Lumakad Gaya ng Marurunong
1 Nang anyayahan ni Jesus ang apat na mangingisda na maging mga tagasunod niya, hindi sila nagpaliban sa kanilang pasiya kundi ‘karaka-rakang sumunod sila sa kaniya.’ (Mat. 4:18-22) Nang makumberte si Saul ng Tarso at saka maisauli ang kaniyang paningin, hindi rin siya nagpaliban kundi “sa mga sinagoga ay kaagad niyang pinasimulang ipangaral si Jesus.” (Gawa 9:20) Patuloy na lumilipas ang panahon; minsang dumaan ito, hinding-hindi na ito maibabalik pa. Kaya mahalaga para sa atin na ‘lumakad gaya ng marurunong’ kung tungkol sa paggamit natin ng ating panahon.—Efe. 5:15, 16.
2 Di-inaasahang Pangyayari: Ang mga pagkakataon upang maglingkod kay Jehova ngayon ay maaaring mawala bukas. (Sant. 4:14) Lahat tayo ay maaaring makaranas ng “di-inaasahang pangyayari.” (Ecles. 9:11) Karagdagan pa, lahat tayo ay tumatanda, at sa kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay, hindi natin maiiwasan ang “kapaha-pahamak na mga araw” na kaakibat ng pagtanda, sa gayo’y nalilimitahan ang nagagawa natin sa paglilingkod kay Jehova. (Ecles. 12:1) Kaya hindi matalinong magpaliban sa pag-aalay sa Diyos o maghintay ng angkop na kalagayan bago natin palawakin ang ating ministeryo sa abot ng ating makakaya. (Luc. 9:59-62) Nakasumpong si Abraham ng kapayapaan at katahimikan sa kaniyang katandaan. Namatay siya na “matanda na at nasisiyahan” sapagkat may-katalinuhan niyang ginamit ang kaniyang buong buhay sa paglilingkod kay Jehova.—Gen. 25:8.
3 Maikli Na ang Panahon: Gusto rin nating gugulin ang ating panahon nang may-katalinuhan sapagkat “ang panahong natitira ay maikli na.” (1 Cor. 7:29-31) Napakalapit nang magwakas ng matandang sistemang ito ng mga bagay. Matatapos na ang mga pagkakataong makibahagi sa malaking gawaing pagtitipon sa mga taong tulad-tupa sa panahon ng ‘pag-aani sa lupa.’ (Apoc. 14:15) Dapat tayong mag-ingat na huwag hayaang agawin ng mga kabalisahan at pang-abala sa buhay ang ating panahon na mas mabuti nating magagamit sa ministeryo. (Luc. 21:34, 35) Talagang kasiya-siyang gunitain na lubusan tayong nakibahagi sa pag-aani!
4 Dapat tayong maging alisto sa tuwina upang magkaroon tayo ng bahagi sa masasayang pribilehiyo ng paglilingkuran na dumarating sa atin. Maging determinado nawa tayong gawin ang ating buong makakaya na maglingkod kay Jehova “hangga’t matatawag itong ‘Ngayon.’” (Heb. 3:13) Sa paggawa nito, maipakikita natin na talagang matalino tayo, sapagkat “siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.