Lumakad Ayon sa Espiritu at Tuparin ang Iyong Pag-aalay
“Patuloy na lumakad ayon sa espiritu at hindi kayo kailanman magsasagawa ng makalamang pagnanasa.”—GAL. 5:16.
1. Anong dalawang bautismo ang naganap noong araw ng Pentecostes?
NAKAPAGSALITA ng mga wika ang mga tagasunod ni Jesus noong araw ng Pentecostes 33 C.E. matapos silang mabautismuhan sa banal na espiritu. Makahimalang kaloob iyon ng espiritu. (1 Cor. 12:4-10) Ano ang naging epekto ng kaloob na ito at ng pahayag ni apostol Pedro? “Nasugatan ang . . . puso” ng marami. Dahil sa paghimok ni Pedro, sila’y nagsisi at nagpabautismo. Sinabi sa ulat: “Yaong mga yumakap sa kaniyang salita nang buong puso ay nabautismuhan, at nang araw na iyon ay mga tatlong libong kaluluwa ang naparagdag.” (Gawa 2:22, 36-41) Gaya ng tagubilin ni Jesus, sila’y nabautismuhan sa tubig sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng banal na espiritu.—Mat. 28:19.
2, 3. (a) Ipaliwanag ang pagkakaiba ng bautismo sa banal na espiritu at ng bautismo sa pangalan ng banal na espiritu. (b) Bakit dapat magpabautismo sa tubig ang lahat ng gustong maging tunay na Kristiyano sa ngayon?
2 Pero may pagkakaiba kaya ang bautismo sa banal na espiritu at ang bautismo sa pangalan ng banal na espiritu? Mayroon. Ang mga binautismuhan sa banal na espiritu ay ipinanganak muli at naging mga anak ng Diyos matapos pahiran ng banal na espiritu. (Juan 3:3) Sila’y hinirang para maging mga kasamang hari at katulong na saserdote sa makalangit na Kaharian ng Diyos, at bahagi ng espirituwal na katawan ni Kristo. (1 Cor. 12:13; Gal. 3:27; Apoc. 20:6) Kaya ang bautismong ito—bautismo sa banal na espiritu—ang isinagawa ni Jehova nang piliin niya, noong araw ng Pentecostes at patuloy, ang mga indibiduwal na magiging tagapagmanang kasama ni Kristo. (Roma 8:15-17) Kumusta naman ang bautismo sa tubig sa pangalan ng banal na espiritu, na palaging ginagawa ngayon sa mga asamblea at kombensiyon ng bayan ni Jehova?
3 Ang mga tunay na Kristiyano ay nagpapabautismo sa tubig bilang sagisag ng kanilang lubusang pag-aalay sa Diyos na Jehova. Iyan ang ginagawa ng mga may makalangit na pagtawag. Pero kailangan ding magpabautismo sa tubig ang milyun-milyon sa ngayon na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Anuman ang pag-asa ng isang tao, kailangan niyang magpabautismo sa tubig sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu para tanggapin ng Diyos. Ang lahat ng Kristiyanong nagpabautismo sa tubig ay inaasahang ‘patuloy na lalakad ayon sa espiritu.’ (Basahin ang Galacia 5:16.) Lumalakad ka ba ayon sa espiritu at sa gayo’y tinutupad ang iyong pag-aalay?
Ang Kahulugan ng ‘Paglakad Ayon sa Espiritu’
4. Ano ang kahulugan ng ‘paglakad ayon sa espiritu’?
4 Ang ‘paglakad ayon sa espiritu’ ay nangangahulugang nagpapaakay ka sa banal na espiritu. Sa ibang pananalita, nagpapagabay ka sa banal na espiritu sa iyong pang-araw-araw na gawain. Makikita sa Galacia kabanata 5 ang pagkakaiba ng nagpapaakay sa banal na espiritu at ng nagpapadala sa pagnanasa ng laman.—Basahin ang Galacia 5:17, 18.
5. Ano ang iniiwasan ng isang nagpapaakay sa banal na espiritu?
5 Kapag nagpapaakay ka sa banal na espiritu, iniiwasan mo ang mga gawa ng laman. Kabilang na rito ang “pakikiapid, karumihan, mahalay na paggawi, idolatriya, pagsasagawa ng espiritismo, mga alitan, hidwaan, paninibugho, mga silakbo ng galit, mga pagtatalo, mga pagkakabaha-bahagi, mga sekta, mga inggitan, mga paglalasingan, mga walang-taros na pagsasaya.” (Gal. 5:19-21) Sa diwa, ‘pinapatay mo ang mga gawa ng katawan sa pamamagitan ng espiritu.’ (Roma 8:5, 13) Tutulong ito sa iyo na ituon ang isip sa mga bagay ng espiritu at sumunod sa pag-akay nito, sa halip na magpadala sa mga pagnanasa ng laman.
6. Ilarawan kung ano ang kailangan para maipakita ang mga bunga ng espiritu.
6 Kapag ginagabayan ka ng banal na espiritu, nakikita sa iyo ang makadiyos na mga katangian, “ang mga bunga ng espiritu.” (Gal. 5:22, 23) Pero alam mong kailangan dito ang pagsisikap. Bilang paglalarawan: Isang magsasaka ang naglilinang ng lupa. Siyempre pa, kailangan dito ang tubig at sikat ng araw; kung wala ang mga ito, wala siyang aanihin. Ang banal na espiritu ay parang sikat ng araw. Kailangan ang banal na espiritu para makapagpakita tayo ng mga bunga ng espiritu. Pero ano kaya ang aanihin ng magsasaka kung hindi naman siya masikap? (Kaw. 10:4) Oo, ang kalidad at dami ng mga bunga ng banal na espiritu na maipakikita mo ay nakadepende sa iyong paraan ng paglilinang sa lupa—ang iyong puso. Kaya tanungin ang sarili, ‘Nakikipagtulungan ba ako sa banal na espiritu para maipakita ko ang mga bunga nito?’
7. Bakit napakahalaga ng pag-aaral at pagbubulay-bulay para malinang ang mga bunga ng banal na espiritu?
7 Para maging maganda ang ani, kailangang diligin ng mga magsasaka ang kanilang pananim. Para malinang ang mga bunga ng espiritu, kailangan mo ang tubig ng katotohanang masusumpungan sa Bibliya at sa kongregasyong Kristiyano sa ngayon. (Isa. 55:1) Malamang na naipaliwanag mo na rin sa maraming tao na ang Banal na Kasulatan ay isinulat sa patnubay ng banal na espiritu. (2 Tim. 3:16) Gayundin, ang uring tapat at maingat na alipin ay naglalaan ng kinakailangang kaunawaan sa dalisay na tubig ng katotohanan mula sa Bibliya. (Mat. 24:45-47) Oo, para magabayan tayo ng banal na espiritu, dapat nating basahin at bulay-bulayin ang Salita ng Diyos. Kung ginagawa mo ito, tinutularan mo ang mainam na halimbawa ng mga propetang ‘masikap na nagsiyasat at maingat na nagsaliksik’ sa nakalaang mga impormasyon. Pansinin na maging ang mga anghel ay interesadung-interesado sa mga katotohanan tungkol sa ipinangakong Binhi at sa kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano.—Basahin ang 1 Pedro 1:10-12.
Magpagabay sa Espiritu—Paano?
8. Bakit napakahalagang humingi kay Jehova ng banal na espiritu?
8 Hindi sapat ang basta pag-aaral lamang at pagbubulay-bulay sa Kasulatan. Kailangan mong patuloy na hingin ang tulong at patnubay ni Jehova. Siya ay “makagagawa ng ibayo pang higit sa lahat ng mga bagay na ating mahihingi o maiisip.” (Efe. 3:20; Luc. 11:13) Pero paano mo sasagutin kapag may nagtanong sa iyo, “Bakit kailangan ko pang patuloy na humingi gayong alam na naman ng Diyos ‘kung anong mga bagay ang kinakailangan ko bago ko pa man hingin sa kaniya’?” (Mat. 6:8) Una sa lahat, kapag humihingi ka ng banal na espiritu, ipinakikita mong umaasa ka kay Jehova. Halimbawa, kapag may humingi sa iyo ng tulong, gagawin mo ang lahat para tulungan siya. Kasi, ang paglapit niya ay nagpapakitang may tiwala siya sa iyo. (Ihambing ang Kawikaan 3:27.) Sa katulad na paraan, natutuwa si Jehova kapag humihingi ka sa kaniya ng banal na espiritu, at ibibigay niya ito sa iyo.—Kaw. 15:8.
9. Paano makakatulong sa iyo ang pagdalo sa mga pulong para magabayan ng espiritu ng Diyos?
9 Ang iba pang paraan para magabayan ng espiritu ng Diyos ay sa pamamagitan ng ating mga pulong, asamblea, at kombensiyon. Napakahalagang pagsikapan na dumalo sa mga ito at makinig sa programa. Sa paggawa nito, mauunawaan mo “ang malalalim na bagay ng Diyos.” (1 Cor. 2:10) Nakakatulong din ang laging pagkokomento. Sa nagdaang apat na linggong pagdalo mo sa mga pulong, gaano kadalas kang nagtaas ng kamay para sumagot at ihayag ang iyong pananampalataya? May dapat ka pa kayang pasulungin? Kung mayroon pa, planuhin kung ano ang gagawin mo sa susunod na mga linggo. Makikita ni Jehova ang iyong kagustuhang makibahagi at bibigyan ka niya ng banal na espiritu na tutulong sa iyo para higit ka pang makinabang sa mga pulong.
10. Anong paanyaya ang ipaaabot natin kung lumalakad tayo ayon sa espiritu?
10 Kasama sa paglakad ayon sa espiritu ang pagtugon sa paanyaya sa Apocalipsis 22:17: “Ang espiritu at ang kasintahang babae ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nauuhaw ay pumarito; ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” Ang espiritu, sa pamamagitan ng pinahirang uring kasintahang babae, ay nagpapaabot ng paanyayang ito tungkol sa tubig ng buhay. Kung tinanggap mo na ang paanyayang “halika!” determinado ka bang magsabi rin ng “halika!”? Isa ngang napakalaking pribilehiyo na makibahagi sa nagliligtas-buhay na gawaing ito!
11, 12. Ano ang papel ng banal na espiritu sa gawaing pangangaral?
11 Ginagabayan ng banal na espiritu ang napakahalagang gawaing ito sa ngayon. Mababasa natin kung paano nakatulong ang banal na espiritu sa pagbubukas ng mga bagong teritoryo para sa mga misyonero noong unang siglo. Si apostol Pablo at ang kaniyang mga kasama ay “pinagbawalan . . . ng banal na espiritu na salitain ang salita sa distrito ng Asia”; hindi rin sila pinahintulutan nito na pumunta sa Bitinia. Hindi natin alam kung paano talaga sila hinadlangan ng espiritu na pumunta sa mga lugar na iyon, pero maliwanag na inakay si Pablo ng espiritu papunta sa malawak na teritoryo ng Europa. Tumanggap siya ng pangitain tungkol sa isang lalaking taga-Macedonia na humihingi ng tulong.—Gawa 16:6-10.
12 Sa ngayon, pinapatnubayan din ng espiritu ni Jehova ang pangangaral sa buong daigdig. Bagaman wala nang makahimalang mga pangitain, ginagamit naman ni Jehova ang kaniyang espiritu para patnubayan ang mga pinahiran. At pinasisigla ng espiritu ang mga kapatid para gawin ang kanilang buong makakaya sa pangangaral at pagtuturo. Tiyak na nakikibahagi ka rin sa napakahalaga at kapana-panabik na gawaing ito. Gusto mo bang makadama ng higit pang kagalakan sa pakikibahagi rito?
13. Paano masasabing nagpapagabay ka sa banal na espiritu? Ilarawan.
13 Masasabing nagpapagabay ka sa banal na espiritu kung ikinakapit mo ang impormasyong inilalaan sa bayan ng Diyos. Tingnan natin ang isang kabataang Haponesa na si Mihoko. Palibhasa’y baguhang payunir, pakiramdam niya’y hindi pa niya kayang magsagawa ng pagdalaw-muli; hindi niya alam kung paano makukuha ang interes ng may-bahay. Nagkataon naman, naglaan ang Ating Ministeryo sa Kaharian ng praktikal na mga mungkahi kung paano magsasagawa ng maiikling pagdalaw-muli. Lumabas din ang brosyur na Isang Kasiya-siyang Buhay—Kung Paano Ito Matatamo. Napakalaking tulong nito sa pangangaral sa Hapon. Ikinapit ni Mihoko ang mga mungkahi kung paano gagamitin ang brosyur, lalo na ang mga mungkahi kung paano magsasagawa ng maiikling pagdalaw-muli. Di-nagtagal, nakapagpasimula na siya ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga dating tumatanggi rito. Sinabi niya, “Napakarami kong study—minsan ay umabot pa nga ng 12—kaya sinabihan ko ang iba na maghintay muna!” Oo, kapag lumalakad ka ayon sa espiritu, anupat ikinakapit ang tagubiling ibinibigay sa mga lingkod ni Jehova, mag-aani ka nang sagana.
Umasa sa Espiritu ng Diyos
14, 15. (a) Bakit kayang tuparin ng di-sakdal na mga tao ang kanilang pag-aalay? (b) Paano ka magkakaroon ng mabubuting kaibigan?
14 Bilang ordenadong ministro, mayroon kang ministeryong dapat gampanan. (Roma 10:14) Baka pakiramdam mo’y hindi ka lubos na kuwalipikado sa gayong responsibilidad. Pero gaya ng sa mga pinahiran, sa Diyos nanggagaling ang iyong pagiging kuwalipikado. (Basahin ang 2 Corinto 3:5.) Tinutupad mo ang iyong pag-aalay kung ginagawa mo ang iyong buong makakaya at umaasa sa espiritu ng Diyos.
15 Oo nga’t hindi gayon kadali para sa atin bilang di-sakdal na mga tao na tuparin ang pag-aalay sa ating sakdal na Diyos, si Jehova. Baka dahil nagtataka ang dati mong mga kasama sa iyong pagbabago ay ‘magsalita sila nang may pang-aabuso tungkol sa iyo.’ (1 Ped. 4:4) Pero huwag mong kaligtaan na may mga bagong kaibigan ka naman, kabilang na rito si Jehova at si Jesu-Kristo na pinakaimportanteng mga kaibigan. (Basahin ang Santiago 2:21-23.) Napakahalaga ring makisalamuha sa mga kapatid sa inyong kongregasyon, na bahagi ng “samahan ng mga kapatid” sa buong daigdig. (1 Ped. 2:17; Kaw. 17:17) Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, tutulungan ka ni Jehova na magkaroon ng mabubuting kaibigan.
16. Bakit puwede ka ring ‘malugod sa mga kahinaan’ gaya ni Pablo?
16 Kahit marami kang kaibigan sa kongregasyon na tumutulong sa iyo, baka nahihirapan ka pa ring harapin ang mga hamon sa araw-araw. Baka may mga pagkakataong nasasagad ka na, anupat parang hindi matapus-tapos ang iyong problema. Sa ganitong mga pagkakataon lalo nang dapat lumapit kay Jehova at humingi ng kaniyang banal na espiritu. “Kung kailan ako mahina,” ang sabi ni apostol Pablo, “saka naman ako malakas.” (Basahin ang 2 Corinto 4:7-10; 12:10.) Alam ni Pablo na anuman ang kahinaan ng tao, makakatulong ang espiritu ng Diyos. Palalakasin ka ng aktibong puwersa ng Diyos kapag nanghihina ka at nangangailangan ng tulong. Sinabi ni Pablo na “nalulugod [siya] sa mga kahinaan.” Kapag mahina siya, nadarama niya ang tulong ng banal na espiritu. Puwede ka ring makadama nang ganiyan!—Roma 15:13.
17. Paano ka matutulungan ng banal na espiritu para makarating sa iyong destinasyon?
17 Kailangan ang espiritu ng Diyos para matupad natin ang ating pag-aalay. Ipagpalagay nang naglalayag ka. Ang tunguhin mo ay ang maglingkod kay Jehova magpakailanman. Ang banal na espiritu ay parang hangin na hinuhuli mo sa pamamagitan ng layag para makarating nang ligtas sa iyong destinasyon. Tiyak na hindi ka papayag na tangay-tangayin na lang ng espiritu ng sanlibutan ni Satanas. (1 Cor. 2:12) Dapat mong alamin ang tamang hangin at hulihin ito, wika nga. Ang hanging ito ay kagaya ng banal na espiritu. Sa tulong ng Salita ng Diyos at ng kaniyang pinapatnubayan-ng-espiritung organisasyon, itutulak ka ng banal na espiritu sa tamang direksiyon.
18. Ano ang pasiya mong gawin ngayon, at bakit?
18 Kung nakikipag-aral ka na sa mga Saksi ni Jehova at nasisiyahan sa pagsambang kasama nila, pero hindi pa nag-aalay at nagpapabautismo, tanungin ang sarili, ‘Ano pa ba ang hinihintay ko?’ Kung kinikilala mo ang papel ng banal na espiritu sa pagsasagawa ng kalooban ni Jehova sa ngayon at nasisiyahan sa paggabay nito, aba, gawin mo na kung ano ang alam mong tamang gawin. Lubusan kang pagpapalain ni Jehova. Sagana ka niyang paglalaanan ng banal na espiritu. Kung matagal ka nang nabautismuhan, tiyak na naranasan mo na ang paggabay ng banal na espiritu sa iyong buhay. Nakita mo na at nadama kung paano nagpapalakas ang Diyos sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. Magpapatuloy iyan—oo, magpakailanman. Kaya nga, ipasiya mong patuloy na lumakad ayon sa banal na espiritu.
Naaalaala Mo Ba?
• Ano ang kahulugan ng ‘paglakad ayon sa espiritu’?
• Ano ang makakatulong sa iyo para “patuloy na lumakad ayon sa espiritu”?
• Paano mo matutupad ang iyong pag-aalay?
[Larawan sa pahina 15]
Pagsisikap ang kailangan para malinang ang lupa—ang iyong puso
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Ginagabayan ka ba ng espiritu ng Diyos?