ARALIN 51
Gamitin ang Kakayahang Magsalita Para Mapasaya si Jehova
Nang lalangin tayo ni Jehova, binigyan niya tayo ng isang napakagandang regalo—ang kakayahang magsalita. Mahalaga ba sa kaniya kung paano natin ginagamit ang regalong ito? Oo! (Basahin ang Santiago 1:26.) Kaya paano natin gagamitin ang kakayahang magsalita para mapasaya si Jehova?
1. Paano natin dapat gamitin ang ating kakayahang magsalita?
Sinasabi ng Bibliya na dapat na “patuloy [nating] pasiglahin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa.” (1 Tesalonica 5:11) May kakilala ka ba na kailangan ng pampatibay? Ano ang puwede mong gawin para sa kanila? Sabihin mo sa kanila na mahalaga sila sa iyo. Baka puwede mo ring sabihin kung ano ang mga pinapahalagahan mo sa kanila. May naiisip ka bang teksto na makakapagpatibay sa iba? Marami kang tekstong puwedeng gamitin. Tandaan din na ang paraan ng pagsasalita mo ay puwedeng makapagpatibay sa iba. Kaya laging magsalita sa mabait at mahinahong paraan.—Kawikaan 15:1.
2. Ano ang dapat nating iwasan pagdating sa pagsasalita?
Sinasabi ng Bibliya: “Huwag hayaang lumabas sa bibig ninyo ang bulok na pananalita.” (Basahin ang Efeso 4:29.) Ibig sabihin, hindi tayo magmumura o manlalait at magsasalita nang nakakasakit sa iba. Iiwasan din natin ang tsismis at paninira sa iba.—Basahin ang Kawikaan 16:28.
3. Ano ang makakatulong para makapagsalita tayo ng nakakapagpatibay sa iba?
Madalas, ang mga bagay na sinasabi natin ay ang mga bagay na nasa puso at isip natin. (Lucas 6:45) Kaya kailangan nating sanayin ang sarili natin na laging mag-isip ng mga positibong bagay—mga bagay na matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kapuri-puri. (Filipos 4:8) Para magawa ito, kailangan nating piliing mabuti ang mga libangan at kaibigan natin. (Kawikaan 13:20) Makakatulong din kung mag-iisip muna tayo bago magsalita. Pag-isipan kung paano makakaapekto sa iba ang sasabihin mo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga salitang hindi pinag-isipan ay gaya ng mga saksak ng espada, pero ang dila ng marurunong ay nagpapagaling.”—Kawikaan 12:18.
PAG-ARALAN
Alamin kung paano magsasalita sa paraang magpapasaya kay Jehova at magpapatibay sa iba.
4. Mag-ingat sa pagsasalita
Minsan, pinagsisisihan natin ang isang bagay na nasasabi natin. (Santiago 3:2) Basahin ang Galacia 5:22, 23. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Alin sa mga katangiang ito ang puwede mong ipanalangin para matulungan kang mag-ingat sa pagsasalita mo? Paano ka matutulungan ng mga katangiang ito?
Basahin ang 1 Corinto 15:33. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano nakakaapekto ang mga kaibigan at libangan mo sa paraan mo ng pagsasalita?
Basahin ang Eclesiastes 3:1, 7. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Kailan makakabuting manahimik o maghintay ng tamang panahon bago magsalita?
5. Magsalita ng positibo tungkol sa iba
Paano natin maiiwasang mainsulto ang iba o magsalita ng hindi maganda tungkol sa kanila? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit gustong baguhin ng isang brother ang paraan niya ng pagsasalita tungkol sa iba?
Ano ang ginawa niya para magbago?
Basahin ang Eclesiastes 7:16. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang dapat nating tandaan kapag natutukso tayong magsalita ng negatibo tungkol sa iba?
Basahin ang Eclesiastes 7:21, 22. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano makakatulong ang tekstong ito para hindi ka mag-overreact kapag may nagsabi ng negatibo tungkol sa iyo?
6. Maging mabait kapag nakikipag-usap sa mga kapamilya mo
Gusto ni Jehova na makipag-usap tayo sa mga kapamilya natin sa mabait at maibiging paraan. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang makakatulong sa iyo na maging mabait sa pakikipag-usap sa mga kapamilya mo?
Basahin ang Efeso 4:31, 32. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano mo mapapatibay ang kaugnayan mo sa iyong pamilya sa paraan mo ng pagsasalita?
Sinabi ni Jehova ang nararamdaman niya tungkol sa Anak niyang si Jesus. Basahin ang Mateo 17:5. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano mo matutularan si Jehova sa paraan mo ng pakikipag-usap sa mga kapamilya mo?
MAY NAGSASABI: “Sinasabi ko lang kung ano ang nasa isip ko. Hindi ko na problema kung hindi iyon magustuhan ng iba.”
Tama kaya ang ganiyang kaisipan? Bakit?
SUMARYO
Malaki ang epekto ng mga sinasabi natin. Kaya kailangan nating pag-isipan kung ano ang sasabihin natin, kung kailan ito sasabihin, at kung paano ito sasabihin.
Ano ang Natutuhan Mo?
Paano mo mapapatibay ang iba sa paraan mo ng pagsasalita?
Ano ang dapat nating iwasan pagdating sa pagsasalita?
Ano ang makakatulong sa atin para lagi tayong makapagsalita sa mabait at nakakapagpatibay na paraan?
TINGNAN DIN
Ano ang makakatulong para makapagsalita tayo ng positibo sa iba?
Alamin kung paano maiiwasan ang pagmumura.
Tingnan kung paano maiiwasan ang tsismis.
Tingnan kung paano natulungan ni Jehova ang isang lalaki para maihinto ang pagmumura.
“Seryoso Kong Pinag-isipan Kung Saan Patungo ang Aking Buhay” (Ang Bantayan, Agosto 1, 2013)