Satanas ang mga tao sa paggawa ng masama sa pamamagitan ng mga bagay na sa ganang sarili ay hindi naman masama o hindi naman tuwirang minamasama ng Bibliya. Halimbawa, maraming mga mag-asawa ang may maligayang alaala ng kaligayahang tinamasa nila noong sila’y nasa panahon ng pagliligawan pa, ngunit may mga panganib pagka ang mga taong nagliligawan ay nagsosolo pagka magkakasama sa isang date. Sa aktuwal, ang pagde-date ay isang makabagong kaugalian na pagkatapos lamang ng Digmaang Pandaigdig I naging popular na sa maraming lugar. Ibig ni Satanas na kayo’y maniwala na ang kaugaliang iyan ay isa lamang anyo ng paglilibang na ginagamit upang ang mga kabataan ay magkakila-kilala maging lalaki man sila o maging babae man sila. Subalit, ang totoo, ang kaugaliang iyan ay may kasamang mga panganib sa moral.
14. (a) Ano ang masasabi tungkol sa kaugalian na pakikipag-date? (b) Anong damdamin ang maaaring umunlad kung nagsosolo ang dalawang magka-date?
14 Ang nakatatanda, maygulang na mga Kristiyano, dahilan sa kanilang karanasan, ang lalong may kabatiran sa mga panganib na ito at kung gayon makatutulong bilang patnubay. (Kawikaan 27:12) Subalit marahil ay inaakala mo na walang panganib ang pakikipag-date at na ang iyong mga magulang ay labis-labis na mahigpit, anupa’t pinagkakaitan ka ng kaligayahan. Subalit kung paanong ang mga tao ay mahahatulan sa pamamagitan ng kanilang ibinubunga, ganoon din na nagagawa ito sa mga kaugalian na gaya na nga ng dating. (Kawikaan 20:11; Mateo 7:16) Halimbawa, isang 18-anyos na babaing laging nakikipag-date, at naging isang disgrasyada, ang nagsabi: “Isa ako sa libu-libong mga kabataan na nag-akala noon na hindi ito mangyayari sa akin.” Kaniyang inamin na pagkatapos makipag-date ng ilang panahon “ang paghahawakan ng kamay at paghahalikan ay nawawalan na ng lasa.” Gayundin, isang 17-anyos na dalagitang malimit nakikipag-date, ang nagsabi: “Ako’y napupukaw nang husto ng paghahalikan at pagyayakapan hanggang sa wala nang natitira pa kundi makipagtalik sa akin ang lalaki.” Iyan ba ay isang damdaming hindi karaniwan? Hindi nga.
15. Anong mga kasawian ang maisisisi nang husto sa pakikipag-date?
15 Pagka ang mga kabataan na naaakit sa isa’t isa ay nagbukod ng kanilang sarili, gaya ng karaniwang ginagawa sa dating, maaaring mapukaw nang husto ang pita sa sekso hanggang sa kahit ang mabubuti-intensiyong mga kabataan ay mahila nito na lumabag sa kautusan ng Diyos. Pansinin na mahigit na isang milyong mga babaing tin-edyer sa Estados Unidos ang nabubuntis taun-taon at daan-daang libo sa kanila ang nagpapalaglag o nanganganak sa pagkadalaga. Malungkot sabihin, manakanaka ang ilan sa mga tin-edyer na ito ay mga anak ng mga Saksi ni Jehova at pati na rin ang mga kabataang lalaki na nakakadisgrasya sa kanila. Ang modernong kaugalian na dating ang may malaking pananagutan sa mga kasawiang ito, at marahil pati na sa angaw-angaw na mga bagong kaso sa taun-taon ng mga sakit na kumakalat dahilan sa seksuwal na pagtatalik.
16. (a) Saan lamang wastong mabibigyang kasiyahan ang mga pita ng sekso? (b) Ano ang nangyayari sa marami sa mga lingkod ng Diyos?
16 Nilayon ng Diyos na ang pita sa sekso ay mabigyang kasiyahan sa pagtatalik ng mag-asawa, at dito’y may dulot itong kaluguran at kasiyahan. (Hebreo 13:4; Kawikaan 5:15-19) Subalit, ang bigay-Diyos na kaloob na ito ay may katusuhang ginagamit ni Satanas upang hikayatin ang mga tao na gamitin ang sekso sa maling paraan at magkasala ng pakikiapid. Noong sinaunang panahon, 24,000 mga Israelita ang pinatay sa isang araw dahilan sa pagkakasalang ito laban sa Diyos, at sa kasalukuyan naman ay libu-libo taun-taon ang itinitiwalag sa kongregasyong Kristiyano dahilan sa pakikiapid. Kaya’t magpakadunong. Makinig sa payo at patnubay. Huwag hayaang ikaw ay madaya.—Bilang 25:1-9, 16-18; 31:16.
17. (a) Anong pandaraya ang itinataguyod ni Satanas tungkol sa mga bagay na gaya baga ng sports o palakasan, musika, at sayaw? (b) Bakit ang pánoorin at libangan ng sanlibutan ay isang malaking panganib sa mga lingkod ng Diyos?
17 Maging alisto ka rin sa mga ibang panukala ni Satanas. Ang sports o palakasan, musika, at sayaw, halimbawa, ay naging isang litaw na bahagi na ng libangan ng sanlibutan niya. Totoo, ang mga bagay na ito sa ganang sarili ay hindi naman masama at maaaring magdulot ng kaluguran at ng kapakinabangan. (1 Timoteo 4:8; Zacarias 8:5; Lucas 15:25) Subalit, may kadayaang itinataguyod ni Satanas ang paniwala na ang mga ito ay hindi isang panganib, kahit na kung regular na nilalahukan mo kasama ng mga tagasanlibutan. Subalit ang Salita ng Diyos ay nagbababala: “Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Pag-isipan ito. Kung ang relihiyon at pulitika ay bahagi ng sistema ni Satanas, hindi baga isang kamangmangang maniwala na ang mga pánoorin at libangan na itinataguyod ng sanlibutan ay hindi niya naiimpluwensiyahan? Ikaw ay kailangang palaging mapagbantay upang huwag mahubog ng sanlibutang nakapalibot sa iyo para mapatulad sa kaniya.—Roma 12:2, The New Testament in Modern English, ni J. B. Phillips.
Mga Paglalaan Upang Maingatan ang Kabataan
18. Bakit dapat mong pahalagahan ang mga magulang na nagtuturo at umaakay sa iyo?
18 Ang Diyos na Jehova ay gumawa ng maibiging mga paglalaan upang maingatan ang mga kabataan para huwag madaya. Una, inilaan niya ang iyong mga magulang upang magturo at pumatnubay sa iyo. At maikagagalak mo na ginagawa nga nila ito. Isang malungkot na 18-anyos, na naging isang disgrasyada, ang nagsabi na hindi sana nangyari iyon sa kaniya “kung ginawa lamang ng aking mga magulang ang kanilang tungkulin bilang mga magulang, at pinaalalahanan ako tungkol sa panganib ng laging pagsama-sama sa nobyo, at pinagbawalan ako nang gayong laging pagsama-sama.” Kaya ipagpasalamat mo kung ikaw ay may mga magulang na may-takot sa Diyos. Ikaw ay hindi nila ginigipit at pinahihirapan ng mga pagbabawal na nagpapahirap sa iyong buhay. Bagkus pa nga, kanilang minamahal ka at ibig nilang maingatan ka. Samantalahin mo ang kanilang karanasan at karunungan sa pamamagitan ng paghingi sa kanila ng payo.
19. Anong mga karagdagang tulong ang inilaan upang maingatan ang mga kabataan?
19 Bukod diyan, si Jehova ay naglaan ng kaniyang makalupang organisasyon upang tumulong sa iyo. Halimbawa, sa bawat labas ng Gumising! ay mayroong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” na tumatalakay sa pagkamakatuwiran ng mga pamantayan ni Jehova. Gayundin, ang broshur na School and Jehovah’s Witnesses ay inilaan upang tumulong sa iyo na makasunod sa mga kautusan at simulain ng Diyos samantalang ikaw ay nasa paaralan. Higit pang pampatibay-loob at payo ang ibinibigay sa pamamagitan ng mga pahina ng Ang Bantayan at sa mga pulong ng kongregasyon, mga asambleang pansirkito, at mga kombensiyong pandistrito. Oo, ang mismong paksang ito, “Mga Kabataan—Huwag Kayong Padaya,” ay isang pahayag sa isang kamakailan na pandistritong kombensiyon at paksa ng isang bahagi ng Pulong sa Paglilingkod.
20. (a) Bakit naglalaan ng maraming tulong sa mga kabataan? (b) Anong saloobin ang tutulong sa iyo upang malabanan ang mga pagtatangka ni Satanas na dayain ka?
20 Huwag mo sanang isipin na lahat ng atensiyong ito na ibinibigay namin sa iyo ay upang pagtulung-tulungan ka na alisan ka ng iyong kagalakan. Sa halip, iniibig ka ng organisasyon ng Diyos, at lahat ng nakalimbag at ipinapahayag ay may layunin na ingatan ka—iligtas ang iyong buhay! Matutong pahalagahan ang mga paglalaang ito. Ugaliin ang pag-aaral ng Bibliya sa tulong ng mga lathalain ng Samahan; mapukaw ka sana upang pahalagahan mo ang mga katotohanan ng Bibliya. Sana’y taglayin mo ang saloobin ng isang 18-anyos na, pagkatapos pag-isipan ang mariing payo na para sa mga kabataan, ay sumulat: “Talagang natalos ko kung gaano kapalad kaming mga kabataan na nasa katotohanan! Wala nang iba pang organisasyon sa lupa na nagmamalasakit at nagmamahal sa kaniyang mga kabataan nang gayon na lamang!” Harinawang tayo’y mahigpit na magsama-sama at labanan natin ang pagtatangka ng Diyablo na dayain tayo, sapagkat tayo’y hindi naman walang-alam sa kaniyang mga panukala!
KAHON NG REPASO
◻ Bakit ang mga kabataan ang lalo nang inaasinta ni Satanas?
◻ Paano hinikayat ni Satanas si Eva upang magkasala?
◻ Paano, sa ngayon, malimit na hinihikayat ni Satanas ang mga kabataan upang gumawa ng masama?
◻ Ano ang mga paglalaan upang maingatan ang mga kabataan?
[Larawan sa pahina 10]
Kung paano sinikap ni Satanas na mailigaw si Eva, na maliit ang karanasan kaysa kay Adan, ang mga kabataan ay ganoon din na lalong pinupuntirya ni Satanas
[Larawan sa pahina 13]
Pagka ang mga kabataan ay nagbukod ng sila lamang maaaring mapukaw ang pita ng sekso at humantong ito sa paglabag sa kautusan ng Diyos