KAPANAHUNAN, MGA
[sa Ingles, seasons].
Ang kapanahunan ay tumutukoy sa isang yugto kung kailan normal na isinasagawa ang isang espesipikong uri ng agrikultural na gawain o ang isang partikular na lagay ng panahon ay namamayani; isang angkop o takdang panahon para sa isang bagay.
Habang umiikot ang lupa sa palibot ng araw, ang pagkakatagilid ng axis ng lupa sa isang anggulo mula sa ecliptic plane ay lumilikha ng isang siklo ng mga kapanahunan. Bilang mga pananda ng takbo ng panahon, ang mga bagay sa kalangitan ay nagsisilbing mga tagapagpahiwatig ng mga kapanahunan. (Gen 1:14) Sinasabi ng Genesis 8:22 na ang mga kapanahunan ng lupa ay “hindi maglilikat.” Para sa kaugnayan ng mga buwan ng kalendaryong Judio at Gregorian at ng mga kapanahunan ng kapistahan, mga kapanahunan ng lagay ng panahon, at mga kapanahunang agrikultural, tingnan ang KALENDARYO.
Ang mga kapanahunang agrikultural ay may malapit na kaugnayan sa taunang “mga kapanahunan ng kapistahan” kung kailan ipinagdiriwang ang mga kapistahang itinakda ng Kautusang Mosaiko. (1Cr 23:31; 2Cr 31:3) Kaya naman, nang payuhan ni Pablo ang ilang Judiong Kristiyano na ‘ubod-ingat na nangingilin ng mga araw at mga buwan at mga kapanahunan,’ ang tinutukoy niya ay ang mga kapanahunan ng kapistahan na bahagi noon ng Kautusan, hindi lamang basta mga kapanahunan ng lagay ng panahon o mga kapanahunang agrikultural.—Gal 4:10.
Samakatuwid, ang “kapanahunan” ay maaaring tumukoy sa isang nakatalaga o takdang panahon o isang yugto na may partikular na mga katangian. (Gaw 3:19, tlb sa Rbi8; Ro 8:18; Gal 6:9) Sa kalaunan, lubusang nilinaw sa mga Kristiyano kung ano ang kalakip sa nakapagpapalusog na turo at wastong paggawi. Kasuwato nito, iyon ang “kapanahunan” na dapat silang maging gising. (Ro 13:11-14) Lubhang interesado noon ang mga mananamba ni Jehova sa “mga panahon o mga kapanahunan,” o mga yugto kung kailan magaganap ang kalooban niya sa ilang partikular na mga bagay (Gaw 1:7), at napag-uunawa nila ang mga iyon habang pasulong na isinisiwalat ang mga iyon.—1Te 5:1.
May kinalaman sa pananahanan ng mga bansa sa lupa, “itinalaga [ng Diyos] ang mga takdang panahon” (Gaw 17:26; “itinakda ang mga yugto sa kanilang kasaysayan,” NE) anupat siya ang nagpapasiya kung kailan magaganap ang ilang pagbabago, gaya ng pagdating ng takdang panahon upang bunutin ng Diyos ang mga tumatahang Canaanita sa Lupang Pangako.—Gen 15:13-21; Jer 25:8-11; Dan 2:21; 7:12; tingnan ang TAKDANG PANAHON NG MGA BANSA, MGA.