Genesis
12 At sinabi ni Jehova kay Abram: “Umalis ka sa iyong lupain, iwan mo ang mga kamag-anak mo at ang pamilya ng iyong ama, at pumunta ka sa lupain na ipapakita ko sa iyo.+ 2 Gagawin kitang isang malaking* bansa, at pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang pangalan mo, at magiging pagpapala ka.+ 3 Pagpapalain ko ang mga humihiling na pagpalain ka ng Diyos, at susumpain ko ang sumusumpa sa iyo,+ at tiyak na pagpapalain* ang lahat ng pamilya sa lupa sa pamamagitan mo.”+
4 Kaya umalis si Abram gaya ng sinabi ni Jehova sa kaniya, at sumama sa kaniya si Lot. Si Abram ay 75 taóng gulang nang umalis siya sa Haran.+ 5 Kaya isinama ni Abram si Sarai na asawa niya,+ si Lot na anak ng kapatid niya,+ at ang lahat ng alipin na kasama nila sa Haran; dinala rin niya ang lahat ng pag-aari na natipon nila roon,+ at naglakbay sila papunta sa Canaan.+ Nang makarating sila sa Canaan, 6 patuloy na naglakbay si Abram sa lupain hanggang sa lugar ng Sikem,+ malapit sa malalaking puno ng More.+ Nang panahong iyon, nakatira sa lupain ang mga Canaanita. 7 Nagpakita ngayon si Jehova kay Abram at nagsabi: “Ibibigay ko sa mga supling* mo+ ang lupaing ito.”+ Kaya nagtayo siya roon ng isang altar para kay Jehova, na nagpakita sa kaniya. 8 Nang maglaon, umalis siya roon at lumipat sa mabundok na rehiyon sa silangan ng Bethel+ at itinayo ang tolda niya sa pagitan ng Bethel na nasa kanluran at ng Ai+ na nasa silangan. Nagtayo siya roon ng isang altar para kay Jehova+ at nagsimulang pumuri kay Jehova.*+ 9 Pagkatapos, patuloy na naglakbay si Abram papuntang Negeb+ at nagpalipat-lipat ng kampo.
10 At nagkaroon ng taggutom sa lupain, kaya pumunta si Abram sa Ehipto para pansamantalang manirahan doon*+ dahil matindi ang taggutom sa lupain.+ 11 Nang papasók na siya sa Ehipto, sinabi niya sa asawa niyang si Sarai: “Pakisuyo, makinig ka. Napakaganda mong babae.+ 12 Kapag nakita ka ng mga Ehipsiyo, siguradong sasabihin nila, ‘Asawa niya ito.’ Kaya papatayin nila ako pero pananatilihin ka nilang buháy. 13 Pakisuyong sabihin mo na kapatid kita, para mapabuti ako dahil sa iyo at hindi nila ako* patayin.”+
14 At pagpasok ni Abram sa Ehipto, napansin agad ng mga Ehipsiyo na napakaganda ni Sarai. 15 Nakita rin siya ng matataas na opisyal ng Paraon, at pinupuri nila siya sa Paraon, kaya dinala ang babae sa bahay ng Paraon. 16 Maganda ang naging pakikitungo nito kay Abram dahil kay Sarai, at nagkaroon si Abram ng mga tupa, baka, asnong lalaki at babae, alilang lalaki at babae, at mga kamelyo.+ 17 Pagkatapos, pinadalhan ni Jehova ang Paraon at ang sambahayan nito ng matitinding salot dahil kay Sarai, na asawa ni Abram.+ 18 Kaya ipinatawag ng Paraon si Abram at sinabi: “Ano itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo sinabi sa akin na asawa mo siya? 19 Bakit mo sinabing kapatid mo siya?+ Muntik ko na siyang kunin bilang asawa. Heto ang asawa mo. Kunin mo siya at umalis na kayo!” 20 Kaya nagbigay ng utos ang Paraon sa mga alipin niya tungkol kay Abram, at pinaalis nila siya kasama ang asawa niya at lahat ng pag-aari niya.+