Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sinasabi ng Efeso 3:14, 15 na ang Diyos ang “pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya sa langit at sa lupa.” May mga pamilya ba sa langit, at ang bawat pamilyang tao ba sa papaano man ay kumuha ng pangalan mula kay Jehova?
Sa langit ay walang mga pamilya na kagaya ng mga narito sa lupa, na may isang ama, isang ina, at mga anak—anupat lahat ay magkakaisang-laman. (Lucas 24:39; 1 Corinto 15:50) Malinaw na itinuro ni Jesus na hindi nag-aasawa ang mga anghel, at walang nagpapahiwatig na sa papaano man ay magkakaanak sila.—Mateo 22:30.
Gayunpaman, makasagisag na bumabanggit ang Bibliya tungkol sa Diyos na Jehova bilang asawa ng kaniyang makalangit na organisasyon; siya ay may asawa sa espirituwal na diwa. (Isaias 54:5) Ang makalangit na organisasyong iyan ay nagluluwal ng mga supling, gaya ng mga anghel. (Job 1:6; 2:1; 38:4-7) Kung gayon, sa diwang ito, may umiiral na kamangha-manghang espirituwal na pamilya sa langit.
Isa pa, isang bagong simbolikong pamilya ang nabubuo sa langit, na kinabibilangan ni Jesu-Kristo at ng kaniyang tulad-asawang kongregasyon ng 144,000. (2 Corinto 11:2) Karamihan sa mga pinahirang ito ay nangamatay na, na may makalangit na pag-asa. Ang ilan ay buhay pa dito sa lupa. Lahat ay sabik na umaasa sa makalangit na “kasal ng Kordero.” Iniuugnay ng Bibliya ang kasalang iyon sa panahon ng nalalapit na malaking kapighatian—ang pagkapuksa ng Babilonyang Dakila, at pagkatapos ay ang paglipol sa natitirang bahagi ng sistema ni Satanas.—Apocalipsis 18:2-5; 19:2, 7, 11-21; Mateo 24:21.
Tungkol sa makalupang mga pamilya, hindi ipinahihiwatig ni apostol Pablo sa Efeso 3:15 na nakukuha ng bawat indibiduwal na grupo ng pamilya ang pangalan nito mula mismo kay Jehova. Sa halip, waring nasa isip ni apostol Pablo ang sunud-sunod na salinlahi ng pamilya na nagpapanatili ng isang pangalan. Naglalaan ng halimbawa ang Josue 7:16-19. Doon ay ibinubunyag ni Jehova ang kasalanan ni Achan. Una, ang kasalanan ay itinuon o iniugnay lamang sa tribo ni Juda. Pagkatapos ito ay itinuon nang higit sa pamilya ng mga Zerahita. Nang dakong huli, ang sambahayan ni Achan ang inihayag. Si Achan pati ang kaniyang asawa at mga anak ay minalas, o tinukoy, bilang bahagi ng sambahayan (o, pamilya) ni Zabdi, ang lolo ni Achan. Sa gayon, ang pamilyang iyan ang siyang inapong grupo na nagpanatili sa pangalan ng kanilang ninunong si Zera.
Sa mga Hebreo, ang gayong mga salinlahi ay may malaking halaga, anupat marami ang itinala sa Bibliya. Itinaguyod ng Diyos ang kanilang pag-iral sa pamamagitan ng pagpapangyari, kung kinakailangan, na magpatuloy ang pangalan ng pamilya sa pamamagitan ng Levirate na pag-aasawa, o pagpapakasal sa bayaw.—Genesis 38:8, 9; Deuteronomio 25:5, 6.
Bilang isa pang halimbawa ng gayong malaki o mahabang salinlahi ng mga pamilya, isaalang-alang si Jesus bilang ang anak ni David. Tiyak na hindi siya ang anak mismo ni David, anupat hindi isinilang kundi noong mga siglo pagkatapos mamatay si David. Gayunman, isang pagkakakilanlang tanda ng Mesiyas ay na siya ay manggagaling sa pamilya ni David, gaya ng alam ng mga Judio sa pangkalahatan. (Mateo 22:42) Si Jesus ay kalahi ni David kapuwa sa pamamagitan ng kaniyang ina at ng kaniyang ama-amahan.—Mateo 1:1; Lucas 2:4.
Subalit papaano nakukuha ng gayong mga pamilya ang kanilang pangalan mula kay Jehova? Ang totoo ay mayroon lamang iilang pagkakataon—gaya ng sa kaso nina Abraham at Isaac—nang literal na pinanganlan ni Jehova ang isang ulo ng pamilya. (Genesis 17:5, 19) Hindi naman laging gayon. Karaniwan, hindi binibigyan ni Jehova ang bawat indibiduwal na pamilya ng pangalan na ipinamamana nito sa mga anak.
Gayunman, si Jehova talaga ang nagpasimula sa pagkakabuo ng pamilya ng tao nang kaniyang utusan sina Adan at Eva na ‘magpalaanakin at magpakarami at punuin ang lupa.’ (Genesis 1:28) At pinahintulutan ni Jehova ang di-sakdal na sina Adan at Eva na magluwal ng mga supling, sa gayon ay inilalatag ang saligan para sa lahat ng pamilya ng tao. (Genesis 5:3) Kaya higit pa sa isang diwa, maaaring tawagin ang Diyos bilang ang Pinagmulan ng mga pangalan ng pamilya.
Maraming kultura sa ngayon ang hindi na nakadarama ng pangangailangang panatilihing buháy ang pangalan ng pamilya sa mga salinlahi. Gayunpaman, sa lahat ng lupain ay pinasasalamatan ng mga Kristiyano si Jehova dahil sa kaayusan ng pamilya at pinararangalan siya sa pamamagitan ng pagsisikap na maging matagumpay ang kanilang pamilya.