Makakatulong sa Iyo ang Paghahambing
Tiyak na sasang-ayon ka na si Jesus ang pinakamahusay na Guro na nabuhay kailanman. Maaaring tinutularan mo ang ilang pamamaraan niya kapag nagtuturo, gaya ng paggamit ng mga tanong at ilustrasyon. Pero napansin mo ba na madalas din siyang gumamit ng paghahambing sa kaniyang pagtuturo?
Maraming tao ang gumagamit ng paghahambing kapag nakikipag-usap. Baka madalas mo rin itong gawin nang di-namamalayan. Baka nasasabi mo, “Sabi nila, hinog na ang lahat ng prutas; pero hilaw pa ang iba.” O kaya, “Mahiyain siya noon, pero ngayon palakaibigan na siya.”
Kapag naghahambing, inihaharap mo muna ang isang ideya o isang bagay na totoo; saka mo sasabihin ang kasalungat nito gamit ang mga salitang gaya ng pero, kundi, ngunit, gayunman, sa halip, o sa kabilang dako. Maaari ka ring magdagdag ng impormasyon para patingkarin ang ideya. Ang gayong paghahambing ay natural pakinggan at nakakatulong para mas madaling makuha ang puntong sinasabi mo.
Kahit hindi karaniwan sa ilang wika o kultura ang paghahambing, dapat pa ring pag-isipan ang mga ito. Bakit? Dahil marami nito sa kinasihang Salita ng Diyos. Madalas gumamit ng paghahambing si Jesus. Halimbawa: “Ang mga tao ay nagsisindi ng lampara at inilalagay iyon, hindi sa ilalim ng basket na panukat, kundi sa ibabaw ng patungan ng lampara.” “Ako ay pumarito, hindi upang sumira [ng Kautusan], kundi upang tumupad.” “Narinig ninyo na sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae . . . ” “Narinig ninyo na sinabi, ‘Mata para sa mata at ngipin para sa ngipin.’ Gayunman, sinasabi ko sa inyo: Huwag mong labanan siya na balakyot; kundi sinumang sumampal sa iyo sa iyong kanang pisngi, iharap mo rin sa kaniya ang kabila.”—Mat. 5:15, 17, 27, 28, 38, 39.
May mga katulad na paghahambing sa iba pang aklat ng Bibliya. Ang mga ito ay makakatulong sa iyo para maunawaan ang isang punto o maidiin ang mas mahusay na paraan ng paggawa ng isang bagay. Kung isa kang magulang, bulay-bulayin ang paghahambing na ito: “Kayo, mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4) Kung ang sinabi lang ni apostol Pablo ay na dapat palakihin ng mga magulang ang kanilang anak ayon sa disiplina ng Diyos, tama naman iyon at makatuwiran. Pero mas tumingkad ang ideya nang gumamit siya ng paghahambing na ‘huwag silang inisin kundi palakihin sila sa pangkaisipang patnubay ni Jehova.’
Sa talata 12 ng kabanatang iyon, isinulat ni Pablo: “Tayo ay may pakikipagbuno, hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa . . . balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” (Efe. 6:12) Malamang na makatulong sa iyo ang paghahambing na iyan para maunawaan kung gaano kaseryoso ang pakikipaglaban mo. Hindi mga tao ang kalaban, kundi mga balakyot na puwersang espiritu.
MAKINABANG SA PAGHAHAMBING
Sa aklat ding ito ng Bibliya, ang Efeso, marami pang ibang talata na ginamitan ni Pablo ng paghahambing. Ang pagbubulay-bulay sa mga ito ay makakatulong sa atin na makuha ang punto ni Pablo at mas maintindihan kung ano ang dapat nating gawin.
Masisiyahan ka at makikinabang sa paggamit ng kalakip na tsart. Makikita rito ang ilang paghahambing na nasa Efeso kabanata 4 at 5. Habang binabasa mo ang bawat paghahambing, suriin ang iyong sarili. Pag-isipan ang mga tanong na ito: ‘Ano nga ba ang ugali ko? Ano ang reaksiyon ko rito o sa sitwasyong katulad nito? Sa tingin ng iba, alin kaya ako sa dalawa na pinaghahambing?’ Kung makita mo sa isang partikular na paghahambing na may kailangan kang pasulungin, sikapin mong gawin iyon. Hayaang makatulong sa iyo ang gayong paghahambing.
Maaari din ninyong gamitin ang tsart sa inyong Pampamilyang Pagsamba. Una, babasahin ng lahat ng miyembro ng inyong pamilya ang mga paghahambing. Pagkatapos, babanggitin ng isa sa inyo ang unang bahagi ng paghahambing at sasabihin naman ng iba pang miyembro ng pamilya ang natandaan niyang punto sa ikalawang bahagi. Sa gayon, magkakaroon ng masiglang talakayan ang pamilya kung paano lubos na maikakapit ang ikalawang bahagi. Oo, ang gayong pagsusuri sa mga paghahambing ay makakatulong sa lahat, bata man o matanda, para makapagpakita ng Kristiyanong paggawi sa loob ng pamilya at sa iba pang aspekto ng buhay.
Habang natututuhan mo ang kahalagahan ng paghahambing, mas madali mo itong makikita sa Bibliya, at matutuklasan mong malaki ang maitutulong nito sa iyong ministeryo. Halimbawa, maaari mong sabihin sa may-bahay: “Marami ang naniniwala na mayroon tayong imortal na kaluluwa, pero pansinin kung ano ang sinasabi ng Bibliya.” O maaari mong itanong sa iyong Bible study: “Naniniwala ang karamihan na ang Diyos at si Jesus ay iisang persona; pero ano ba ang napag-aralan natin sa Bibliya? Ano ang pinaniniwalaan mo?”
Oo, marami tayong makikitang paghahambing sa Kasulatan, na makakatulong sa atin na lumakad sa daan ng Diyos. At magagamit natin ang mga ito para tulungan ang iba na malaman ang katotohanan sa Bibliya.