Epafrodito—Sugo ng mga Taga-Filipos
“IBIGAY ninyo sa kaniya ang kaugaliang pagtanggap sa Panginoon taglay ang buong kagalakan; at patuloy ninyong ituring ang gayong uri ng mga tao na mahalaga,” ang sulat ni Pablo sa mga taga-Filipos. Walang-alinlangan na matutuwa tayo kung ang isang Kristiyanong tagapangasiwa ay magsasalita tungkol sa atin nang may gayong pagpapahalaga. (Filipos 2:29) Subalit sino ang tinutukoy ni Pablo? At ano ang ginawa ng taong iyon upang maging karapat-dapat sa gayong taimtim na rekomendasyon?
Ang sagot sa unang tanong ay si Epafrodito. Upang masagot ang ikalawa, isaalang-alang natin ang mga kalagayang nag-udyok kay Pablo na isulat ang mga salitang ito.
Noong mga 58 C.E., nabalitaan ng mga taga-Filipos na kinaladkad si Pablo sa labas ng templo at binugbog ng mabalasik na pulutong sa Jerusalem, dinakip ng mga awtoridad, at, pagkatapos makulong nang wala pang hatol, inilipat sa Roma nang nakatanikala. (Gawa 21:27-33; 24:27; 27:1) Palibhasa’y nababahala sa kaniyang kalagayan, tiyak na nag-isip sila kung ano ang kanilang magagawa para sa kaniya. Sila ay dukha sa materyal at malayo kay Pablo, kaya limitado ang tulong na maibibigay nila. Gayunman, ang mainit na damdamin na nagpakilos sa mga taga-Filipos upang suportahan ang kaniyang ministeryo noong nakalipas ay nag-uudyok pa rin sa kanila; lalo na ngayon, yamang siya ay nasa mapanganib na situwasyon.—2 Corinto 8:1-4; Filipos 4:16.
Tiyak na naisip ng mga taga-Filipos kung posible na isa sa kanila ang magdala ng kaloob para kay Pablo at tulungan siya sakaling siya’y nangangailangan ng anuman. Ngunit iyon ay isang mahaba at nakahahapong paglalakbay, at ang pagtulong sa kaniya ay maaaring maging mapanganib! Ganito ang sabi ni Joachim Gnilka: “Kailangan ang lakas ng loob upang madalaw ang isang bilanggo, at lalo na, ang isa na ang ‘kasalanan’ ay waring lubhang mahirap ipaliwanag.” Ang manunulat na si Brian Rapske ay nagsabi: “Nariyan ang karagdagang panganib ng kahit lamang pagiging totoong malapit o madamayin sa bilanggo o sa kaniyang mga pangmalas. . . . Ang isang maling salita o kilos ay maaaring umakay hindi lamang sa kamatayan ng bilanggo kundi maging ng katulong.” Sino ang maaaring isugo ng mga taga-Filipos?
Lubusan nating maguguniguni na ang isang paglalakbay na gaya nito ay maaaring pumukaw ng pagkabahala at kawalang-katiyakan, subalit handang gawin ni Epafrodito (hindi si Epafras ng Colosas) ang mahirap na misyong iyan. Kung ibabatay sa kaniyang pangalan, na kinapapalooban ng pangalan ni Aphrodite, siya marahil ay isang Gentil na nakumberte sa Kristiyanismo—ang anak ng mga magulang na tapat sa Griegong diyosang iyan ng pag-ibig at pag-aanak. Nang sumulat si Pablo sa mga taga-Filipos upang pasalamatan sila sa kanilang pagkabukas-palad, mailalarawan niya nang wasto si Epafrodito bilang ang “inyong sugo at pansariling lingkod sa aking pangangailangan.”—Filipos 2:25.
Salig sa sinasabi ng Bibliya tungkol kay Epafrodito, nauunawaan natin na sa kabila ng kaniyang kapuri-puring pagkukusa na gamitin ang kaniyang sarili sa ganitong paglilingkod para kay Pablo at sa kaniyang sariling kongregasyon, si Epafrodito ay may mga suliranin na maaaring katulad ng sa atin. Tingnan natin ang kaniyang halimbawa.
“Pansariling Lingkod sa Aking Pangangailangan”
Hindi natin alam ang mga detalye, subalit maguguniguni natin na dumating sa Roma si Epafrodito na pagod buhat sa kaniyang paglalakbay. Marahil ay dumaan siya sa Via Egnatia, isang lansangang Romano na bumabagtas sa Macedonia. Maaaring tinawid niya ang Adriatiko hanggang sa “sakong” ng Italyanong peninsula at pagkatapos ay dumaan sa Daang Appian patungong Roma. Iyon ay nakahahapong paglalakbay (1,200 kilometro sa isang biyahe) na malamang ay gumugol ng mahigit sa isang buwan.—Tingnan ang kahon sa pahina 29.
Ano ang nasa isip ni Epafrodito nang siya’y maglakbay? Siya ay isinugo upang mag-ukol ng “pansariling paglilingkod,” o lei·tour·giʹa, kay Pablo. (Filipos 2:30) Ang Griegong salitang ito ay orihinal na tumutukoy sa gawaing ukol sa Estado na boluntaryong ginagawa ng isang mamamayan. Nang maglaon, nangahulugan ito ng gayong uri ng paglilingkod na sapilitang hinihiling ng Estado sa mga mamamayan na lubhang kuwalipikado na isagawa ang gayon. Tungkol sa gamit ng salitang ito sa Griegong Kasulatan, ganito ang sabi ng isang iskolar: “Ang Kristiyano ay isang taong naglilingkod sa Diyos at sa tao, una, dahil nais niya, nang buong-puso niya, at ikalawa, dahil iyon ang dapat niyang gawin, dahil inuubliga siya ng pag-ibig ni Kristo.” Oo, ano ngang inam na espiritu ang ipinakita ni Epafrodito!
‘Inilantad Niya sa Panganib ang Kaniyang Kaluluwa’
Ginagamit ang isang salita na hiniram buhat sa mga termino tungkol sa pagsusugal, sinabi ni Pablo na ‘inilantad [pa·ra·bo·leu·saʹme·nos] ni Epafrodito sa panganib ang kaniyang kaluluwa,’ o sa literal, “isinugal” ang kaniyang buhay alang-alang sa paglilingkod kay Kristo. (Filipos 2:30) Hindi natin iisipin na kumilos nang may kamangmangan si Epafrodito; sa halip, ang katuparan ng kaniyang sagradong paglilingkod ay nagsasangkot ng isang panganib. Tinangka kaya niyang isagawa ang misyon na pagtulong habang masungit ang panahon nang taóng iyon? Nagpumilit kaya siyang tangkaing makarating kahit matapos magkasakit samantalang nasa kalagitnaan ng paglalakbay? Sa paano man, si Epafrodito ay ‘nagkasakit nang halos nasa punto na ng kamatayan.’ Marahil ay dapat sana siyang manatiling kasama ni Pablo upang maglingkod sa kaniya, kaya maliwanag na nais ng apostol na bigyang-katuwiran ang kaniyang di-inaasahang maagang pagbabalik.—Filipos 2:27.
Gayunpaman, si Epafrodito ay isang taong may lakas ng loob na handang ilantad ang kaniyang sarili nang walang pag-iimbot upang tulungan ang iba na nangangailangan.
Maaari nating tanungin ang ating sarili, ‘Hanggang saan ako makapagsasakripisyo upang tulungan ang aking espirituwal na mga kapatid na nasa mahihirap na kalagayan?’ Ang gayong espiritu ng pagkukusa ay obligasyon ng mga Kristiyano. Sinabi ni Jesus: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong kautusan, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo, ay ibigin din ninyo ang isa’t isa.” (Juan 13:34) Isinagawa ni Epafrodito ang kaniyang paglilingkod “nang halos nasa punto na ng kamatayan.” Kung gayon, si Epafrodito ay isang halimbawa ng isang taong nagtataglay ng “pangkaisipang saloobin” na siyang inihihimok ni Pablo na taglayin ng mga taga-Filipos. (Filipos 2:5, 8, 30, Kingdom Interlinear) Handa ba nating tularan ang gayon?
Gayunman, nanlumo pa rin si Epafrodito. Bakit?
Ang Kaniyang Panlulumo
Ilagay mo ang iyong sarili sa kalagayan ni Epafrodito. Iniulat ni Pablo: “Nananabik siyang makita kayong lahat at nanlulumo sapagkat narinig ninyo na siya ay nagkasakit.” (Filipos 2:26) Alam ni Epafrodito na batid ng mga kapatid sa kaniyang kongregasyon na siya ay maysakit at hindi niya natulungan si Pablo sa paraang inasahan nila. Sa katunayan, waring nakalikha pa nga si Epafrodito ng higit na álalahanín para kay Pablo. Kinailangan kayang pabayaan muna ng manggagamot na si Lucas, na kasama ni Pablo, ang ibang bagay upang alagaan si Epafrodito?—Filipos 2:27, 28; Colosas 4:14.
Malamang na bilang resulta, nanlumo si Epafrodito. Marahil ay naisip niya na itinuturing siyang walang-kakayahan ng mga kapatid sa kaniyang kongregasyon. Marahil ay nakadama siya ng pagkakasala at ‘nanabik’ na makita sila upang muling tiyakin sa kanila ang kaniyang katapatan. Ginamit ni Pablo ang isang napakapuwersang Griegong salita, a·de·mo·neʹo, “manlumo,” upang ilarawan ang kalagayan ni Epafrodito. Ayon sa iskolar na si J. B. Lightfoot, maaaring ipahiwatig ng salitang ito “ang litó, balisa, naguguluhang kalagayan, na resulta ng pisikal na pagkakasakit, o maigting na kaisipan, gaya ng pagdadalamhati, kahihiyan, pagkasira ng loob, atb.” Ang tanging ibang gamit ng salitang ito sa Griegong Kasulatan ay may kinalaman sa matinding paghihirap ni Jesus sa hardin ng Getsemani.—Mateo 26:37.
Ipinasiya ni Pablo na pinakamabuting pabalikin si Epafrodito sa mga taga-Filipos taglay ang isang liham na nagpapaliwanag sa di-inaasahang pagbabalik ng kanilang sugo. Sa pagsasabing, “Itinuturing kong kailangan na isugo sa inyo si Epafrodito,” inaako ni Pablo ang pananagutan para sa kaniyang pagbabalik, sa gayon ay inaalis ang anumang posibleng hinala na si Epafrodito ay nabigo. (Filipos 2:25) Sa kabilang banda, muntik nang mamatay si Epafrodito para lamang matapos ang kaniyang misyon! Taimtim na inirekomenda ni Pablo na kanilang ‘ibigay sa kaniya ang kaugaliang pagtanggap sa Panginoon taglay ang buong kagalakan; at patuloy na ituring ang gayong uri ng mga tao na mahalaga, sapagkat dahil sa gawain ng Panginoon ay napasa-bingit siya ng kamatayan, na inilalantad sa panganib ang kaniyang kaluluwa, nang sa gayon ay lubusan niyang mapunan ang inyong pagiging wala rito upang mag-ukol ng pansariling paglilingkod sa akin.’—Filipos 2:29, 30.
“Patuloy na Ituring ang Gayong Uri ng mga Tao na Mahalaga”
Ang mga lalaki at babae na may pangkaisipang saloobin na gaya ng kay Epafrodito ay tunay na nararapat pahalagahan. Isinasakripisyo nila ang kanilang sarili upang makapaglingkod. Isipin yaong naghandog ng kanilang sarili upang maglingkod nang malayo sa tahanan bilang mga misyonero, naglalakbay na tagapangasiwa, o sa isa sa mga tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower. Kung ang ilan sa kanila ay pinipigilan ngayon ng edad o ng humihinang katawan buhat sa paggawa ng mga dati nilang ginagawa, karapat-dapat sila sa paggalang at pagpapahalaga dahilan sa kanilang mga taon ng tapat na paglilingkuran.
Gayunpaman, ang nakapanlulupaypay na sakit ay maaaring maging dahilan ng panlulumo o pagkadama ng pagkakasala. Maaaring gustuhin ng isa na gumawa pa ng higit. Talagang nakasisiphayo! Sinuman na nasumpungan ang kanilang sarili na nasa gayong kalagayan ay maaaring matuto buhat kay Epafrodito. Tutal, kasalanan ba niya na siya ay nagkasakit? Tiyak na hindi! (Genesis 3:17-19; Roma 5:12) Ninais ni Epafrodito na paglingkuran ang Diyos at ang kaniyang mga kapatid, subalit hinadlangan siya ng pagkakasakit.
Hindi sinaway ni Pablo si Epafrodito dahil sa kaniyang pagkakasakit kundi sinabihan niya ang mga taga-Filipos na alalayan siya. Gayundin naman, dapat nating aliwin ang ating mga kapatid kapag sila ay nasisiraan ng loob. Kadalasan ay maaari natin silang papurihan sa kanilang tapat na halimbawa ng paglilingkod. Ang pagpapahalaga ni Pablo kay Epafrodito, anupat nagsalita ng napakabuti tungkol sa kaniya, ay tiyak na umaliw sa kaniya, anupat pumawi sa kaniyang panlulumo. Tayo man ay makatitiyak na ‘ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang ating gawa at ang pag-ibig na ipinakita natin para sa kaniyang pangalan, sa bagay na tayo ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.’—Hebreo 6:10.
[Kahon sa pahina 29]
Ang Hirap ng Paglalakbay
Sa ngayon ang paglalakbay sa pagitan ng dalawang mahalagang Europeong lunsod, katulad ng ginawa ni Epafrodito, ay maaaring hindi mangailangan ng malaking pagsisikap. Ang biyahe ay maaaring tapusin nang maalwan sakay ng isang eroplano sa loob ng isa o dalawang oras. Ibang-iba naman ang kalagayan kung gagawin ang gayong paglalakbay noong unang siglo. Noon, ang pagtungo sa iba’t ibang lugar ay nangangahulugan ng hirap. Ang isang manlalakbay ay makalalakad nang mga 30 hanggang 35 kilometro sa isang araw, samantalang inilalantad ang kaniyang sarili sa klima at sa iba’t ibang panganib, kasali na ang “mga tulisan.”—2 Corinto 11:26.
Kumusta naman ang mga dakong pahingahan sa gabi at ang mga panustos?
Sinabi ng istoryador na si Michelangelo Cagiano de Azevedo na sa kahabaan ng mga lansangang Romano, “ay may mansiones, mga kumpletong otel, na may mga tindahan, kuwadra, at mga tuluyan para sa kanilang mga empleado; sa pagitan ng magkasunod na mansiones, may ilang mutationes, o mga hintuang dako, kung saan ang isa ay makapagpapalit ng mga kabayo o sasakyan at makasusumpong ng mga panustos.” Ang mga bahay-tuluyang ito ay may masamang reputasyon yamang ang mga ito ay madalas puntahan ng mga pinakamabababang uri sa lipunan. Liban sa ninanakawan ang mga manlalakbay, kadalasan ay dinaragdagan ng mga tagapag-ingat ng tuluyan ang kanilang suweldo buhat sa kita ng mga patutot. Ang satirikong makata sa Latin na si Juvenal ay nagsabi na sinumang napilitang manatili sa gayong uring bahay-tuluyan ay maaaring nakasumpong na siya’y “nakahigang katabi ng isang sanggano, kasama ng mga tripulante ng gabara, mga magnanakaw, at mga takas na alipin, na katabi ng mga tagabitay at manggagawa ng ataul . . . Iisang tasa ang ginagamit ng lahat; walang isa man na may sariling kama, ni ng mesa na nakahiwalay sa iba.” Inireklamo naman ng ibang sinaunang manunulat ang maruming tubig at ang mga silid, na siksikan, marumi, basâ, at pinamumugaran ng mga pulgas.
[Mapa/Larawan sa pahina 27]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Roma
[Larawan]
Isang manlalakbay noong panahong Romano
[Credit Lines]
Mapa: Mountain High Maps® Karapatang-sipi © 1995 Digital Wisdom, Inc.; Manlalakbay: Da originale del Museo della Civiltà Romana, Roma