Huwag Paghiwalayin ang Pinagtuwang ng Diyos
“Hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—MATEO 19:6.
1, 2. Bakit maka-Kasulatan at makatotohanang asahan na magkakaproblema ang mga mag-asawa paminsan-minsan?
GUNIGUNIHIN mong handa ka na para sa isang malayong biyahe sakay ng kotse. Magkakaproblema ka kaya sa daan? Isang kamangmangan na isiping hindi! Halimbawa, posibleng salubungin ka ng napakasamang lagay ng panahon, kung kaya kailangan mong magdahan-dahan at mag-ingat sa pagmamaneho. Baka tumirik ang iyong sasakyan at hindi mo ito kayang ayusin, kung kaya kailangan mong tumabi muna at humingi ng tulong. Dahil sa mga situwasyong ito, iisipin mo bang hindi ka na sana nagbiyahe at iiwanan mo na lamang ang iyong kotse? Hindi. Kapag malayo ang biyahe, inaasahan mong magkakaproblema ka at maghahanap ka ng maiinam na paraan para lutasin ito.
2 Ganiyan din sa pag-aasawa. Hindi maiiwasan ang mga problema, at isang kamangmangan para sa isang magnobyong nagpaplanong magpakasal na umasang puro kaligayahan lamang ang kanilang tatamasahin. Sa 1 Corinto 7:28, tuwirang sinabi ng Bibliya na ang mga mag-asawa ay magkakaroon ng “kapighatian sa kanilang laman.” Bakit nga kaya nagkakaganito? Sa simpleng pananalita, dahil ang mga mag-asawa ay hindi sakdal, at tayo ay nabubuhay sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1; Roma 3:23) Kaya kahit sabihin pang magkasundo ang mag-asawa at mahusay ang espirituwalidad nila, magkakaproblema pa rin sila paminsan-minsan.
3. (a) Paano itinuturing ng marami sa daigdig ang pag-aasawa? (b) Bakit nagsisikap ang mga Kristiyano na patibayin ang kanilang pag-aasawa?
3 Sa modernong panahon, kapag nagkaproblema ang ilang mag-asawa, ang una nilang reaksiyon ay ang maghiwalay. Patuloy na dumarami ang nagdidiborsiyo sa maraming lupain. Pero sa mga tunay na Kristiyano, haharapin nila ang mga problema sa halip na takasan ito. Bakit? Sapagkat itinuturing nila ang pag-aasawa na isang sagradong kaloob mula kay Jehova. Ganito ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga mag-asawa: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mateo 19:6) Totoo, hindi palaging madaling sundin ang pamantayang ito. Halimbawa, ang mga kamag-anak at ang ibang tao—pati na ang ilang tagapayo sa pag-aasawa—na hindi sumusunod sa mga simulain ng Bibliya ay madalas na humihimok sa mga mag-asawa na maghiwalay o magdiborsiyo kahit walang maka-Kasulatang dahilan.a Pero alam ng mga Kristiyano na mas mabuting ayusin at patibayin ang pag-aasawa kaysa tapusin ito agad. Oo, napakahalaga ngang sa pasimula pa lamang ay gawin na agad ang mga bagay-bagay ayon sa daan ni Jehova—hindi ayon sa payo ng ibang tao.—Kawikaan 14:12.
Kung Paano Mapagtatagumpayan ang mga Problema
4, 5. (a) Anong mga hamon ang tiyak na haharapin ng mga mag-asawa? (b) Bakit talagang mabisa ang mga simulain ng Salita ng Diyos, kahit sa paglutas sa mga problema ng mag-asawa?
4 Ang totoo, sa pana-panahon ay kailangang suriin ng mag-asawa ang kanilang pagsasama. Malimit na nasasangkot dito ang paglutas sa maliliit na di-pagkakaunawaan. Gayunman, sa ilang pag-aasawa, maaaring may mas malulubhang hamon na nagpapahina sa pundasyon ng pagsasama. Kung minsan, baka kailangang humingi ka ng tulong sa isang makaranasang Kristiyanong elder na may asawa. Gayunman, hindi ito nangangahulugang bigo na ang iyong pag-aasawa. Ipinakikita lamang nito ang kahalagahan ng pagsunod sa mga simulain ng Bibliya sa paghanap ng kalutasan.
5 Bilang Maylalang sa tao at Tagapagpasimula ng kaayusan ng pag-aasawa, si Jehova lamang ang higit na nakaaalam ng pangangailangan natin upang magtagumpay ang pag-aasawa. Ang tanong ay, Pakikinggan ba natin at susundin ang payo mula sa kaniyang Salita? Tiyak na makikinabang tayo kung gagawin natin iyon. Ganito ang sinabi ni Jehova sa kaniyang bayan noon: “O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.” (Isaias 48:18) Ang pagsunod sa mga tagubilin ng Bibliya ay makapagdudulot ng tagumpay sa pag-aasawa. Tingnan muna natin ang payo ng Bibliya sa mga asawang lalaki.
“Patuloy na Ibigin ang Inyu-inyong Asawang Babae”
6. Ano ang payo ng Kasulatan para sa mga asawang lalaki?
6 Ang liham ni apostol Pablo sa mga taga-Efeso ay naglalaman ng malilinaw na tagubilin para sa mga asawang lalaki. Sumulat si Pablo: “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito. Sa ganitong paraan dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili, sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga [minamahal, Ang Biblia] niya ito, gaya ng ginagawa rin ng Kristo sa kongregasyon. Gayunpaman, ibigin din ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili.”—Efeso 5:25, 28, 29, 33.
7. (a) Ano ang dapat na maging mahalagang bahagi ng pundasyon ng Kristiyanong pag-aasawa? (b) Paano patuloy na iibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawa?
7 Hindi inisa-isa ni Pablo ang lahat ng maaaring maging problema ng mag-asawa. Sa halip, iniharap niya mismo ang pangunahing solusyon sa pamamagitan ng pagtukoy sa kung ano ang dapat na maging mahalagang bahagi ng pundasyon ng bawat pag-aasawang Kristiyano—ang pag-ibig. Sa katunayan, anim na beses binanggit ang pag-ibig sa mga talata sa itaas. Pansinin din na sinabi ni Pablo sa mga asawang lalaki: “Patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae.” Walang-alinlangang aminado si Pablo na talagang madaling umibig pero mahirap mapanatili ang pag-ibig na iyon. Lalo nang totoo ito sa “mga huling araw” na ito, na marami ang “maibigin sa kanilang sarili” at “hindi bukás sa anumang kasunduan.” (2 Timoteo 3:1-3) Pinarurupok ng gayong negatibong mga ugali ang maraming pag-aasawa sa ngayon, pero hindi makapapayag ang isang maibiging asawang lalaki na maimpluwensiyahan ng sakim na pag-uugali ng tao ang kaniyang pag-iisip at paggawi.—Roma 12:2.
Paano Mo Mapaglalaanan ang Iyong Asawa?
8, 9. Anu-anong pangangailangan ng asawang babae ang dapat paglaanan ng isang Kristiyanong asawang lalaki?
8 Kung isa kang Kristiyanong asawang lalaki, paano mo mapaglalabanan ang tendensiyang maging sakim at maipakikita ang tunay na pag-ibig sa iyong asawa? Sa kaniyang sinabi sa mga taga-Efeso kanina, tinukoy ni Pablo ang dalawang bagay na kailangan mong gawin—paglaanan ang iyong asawa, at mahalin siya gaya ng iyong sariling katawan. Paano mo mapaglalaanan ang iyong asawa? Ang isang paraan ay sa materyal—ang pag-aasikaso sa kaniyang pisikal na mga pangangailangan. Sumulat si Pablo kay Timoteo: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para roon sa mga sariling kaniya, at lalo na para roon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya.”—1 Timoteo 5:8.
9 Gayunman, hindi lamang basta paglalaan ng pagkain, damit, at tirahan ang kailangan. Bakit? Dahil ang isang asawang lalaki ay maaaring napakahusay maglaan ng materyal na pangangailangan ng kaniyang asawa pero hindi naman niya nasasapatan ang emosyonal at espirituwal na pangangailangan nito. Mahalagang masapatan din ang huling nabanggit na mga pangangailangang ito ng asawang babae. Totoo, abala ang maraming lalaking Kristiyano sa pag-aasikaso ng mga bagay may kinalaman sa kongregasyon. Pero ang pagkakaroon ng mabibigat na pananagutan sa kongregasyon ay hindi nangangahulugang pababayaan na niya ang kaniyang bigay-Diyos na obligasyon bilang ulo ng pamilya. (1 Timoteo 3:5, 12) Hinggil dito, ganito ang komento ng babasahing ito ilang taon na ang nakalilipas: “Kasuwato ng mga kahilingan ng Bibliya, masasabi na ‘ang pagpapastol ay nagsisimula sa tahanan.’ Kung pinababayaan ng isang matanda ang kaniyang pamilya, baka siya’y [manganib] na maalis sa tungkulin.”b Maliwanag na talagang importanteng paglaanan ang iyong asawa—sa pisikal, emosyonal at, pinakamahalaga sa lahat, sa espirituwal.
Ano ang Ibig Sabihin ng Mahalin ang Iyong Asawa?
10. Paano maipakikita ng isang lalaki na mahal niya ang kaniyang asawa?
10 Kung mahal mo ang iyong asawa, pangangalagaan mo siyang mabuti. Magagawa mo ito sa maraming paraan. Una, pag-ukulan mo siya ng sapat na panahon. Kapag nagkulang ka rito, maaaring lumamig ang pag-ibig niya sa iyo. Isaalang-alang din na ang inaakala mong panahon at atensiyong kailangan ng iyong asawa ay baka hindi pala katulad ng inaasahan niya. Hindi ito basta pagsasabi lamang na mahal mo ang iyong asawa. Dapat na nadarama niyang mahal mo siya. Sumulat si Pablo: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.” (1 Corinto 10:24) Bilang maibiging asawang lalaki, gusto mong matiyak na nauunawaan mo kung ano talaga ang kailangan ng iyong asawa.—Filipos 2:4.
11. Paano naaapektuhan ng pakikitungo ng asawang lalaki sa kaniyang asawa ang relasyon niya sa Diyos at sa kongregasyon?
11 Ang isa pang paraan upang ipakitang mahal mo ang iyong asawa ay ang pagiging mabait at mapagmalasakit sa kaniya, sa salita at sa gawa. (Kawikaan 12:18) Sumulat si Pablo sa mga taga-Colosas: “Kayong mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae at huwag kayong magalit sa kanila nang may kapaitan.” (Colosas 3:19) Ayon sa isang reperensiya, ang huling bahagi ng pangungusap ni Pablo ay maaaring isalin na “huwag mo siyang gawing alila” o “huwag mo siyang gawing alipin.” Ang isang malupit na asawa—sa pribado man o sa harap ng publiko—ay tiyak na hindi nagmamahal sa kaniyang kabiyak. Kung malupit siya sa kaniyang asawa, maaapektuhan nito ang kaniyang relasyon sa Diyos. Sumulat si apostol Pedro sa mga asawang lalaki: “Patuloy na manahanang kasama [ng inyu-inyong asawa] sa katulad na paraan ayon sa kaalaman, na pinag-uukulan sila ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, yaong may katangiang pambabae, yamang kayo ay mga tagapagmana ring kasama nila ng di-sana-nararapat na biyaya ng buhay, upang hindi mahadlangan ang inyong mga panalangin.”c—1 Pedro 3:7.
12. Ano ang matututuhan ng Kristiyanong asawang lalaki sa pakikitungo ni Jesus sa kongregasyong Kristiyano?
12 Huwag kailanman ipagwalang-bahala ang pag-ibig ng iyong asawa. Palagi mong ipadamang mahal mo siya. Nagpakita si Jesus ng halimbawa sa mga Kristiyanong asawang lalaki sa pakikitungo niya sa kongregasyong Kristiyano. Siya ay mahinahon, mabait, at mapagpatawad—kahit na paulit-ulit niyang kinakikitaan ng di-magagandang ugali ang kaniyang mga tagasunod. Kaya masasabi ni Jesus sa iba: “Pumarito kayo sa akin, . . . sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.” (Mateo 11:28, 29) Bilang pagtulad kay Jesus, pinakikitunguhan ng Kristiyanong asawang lalaki ang kaniyang kabiyak gaya ng pakikitungo ni Jesus sa kongregasyon. Ang isang lalaki na talagang nagmamahal sa kaniyang asawa, sa salita at sa gawa, ay isang tunay na kaginhawahan sa kaniyang asawa.
Mga Asawang Babaing Namumuhay Ayon sa mga Simulain ng Bibliya
13. Anong mga simulain sa Bibliya ang makatutulong sa mga asawang babae?
13 Ang Bibliya ay mayroon ding mga simulaing makatutulong sa mga asawang babae. Ganito ang sinasabi sa Efeso 5:22-24, 33: “Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kani-kanilang asawang lalaki gaya ng sa Panginoon, sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon, yamang siya ang tagapagligtas ng katawang ito. Sa katunayan, kung paanong ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo, maging gayundin ang mga asawang babae sa kani-kanilang asawang lalaki sa bawat bagay. . . . Ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.”
14. Bakit hindi nakapagpapababa ng tingin sa mga babae ang maka-Kasulatang simulain sa pagpapasakop?
14 Pansinin na idiniin ni Pablo ang pagpapasakop at paggalang. Pinaaalalahanan ang asawang babae na magpasakop sa kaniyang asawa. Kasuwato ito ng kaayusan ng Diyos. Laging may nakatataas sa bawat nabubuhay na nilalang sa langit at sa lupa. Maging si Jesus man ay nagpasakop din sa Diyos na Jehova. (1 Corinto 11:3) Siyempre pa, nagiging madali para sa asawang babae na magpasakop kapag tama ang paraan ng kaniyang asawa sa pagganap ng kaniyang pagkaulo.
15. Ano ang payo mula sa Bibliya para sa mga asawang babae?
15 Sinabi din ni Pablo na ang asawang babae ay “dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” Dapat ipamalas ng isang Kristiyanong asawang babae ang “tahimik at mahinahong espiritu,” anupat hindi arogante at lumalaban sa kaniyang asawa, o gumagawa ng sarili niyang pasiya. (1 Pedro 3:4) Ang makadiyos na asawang babae ay nagsasakripisyo para sa kabutihan ng kaniyang sambahayan at nagdudulot ng karangalan sa kaniyang ulo. (Tito 2:4, 5) Sinisikap niyang magsalita ng positibong mga bagay hinggil sa kaniyang asawa at hindi siya gumagawi sa paraang magiging dahilan upang hindi ito igalang ng iba. Nagsisikap din siya upang magtagumpay ang mga desisyon ng kaniyang asawa.—Kawikaan 14:1.
16. Ano ang matututuhan ng mga Kristiyanong asawang babae mula sa halimbawa nina Sara at Rebeka?
16 Ang pagkakaroon ng tahimik at mahinahong espiritu ay hindi nangangahulugang hindi na puwedeng magsabi ang isang Kristiyanong babae ng kaniyang opinyon o hindi na importante anuman ang nasa kalooban niya. Ang makadiyos na mga babae noon, gaya nina Sara at Rebeka, ay hindi nag-atubiling magsabi ng kanilang ikinababahala, at ipinakikita ng ulat sa Bibliya na sinang-ayunan naman ni Jehova ang kanilang iginawi. (Genesis 21:8-12; 27:46–28:4) Puwede ring ipaalam ng mga Kristiyanong asawang babae ang kanilang damdamin. Pero dapat nilang gawin ito nang may kabaitan, at hindi sa mapanghamak na paraan. Malamang na magiging kasiya-siya at epektibo ang gayong pakikipag-usap.
Ang Papel ng Sumpaan
17, 18. Ano ang ilang paraan upang malabanan ng mga mag-asawa ang pagtatangka ni Satanas na sirain ang kanilang pagsasama?
17 Ang pag-aasawa ay sumpaan ng lalaki’t babae na habang-buhay silang magiging tapat sa isa’t isa. Kaya naman, dapat na maging taimtim na hangarin ng mag-asawa na magtagumpay ang kanilang pagsasama. Kapag walang tapatang pag-uusap, lalong lumalala ang mga problema. Madalas na hindi na nag-uusap ang mga mag-asawa kapag nagkaproblema, na nagiging dahilan ng samaan ng loob. May ilang kabiyak na gumagawa pa nga ng paraan upang tapusin na ang kanilang pagsasama, marahil ay ibinabaling na sa iba ang kanilang pagtingin. Nagbabala si Jesus: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.”—Mateo 5:28.
18 Pinayuhan ni apostol Pablo ang lahat ng Kristiyano, pati na ang mga may-asawang Kristiyano: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit, ni magbigay man ng dako sa Diyablo.” (Efeso 4:26, 27) Sinasamantala ng ating mahigpit na kaaway, si Satanas, ang mga di-pagkakaunawaan na maaaring bumangon sa pagitan ng mga Kristiyano. Huwag siyang hayaang magtagumpay! Kapag nagkaproblema, saliksikin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kung ano ang pananaw ni Jehova sa mga bagay-bagay, gamit ang mga publikasyong salig sa Bibliya. Tapatang pag-usapan ang mga di-pagkakaunawaan sa mahinahong paraan. Ikapit ninyo sa inyong buhay ang nalalaman ninyo tungkol sa mga pamantayan ni Jehova. (Santiago 1:22-25) Pagdating sa inyong pag-aasawa, maging determinadong patuloy na lumakad kasama ng Diyos bilang mag-asawa, at huwag hayaang paghiwalayin ng sinuman o ng anuman ang kaniyang pinagtuwang!—Mikas 6:8.
[Mga talababa]
a Tingnan ang kahong “Diborsiyo at Paghihiwalay” sa Gumising! Pebrero 8, 2002, pahina 10, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
b Tingnan Ang Bantayan, Mayo 15, 1989, pahina 12.
c Upang maging kuwalipikado sa mga pribilehiyo sa kongregasyong Kristiyano, ang isang lalaki ay hindi dapat “nambubugbog”—samakatuwid nga, nananakit sa pisikal o nambubulyaw. Kaya naman, ganito ang sinabi ng Ang Bantayan, Setyembre 1, 1990, pahina 25: “Ang isang lalaki ay hindi kuwalipikado kung siya’y kumikilos sa maka-Diyos na paraan sa [ibang] lugar ngunit isang taong malupit kung nasa tahanan.”—1 Timoteo 3:2-5, 12.
Naaalaala Mo Ba?
• Bakit maaaring magkaproblema maging ang mga Kristiyanong mag-asawa?
• Paano mapaglalaanan ng asawang lalaki ang kaniyang asawa at maipakikitang mahal niya siya?
• Paano maipakikita ng asawang babae na taimtim niyang iginagalang ang kaniyang asawa?
• Paano mapatitibay ng mag-asawa ang kanilang sumpaan sa isa’t isa?
[Larawan sa pahina 20]
Dapat na maging mahusay na tagapaglaan ang isang asawang lalaki, hindi lamang sa materyal kundi maging sa espirituwal
[Larawan sa pahina 21]
Ang isang lalaking nagmamahal sa kaniyang asawa ay isang kaginhawahan sa kaniyang asawa
[Larawan sa pahina 23]
Ipinaaalam ng mga asawang babae ang kanilang damdamin sa magalang na paraan