Pagsunod sa mga Prinsipyo ng Bibliya—Ang Pinakamagaling na Paraan
“KUNGSHI, kungshi fa tsai!” (Maligayang bati, harinawang yumaman ka!) Sa kinaugaliang bating ito ng mga Intsik kung Bagong Taon ang idiniriin ay ang materyal na tagumpay na palasak sa buong daigdig. Upang mapasulong ang abilidad ng isang tao na magpayaman, ang edukasyon ay maaaring pinahahalagahan nang labis hanggang sa punto na ito’y sinasamba na. Sa maraming bansa sa Oryente, kadalasan ang pangunahing pakay ng mga magulang ay kung paano maipapasok sa pinakamagaling na kindergarten ang kanilang mga anak upang pagkatapos ay maipasok sila sa pinakamagaling na paaralang primarya at patuloy hanggang sa kolehiyo o unibersidad. Gayundin naman, sa mga lupaing Kanluranin marami ang walang pinagkakaabalahan kundi ang yumaman at mamuhay nang maginhawa.
Paanong ang ganiyang kinaugaliang pagsusumakit sa materyal na mga bagay ay maihahambing sa mga simulain ng Bibliya? “Silang mga disididong yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming mga pitang walang kabuluhan at nakasásamâ, na nagbubulusok sa mga tao sa kapahamakan at pagkapariwara,” ang babala ni apostol Pablo. Siya’y nagsasabi pa: “Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uring kasamaan, at sa pagsusumakit sa pag-ibig na ito ang iba ay naihiwalay sa pananampalataya at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.” (1 Timoteo 6:9, 10) Sa pagtukoy sa isang bagay na kadalasang nakikita pagka materyal na mga tunguhin ang ginawa ng mga tao na kanilang pangunahing interes sa buhay, ang Eclesiastes 5:10 ay nagsasabi: “Siyang umiibig sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, o siya mang umiibig sa kasaganaan ng pakinabang. Ito man ay walang kabuluhan.”
Anong dalas na nangyayari na ang mag-asawa ay kapuwa naghahanapbuhay nang puspusan upang mabili ang lahat ng luho sa buhay, na anupa’t sila’y totoong okupado at hindi na nagtatamasa ng ligaya sa kanilang tahanan para masiyahan sa kanilang mga ari-arian! Sa kabaligtaran naman, bago ibinigay ang nabanggit na babala kay Timoteo, sinabi ni Pablo: “Tiyak nga, ito’y nagdadala ng malaking pakinabang, ang banal na debosyong ito na may kalakip na kasiyahan. Kaya, kung tayo’y may pagkain at pananamit na, masisiyahan na tayo sa mga bagay na ito.” (1 Timoteo 6:6, 8) At ang Kawikaan 28:20 ay nagsususog ng ganito: “Ang tapat na tao ay mananagana sa pagpapala, ngunit siyang nagmamadali sa pagyaman ay hindi mananatiling walang sala.” Anong pagkalungkut-lungkot nga na makitang ang dati’y palakaibigan at mapagpatuloy na mga tao ay nagwawalang-bahala sa matataas na prinsipyo ng pagkamapagtapat, dignidad, at moral na paggawi sa kanilang pagsisikap na magkamal ng lalong malaking mga kayamanan!
Sa Loob ng Pamilya
Naging kaugalian na sa mga ibang tribo at mga bayan-bayan na asahan ang kanilang mga anak—lalo na ang kanilang mga anak na babae, na sa bandang huli’y aalis na sa tahanan upang mag-asawa—ang maghanapbuhay at magpadala sa kanilang tahanan ng buwanang sustento upang ipakita ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga magulang at bayaran ang kanilang mga magulang sa pagkapalaki sa kanila. Halimbawa, sa isang pamilya ng mga Saksi ni Jehova, sinabi ng anak na babae sa kaniyang mga magulang na ibig niyang pumaroon sa isang siyudad upang maging isang payunir (buong-panahong ministro). Akalain mo ang kaniyang pagkabalisa nang sabihin sa kaniya ng mga magulang niya na ang ibig nila’y maghanapbuhay siya upang siya’y makapagpauwi sa kanila ng isang buwanang sustento para makatulong sa kanila! Hindi, sila’y hindi naman kinukulang. Kung gayon ang prinsipyo ng pag-aasikaso ng mga anak sa kanilang matatanda, maysakit, o mahihirap na mga magulang ay hindi kapit sa kasong ito. (Mateo 15:4-6; 1 Timoteo 5:8) Isa lamang kinaugalian na uso sa mga tribo na ang mga anak ay magkamal ng kayamanan para sa pamilya. Bagaman kadalasa’y kinakailangan dahilan sa kakulangan ng mga paglalaang panlipunan, ang kaugaliang ito ay sinusunod lamang upang makapagbangong-puri sa pamayanan o dahilan sa ang sinusunod ay ang usong mithiin na “fa tsai.”
Nang ipakipag-usap ng ama ang bagay na ito sa isang Kristiyanong hinirang na matanda, siya’y hinimok na isaalang-alang ang ilang mga talata sa kasulatan at pagkatapos ay magpasiya. Kabilang sa mga teksto na binanggit sa kaniya ay ang 2 Corinto 12:14 na kung saan sinabi ni Pablo ang ganitong prinsipyo: “Sapagkat hindi nararapat ipagtipon ng mga anak ang mga magulang, kundi ng mga magulang ang mga anak.” Pagkatapos na mapag-isipan ito at ang iba pang mga prinsipyo sa Bibliya, ang mga magulang ay nagpasiya. Anong laki ng katuwaan ng anak na babae nang siya’y payagan—at tumanggap pa man din siya ng kaunting pera bilang tulong—upang siya’y makapagregular payunir!
Pagpapasakop—Hanggang Saan?
Ang isa pang pitak na kung saan ang lokal na mga kaugalian at usong mga saloobin ang malimit nakakasalungat ng mga prinsipyo ng Bibliya ay ang tungkol sa pagpapasakop. Sa mga ilang lupain ay kaugalian na ang kahilingan na lubusang pasakop sa mga magulang at sa iba pang mga awtoridad sa lahat ng pitak ng buhay. Kung minsan sa gayong mga lupain ang mga lalaking edad 40 o higit pa ay tumatangging bumasa ng anumang babasahin buhat sa isang relihiyon na naiiba sa relihiyon ng kanilang mga magulang o gumawa ng anumang mahalagang pasiya na hindi muna kumukunsulta sa mga ito, sa takot na hindi makalugod sa mga magulang. Gayunman, sa gayong mga lupain ay nagiging karaniwan na ang makakita ka ng mga kabataan na naghihimagsik na tuwiran sa kanilang mga magulang. Ang Bibliya na may timbang na pangmalas sa mga bagay-bagay ay tumutulong sa atin na iwasan ang kapuwa kalabisan. Ang prinsipyo ng relatibong pagpapasakop sa awtoridad ng tao ay malinaw na binabanggit sa Gawa 4:19 at 5:29. Pansinin din kung paano hinihimok ni Pablo ang mga anak na maging masunurin sa kanilang mga magulang, ngunit ipinakikita niya na mayroon ding mga limitasyon ito nang kaniyang sabihin: “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang na nasa Panginoon, sapagkat ito’y matuwid: ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina’; na siyang unang utos na may pangako.”—Efeso 6:1-3.
Ang isa pang simulain ng Bibliya na may epekto sa kung hanggang saan dapat magpasakop ang isa sa kaniyang mga magulang ay yaong pagpapasakop ng isang babae sa kaniyang asawa. “Hayaang ang mga babae ay magpasakop sa kani-kanilang asawa gaya sa Panginoon, sapagkat ang lalaki ang ulo ng kaniyang asawa,” ang isinulat ni apostol Pablo. Pagkatapos ay pinalawak niya ang prinsipyong iyan sa pamamagitan ng pagbanggit sa sinabi ni Jehova pagkatapos na isaayos ang unang pag-aasawa ng tao: “Sa dahilang ito iiwan ng lalaki ang ama at ina niya at pipisan sa kaniyang asawa, at silang dalawa ay magiging isang laman.”—Efeso 5:22-31.
Datapuwat, kumusta naman ang situwasyon sa maraming lupain na kung saan ang anak na lalaki ay patuloy na doon titira sa tahanan ng kaniyang mga magulang pagkatapos na siya’y makasal? Ipinakikita ng Bibliya na, halimbawa noong mga panahong bago kay Kristo, kadalasan na’y ganito nga ang ginagawa ng mga mananamba kay Jehova. Sa gayong mga kalagayan ang ama ng tahanan ang nananatiling pinaka-patriarkang ulo ng pamilya, ngunit ang mga asawang babae ay kailangang pasakop sa kani-kanilang sariling asawa. Subalit, sa mga ilang lupain ay kalimitan ang biyenang babae ang pinaka-ulo ng kaniyang manugang na babae. Kaya naman lalong mahirap para sa anak na lalaki na ikapit nang lubusan ang prinsipyo ng pagkaulo bilang asawang lalaki at mahirap din na ang kaniyang asawang babae ay tunay na pasakop sa kaniya bilang asawang lalaki. Gayunman, kailangang timbangin ng anak na lalaki ang respeto sa kaniyang mga magulang at ang pangangailangan na maging ulo ng kaniyang sariling sambahayan kung nais niyang si Jehova ang maging ikatlong ikid sa simbolikong ‘tatluhang-ikid na buklod na hindi madaling putulin.’—Eclesiastes 4:12.
Sa mga ilang bansa lalong mahirap ang katayuan pagka ang isang lalaki ay nagkaasawa ng isang babaing galing sa isang pamilya na kung saan walang lalaking tagapagmana. Ang sumusunod na kaso ang nagpapakita ng nangyayari sa marami sa gayong mga lalaki pagka sa bandang huli ay nakaalam sila ng mga prinsipyo ng Bibliya at sinikap nila na ikapit iyon. Isang binatang Katoliko ang nag-asawa ng isang babaing galing sa pamilyang Katoliko. Sa simula pa lamang, siya’y minamata na ng pamilya at ang turing sa kaniya’y tulad lamang sa isang di-inuupahang manggagawa na inaasahan lamang na magsisilbing asawa para magbigay ng mga anak upang ang pangalan ng pamilya ay manatiling buhay. Gaya ng naging ugali na sa gayong kaayusan, kinailangan na pumayag siyang matabunan ang kaniyang sariling pangalan, na hinahayaang ang kaniyang mga anak ang ituring na mga tagapagmana ng ari-arian ng pamilya. Nang kaniyang mapag-alaman ang tungkol sa prinsipyo ng pagkaulo sa pamilya at sinikap niya na ikapit iyon, ang kaniyang asawang babae ay tumugon nang katulad ng tugon ng buong pamilya: ‘Ikaw ay walang dinalang anuman sa pamilyang ito, kaya naman wala kang anumang karapatan na magsabi kung paano dapat gawin ang mga bagay-bagay!’
Bagama’t hindi lahat ng pag-aasawa ay kasing grabe ng partikular na kasong ito, dagling makikita na kung saan uso ang ganiyang kaugalian at inaasahang pasasakop ang asawang lalaki, babangon ang mga problema sa pagkakapit ng mga prinsipyo ng Bibliya tungkol sa pagkaulo. Nagiging napakahirap para sa isang Kristiyanong asawang lalaki na gampanan ang kaniyang mapagmahal na pagkaulo sa kaniyang sariling pamilya at mahirap din para sa asawang babae na magpasiya kung sa kaniyang asawang lalaki siya magpapasakop nang may “malaking paggalang,” o sa kaniyang mga magulang na sa poder nito malamang na sila’y patuloy na mamumuhay.—Efeso 5:33.
Ang isa pang ilustrasyon ng kung paano ang mga simulain ng Bibliya ay maaaring kasalungat ng lokal na kaugalian ay yaong ugali na ang mga magulang ang nag-aayos ng pag-aasawa ng kanilang mga anak. Para sa mga anak na Kristiyano na may mga magulang na di-sumasampalataya, malimit na ito’y nagiging isang tunay na problema, sapagkat inaakala ng mga magulang na sila’y bigo kung ang kanilang mga anak ay hindi pa nakapag-aasawa pagdating ng isang takdang edad. Sa gayon, gumagamit ng malaking panggigipit, kasali na ang pangbubugbog, upang puwersahin ang mga anak, lalo na ang mga babae, na mag-asawa. Pagka kakaunti ang mga nababagay na mga Kristiyanong mapagpipilian ng magiging asawa, ang di-sumasampalatayang mga magulang ay gagawa ng halos anupaman upang makapag-asawa ang kanilang mga anak, samantalang hindi kinalilimutan ng Kristiyano ang prinsipyo ng pag-aasawa ng “nasa Panginoon lamang.”—1 Corinto 7:39; Deuteronomio 7:3, 4.
Makinabang sa Pamamagitan ng Pagsunod sa mga Prinsipyo ng Bibliya
Ang unang-unang kagandahan ng mga simulain ng Bibliya ay nasa bagay na higit na mapabubuti nito ang buhay ng sinuman na nagkakapit nito, saan man siya naninirahan. Ang mga ito ay walang pagbabago at pinagkakaisa-isa ang mga pamilya. Ginagawa nito ang mga tao na maging lalong mapagtapat sa kapuwa, at lalong mabubuting mga asawang lalaki at mga ama, lalong mahuhusay na mga asawang babae at mga ina, lalong mabubuting mga anak, lalong mabubuting mga empleado. Nalulutas nito ang mga problemang ang sanhi’y nagkakasalungatang lokal na mga kaugalian at inaayos ang pagkakapit niyaong mga kaugalian na hindi naman tuwirang sumasalungat sa kalooban ng Diyos para sa tao kundi baka ang pagsunod sa gayong kalooban ay ginagawang lalong mahirap. Paano nga magagawa ito?
Una, gaya ng ginawa ng mga Kristiyano sa Tesalonica, kailangang tanggapin mo ang katotohanan na ang Bibliya ay tunay ngang “salita ng Diyos.” Ito’y nangangahulugan na kikilalanin mong ito’y tunay na karunungang nanggagaling sa pinakamataas na pinagmumulang Awtoridad. Ikalawa, sikapin mong matutuhan kung ano ang sinasabi ng “salita ng Diyos” para sa iyong kapakinabangan. Matutong unawain ang mga prinsipyo at mga batas ng Diyos habang binabasa mo at pinag-aaralan ang Bibliya. Pagkatapos, bilang ikatlong hakbang, tulutan mong ang salitang iyan ay “kumapit sa iyo.” (1 Tesalonica 2:13) Kasali rito ang palagiang pakikisalamuha sa mga kongregasyon ng bayan ng Diyos ngayon na nasa mahigit na 200 bansa at isla ng dagat. Ito ang dahilan at ang pandaigdig na pagkakapatiran ng mga Saksi ni Jehova ay gayung-gayon—isang pagkakapatiran hindi lamang sa pangalan kundi sa gawa.
Una at pinakamahalaga, ang bayan ni Jehova ay interesado sa pakikipagkaisa sa Diyos sa pamamagitan ng pagtutulot na ang mga prinsipyo ng Bibliya ang umugit sa kanilang buhay. Ano ang resulta? Tunay at walang hanggang pakikipagkaisa sa iba na kaisa rin naman ng Diyos, at gayundin kapayapaan ng isip na umaalalay sa isa sa gitna ng lahat ng mga kalagayan na umiiral sa kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay. (Filipos 4:6, 7) Ang gayong pagkakaisa at matalik na relasyon sa Diyos at sa isa’t isa ay isang positibong tulong sa higit pang pagpapahusay sa kaurian ng buhay ngayon at may pangako na buhay na walang hanggan sa matuwid na bagong sistema ng Diyos na kung saan ang lahat ng bagay ay sa wakas lubusang nasasakop ng kalooban ng Diyos.—1 Timoteo 4:8; 1 Corinto 15:28.
[Mga larawan sa pahina 7]
Tanggapin ang Bibliya bilang “ang salita ng Diyos”
Sikapin na matutuhan ang sinasabi ng Salita ng Diyos para sa iyong kabutihan
Tulutan na ang Salitang iyan ay “kumapit sa iyo”