Manindigang Matatag sa Panig ng Bigay-Diyos na Kalayaan!
“Para sa gayong kalayaan kaya tayo pinalaya ni Kristo. Manindigan nga kayong matatag, at huwag na kayong pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin.”—GALACIA 5:1.
1, 2. Papaano naiwala ang bigay-Diyos na kalayaan?
ANG bayan ni Jehova ay malaya. Subalit sila’y hindi naghahangad ng pagsasarili buhat sa Diyos, sapagkat iyan ay nangangahulugan ng pagkaalipin kay Satanas. Kanilang pinakamamahal ang matalik na kaugnayan nila kay Jehova at nagagalak sa kalayaan na kaniyang ibinibigay sa kanila.
2 Ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, ay nawalan ng kanilang bigay-Diyos na kalayaan sa pamamagitan ng pagkakasala at naging mga alipin ng kasalanan, kamatayan, at ng Diyablo. (Genesis 3:1-19; Roma 5:12) Talaga nga, si Satanas ang naglagay sa buong sanlibutan sa makasalanang daan patungo sa pagkapuksa! Subalit yaong mga naninindigang matatag sa bigay-Diyos na kalayaan ay lumalakad sa daan patungo sa buhay na walang-hanggan.—Mateo 7:13, 14; 1 Juan 5:19.
Kalayaan Buhat sa Pagkaalipin
3. Anong pag-asa ang inialok ng Diyos sa Eden?
3 Nilayon ni Jehova na ang mga taong nagpaparangal sa kaniyang pangalan ay mapalaya buhat sa pagkaalipin kay Satanas, sa kasalanan, at sa kamatayan. Ang pag-asang iyan ay inialok nang sabihin ng Diyos sa ahas na ginamit ni Satanas sa Eden: “Pag-aalitin ko ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Kaniyang susugatan ka sa ulo at iyong susugatan siya sa sakong.” (Genesis 3:14, 15) Si Jesu-Kristo, ang Binhi buhat sa makalangit na organisasyon ni Jehova, ay dumanas ng isang nasugatang sakong nang siya’y mamatay sa tulos, subalit sa ganoong paraan naglaan ang Diyos ng isang haing pantubos upang palayain ang sumasampalatayang sangkatauhan buhat sa kasalanan at kamatayan. (Mateo 20:28; Juan 3:16) Sa takdang panahon, susugatan ni Jesus ang ulo ni Satanas, ang matandang Ahas.—Apocalipsis 12:9.
4. Anong kalayaan ang tinamasa ni Abraham, at ano ang ipinangako sa kaniya ni Jehova?
4 Mga 2,000 taon pagkatapos na ang pangako’y ibigay sa Eden, ang “kaibigan ni Jehova” na si Abraham ay tumalima sa Diyos at nilisan niya ang siyudad ng Ur upang lumipat sa ibang lugar. (Santiago 2:23; Hebreo 11:8) Sa gayo’y tumanggap siya ng bigay-Diyos na kalayaan at hindi na namuhay na mistulang isang alipin ng sanlibutan ni Satanas ng huwad na relihiyon, bulok na pulitika, at masakim na komersiyo. Sa hula sa Eden, ang Diyos ay nagsusog pa ng mga pangako na lahat ng pamilya at mga bansa ay magpapala sa kanilang sarili sa pamamagitan ni Abraham at ng kaniyang Binhi. (Genesis 12:3; 22:17, 18) Si Abraham ay nakalaya sa sumpa sapagkat ‘siya’y naglagak ng pananampalataya kay Jehova, na ibinilang iyon sa kaniya na katuwiran.’ (Genesis 15:6) Sa ngayon, ang isang matalik na relasyon kay Jehova ay nagdadala rin ng bigay-Diyos na kalayaan buhat sa sumpa at buhat sa pagkaalipin sa sanlibutan na nakalugmok sa kapangyarihan ni Satanas.
Isang Simbolikong Drama na Kawili-wiling Panoorin
5. Ang pagkapanganak kay Isaac ay kaugnay ng anong mga pangyayari?
5 Upang si Abraham ay magkaroon ng isang binhi, ang kaniyang asawang baog, si Sara, ay nag-alok sa kaniya na ang kaniyang utusang babae, si Hagar, ang siyang magdalang-tao sa sanggol. Kay [Hagar] ay naging anak ni Abraham si Ismael, ngunit siya’y hindi pinili ng Diyos na maging ipinangakong Binhi. Bagkus, nang si Abraham ay 100 taóng gulang at si Sara naman ay 90, pinapangyari ni Jehova na sila’y magkaroon ng isang anak na lalaki na pinanganlang Isaac. Nang tuyain ni Ismael si Isaac, si Hagar at ang kaniyang anak ay pinalayas, anupa’t ang natira ay ang anak ni Abraham sa malayang babaing si Sara bilang hindi matututulang binhi ni Abraham. Tulad ni Abraham, si Isaac ay nagsagawa rin ng pananampalataya at nagtamasa ng bigay-Diyos na kalayaan.—Genesis 16:1-16; 21:1-21; 25:5-11.
6, 7. Ang ibang mga Kristiyano sa Galacia ay nahikayat ng mga bulaang guro na maniwala sa ano, subalit ano ang ipinaliwanag ni Pablo?
6 Ang mga pangyayaring ito ay anino ng mga bagay na lubhang makahulugan sa mga umiibig sa bigay-Diyos na kalayaan. Ito’y napansin sa liham na isinulat ni apostol Pablo sa mga kongregasyon ng Galacia mga 50 hanggang 52 C.E. Nang sumapit ang panahong iyon ang lupong tagapamahala ay nagpasiya na hindi na kailangan sa mga Kristiyano ang pagtutuli. Subalit nahikayat ng bulaang mga guro ang iba sa mga taga-Galacia na maniwalang iyon ay isang mahalagang bahagi ng pagka-Kristiyano.
7 Sinabi ni Pablo sa mga taga-Galacia: Ang isang tao ay inaaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kristo, hindi sa pamamagitan ng mga gawa sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. (Gal 1:1–3:14) Hindi pinawalang-bisa ng Kautusan ang pangakong may kaugnayan sa tipan kay Abraham kundi ipinahalata ang mga pagsalansang at nagsilbing isang tagapagturo na umaakay tungo kay Kristo. (Gal 3:15-25) Sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan, pinalaya ni Jesus yaong mga nasa ilalim ng Kautusan, kaya sila’y naging mga anak ng Diyos. Sa gayon, sa pagbabalik sa isang kaayusan na pangingilin ng mga araw, mga buwan, mga panahon, at mga taon ay mangangahulugan iyon ng muling pagbabalik sa pagkaalipin. (Gal 4:1-20) Pagkatapos ay sumulat si Pablo:
8, 9. (a) Sa iyong sariling pananalita, ipaliwanag sa maikli ang sinabi ni Pablo sa Galacia 4:21-26. (b) Sa makasagisag na dramang ito, sino o ano ang inilarawan ni Abraham at ni Sara, at sino ang ipinangakong Binhi?
8 “Sabihin ninyo sa akin, kayong nagnanasang mapasa-ilalim ng kautusan, Hindi ba ninyo naririnig ang Kautusan? Halimbawa, nasusulat na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak na lalaki, ang isa [si Ismael] ay sa aliping babae [si Hagar] at ang isa [si Isaac] ay sa malayang babae [si Sara]; subalit ang anak sa aliping babae ay ipinanganak ayon sa laman, ang anak naman sa malayang babae ay sa pamamagitan ng pangako. Ang mga bagay na ito’y nagsisilbing isang makasagisag na drama; sapagkat ang mga babaing ito ay nangangahulugan ng dalawang tipan, ang isa [ang tipang Kautusan] mula sa Bundok ng Sinai [na kung saan pinasinayaan ng Diyos ang tipang iyan sa mga Israelita], na nag-aanak para sa pagkaalipin, at ito ay si Hagar. [Ang isa pang tipan ay yaong ginawa kay Abraham tungkol sa kaniyang Binhi.] Ngayon ang Hagar na ito ay nangangahulugang Sinai, isang bundok sa Arabia, at siya’y katumbas ng Jerusalem ngayon, sapagkat siya’y nasa pagkaalipin kasama ng kaniyang mga anak [mga inapo ni Abraham, Isaac, at Jacob]. Ngunit ang Jerusalem sa itaas ay malaya, at siyang ina natin.”—Galacia 4:21-26.
9 Sa makasagisag na dramang ito, si Abraham ay sumasagisag kay Jehova. Ang “malayang babae,” si Sara, ay lumarawan sa “babae” ng Diyos, o banal na pansansinukob na organisasyon. Dito nanggaling si Kristo, ang Binhi ng makasagisag na babaing iyan at ng Lalong-dakilang Abraham. (Galacia 3:16) Upang ipakita sa mga tao ang daan ng paglaya buhat sa karumal-dumal na pagsamba, sa kasalanan, at kay Satanas, si Jesus ay nagturo ng katotohanan at ibinunyag ang huwad na relihiyon, ngunit ang Jerusalem at ang kaniyang mga anak ay nanatiling nasa relihiyosong pagkaalipin dahilan sa kanilang tinanggihan siya. (Mateo 23:37, 38) Ang mga Judiong tagasunod ni Jesus ay lumaya buhat sa Kautusan, na nagpapakita ng kanilang pagkaalipin sa di-kasakdalan, kasalanan, at kamatayan. Tunay na malaya ang lahat ng tao na tumatanggap kay Jesus bilang ang Isa na iniluwal ng “babae” ng Diyos upang maging ang Mesiyanikong Hari at ang Tagapagpalaya na ‘naghahayag ng kalayaan sa mga bihag’!—Isaias 61:1, 2; Lucas 4:18, 19.
Iwasan ang Pamatok ng Pagkaalipin
10, 11. Buhat sa anong pamatok ng pagkaalipin pinalaya ni Kristo ang kaniyang mga tagasunod, at anong mga pagkakatulad ang mauunawaan dito sa ngayon?
10 Sa mga bumubuo ng binhi ni Abraham kasama ni Kristo, na Lalong-dakilang Isaac, sinabi ni Pablo: “Ang Jerusalem sa itaas ay malaya, at siyang ina natin. . . . Ngayon tayo, mga kapatid, ay mga anak sa pangako na gaya ni Isaac. Subalit kung papaano noon na yaong ipinanganak ayon sa laman [si Ismael] ay nagsimulang umusig sa isang ipinanganak ayon sa espiritu [si Isaac], gayundin naman ngayon. . . . Tayo’y mga anak, hindi ng aliping babae, kundi ng malayang babae. Para sa gayong kalayaan [buhat sa Kautusan] kaya tayo pinalaya ni Kristo. Manindigan nga kayong matatag, at huwag na kayong pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin.”—Galacia 4:26–5:1.
11 Sinuman sa mga tagasunod ni Jesus ay disin sana nasa ilalim ng isang pamatok ng pagkaalipin kung sila’y napailalim sa Kautusan. Ang huwad na relihiyon ay isang kasalukuyang pamatok ng pagkaalipin, at ang Sangkakristiyanuhan ay nakakatulad ng sinaunang Jerusalem at ng kaniyang mga anak. Subalit ang mga pinahiran ay mga anak ng Jerusalem sa itaas, ang malayang makalangit na organisasyon ng Diyos. Sila at ang mga kapananampalataya na may makalupang pag-asa ay hindi bahagi ng sanlibutang ito at wala sa pagkaalipin kay Satanas. (Juan 14:30; 15:19; 17:14, 16) Yamang pinalaya ng katotohanan at ng haing inihandog ni Jesus, tayo’y manindigang matatag sa ating bigay-Diyos na kalayaan.
Paninindigan sa Panig ng Bigay-Diyos na Kalayaan
12. Anong hakbang ang kinukuha ng mga sumasampalataya, at ano ngayon ang tatalakayin?
12 Milyun-milyon ang nagtatamasa ng tunay na kalayaan bilang mga Saksi ni Jehova. Mga pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos sa iba pang milyun-milyon, at marami sa kanila ang “matuwid na nakahilig sa buhay na walang-hanggan.” Pagka sila’y sumampalataya na, sila’y maninindigan sa panig ng bigay-Diyos na kalayaan sa pamamagitan ng pagpapabautismo. (Gawa 13:48; 18:8) Subalit anong mga hakbang ang nauuna sa bautismong Kristiyano?
13. Ano ang kaugnayan ng kaalaman at bautismo?
13 Bago bautismuhan, ang isang tao ay kailangang kumuha ng tumpak na kaalaman sa Kasulatan at ikapit iyon. (Efeso 4:13) Sa gayon, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Humayo . . . at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.”—Mateo 28:19, 20.
14. Ang pagpapabautismo sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng banal na espiritu ay humihingi ng anong kaalaman?
14 Ang pagpapabautismo sa pangalan ng Ama ay nangangahulugan ng pagkilala sa tungkulin at autoridad ni Jehova bilang Diyos, Maylikha, at Pansansinukob na Soberano. (Genesis 17:1; 2 Hari 19:15; Apocalipsis 4:11) Ang bautismo sa pangalan ng Anak ay humihingi na kilalanin ang tungkulin at autoridad ni Kristo bilang isang itinaas na espiritung nilalang, ang Mesianikong Hari, at ang isa na sa pamamagitan niya naglaan ang Diyos ng “isang katumbas na pantubos.” (1 Timoteo 2:5, 6; Daniel 7:13, 14; Filipos 2:9-11) Ang isang taong nabautismuhan sa pangalan ng banal na espiritu ay may kabatiran na iyon ang aktibong puwersa ng Diyos na ginamit ni Jehova sa paglalang at sa pagkasi sa mga sumulat ng Bibliya, at gayundin sa mga iba pang paraan. (Genesis 1:2; 2 Pedro 1:21) Mangyari pa, may higit pang dapat matutuhan tungkol sa Diyos, kay Kristo, at sa banal na espiritu.
15. Bakit ang isang tao ay kailangang sumampalataya bago mabautismuhan?
15 Bago pabautismo, ang isang tao ay kailangang sumampalataya salig sa tumpak na kaalaman. “Kung walang pananampalataya ay hindi maaaring makalugod na mainam [kay Jehova].” (Hebreo 11:6) Ang isang taong sumasampalataya sa Diyos, kay Kristo, at sa banal na layunin ay magnanais na maging isa sa mga Saksi ni Jehova, na namumuhay kasuwato ng Salita ng Diyos at may makabuluhang bahagi sa pangangaral ng mabuting balita. Siya’y magsasalita tungkol sa kaluwalhatian ng paghahari ni Jehova.—Awit 145:10-13; Mateo 24:14.
16. Ano ba ang pagsisisi, at papaano ito may kaugnayan sa bautismong Kristiyano?
16 Ang pagsisisi ay isa pang kahilingan para sa bautismo. Ang ibig sabihin ng magsisi ay “baguhin ang kaisipan ng isang tao may kaugnayan sa nakaraan (o nilalayon) na pagkilos, o paggawi, dahilan sa pagsisisi o di-kasiyahan,” o “makadama ng kalungkutan, pagsisisi, o panghihinayang dahilan sa nagawa o hindi nagawa ng isang tao.” Ang mga Judio noong unang siglo ay kinailangang magsisi sa kanilang mga kasalanan laban kay Jesu-Kristo. (Gawa 3:11-26) May mga mananampalataya sa Corinto na nagsisi dahil sa pakikiapid, idolatriya, pangangalunya, homoseksuwalidad, pagnanakaw, kasakiman, paglalasing, panlalait, at pangingikil. Bilang resulta, sila ay “nahugasang malinis” sa dugo ni Jesus, “pinabanal” bilang yaong mga ibinukod para sa paglilingkuran kay Jehova, at “inaring matuwid” sa pangalan ni Jesu-Kristo at taglay ang espiritu ng Diyos. (1 Corinto 6:9-11) Kaya ang pagsisisi ay isang hakbang tungo sa pagkakaroon ng mabuting budhi at ng bigay-Diyos na kalayaan buhat sa gumagambalang pagkadama ng pagkamakasalanan.—1 Pedro 3:21.
17. Ano ang kahulugan ng kombersiyon, at ano ang kahilingan nito sa isa na nagbabalak pabautismo?
17 Kailangan din na may kombersiyon bago ang isang tao ay mabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Ang kombersiyon (o pagbabalik-loob) ng isang taong nagsisi ay nagagaganap pagkatapos na kaniyang tanggihan ang kaniyang maling landas at ipasiya na gawin ang matuwid. Ang mga pandiwang Hebreo at Griego na may kinalaman sa kombersiyon ay nangangahulugan ng “bumaling, magbalik-loob, o bumalik.” Pagka ginamit sa isang espirituwal na diwa, ito’y tumutukoy sa pagbabalik sa Diyos buhat sa isang maling landasin. (1 Hari 8:33, 34) Sa kombersiyon ay kailangan ang “mga gawang karapat-dapat sa pagsisisi,” na ating gawin ang iniuutos ng Diyos, umalis tayo sa huwad na relihiyon, at walang-pasubaling akayin kay Jehova ang ating puso upang siya lamang ang paglingkuran. (Gawa 26:20; Deuteronomio 30:2, 8, 10; 1 Samuel 7:3) Dito’y nangangailangan ng “isang bagong puso at isang bagong espiritu,” para sa pagbabago ng kaisipan, ugali, at layunin sa buhay. (Ezekiel 18:31) Ang resultang bagong personalidad ang inihahalili sa masasamang kinaugalian upang mahalinhan ng mga katangiang maka-Diyos. (Colosas 3:5-14) Oo, dahilan sa tunay na pagsisisi ang isang tao ay naaakay na “magbalik-loob.”—Gawa 3:19.
18. Bakit kailangang gumawa ng pag-aalay sa Diyos sa panalangin, at ano ang kahulugan ng hakbang na ito?
18 Ang pag-aalay sa Diyos sa panalangin ay kailangang mauna sa bautismo. (Ihambing ang Lucas 3:21, 22.) Ang ibig sabihin ng pag-aalay ay ang pagbubukod para sa isang banal na layunin. Napakahalaga ang hakbang na ito na anupa’t dapat nating ipahayag sa Diyos sa panalangin ang ating pasiya na bigyan siya ng bukod-tanging debosyon at paglingkuran siya magpakailanman. (Deuteronomio 5:8, 9; 1 Cronica 29:10-13) Mangyari pa, ang ating pag-aalay ay hindi sa isang gawain kundi sa Diyos mismo. Ang puntong iyan ay nilinaw sa libing ng unang pangulo ng Watch Tower Society, si Charles Taze Russell. Sa okasyong iyan noong 1916, ang sekretaryo-tesurero ng Samahan, si W. E. Van Amburgh, ay nagsabi: “Ang dakilang pambuong-daigdig na gawaing ito ay hindi gawa ng isang tao. Ito’y lubhang napakalawak para sa bagay na iyan. Ito ay gawain ng Diyos at hindi nagbabago. Ang Diyos ay gumamit ng maraming mga lingkod noong nakalipas at walang alinlangan na Siya’y gagamit nang marami sa hinaharap. Ang ating pagtatalaga [pag-aalay] ay hindi sa isang tao, o sa gawain ng isang tao, kundi ang gawin ang kalooban ng Diyos, ayon sa Kaniyang isisiwalat sa atin sa pamamagitan ng Kaniyang Salita at banal na mga pag-akay. Ang Diyos ay siya pa ring nangunguna.” Subalit ano pa ang kailangang gawin tungkol sa pag-aalay sa Diyos?
19. (a) Papaano nagbibigay ng pangmadlang patotoo ang mga nag-aalay kay Jehova? (b) Sagisag ng ano ang bautismo sa tubig?
19 Nagbibigay ng pangmadlang patotoo ng pag-aalay kay Jehova pagka ang isang tao ay binabautismuhan. Ang bautismo ay isang simbolo na nagpapakitang ang taong nagpapalubog sa tubig ay gumawa ng isang walang-kondisyong pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Ihambing ang Mateo 16:24.) Pagka ang isang kandidato sa bautismo ay inilulubog sa tubig at pagkatapos ay ibinabangon doon, siya’y namamatay sa makasagisag na paraan sa kaniyang dating landasin ng pamumuhay at binubuhay sa isang bagong paraan ng pamumuhay, ngayon upang gawin nang walang-pasubali ang kalooban ng Diyos. (Ihambing ang Roma 6:4-6.) Nang bautismuhan si Jesus, walang-pasubaling inihandog niya ang kaniyang sarili sa kaniyang makalangit na Ama. (Mateo 3:13-17) At paulit-ulit na ipinakikita ng Kasulatan na ang kuwalipikadong mga mananampalataya ay dapat magpabautismo. (Gawa 8:13; 16:27-34; 18:8) Samakatuwid, upang maging isa sa mga Saksi ni Jehova ngayon, ang isang tao ay kailangang maging isang naniniwala na talagang nagsasagawa ng pananampalataya at napababautismo.—Ihambing ang Gawa 8:26-39.
Manindigang Matatag!
20. Ano ang ilan sa mga halimbawa sa Bibliya na nagpapatunay na tayo’y pagpapalain sa paninindigan sa panig ng bigay-Diyos na kalayaan bilang bautismadong mga Saksi ni Jehova?
20 Kung ikaw ay may matatag na paninindigan sa panig ng bigay-Diyos na kalayaan sa pamamagitan ng pagiging isang bautismadong Saksi ni Jehova, ikaw ay kaniyang pagpapalain gaya ng kaniyang pagpapala sa kaniyang mga lingkod noong nakaraan. Halimbawa, pinagpala ni Jehova ang matanda nang sina Abraham at Sara nang bigyan sila ng isang anak na may takot sa Diyos, si Isaac. Sa pananampalataya ang pinili ng propetang si Moises ay siya’y tampalasanin na kasama ng bayan ng Diyos “kaysa magtamo ng pansamantalang kaligayahan sa pagkakasala, sapagkat ang kadustaan ng [pagiging isang sinaunang tipo ng] Kristo [o Pinahiran ng Diyos] ay kaniyang inaring mga kayamanan na nakahihigit kaysa mga kayamanan ng Ehipto.” (Hebreo 11:24-26) Si Moises ay nagkapribilehiyong gamitin ni Jehova sa pangunguna sa mga Israelita sa paglabas sa pagkaalipin sa Ehipto. Isa pa, dahilan sa siya’y naglingkod nang may katapatan sa Diyos, siya’y bubuhaying-muli at maglilingkod bilang isa sa mga “prinsipe sa buong lupa” sa ilalim ng Lalong-dakilang Moises, si Jesu-Kristo.—Awit 45:16; Deuteronomio 18:17-19.
21. Anong nagpapatibay-loob na mga halimbawa ang ibinibigay tungkol sa maka-Diyos na mga babae noong sinaunang mga panahon?
21 Ang nag-alay na mga Kristiyano sa ngayon ay mapatitibay-loob din sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga babaing naging tunay na malaya at maligaya. Kabilang sa kanila ang Moabitang si Ruth, na dumanas kapuwa ng matinding kalungkutan ng pagka-biyuda at ng kagalakan ng bigay-Diyos na kalayaan buhat sa huwad na relihiyon. Pagkatapos na iwanan niya ang kaniyang mga kababayan at ang kaniyang mga diyos, siya’y hindi na rin humiwalay sa kaniyang nabiyudang biyenang babae, si Naomi. “Kung saan ka paroroon doon ako paroroon,” ang sabi ni Ruth, “at kung saan ka magpapalipas ng gabi ay doon ako magpapalipas ng gabi. Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos aking Diyos.” (Ruth 1:16) Bilang asawa ni Boaz, si Ruth ang naging ina ng lolo ni David na si Obed. (Ruth 4:13-17) Aba, pinagkalooban ni Jehova ang mapagpakumbabang babaing ito na di-Israelita ng “isang lubos na gantimpala” sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng pribilehiyo na maging isang ninuno ni Jesus na Mesiyas! (Ruth 2:12) Anong laki nga ng kagalakan ni Ruth pagka siya’y binuhay-muli at naalaman niya na siya’y nagkaroon ng gayong pribilehiyo! Katulad ding kagalakan ang walang alinlangang sasapuso ng binuhay-muling dating patutot na si Rahab, na pinalaya buhat sa imoralidad at huwad na pagsamba, at gayundin ng nagkasala ngunit nagsising si Bath-sheba, sapagkat kanila ring malalaman na sila’y pinayagan ni Jehova na maging mga ninuno ni Jesu-Kristo.—Mateo 1:1-6, 16.
22. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
22 Ang pagsasaalang-alang ng mga tumanggap ng bigay-Diyos na kalayaan ay maaaring ipagpatuloy nang walang patid. Halimbawa, sa kanila’y kasali ang mga lalaki at mga babae na may pananampalataya at binanggit sa Hebreo kabanata 11. Sila’y dumanas ng kapighatian at ng masamang trato, “at ang sanlibutan ay hindi karapat-dapat sa kanila.” Idagdag pa sa kanila ang tapat na mga tagasunod ni Kristo noong unang siglo at ang iba pang mga nanampalataya na buhat pa noon, kasali ang milyun-milyon na ngayo’y naglilingkod kay Jehova bilang kaniyang mga Saksi. Gaya ng susunod na makikita natin, kung ikaw ay nanindigang kasama nila sa panig ng bigay-Diyos na kalayaan, ikaw ay maraming dahilan para magalak.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Anong pag-asa ang inialok ng Diyos nang mawala ang bigay-Diyos na kalayaan?
◻ Buhat sa anong “pamatok ng pagkaalipin” pinalaya ni Kristo ang kaniyang mga tagasunod?
◻ Anong mga hakbang ang nauuna sa bautismo upang maging isa ka sa mga Saksi ni Jehova?
◻ Anong mga halimbawa sa Kasulatan ang nagpapatunay na tayo’y pagpapalain sa paninindigan sa panig ng bigay-Diyos na kalayaan?
[Larawan sa pahina 16]
Alam mo ba kung anong mga hakbang ang nauuna sa bautismo sa pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova?