“Iwaksi rin Natin ang Bawat Pabigat”
“Ako’y lungkot na lungkot at nasisiraan ng loob,” ang hinanakit ni Mary. Ang tinutukoy ay ang pasan na mga pananagutang Kristiyano, isinusog pa ng babaing Kristiyanong ito: “Nakikita kong ang mga kaibigan ay dumaranas ng labis na pagkahapo. Ako man ay nakadarama rin ng pagkapagod at ng kaigtingan. Pakitulungan po ninyo akong maunawaan ko kung bakit.”
NADARAMA mo rin ba na ikaw ay nasa ilalim ng kaigtingan, totoong nahahapo upang maasikaso nang husto ang iyong mga pananagutang teokratiko? Para bang kung minsan ang ministeryong Kristiyano ay isang mabigat na pasanin, isang pasan na hindi mo kayang dalhin? Maraming tapat na Kristiyano ang dumaranas ng mga panahon ng panghihina ng loob, sapagkat tayo ay palaging napalilibutan ng negatibong mga bagay na makapagpapatamlay sa ating masayang kalooban. Ang pagiging isang tunay na Kristiyano ngayon ay talagang isang hamon. Kaya naman, kung minsan ang iba ay nakadarama na isang mabigat na pasanin ang ministeryong Kristiyano.
Hanapin ang Dahilan
Nililinaw ng Kasulatan na hindi naman tayo hinihilingan ni Jehova ng mga bagay na di makatuwiran. Sinabi ni apostol Juan na ang “mga utos [ng Diyos] ay hindi naman mabibigat.” (1 Juan 5:3) Ang kaniyang mga tagasunod ay pinagsabihan din ni Jesus: “Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y maging mga alagad ko, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang-puso, at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat malambot ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.” (Mateo 11:29, 30) Maliwanag na hindi kalooban ni Jehova na tayo’y makadama ng labis na kabigatan ng pasanin o pinabibigatan ng ating paglilingkuran sa kaniya.
Kung gayon, papaano baka malasin ng isang tapat na Kristiyano ang kaniyang pananagutang Kristiyano bilang isang mabigat na pasanin? Posible, na maraming mga bagay ang kasangkot. Pansinin ang mga salitang ito ni apostol Pablo: “Iwaksi rin natin ang bawat pabigat . . . , at takbuhin natin ng may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin.” (Hebreo 12:1) Ipinakikita ng mga salita ni Pablo na ang isang Kristiyano kung minsan ay baka nag-aatang sa kaniyang sarili ng mga pasanin na hindi naman kailangan. Ito ay hindi naman tiyakang masasabing may kinalaman sa malulubhang mga pagkakasala. Subalit ang isang Kristiyano ay maaaring magkamali ng pagpapasiya na nagdudulot sa kaniyang buhay ng matitinding suliranin, kaya nagiging napakahirap sa kaniya na tumakbo sa takbuhan na inilagay sa harap natin.
Isang Timbang na Pangmalas sa Materyal na mga Bagay
Halimbawa, nariyan ang tungkol sa paghahanap-buhay. Sa maraming bansa, dahilan sa mga kalagayang pangkabuhayan baka ang isang Kristiyano ay walang magawa kundi ang magtrabaho nang mahabang oras. Subalit, kadalasan, ang mga tao ay nagtatrabaho upang makaulos lamang sa iba o makapagkamal ng mga bagay na luho. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa kanilang aktuwal na pangangailangan, natuklasan ng ibang mga Kristiyano na matalino ang gumawa ng mga pagbabago sa kanilang paghahanap-buhay. Ganiyan ang pangyayari kay Debbie at sa kaniyang asawa, na kapuwa mga Saksi ni Jehova. Ang sabi ni Debbie: “Nagbago na ang katayuan ng aming pananalapi, at hindi na talagang kailangan na ako’y magpatuloy ng buong-panahong pagtatrabaho. Subalit mahirap na huminto ng pagtatrabaho.” Hindi nagtagal at nadama niya ang kagipitan ng labis-labis na pagtatrabaho. Ganito ang sabi niya: “Ang Sabado ang tanging araw upang ako’y gumawa ng trabahong-bahay. Malimit na hindi ko gustong lumabas sa paglilingkod sa larangan. Masama ang aking pakiramdam tungkol dito, at ginagambala ako ng aking budhi, gayunman ay mahal ko ang aking trabaho! Sa wakas, ako’y kailangang humarap sa katotohanan. Iisa lamang ang solusyon. Nagbitiw ako sa trabaho.” Masasabi natin, na ang gayong malaking pagbabago ay baka naman imposible para sa iba. Gayunman, ang maingat na pagsusuri sa iskedyul ng ating trabaho ay baka magsiwalat na kailangan ang paggawa ng ilang mga pagbabago.
Maaaring may mga iba pang mga paraan upang tayo’y maalisan ng di naman kinakailangang mga pasanin. Bakit hindi bawasan ang malimit nating paglalakbay, ang mga aktibidades sa isports, o iba pang mga libangan—kasali na ang mga oras na ginugugol sa panonood ng telebisyon? At kahit na pagkatapos na makamit ang hinahangad na pagkatimbang sa mga pitak na ito, baka kailangan ang palaging paggawa ng mga pagbabago upang mapananatili ang gayong pagiging timbang.
Kailangan ang Pagkamakatuwiran
Ang pagkamakatuwiran ay tutulong sa atin na bumagay sa mga bagong kalagayan habang bumabangon ang mga iyan. Sa gayon, tayo’y makapananatiling may positibong pangmalas sa ating ministeryo.—Efeso 5:15-17; Filipos 4:5.
Ikaw ba’y nasa ilalim ng panggigipit na gumawa nang sindami ng ginagawa ng iba sa paglilingkuran sa Diyos? Ito man ay makapagdaragdag ng pagkabalisa at pagkabigo sa iyong buhay. Bagama’t ang mabuting halimbawa ng iba ay tunay na makapagpapatibay-loob sa iyo na gumawa nang higit pa, ang pagkamakatuwiran ay tutulong sa iyo na magtakda ng makatotohanang mga tunguhin kasuwato ng iyong sariling mga kalagayan at mga kakayahan. Ang Kasulatan ay nagsasabi sa atin: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan upang magalak tungkol sa kaniyang sarili lamang, at hindi kahambing ng iba. Sapagkat bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.”—Galacia 6:4, 5.
Ang lokal na mga kustumbre at mga tradisyon ay maaari ring makaragdag sa ating mga pasanin. Noong kaarawan ni Jesus ang mga tao ay pagod na sa pagsisikap na makasunod sa maraming relihiyosong mga alituntunin at mga tradisyon na ginawa ng mga tao. Sa ngayon, ang bayan ni Jehova ay pinalaya na buhat sa mga tradisyon ng huwad na relihiyon. (Ihambing ang Juan 8:32.) Gayunman, ang isang Kristiyano ay maaaring abala pa rin sa walang saysay na pagsunod sa lokal na mga kaugalian. Halimbawa, kung minsan ang mga kasayahan tulad baga ng mga kasalan ay may kasamang magagarang mga bagay na kinaugalian na. Ang mga kaugaliang ito ay marahil hindi naman mali, at maaari pa ngang maging kakatuwa at interesante. Gayunman, ang mga Kristiyano ay marahil walang panahon o sapat na pananalapi upang makasunod sa lahat ng gayong mga bagay, at ang pagsisikap na gawin iyon ay makadaragdag lamang ng iba pang mga pasaning di naman kinakailangan.
Isaalang-alang ang nangyari nang si Jesus ay dumalaw sa isang babae na nagngangalang Marta. Imbis na makinabang na lubusan sa kaniyang makalangit na karunungan, “si Marta . . . ay naliligalig sa pagsasagawa ng maraming gawain.” Siya’y nababagabag ng maraming maliliit na bagay. (Lucas 10:40) Ngunit may kabaitang iminungkahi ni Jesus na simple lamang ang gawin niyang paghahanda ng pagkain upang makinabang sa kaniyang pagtuturo. (Lucas 10:41, 42) Ito’y mainam na halimbawa kung papaano ang mainam na pagpapasiya at pagkamakatuwiran ay tutulong sa iyo sa pagiging timbang sa nararapat na paraan sa iyong ministeryo.—Santiago 3:17.
Ang mainam na pagpapasiya ay kailangan din sa pagpili ng inyong mga makakasama. Ang Kawikaan 27:3 ay nagpapaalaala: “Ang bato ay mabigat at ang buhangin ay matimbang—ngunit ang galit ng mangmang ay lalong mabigat kaysa dalawang ito.” Walang pagsala, ang iyong malalapit na mga kasamahan ay makakaimpluwensiya nang malaki sa iyong paraan ng pag-iisip. Ang laging pagsama sa mga taong mahilig na manisi at pumintas sa iba sa kongregasyon ay maaaring maghasik sa iyo ng mga binhi ng panghihina ng loob at negatibong kaisipan. (1 Corinto 15:33) Kung iyong mahalata na ito nga ay isang suliranin, ang paggawa ng ilang matalinong mga pagbabago sa mga taong pinipili mong maging kasama ay makapagpapagaan ng iyong pasanin.
Magpakahinhin sa Paglakad na Kasama ng Diyos
Sa Mikas 6:8, makikita natin itong pumupukaw-kaisipang katanungang ito: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi . . . maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?” Ang kahinhinan ay pinakakahulugan na ang pagkakilala ng mga limitasyon ng isa. Ang mga taong hindi kumikilala sa kanilang mga limitasyon ay maaaring magtatambak sa kanilang sarili ng napakaraming mga obligasyon. Ito’y nangyayari sa mga maygulang na Kristiyano, maging mga tagapangasiwa man, na ang resulta ay panghihina ng loob, pagkabigo, at pagkawala ng kagalakan. Si Kenneth, isang elder na Kristiyano, ay ganito ang inamin: “Nakita kong ako ay mahuhulog sa panlulumo, at sinabi ko, ‘Hindi ko papayagang mangyari ito sa akin.’ Kaya nagbawas ako ng aking mga obligasyon at nagtutok ako ng pansin sa mga bagay na magagawa ko.”
Maging ang mapagpakumbabang si propeta Moises ay nagkaroon ng kahirapan sa pagkilala sa kaniyang sariling mga limitasyon. Kaya kinailangan pang si Jethro, na kaniyang biyenang lalaki, ang tumulong kay Moises upang makapag-isip nang malinaw tungkol sa labis-labis na trabahong kaniyang sinusubukang gampanan ng kaniyang sarili lamang. “Anong klase ng gawain ito na ginagawa mo para sa bayan?” ang tanong ni Jethro. “Ang iyong ginagawa ay hindi mabuti. Tunay na ikaw ay manghihina . . . sapagkat ang gawaing ito ay totoong mabigat na pasanin para sa iyo. Hindi mo makakaya itong mag-isa. . . . Ngunit ikaw mismo ang pipili buhat sa lahat ng mamamayan ng may kakayahang mga lalaki, . . . at mangyayari na bawat malaking usapin ay dadalhin nila sa iyo, datapuwat bawat munting usapin ay sila-sila ang hahatol bilang mga hukom. Sa ganiyan ay magiging magaan iyon para sa iyo, at magpapasan silang katulong mo.” Karaka-raka ay sinimulan ni Moises na ibahagi sa iba ang ilan sa kaniyang gawain, sa gayo’y naginhawahan siya buhat sa nagiging isang mabigat na pasanin.—Exodo 18:13-26.
Sa isa pang okasyon sinabi ni Moises kay Jehova: “Hindi ko kayang dalhing mag-isa ang buong bayang ito, sapagkat totoong mabigat sa akin.” Muli, ang sagot ay bahaginan nito ang iba. Marahil ito rin ang solusyon sa iyong suliranin kung inaakala mong ikaw ay labis-labis na pumapasan ng napakaraming obligasyon.—Bilang 11:14-17.
Tinutulungan Tayo ni Jehova na Dalhin ang Pasanin
Sinabi ni Jesus na ang kaniyang pamatok ay malambot at ang kaniyang pasan ay magaan ngunit matimbang. Ang pamatok na ipinag-aanyaya sa atin ni Jesus na pasanin natin ay hindi isang pamatok ng katamaran. Ito ay isang pamatok ng lubos na pag-aalay ng sarili sa Diyos bilang isang alagad ni Jesu-Kristo. Samakatuwid, may kasamang antas ng bigat o kagipitan ang pagiging tunay na Kristiyano. (Mateo 16:24-26; 19:16-29; Lucas 13:24) Samantalang lalong lumalala ang mga kalagayan ng daigdig, darami ang mga kagipitan. Gayunman, tayo’y may dahilan na maging positibo sa ating pangmalas sapagkat ang paanyaya ni Jesus ay nagpapahiwatig na ang iba ay sasailalim ng kaniyang pamatok kasama niya at sila’y tutulungan niya.a Sa gayon, habang tayo’y sumusunod sa tagubilin ni Kristo, ang ating pasan ay mananatiling kaya natin sapagkat kaniyang tutulungan tayo.
Ang Diyos ay may malasakit sa mga umiibig sa kaniya, at kaniyang iniingatan ang mga puso at mga kaisipan ng lahat ng nananalangin at sa kaniya ipinapapasan ang kanilang mga pasanin. (Awit 55:22; Filipos 4:6, 7; 1 Pedro 5:6, 7) “Purihin si Jehova, na nagpapasan araw-araw ng aming pasan, ang tunay na Diyos ng aming kaligtasan,” ang sabi ng salmista. (Awit 68:19) Oo, matitiyak mo na sa araw-araw ay papasanin din ng Diyos ang pasanin mo kung iwawaksi mo ang bawat pabigat at tatakbuhin mo na may pagtitiis ang takbuhin na inilagay sa harap mo.
[Talababa]
a Ang pagkasalin ng talababa ay: “Sumailalim ng aking pamatok kasama ko.”
[Larawan sa pahina 24]
Ang marurunong na elder ay nalulugod na ibahagi sa iba ang ilan sa kanilang gawain at bahaginan ang iba ng pasan