Huwag Kayong Manghimagod!
“Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.”—GALACIA 6:9.
1, 2. (a) Anu-ano ang paraan ng paghahanap ng isang leon ng masisila? (b) Sino ang lalo nang interesado ang Diyablo na silain?
ANG leon ay naghahanap ng masisila sa sari-saring paraan. Kung minsan ay tatambangan nito ang kaniyang biktima sa mga hukay na may tubig o sa mga landas na malimit daanan. Ngunit kung minsan, sabi ng aklat na Portraits in the Wild, “sinasamantala na lamang [ng leon] ang situwasyon—halimbawa, kapag nakatagpo ng isang nahihimbing na bisirong zebra.”
2 Ang ating “kaaway, ang Diyablo,” paliwanag ni apostol Pedro, “ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila.” (1 Pedro 5:8) Palibhasa’y nalalamang maikli na ang kaniyang natitirang panahon, lalong higit ang panggigipit ni Satanas sa mga tao upang mahadlangan sila sa paglilingkod kay Jehova. Gayunman, ang “leong umuungal” na ito ay lalo nang interesado na masila ang mga lingkod ni Jehova. (Apocalipsis 12:12, 17) Ang kaniyang pamamaraan ng pagsila ay katulad niyaong sa kaniyang katumbas sa kaharian ng mga hayop. Papaano nagkagayon?
3, 4. (a) Anu-ano ang pamamaraan na ginagamit ni Satanas sa pagsila sa mga lingkod ni Jehova? (b) Sapagkat ito ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” anong mga tanong ang bumabangon?
3 Kung minsan ginagamit ni Satanas ang pananambang—pag-uusig o pagsalansang sa layuning sirain ang ating katapatan upang sa gayo’y huminto tayo ng paglilingkod kay Jehova. (2 Timoteo 3:12) Subalit, tulad ng leon, kung minsan ay sinasamantala lamang ng Diyablo ang situwasyon. Naghihintay siya hanggang sa tayo’y masiraan ng loob o manghimagod, at saka niya sinasamantala ang ating panlulumo upang maudyukan tayong manghimagod. Hindi tayo dapat na maging madaling masila!
4 Subalit, tayo ay nabubuhay sa pinakamahirap na panahon sa buong kasaysayan ng tao. Sa “mga panahong [ito] na mahirap pakitunguhan,” may pagkakataon na marami sa atin ang maaaring nasisiraan ng loob o nanghihina. (2 Timoteo 3:1) Papaano, kung gayon, maiiwasan natin ang manghimagod nang gayon na lamang anupat tayo’y madaling masila ng Diyablo? Oo, papaano natin masusunod ang kinasihang payo ni apostol Pablo: “Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod”?—Galacia 6:9.
Kapag Binigo Tayo ng Iba
5. Ano ang dahilan at nanghimagod si David, ngunit ano ang hindi niya ginawa?
5 Noong panahon ng Bibliya, kahit ang pinakamatapat sa mga lingkod ni Jehova ay maaaring nakadama ng panghihina. “Ako’y nanghimagod sa aking pagbubuntung-hininga,” ang isinulat ng salmistang si David. “Buong gabi ay pinalangoy ko ang aking higaan; sa aking mga luha ay pinaapawan ko ang aking sariling diban. Buhat sa kaligaligan ay nanghina ang aking mata.” Bakit gayon ang nadama ni David? “Dahil sa lahat niyaong nagpapakita ng pagkapoot sa akin,” ang paliwanag niya. Ang nakasasakit na pagkilos ng iba ay nagdulot ng gayong kirot ng damdamin kay David anupat umagos nang husto ang kaniyang mga luha. Gayunpaman, hindi tumalikod si David kay Jehova dahilan lamang sa ginawa sa kaniya ng kaniyang kapuwa tao.—Awit 6:6-9.
6. (a) Papaano tayo maaaring maapektuhan ng mga salita o pagkilos ng iba? (b) Papaano ginawa ng iba ang kanilang sarili na madaling masila ng Diyablo?
6 Gayundin naman, ang pananalita o pagkilos ng iba ay maaaring maging sanhi ng ating panghihimagod na may kasamang matinding kirot ng damdamin. “Mayroong isa na nagsasalita nang walang pakundangan na gaya ng mga saksak ng isang tabak,” sabi ng Kawikaan 12:18. Kapag ang isa na walang pakundangan ay isang Kristiyanong kapatid, ang ‘sugat na likha ng saksak’ ay maaaring maging malalim. Likas sa tao ang maghinanakit, marahil ay nagkikimkim pa nga ng galit. Ito ay lalo nang totoo kung nadama nating tayo’y pinakitunguhan nang di-mabuti o di-makatuwiran. Maaaring mahirapan tayong makipag-usap sa taong nakasakit sa atin; baka sadyang iwasan pa natin siya. Palibhasa’y nanghina dahil sa hinanakit, ang iba ay nanghimagod at huminto ng pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Nakalulungkot, sa gayon sila ay ‘nagbigay ng dako sa Diyablo’ upang samantalahin na sila’y masila.—Efeso 4:27.
7. (a) Papaano natin maiiwasang mahulog sa mga kamay ng Diyablo kapag tayo ay binigo o nasaktan ng iba? (b) Bakit dapat nating alisin ang paghihinanakit?
7 Papaano tayo makaiiwas na mahulog sa mga kamay ng Diyablo kapag tayo ay binigo o nasaktan ng iba? Sikapin nating huwag magkimkim ng galit. Sa halip, magkusang makipagpayapaan o lutasin ang mga bagay-bagay sa lalong madaling panahon. (Efeso 4:26) Hinihimok tayo ng Colosas 3:13: “Patuloy ninyong . . . malayang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.” Ang pagpapatawad ay lalo nang naaangkop kapag ang isa na nagkasala ay umaamin ng pagkakamali at taimtim na nagsisisi. (Ihambing ang Awit 32:3-5 at Kawikaan 28:13.) Gayunman, makatutulong kung isasaisip natin na ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugan na pinalalampas o minamaliit natin ang pagkakasalang ginawa ng iba. Sa pagpapatawad ay nasasangkot ang pag-aalis ng hinanakit. Mabigat na pasanin ang paghihinanakit. Maaaring mabuhos dito ang ating pag-iisip, anupat magnakaw ito ng ating kaligayahan. Maaari pa nga nitong mapinsala ang ating kalusugan. Sa kabaligtaran, ang pagpapatawad, kung naaangkop, ay sa ikabubuti natin. Tulad ni David, tayo sana ay hindi kailanman manghimagod at lumayo kay Jehova dahil sa nasabi o nagawa sa atin ng iba!
Kapag Tayo’y Nagkulang
8. (a) Bakit ang iba ay lalo nang nakadarama ng pagkakasala kung minsan? (b) Ano ang panganib sa pagpapadaig sa pagkadama ng pagkakasala anupat sumusuko na tayo?
8 “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit,” sabi ng Santiago 3:2. Kapag nangyari ito sa atin, likas lamang na tayo ay makadama ng pagkakasala. (Awit 38:3-8) Ang pagkadama ng pagkakasala ay lalo nang matindi kapag tayo ay nakikipagpunyagi sa isang kahinaan ng laman at dumaranas ng pana-panahong kabiguan.a Ganito ang paliwanag ng isang Kristiyano na napaharap sa gayong pakikipagpunyagi: “Ayaw ko nang mabuhay pa, na di nalalaman kung nakagawa ako ng isang mapatatawad o di-mapatatawad na kasalanan. Inakala kong mabuti pang huwag na akong magsumikap sa paglilingkod kay Jehova yamang marahil ay huli na ang lahat.” Kapag tayo’y lubhang nadaig ng pagkadama ng pagkakasala anupat sumuko na tayo, binibigyan natin ng pagkakataon ang Diyablo—at baka agad niyang sunggaban iyon! (2 Corinto 2:5-7, 11) Baka ang kailangan ay isang mas timbang na pangmalas sa pagkakasala.
9. Bakit tayo dapat magtiwala sa awa ng Diyos?
9 Kapag tayo’y nagkamali angkop lamang na makadama ng isang antas ng pagkakasala. Subalit kung minsan, nananatili ang pagkadama ng pagkakasala dahil inaakala ng isang Kristiyano na hindi na siya kailanman magiging karapat-dapat sa awa ng Diyos. Gayunman, magiliw na tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Kung ipahahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at matuwid upang patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kalikuan.” (1 Juan 1:9) Mayroon bang matibay na dahilan upang maniwala na hindi iyan gagawin ng Diyos sa ating kalagayan? Tandaan, sa kaniyang Salita, sinasabi ni Jehova na siya ay “handang magpatawad.” (Awit 86:5; 130:3, 4) Yamang hindi siya makapagsisinungaling, gagawin niya ang ayon sa ipinangangako ng kaniyang Salita, kung lalapit tayo sa kaniya taglay ang pusong nagsisisi.—Tito 1:2.
10. Anong nakapagpapasiglang katiyakan ang inilathala noon sa Bantayan tungkol sa pakikipagpunyagi sa isang kahinaan ng laman?
10 Ano ang dapat ninyong gawin kung nakikipagpunyagi kayo sa isang kahinaan at muli na namang nadaig niyaon? Huwag kayong manghimagod! Ang pag-ulit ng kahinaan ay hindi naman nagpapawalang-saysay sa pagsulong na inyong nagawa na. Ang Pebrero 15, 1954, isyu ng magasing ito (sa Ingles) ay nagbibigay ng ganitong nakapagpapasiglang katiyakan: “[Maaaring] masumpungan natin ang ating sarili na natitisod at nabubuwal nang maraming ulit sa isang masamang ugali na nakabaon nang malalim sa ating dating paraan ng pamumuhay kaysa sa natatanto natin. . . . Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghinuha na nakagawa kayo ng di-mapatatawad na pagkakasala. Ganiyan ang ibig ni Satanas na ikatuwiran ninyo. Ang bagay na kayo ay nalungkot at nabalisa ay katunayan sa ganang sarili na hindi naman gayon kalubha ang iyong pagkakasala. Huwag kailanman manghimagod sa mapakumbaba at marubdob na pagbaling sa Diyos, anupat hinihingi ang kaniyang pagpapatawad at paglilinis at pagtulong. Lumapit sa kaniya kung papaanong ang isang bata ay lumalapit sa kaniyang ama kapag siya’y may suliranin, gaano man kalimit dahil sa iyon at iyon ding kahinaan, at madamaying tutulungan ka ni Jehova dahil sa kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan at, kung ikaw ay taimtim, tutulungan ka niyang maging malinis ang iyong budhi.”
Kapag Nadarama Nating Kulang Pa ang Ating Ginagawa
11. (a) Ano ang dapat na madama natin tungkol sa pakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian? (b) Anong damdamin tungkol sa pakikibahagi sa ministeryo ang pinaglalabanan ng ilang Kristiyano?
11 Ang gawaing pangangaral ng Kaharian ay gumaganap ng mahalagang bahagi sa buhay ng isang Kristiyano, at ang pakikibahagi rito ay nagdudulot ng kagalakan. (Awit 40:8) Subalit ang ilang Kristiyano ay nakadarama ng pagkakasala dahil sa nagkukulang sila sa paggawa sa ministeryo. Ang gayong pagkadama ng pagkakasala ay maaari pa ngang mag-alis ng ating kagalakan at maging sanhi ng ating panghihimagod, anupat iniisip na nadarama ni Jehova na hindi sapat ang ating ginagawa. Isaalang-alang ang damdamin na pinaglalabanan ng ilan.
“Alam ba ninyo kung gaano kalaking panahon ang nauubos dahil sa kahirapan?” isinulat ng isang Kristiyanong sister na kasama ang kaniyang asawa sa pagpapalaki ng tatlong anak. “Kailangan akong magtipid hangga’t maaari. Nangangahulugan ito ng paggugol ng panahon sa paghahanap sa mga tindahan ng segunda mano, sa mga salansanan ng baratilyo, o maging sa pananahi ng damit. Gumugugol din ako ng isa hanggang dalawang oras sa isang linggo sa mga kupon [ng mga diskuwento sa pagkain]—ginugupit, isinasalansan, at ipinagpapalit ang mga ito. Kung minsan ay nakadarama ako ng pagkakasala sa paggawa ng mga bagay na ito, anupat naiisip ko na dapat sana’y ginugol ko ang panahong iyon sa paglilingkod sa larangan.”
“Inakala ko na hindi talaga sapat ang pag-ibig ko kay Jehova,” paliwanag ng isang sister na may apat na anak at di-nananampalatayang asawa. “Kaya nakipagpunyagi ako sa aking paglilingkod kay Jehova. Talagang nagsikap ako, pero kailanman ay hindi ko nadamang sapat na iyon. Alam ninyo, hindi ako nakadarama ng pagpapahalaga-sa-sarili, kaya hindi ko maubos-maisip kung papaano matatanggap ni Jehova ang paglilingkuran ko sa kaniya.”
Ganito ang sabi ng isang Kristiyano na kinailangang huminto sa buong-panahong paglilingkod: “Hindi ko matanggap ang idea na nabibigo akong tuparin ang aking pangako na maglingkod kay Jehova nang buong-panahon. Hindi mo maiisip kung gaano katindi ang nadarama kong kabiguan! Napapaiyak ako ngayon kapag naaalaala ko iyon.”
12. Bakit gayon na lamang ang pagkadama ng pagkakasala ng ilang Kristiyano hinggil sa pagkukulang nila sa ministeryo?
12 Likas lamang na naising paglingkuran si Jehova nang lubusan hangga’t maaari. (Awit 86:12) Ngunit bakit gayon na lamang ang pagkadama ng pagkakasala ng ilan dahil sa kanilang pagkukulang? Para sa iba, waring iyon ay may kaugnayan sa nangingibabaw na pagkadama ng kawalang-halaga, marahil bunga ng di-kanais-nais na mga karanasan sa buhay. Sa ibang kaso, ang di-nararapat na pagkadama ng kasalanan ay maaaring bunga ng di-makatotohanang pangmalas sa kung ano ang inaasahan sa atin ni Jehova. “Inakala ko na hangga’t hindi ka nagkakandahirap, malamang na kulang pa ang ginagawa mo,” inamin ng isang Kristiyano. Bunga nito, nagtakda siya ng napakatataas na pamantayan para sa kaniyang sarili—at pagkatapos ay lalong nakadarama ng pagkakasala kapag hindi niya naabot ang mga ito.
13. Ano ang inaasahan sa atin ni Jehova?
13 Ano ba ang inaasahan sa atin ni Jehova? Sa simpleng pananalita, inaasahan ni Jehova na paglilingkuran natin siya nang buong-kaluluwa, na ginagawa kung ano ang ipinahihintulot ng ating kalagayan. (Colosas 3:23) Gayunman, baka may malaking kaibahan sa kung ano ang gusto nating gawin at sa kung ano ang makatotohanang magagawa natin. Maaaring nahahadlangan tayo ng mga bagay tulad ng edad, kalusugan, lakas ng katawan, o pananagutan sa pamilya. Gayunpaman, kapag ginagawa natin ang ating buong makakaya, makadarama tayo ng katiyakan na ang ating paglilingkod kay Jehova ay buong-kaluluwa—hindi nakahihigit o kulang pa kaysa sa buong-kaluluwang paglilingkuran niyaong isa na ang kalusugan at kalagayan ay nagpapahintulot na siya’y mapasa-buong-panahong ministeryo.—Mateo 13:18-23.
14. Ano ang magagawa mo kung kailangan mo ng tulong sa pagtiyak kung ano ang makatotohanang maaasahan mo sa iyong sarili?
14 Kung gayon, papaano mo matitiyak kung ano ang makatotohanang maaasahan mo sa iyong sarili? Baka naisin mo na ipakipag-usap ang bagay na ito sa isang pinagkakatiwalaan, maygulang na Kristiyanong kaibigan, marahil sa isang matanda o sa isang makaranasang kapatid na babae, na nakaaalam ng iyong kakayahan, limitasyon, at ng mga pananagutan sa pamilya. (Kawikaan 15:22) Tandaan na sa paningin ng Diyos ang iyong halaga bilang indibiduwal ay hindi sinusukat sa kung gaano ang nagagawa mo sa ministeryo sa larangan. Lahat ng lingkod ni Jehova ay napakahalaga sa kaniya. (Hagai 2:7; Malakias 3:16, 17) Ang nagagawa mo sa pangangaral ay maaaring higit o mas maliit kaysa nagagawa ng iba, ngunit hangga’t iyon ang pinakamagaling na magagawa mo, nalulugod si Jehova, at hindi ka kailangang makadama ng pagkakasala.—Galacia 6:4.
Kapag Marami ang Mahigpit na Hinihingi sa Atin
15. Sa anu-anong paraan marami ang mahigpit na hinihingi sa matatanda sa kongregasyon?
15 Ang “bawat isa na binigyan ng marami,” sabi ni Jesus, “marami ang mahigpit na hihingin sa kaniya.” (Lucas 12:48) Tiyak na ‘marami ang mahigpit na hinihingi’ doon sa mga naglilingkod bilang matatanda sa kongregasyon. Tulad ni Pablo ay ginugugol nila ang kanilang sarili sa kapakanan ng kongregasyon. (2 Corinto 12:15) Sila’y naghahanda ng mga pahayag, nagpapastol, humahawak ng hudisyal na mga kaso—na pawang ginagawa nang hindi pinababayaan ang kanilang sariling pamilya. (1 Timoteo 3:4, 5) Ang ilang matanda ay abala rin sa pagtulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall, paglilingkod sa mga Hospital Liaison Committee, at pagboboluntaryo sa mga asamblea at kombensiyon. Papaano maiiwasan ng masisipag, nakatalagang mga lalaking ito na manghimagod dahil sa gayong mabibigat na pananagutan?
16. (a) Anong praktikal na solusyon ang iminungkahi ni Jetro kay Moises? (b) Anong katangian ang magpapangyari sa isang matanda na ibahagi sa iba ang angkop na mga pananagutan?
16 Nang si Moises, isang taong may kahinhinan at mapagpakumbaba, ay nanghihimagod dahil sa pag-aasikaso sa mga suliranin ng iba, ang kaniyang biyenan, si Jetro, ay nagmungkahi ng praktikal na solusyon: ibahagi ang pananagutan sa ibang kuwalipikadong mga lalaki. (Exodo 18:17-26; Bilang 12:3) “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin,” sabi ng Kawikaan 11:2. Ang pagiging mahinhin ay nangangahulugan ng pagkilala at pagtanggap sa iyong mga limitasyon. Ang isang taong may kahinhinan ay hindi nag-aatubiling mag-atas sa iba, ni nangangamba man siya na sa papaano man ay mawalan siya ng kontrol sa pamamagitan ng pag-aatas ng angkop na mga pananagutan sa ibang kuwalipikadong mga lalaki.b (Bilang 11:16, 17, 26-29) Sa halip, siya ay sabik na matulungan silang sumulong.—1 Timoteo 4:15.
17. (a) Papaano mapagagaan ng mga miyembro ng kongregasyon ang pasan ng matatanda? (b) Anong pagsasakripisyo ang ginagawa ng mga asawa ng matatanda, at papaano natin maipakikita sa kanila na hindi natin ipinagwawalang-bahala ang mga ito?
17 Malaki ang magagawa ng mga miyembro ng kongregasyon upang gumaan ang pasan ng matatanda. Sa pagkaunawa na ang matatanda ay may kani-kaniyang pamilyang inaasikaso, ang iba ay hindi magiging di-makatuwiran sa paghingi ng panahon at atensiyon ng matatanda. Hindi rin naman nila ipagwawalang-bahala ang kusang pagsasakripisyo ng mga asawa ng matatanda habang walang-pag-iimbot na hinahayaan nilang gumugol ng panahon ang kani-kanilang asawa para sa kongregasyon. Ganito ang paliwanag ng isang ina na may tatlong anak na ang asawa ay naglilingkod bilang isang matanda: “Ang isang bagay na hindi ko kailanman inireklamo ay ang karagdagang pasan na kusang binabalikat ko sa sambahayan upang sa gayon ang aking asawa ay makapaglingkod bilang isang matanda. Alam ko na sagana ang pagpapala ni Jehova sa aming pamilya dahil sa kaniyang paglilingkuran, at hindi ko ipinagmamaramot ang kaniyang ibinibigay. Subalit ang totoo, mas dumami ang trabaho ko sa bakuran at sa pagdidisiplina sa aming mga anak dahil nga sa abala ang aking asawa.” Nakalulungkot, nasumpungan ng kapatid na ito na ang ilan, sa halip na pahalagahan ang kaniyang karagdagang pasan, ay nagsasalita pa ng walang-pakundangang pangungusap gaya ng, “Bakit hindi ka nagpapayunir?” (Kawikaan 12:18) Mas mainam nga na papurihan ang iba sa kanilang ginagawa kaysa sa punahin sila sa hindi nila nagagawa!—Kawikaan 16:24; 25:11.
Sapagkat Hindi Pa Dumarating ang Wakas
18, 19. (a) Bakit hindi ito ang panahon upang huminto ng pagtakbo sa takbuhan ukol sa buhay na walang-hanggan? (b) Anong napapanahong payo ang ibinigay ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Jerusalem?
18 Kapag nalalaman ng isang mananakbo na siya ay malapit na sa dulo ng isang mahabang takbuhan, hindi siya sumusuko. Maaaring umabot na sa sukdulan ang pagbabata ng kaniyang katawan—hapung-hapo, inít na inít, at nauubusan na ng lakas—ngunit dahil napakalapit na ang dulo kung kaya hindi iyon ang panahon upang huminto ng pagtakbo. Gayundin naman, bilang mga Kristiyano tayo ay nasa takbuhan ukol sa gantimpalang buhay, at malapit na tayo sa dulo. Hindi ngayon ang panahon upang huminto tayo sa pagtakbo!—Ihambing ang 1 Corinto 9:24; Filipos 2:16; 3:13, 14.
19 Napaharap sa katulad na situwasyon ang mga Kristiyano noong unang siglo. Noong humigit-kumulang 61 C.E., sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Jerusalem. Nauubos na ang panahon—ang balakyot na “salinlahi,” ang apostatang Judiong sistema ng mga bagay, ay “lilipas” na. Ang mga Kristiyano sa Jerusalem ang lalo nang dapat na maging alerto at tapat; kakailanganin nilang tumakas mula sa lunsod kapag nakita nilang pinalibutan ito ng nagkakampong mga hukbo. (Lucas 21:20-24, 32) Napapanahon, kung gayon, ang kinasihang payo ni Pablo: ‘Huwag kayong manghimagod at manghina sa inyong mga kaluluwa.’ (Hebreo 12:3) Si apostol Pablo ay gumamit dito ng dalawang malinaw na pandiwa: “manghimagod” (kaʹmno) at “manghina” (e·klyʹo·mai). Ayon sa isang iskolar sa Bibliya, ang mga salitang Griego na ito ay “ginamit ni Aristotle sa mga mananakbo na nagrerelaks at natutumba pagkatapos na malampasan nila ang dulo ng takbuhan. Ang mga mambabasa [ng liham ni Pablo] ay naroroon pa rin sa isang takbuhan. Sila’y hindi dapat na sumuko nang wala sa panahon. Hindi nila dapat hayaan ang kanilang sarili na mahilo at matumba dahil sa kapaguran. Minsan pa ay nariyan ang panawagan na magtiyaga sa harap ng kahirapan.”
20. Bakit napapanahon para sa atin ngayon ang payo ni Pablo?
20 Napapanahon nga ang payo ni Pablo para sa atin ngayon! Sa harap ng tumitinding panggigipit, maaaring may mga panahon na para tayong isang hapung-hapong mananakbo na ang mga binti ay halos humandusay na. Ngunit yamang kaylapit na ng dulo ng takbuhan, hindi tayo dapat manghimagod! (2 Cronica 29:11) Ganiyang-ganiyan ang ibig ng ating Kaaway, ang “leong umuungal,” na gawin natin. Salamat na lamang, gumawa si Jehova ng mga paglalaan upang magbigay ng “lakas sa isa na napapagod.” (Isaias 40:29) Kung ano ang mga ito at papaano natin sasamantalahin ang mga ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Halimbawa, baka ang ilan ay nakikipagpunyaging masupil ang isang malalim ang pagkakaugat na ugali, tulad ng pagiging magagalitin, o madaig ang isang suliranin sa masturbasyon.—Tingnan ang Gumising!, Mayo 22, 1988, pahina 19-21; Nobyembre 8, 1981 (sa Ingles), pahina 16-20; at Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, pahina 198-211, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Tingnan ang artikulong “Matatanda—Mag-atas!” sa Oktubre 15, 1992, labas ng Ang Bantayan, pahina 20-3.
Ano ang Sagot Mo?
◻ Papaano natin maiiwasan ang manghimagod kapag tayo ay binigo o nasaktan ng iba?
◻ Anong timbang na pangmalas sa pagkakasala ang tutulong sa atin upang huwag manghimagod?
◻ Ano ang inaasahan sa atin ni Jehova?
◻ Papaanong ang kahinhinan ay makatutulong sa matatanda sa kongregasyon na maiwasan ang manghimagod?
◻ Bakit ang payo ni Pablo sa Hebreo 12:3 ay napapanahon para sa atin ngayon?