Si Kristo ang Aktibong Nangunguna sa Kaniyang Kongregasyon
“Ang Diyos ng ating Panginoong Jesu-Kristo . . . ginawa siyang ulo sa lahat ng bagay sa kongregasyon.”—EFESO 1:17, 22.
1. Paano marahil sasagutin ng mga ilang miyembro ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang tanong na, ‘Sino ang inyong lider?’ subalit paano sinasagot iyan ng mga Saksi ni Jehova?
ANG mga Saksi ni Jehova ay walang kinikilalang sinumang tao bilang kanilang lider. Sa kaayusan ng kanilang organisasyon ay walang katumbas ang papa ng Iglesya Katolika Romana, ang mga patriarka ng Eastern Orthodox Churches, o ang mga lider ng iba pang mga relihiyon at sekta ng Sangkakristiyanuhan. Sila’y nanumpa ng katapatan kay Jesu-Kristo, ang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, na nagsabi: “Ang inyong Lider ay isa, ang Kristo.”—Mateo 23:10.
2. Bakit kinikilala ng mga Saksi ni Jehova si Kristo bilang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, subalit anong mga tanong ang maaaring maitanong?
2 Noong Pentecostes si apostol Pedro ay nagpatotoo: “Hindi umakyat si David sa mga langit, kundi siya na rin ang nagsabi, ‘Sinabi ni Jehova sa aking Panginoon: “Maupo ka sa kanan ko, hanggang sa ang mga kaaway mo’y gawin kong tuntungan ng iyong mga paa.”’ Kaya pakatalastasin ng buong angkan ni Israel na siya’y ginawa ng Diyos na kapuwa Panginoon at Kristo, itong si Jesus na inyong ibinayubay.” (Gawa 2:34-36) Subalit bagama’t kinikilala na noong 33 C.E. si Jesus ay ginawang Panginoon at Ulo ng kongregasyon, ibig ba nating isipin na siya’y sunud-sunuran na lamang sa kanan ni Jehova, at naghintay na siya’y iluklok noong 1914? Atin bang lubusang natatalos na sa mismong pasimula ay aktibo na pinangungunahan ni Kristo ang kaniyang kongregasyon?
Ang Kaparaanan ng Diyos sa Aktibong Pamamahala
3. Ano ang ipinangako ni Jesus na ipadadala sa kaniyang mga alagad, at paano natin nalalaman na hindi isang persona ang kaniyang tinutukoy?
3 Nang gabing bago siya namatay, sinabi ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol: “Sa inyong kapakinabangan ako’y yayaon. Sapagkat kung hindi ako yayaon, ang katulong ay sa anumang paraan hindi paririto sa inyo; ngunit kung ako’y yumaon, siya’y susuguin ko sa inyo.” (Juan 16:7) Ang susuguin niya’y hindi isang persona kundi isang aktibong puwersa. Ito’y niliwanag niya mga ilang saglit lang bago siya umakyat sa langit, at sinabi sa kaniyang nagkakatipong mga alagad: “Ipadadala ko sa inyo yaong ipinangako ng aking Ama. Datapuwat, magsipanatili kayo sa lunsod hanggang sa kayo’y masangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas.”—Lucas 24:49.
4. Paano ginamit ang banal na espiritu mula noong Pentecostes at patuloy?
4 Ang tapat na mga alagad ni Jesus ay nanatili sa lugar ng Jerusalem hanggang noong Pentecostes. Nang araw na iyon “sila’y napuspos ng banal na espiritu,” gaya ng ipinangako. Si Pedro ay nagpatotoo: “Palibhasa siya [si Jesus] ay niluwalhati sa kanang kamay ng Diyos at tinanggap nga sa Ama ang ipinangakong banal na espiritu, kaniyang ibinuhos ito na inyong nakikita at naririnig.” (Gawa 2:4, 33) Sa pamamagitan ng ganitong kaparaanan ang mga sinaunang Kristiyanong ito ay naging espirituwal na mga anak ni Jehova. (Galacia 4:6) At, tinanggap ni Jesus ang espiritu buhat sa kaniyang Ama bilang isang kaparaanan ng aktibong pamamahala sa kaniyang kongregasyon sa lupa buhat sa kaniyang makalangit na posisyon sa kanan ng Diyos.
5, 6. (a) Ano ang isa pang kaparaanan na ibinigay kay Kristo upang mapamahalaan niya ang kaniyang kongregasyon sa lupa? (b) Magbigay ng espisipikong mga halimbawa ng kung papaanong ginamit ni Jesus ang kaparaanang ito may kaugnayan sa kaniyang mga alagad at bilang pag-alalay sa gawaing pangangaral.
5 Isa pa, si apostol Pedro ay sumulat tungkol kay Jesus: “Siya’y nasa kanan ng Diyos, sapagkat siya’y umakyat sa langit; at ipinasakop sa kaniya ang mga anghel at ang mga kapamahalaan at ang mga kapangyarihan.” (1 Pedro 3:22) Samakatuwid, ang mga anghel ay isa pang kaparaanan na ibinigay ni Jehova kay Kristo upang gamitin sa aktibong pangunguna sa kongregasyong Kristiyano.
6 Kaya naman, pagka nabasa natin sa aklat ng Mga Gawa na ang “anghel ni Jehova” o “isang anghel ng Diyos” ang kumilos sa pag-alalay sa gawaing pangangaral ng mga Kristiyano o namagitan alang-alang sa mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano, may lahat ng dahilan na maniwala na ang gayong mga anghel ay kumilos sa ilalim ng pamamanihala ni Kristo Jesus. (Gawa 5:19; 8:26; 10:3-7, 22; 12:7-11; 27:23, 24) Bilang “si Miguel na arkanghel,” si Kristo ay may mga anghel na tumutupad ng kaniyang mga utos, at kaniyang ginamit ang mga ito sa aktibong pangunguna sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo C.E.—Judas 9; 1 Tesalonica 4:16.
Isang Nakikitang Lupong Tagapamahala
7. Ano pang ibang kaparaanan ang ginamit ni Kristo upang pamahalaan ang kaniyang kongregasyon, at anong mga teksto ang bumabanggit sa “katungkulan ng pangangasiwa” na ito?
7 Ipinakikita rin ng Kasulatan na ginamit ni Jesu-Kristo ang isang grupo ng mga tao bilang isang lupong tagapamahala upang pamahalaan ang kaniyang kongregasyon sa lupa. Sa pasimula, ang lupong tagapamahalang ito ay lumilitaw na binubuo ng 11 apostol lamang. Nang inaalam ang kalooban ni Jehova sa paghahalili kay Judas Iscariote, sinipi ni Pedro ang Awit 109:8, na nagsasabi: “Bayaang kunin ng iba ang kaniyang katungkulan ng pangangasiwa.” Pagkatapos, sa kanilang panalangin kay Jehova, si Pedro at ang kaniyang mga kasama ay nanalangin sa Diyos na atasan ang taong “hahalili sa ministeryo at pagkaapostol na ito, na nilihisan ni Judas.” Si Matias ay inatasan na maglingkod “kasama ng labing-isang apostol.”—Gawa 1:20, 24-26.
8. Anong dalawang maagang mga halimbawa ang nagpapakita kung paano ginamit ni Kristo ang mga miyembro ng nakikitang lupong tagapamahala?
8 Ang unang pagbanggit sa kasaysayan tungkol sa pagganap ng 12 apostol ng “katungkulan ng pangangasiwa” na ito bilang isang lupong tagapamahala ay nang sila’y humirang ng espirituwal na kuwalipikadong mga lalaki na maglilingkod sa kanilang mga kapatid sa loob ng sinaunang kongregasyon. (Gawa 6:1-6) Ang ikalawang kaso ay nang si Felipe ay magsimulang ipangaral ang Kristo sa mga Samaritano. Kaya naman, nang mabalitaan ng “mga apostol na nangasa Jerusalem . . . kanilang sinugo sa kanila si Pedro at si Juan.” Pagkatapos lamang na ang mga kinatawang miyembrong ito ng lupong tagapamahala ay magpatong ng kanilang mga kamay sa mga Samaritano saka sila ‘nagsimulang tumanggap ng banal na espiritu.’—Gawa 8:5, 14-17.
Ang Personal na Pangunguna ni Kristo
9. Si Kristo ba ay laging kumikilos noon sa pamamagitan ng mga anghel o ng lupong tagapamahala? Magbigay ng halimbawa.
9 Samakatuwid, sa mismong pasimula ng kongregasyong Kristiyano, nasa kapamahalaan na ni Kristo ang banal na espiritu, ang mga anghel, at ang isang nakikitang lupong tagapamahala upang aktibong makapanguna siya sa kaniyang mga alagad sa lupa. May pagkakataon na siya’y kumilos pa nga nang personal. Halimbawa, personal na kinumberte ni Kristo si Saulo ng Tarso. (Gawa 9:3-6) Makalipas ang tatlong araw si Jesus ay nakipag-usap nang tuwiran sa “isang alagad” na nagngangalang Ananias. Ibinunyag sa kaniya ang tatlong-bahaging misyon na nasa isip niya para kay Saulo, kaya sinabi ni Jesus: “Ang taong ito ay isang piniling sisidlan sa akin na magdadala ng aking pangalan sa mga bansa at gayundin sa mga hari at sa mga anak ni Israel.” (Gawa 9:10-15) Tinawag ni Kristo si Saulo para sa isang natatanging gawain. Sa gayo’y naging isang apostol si Saulo, o isang sinugo, at nakilala bilang si apostol Pablo.
10. Paanong personal na pinangasiwaan ni Kristo ang gawaing pangangaral?
10 Personal na pinangasiwaan ni Kristo ang gawaing pangangaral. Sa pamamagitan ng banal na espiritu na tinanggap sa kaniyang Amang si Jehova, kaniyang ipinaganap kay Pablo ang mga paglalakbay misyonero at nagkaroon siya ng personal na interes sa mga ito. Mababasa natin: “Sinabi ng banal na espiritu: ‘Ibukod ninyo sa akin si Bernabe at si Saulo para sa gawaing itinawag ko sa kanila.’ . . . Kaya naman ang mga lalaking ito, na sinugo ng banal na espiritu, ay nagsilusong sa Seleucia, at buhat doo’y nangaglayag” patungo sa unang paglalakbay misyonero. (Gawa 13:2-4) Mangyari pa, ang banal na espiritu, na aktibong puwersa ni Jehova, ay hindi ‘makapagsasabi’ ng isang bagay ni ‘makapagsusugo’ ng sinuman kung sa ganang sarili lamang nito. Ang isa na gumagamit sa espiritu upang pamahalaan ang mga bagay-bagay ay maliwanag na si Kristo, ang Ulo ng kongregasyon.
11. Ano ang nangyari noong ikalawang paglalakbay misyonero ni Pablo, at paano ipinakikita nitong malinaw na ginamit ni Jesus ang espiritu sa pamamanihala sa gawaing pangangaral?
11 Ang ganitong paggamit ni Jesus sa espiritu sa kaniyang aktibong pangunguna sa sinaunang mga Kristiyano ay malinaw na ipinakikita sa pag-uulat ni Pablo ng ikalawang paglalakbay misyonero. Pagkatapos ng ikalawang pagdalaw sa mga kongregasyon sa Liconia (isang rehiyon ng Asia Minor) na itinatag noong unang paglalakbay misyonero, maliwanag na ang intensiyon ni Pablo at ng kaniyang naglalakbay na mga kasama ay pumakanluran at bumagtas sa lalawigang Romano ng Asia. Bakit hindi nila ipinagpatuloy ang kanilang plano? “Sapagkat sila’y pinagbawalan ng banal na espiritu na saysayin ang salita sa distrito ng Asia.” (Gawa 15:36, 40, 41; 16:1-6) Subalit sino ba ang gumagamit noon ng banal na espiritu ni Jehova upang akayin sila? Ang sumusunod na talata ang sumasagot. Ipinakikita nito na nang sila’y pupunta na sa hilaga, na ang layunin ay mangaral sa Bitinia, “sila’y hindi tinulutan ng espiritu ni Jesus.” (Gawa 16:7) Oo, ginagamit ni Jesu-Kristo ang espiritu na kaniyang tinanggap sa kaniyang Ama sa aktibong pamamanihala sa gawaing pangangaral. Siya at ang kaniyang Amang si Jehova ay nagnanais na lumaganap sa Europa ang mabuting balita, kaya si Pablo’y tumanggap ng isang pangitain para sa bagay na iyan.—Gawa 16:9, 10.
Suportado ni Kristo ang mga Miyembro ng Lupong Tagapamahala
12, 13. Nang unang pagdalaw ni Pablo sa Jerusalem bilang isang Kristiyano, ano ang naganap na nagpapakita kung paanong suportado ni Kristo ang mga disisyon na ginawa ng responsableng mga kapatid sa lunsod na iyon?
12 Nang unang pakikipagkita ni apostol Pablo sa mga alagad sa Jerusalem, mauunawaan kung bakit atubili sila na makipagkita sa kaniya. “Kaya’t kinuha siya ni Bernabe at dinala sa mga apostol.” (Gawa 9:26, 27) Si Pablo ay gumugol ng 15 araw kasama ni apostol Pedro. Kaniya ring nakilala si Santiago na kapatid ni Jesus sa ina, na noo’y isa sa mga matatanda sa kongregasyon sa Jerusalem. (Galacia 1:18, 19) Ang kasunod nito na mga talata sa Mga Gawa ay nagpapakita na ang matatanda sa Jerusalem ay naging bahagi ng lupong tagapamahala ng sinaunang kongregasyong Kristiyano, kasama ng 12 apostol.—Gawa 15:2; 21:18.
13 Sa loob ng dalawang linggong pamamalagi niya sa Jerusalem, si Pablo ay nagpatotoo sa mga Judiong ang wika’y Griego, subalit “ang mga ito’y nagtangkang patayin siya.” Isinusog ni Lucas na “nang maalaman ito ng mga kapatid, kanilang inihatid siya sa Cesarea at siya’y sinugo nila sa Tarso.” (Gawa 9:28-30) Subalit sino ang nasa likod ng matalinong disisyong ito? Makalipas ang mga taon, nang inilalahad ang naging karanasan niyang ito sa kaniyang buhay, sinabi ni Pablo na napakita si Jesus sa kaniya at ipinag-utos sa kaniya na kaniyang lisaning madali ang Jerusalem. Nang tumutol si Pablo, isinusog ni Jesus: “Yumaon ka, sapagkat susuguin kita sa mga bansa sa malayo.” (Gawa 22:17-21) Maingat na sinusubaybayan ni Kristo ang mga bagay-bagay buhat sa itaas at kumilos siya kapuwa sa pamamagitan ng responsableng mga kapatid sa Jerusalem at ng tuwirang pakikipag-usap kay Pablo.
14. Anong paghahambing ng mga pag-uulat sa Mga Gawa at sa Galacia ang nagpapakita na pinangangasiwaan ni Kristo ang mga bagay-bagay kung tungkol sa pagpupulong ng lupong tagapamahala may kaugnayan sa pagtutuli?
14 Gayundin naman, ang isang maingat na pagbabasa sa Kasulatan ay nagpapakitang malinaw na si Kristo ang nasa likod ng mahalagang pulong ng lupong tagapamahala na ginanap upang lutasin ang suliranin tungkol sa kung ang mga Kristiyanong Gentil ay dapat patuli at pailalim o hindi sa Kautusan ni Moises. Ang aklat ng Mga Gawa ay nagsasabi na nang bumangon ang suliranin, “sila [tiyak na ang responsableng mga miyembro, o matatanda, ng kongregasyon sa Antioquia] ay gumawa ng kaayusan upang si Pablo at si Bernabe at ang mga iba pa sa kanila ay pumaroon sa mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem upang sumangguni tungkol sa suliraning ito.” (Gawa 15:1, 2) Subalit nang ilahad ni Pablo ang mga pangyayari na humantong sa kaniyang pagpunta sa Jerusalem upang lutasin ang isyu ng pagtutuli, sinabi niya: “Ako’y naparoon doon bilang isang resulta ng pagsisiwalat.” (Galacia 2:1-3; ihambing ang 1:12.) Bilang ang aktibong Ulo ng kongregasyon, nais ni Kristo na ang mahalagang bagay na ito tungkol sa doktrina ay malutas ng buong nakikitang lupong tagapamahala. Sa pamamagitan ng banal na espiritu, kaniyang inakay ang pag-iisip ng mga nakatalagang lalaking ito sa paggawa ng kanilang disisyon.—Gawa 15:28, 29.
Isang Di-Karaniwang Disisyon
15, 16. (a) Ano ang hiniling ng lupong tagapamahala na gawin ni Pablo pagkatapos na siya’y magbalik galing sa kaniyang ikatlong paglalakbay misyonero? (b) Bakit ang utos na ito ay waring di-pangkaraniwan, at bakit sumunod dito si Pablo? (c) Anong tanong ang bumabangon?
15 Ang isa pang kawili-wiling halimbawa ng aktibong pangangasiwa ni Jesus sa mga bagay-bagay buhat sa langit ay yaong naganap pagkatapos ng ikatlong misyonerong paglalakbay ni Pablo. Inilalahad ni Lucas na pagkabalik sa Jerusalem, si Pablo ay gumawa ng hustong pag-uulat sa mga miyembro ng lupong tagapamahala na naroroon. Si Lucas ay sumulat: “Pumaroon si Pablo na kasama kami kay Santiago; at ang lahat ng matatandang lalaki ay naroon. At kaniyang binati sila at isa-isang isinaysay niya sa kanila ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga bansa sa pamamagitan ng kaniyang ministeryo.” (Gawa 21:17-19) Pagkatapos na makinig kay Pablo, ang mga naroroong nagtitipon ay nagbigay sa kaniya ng maliwanag na pag-uutos, na nagsasabi: “Gawin mo nga itong sinasabi namin sa iyo.” Kanilang ipinag-utos sa kaniya na pumaroon siya sa templo at ipakilala roon sa madla na siya’y hindi “nagtuturo sa lahat ng mga Judio na nasa mga bansa ng isang apostasya mula kay Moises, na nagsasabi sa kanila na huwag tuliin ang kanilang mga anak ni huwag lumakad ayon sa mga pinakukundanganang kaugalian.”—Gawa 21:20-24.
16 Baka kuwestiyunin ng isa ang katalinuhan ng iniutos na ito. Gaya ng nakita na natin, mga ilang taon ang aga si Santiago, at marahil ang mga iba pang matatanda na naroon sa dalawang okasyong iyon, ang nag-utos kay Pablo na umalis sa Jerusalem dahilan sa ang kaniyang buhay ay pinagbabantaan ng “mga Judiong ang wika’y Griego.” (Gawa 9:29) Sa kabila nito, si Pablo ay sumunod sa iniutos, kaayon ng kaniyang sinabi na sa 1 Corinto 9:20. Ngunit ang katulad na mga sanhi ay lumilikha ng katulad na mga epekto. “Ang mga Judio buhat sa [Romanong lalawigan ng] Asia” ang sanhi ng pagkakagulo at sinikap nila na patayin si Pablo. Ang mabilis na pagkilos lamang ng mga sundalong Romano ang nagligtas sa kaniya sa mga mang-uumog. (Gawa 21:26-32) Yamang si Kristo ang aktibong Ulo ng kongregasyon, bakit pinapangyari niya na utusan ng lupong tagapamahala si Pablo na pumaroon sa templo?
17. Tungkol sa di-karaniwang disisyong ito paano lumabas na ito’y ayon sa kalooban ni Kristo, at ano ang ipinakikita nito?
17 Ang sagot ay nagliliwanag sa pangyayari noong ikalawang gabi pagkatapos na maaresto si Pablo. Siya’y nagbigay ng isang mainam na patotoo sa mga mang-uumog na naghangad na patayin siya at, kinabukasan, nagpatotoo naman siya sa Sanhedrin. (Gawa 22:1-21; 23:1-6) Ikalawang pagkakataon iyon na siya’y halos utasin ng mga mang-uumog. Subalit nang gabing iyon, si Jesus ay napakita sa kaniya at nagsabi: “Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paanong lubusang nagpatotoo ka tungkol sa akin sa Jerusalem, ganoon din na magpapatotoo ka sa Roma.” (Gawa 23:11) Tandaan ang tatlong bahaging misyon na inihula ni Kristo para kay Pablo. (Gawa 9:15) Dinala ni Pablo ang pangalan ni Kristo sa “mga bansa” at sa “mga anak ni Israel,” subalit sumapit na ang panahon na kailangan siyang magpatotoo “sa mga hari.” Dahilan sa disisyong iyan ng lupong tagapamahala, si Pablo ay nakapagpatotoo rin sa mga pinunong Romano na si Felix at Festo, kay Haring Herodes Agripa II, at, sa wakas, sa Romanong Emperador Nero. (Gawa, kabanata 24-26; Gawa 27:24) Sino ang mag-aalinlangan na si Kristo ang nasa likod ng lahat ng ito?
Aktibo Pa Ring Pinangungunahan ni Kristo ang Kaniyang Kongregasyon
18. Ano ang sinabi ni Jesu-Kristo bago umakyat sa langit?
18 Bago lisanin ang kaniyang mga alagad at umakyat sa kanan ng kaniyang Ama, sinabi ni Jesu-Kristo: “Lahat ng kapamahalaan ay ibinigay sa akin sa langit at sa lupa. Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo. At narito! ako’y sumasa-inyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mateo 28:18-20.
19. Paano ginamit ni Kristo ang kaniyang bigay-Diyos na kapamahalaan noong unang siglo, at ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
19 Ang aklat ng Mga Gawa, na tungkol sa kasaysayan ng maagang mga taon ng Kristiyanismo, ay nagpapakita ng walang pag-aalinlangan na ginamit ni Kristo ang kaniyang awtoridad sa pamamagitan ng aktibong pangunguna sa kaniyang kongregasyon sa lupa. Kaniyang ginawa ito sa pamamagitan ng banal na espiritu, ng mga anghel, at ng lupong tagapamahala na binubuo ng 12 apostol at ng matatanda sa kongregasyon sa Jerusalem. Sinabi ni Jesus na siya ay sasa-kaniyang mga alagad hanggang sa mismong katapusan ng sistema ng mga bagay, na kinaroroonan natin ngayon. Sa sumusunod na artikulo, titingnan natin kung paanong siya pa rin ang aktibong Ulo ng kongregasyong Kristiyano at kung paanong pinangungunahan niya ang kaniyang “mga tupa” ngayon.
Mga Puntong Dapat Tandaan
◻ Bakit hindi kinikilala ng mga Saksi ni Jehova ang sinumang tao bilang kanilang lider?
◻ Paano ginamit ni Kristo ang banal na espiritu upang manguna sa sinaunang kongregasyong Kristiyano?
◻ Paano ginamit ni Kristo ang mga anghel sa pangunguna sa mga Kristiyano noong unang siglo?
◻ Paano ginamit ni Kristo ang isang nakikitang lupong tagapamahala sa pangangasiwa sa kaniyang kongregasyon sa lupa?
◻ Paanong kung minsan ay personal na pinangangasiwaan ni Kristo ang mga bagay-bagay?
[Mga mapa sa pahina 12]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ikalawang Misyonerong Paglalakbay ni Pablo
Antioch
Seleucia
CILICIA
Tarsus
Derbe
CAPPADOCIA
PAMPHYLIA
GALATIA
Listra
Iconium
Antioch
LYCIA
ASIA
BITHYNIA AT PONTUS
Troas
MACEDONIA
Philippi
Thessalonica
[Larawan sa pahina 10]
Pinangunahan din naman ni Kristo ang kaniyang kongregasyon sa pamamagitan ng isang nakikitang lupong tagapamahala