Ituon ang Iyong Pansin sa Gantimpala
“Ako ay nagsusumikap patungo sa tunguhin ukol sa gantimpala.”—FIL. 3:14.
1. Anong gantimpala ang inalok kay apostol Pablo?
SI APOSTOL Pablo, na kilala rin bilang Saul ng Tarso, ay nanggaling sa isang prominenteng pamilya. Itinuro sa kaniya ng tanyag na guro ng Kautusan na si Gamaliel ang relihiyon ng kaniyang mga ninuno. (Gawa 22:3) Abot-kamay na ni Pablo ang maituturing ng marami na tagumpay sa kaniyang propesyon, pero tinalikuran niya ang kaniyang relihiyon at naging Kristiyano. Mula noon, inasam niya ang gantimpalang buhay na walang hanggan na inalok sa kaniya—ang pagiging imortal na hari at saserdote sa makalangit na Kaharian ng Diyos. Ang Kahariang iyan ang mamamahala sa paraisong lupa.—Mat. 6:10; Apoc. 7:4; 20:6.
2, 3. Gaano kahalaga kay Pablo ang gantimpalang buhay na walang hanggan sa langit?
2 Napakahalaga kay Pablo ng gantimpalang iyan anupat sinabi niya: “Anumang bagay na mga pakinabang para sa akin, ang mga ito ay itinuring kong kawalan dahil sa Kristo. Aba, kung tungkol diyan, tunay ngang ang lahat ng bagay ay itinuturing ko rin na kawalan dahil sa nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kaniya ay tinanggap ko ang kawalan ng lahat ng bagay at itinuturing kong mga basura ang mga iyon.” (Fil. 3:7, 8) Nang malaman ni Pablo ang katotohanan tungkol sa layunin ni Jehova para sa sangkatauhan, naging basura sa kaniya ang mga bagay na itinuturing ng maraming tao na mahalaga—mataas na posisyon, kayamanan, propesyon, at katanyagan.
3 Mula noon, ang naging mahalaga na kay Pablo ay ang kaalaman hinggil kay Jehova at kay Kristo. Tungkol sa kaalamang ito, ganito ang sinabi ni Jesus sa kaniyang panalangin sa Diyos: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ang pinakaaasam-asam ni Pablo ay makamit ang buhay na walang hanggan. Makikita ito sa kaniyang sinabi sa Filipos 3:14: “Ako ay nagsusumikap patungo sa tunguhin ukol sa gantimpala ng paitaas na pagtawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” Oo, nakatuon ang kaniyang pansin sa gantimpalang buhay na walang hanggan sa langit bilang isa sa mga tagapamahala ng Kaharian ng Diyos.
Buhay na Walang Hanggan sa Lupa
4, 5. Anong gantimpala ang inaalok sa milyun-milyon na gumagawa ng kalooban ng Diyos sa ngayon?
4 Para sa karamihan na gumagawa ng kalooban ng Diyos, ang gantimpalang pinagsisikapan nilang abutin ay ang buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Awit 37:11, 29) Tiniyak ni Jesus ang pag-asang ito. Sinabi niya: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” (Mat. 5:5) Si Jesus ang pangunahing tagapagmana ng ating lupa gaya ng sinasabi sa Awit 2:8. May makakasama rin siyang 144,000 tagapamahala sa langit. (Dan. 7:13, 14, 22, 27) “Mamanahin” ng mga tulad-tupa ang Kahariang “inihanda para sa [kanila] mula sa pagkakatatag ng sanlibutan” sa diwa na aktuwal silang mabubuhay sa lupa. (Mat. 25:34, 46) At sigurado tayong matutupad ito dahil ang Diyos na nangako nito ay “hindi makapagsisinungaling.” (Tito 1:2) Makapagtitiwala tayo sa katuparan ng mga pangako ng Diyos gaya ng pagtitiwala ni Josue nang sabihin niya sa mga Israelita: “Walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.”—Jos. 23:14.
5 Ang buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos ay magiging ibang-iba sa nakayayamot na buhay ngayon. Wala nang digmaan, krimen, kahirapan, kawalang-katarungan, sakit, at kamatayan. Sa panahong iyon, magiging sakdal na ang mga tao at mabubuhay sila sa isang lupa na ginawang paraiso. Higit pa sa ating pinapangarap ang magiging buhay natin doon. Ang bawat araw ay magiging kasiya-siya. Talaga ngang napakagandang gantimpala iyan!
6, 7. (a) Paano ipinakita ni Jesus kung ano ang magaganap sa bagong sanlibutan ng Diyos? (b) Paanong kahit ang mga patay ay mabibigyan ng pagkakataong magkaroon ng magandang simula?
6 Nang narito si Jesus sa lupa, pinagkalooban siya ng Diyos ng banal na espiritu upang ipakita ang kamangha-manghang mga bagay na magaganap sa bagong sanlibutan. Halimbawa, inutusan ni Jesus na lumakad ang isang lalaking 38 taon nang paralisado. Iniulat ng Bibliya na nakalakad nga ang taong iyon. (Basahin ang Juan 5:5-9.) Sa iba namang pagkakataon, ‘isang taong ipinanganak na bulag’ ang pinagaling ni Jesus. Nang maglaon, tinanong ang lalaking ito kung sino ang nagpagaling sa kaniya. Sumagot siya: “Mula noong sinauna ay hindi pa narinig kailanman na may sinumang nagdilat ng mga mata ng isang ipinanganak na bulag. Kung ang taong ito ay hindi mula sa Diyos, wala siyang magagawang anuman.” (Juan 9:1, 6, 7, 32, 33) Nagawa ni Jesus ang lahat ng ito dahil sa kapangyarihan ng Diyos. Saanman siya magpunta, “pinagaling niya yaong mga nangangailangan ng pagpapagaling.”—Luc. 9:11.
7 Bukod diyan, kaya rin ni Jesus na bumuhay ng patay. Bilang halimbawa, isang 12-anyos na dalagita ang namatay. Labis na namighati ang kaniyang mga magulang. Pero sinabi ni Jesus: “Dalagita, sinasabi ko sa iyo, Bumangon ka!” At bumangon nga siya! Siguradong hindi mailarawan ang kagalakan ng kaniyang mga magulang at ng iba pang naroroon! (Basahin ang Marcos 5:38-42.) Sa bagong sanlibutan ng Diyos, makadarama tayo ng “napakasidhing kagalakan” kapag bilyun-bilyong tao ang ‘binuhay-muli, kapuwa ang mga matuwid at mga di-matuwid.’ (Gawa 24:15; Juan 5:28, 29) Magkakaroon sila ng magandang simula anupat may pag-asang mabuhay magpakailanman.
8, 9. (a) Sa Milenyong Paghahari ni Kristo, ano ang mangyayari sa kasalanang minana kay Adan? (b) Sa ano nakasalig ang paghatol sa mga patay?
8 Ang mga bubuhaying muli ay hindi hahatulan salig sa nagawa nilang kasalanan bago sila namatay. (Roma 6:7) Sa Milenyong Paghahari ni Kristo, lubusang magkakaroon ng bisa ang haing pantubos. Unti-unting magiging sakdal ang masunuring mga sakop ng Kaharian at sa dakong huli ay mawawala na ang lahat ng epekto ng kasalanan ni Adan. (Roma 8:21) “Lalamunin [ni Jehova] ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.” (Isa. 25:8) Sinasabi rin ng Salita ng Diyos na ‘bubuksan ang mga balumbon,’ na nagpapahiwatig na tatanggap ng mga bagong impormasyon ang mga tao. (Apoc. 20:12) Habang unti-unting nagiging paraiso ang lupa, “katuwiran ang siyang matututuhan ng mga tumatahan sa mabungang lupain.”—Isa. 26:9.
9 Ang mga binuhay-muli ay hahatulan, hindi salig sa minanang kasalanan kay Adan, kundi sa kung ano ang gagawin nila sa panahong iyon. Ganito ang sinasabi sa Apocalipsis 20:12: “Ang mga patay ay hinatulan batay sa mga bagay na nakasulat sa mga balumbon ayon sa kanilang mga gawa,” na tumutukoy sa mga gagawin nila pagkatapos silang buhaying muli. Isa ngang napakagandang halimbawa ng katarungan, awa, at pag-ibig ni Jehova! Bukod diyan, “hindi [na nila] aalalahanin, ni mapapasapuso man” ang masasakit nilang karanasan sa masamang sanlibutang ito. (Isa. 65:17) Napakarami nilang impormasyong matututuhan at magagandang bagay na mararanasan sa bagong sanlibutan. Dahil dito, malilimutan na nila ang malulungkot na pangyayari sa kanilang buhay. (Apoc. 21:4) Ganiyan din ang mararanasan ng “malaking pulutong” na makaliligtas sa Armagedon.—Apoc. 7:9, 10, 14.
10. (a) Ilarawan ang magiging buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos. (b) Ano ang makatutulong sa iyo na ituon ang iyong pansin sa gantimpala?
10 Sa bagong sanlibutan ng Diyos, hindi na magkakasakit o mamamatay ang mga tao. “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’” (Isa. 33:24) Ang mga naninirahan sa bagong sanlibutan ay gigising tuwing umaga nang may malakas na pangangatawan. Magiging kapana-panabik ang bawat araw at kasiya-siya ang kanilang trabaho. Makakasama nila ang mga taong tunay na nagmamahal sa kanila. Isa ngang napakagandang gantimpala! Bakit hindi basahin ang mga hula sa Bibliya sa Isaias 33:24 at 35:5-7? Isipin mong naroroon ka. Makatutulong ito sa iyo na ituon ang iyong pansin sa gantimpala.
Mga Hindi Nagtuon ng Pansin sa Gantimpala
11. Ilarawan ang magandang pasimula ng paghahari ni Solomon.
11 Kapag natutuhan na natin ang tungkol sa ating gantimpala, dapat tayong magsikap na hindi ito mawaglit sa ating isipan. Halimbawa, nang maging hari si Solomon, gusto niyang mahatulan sa tamang paraan ang Israel. Kaya mapagpakumbaba siyang nanalangin sa Diyos ukol sa kaunawaan. (Basahin ang 1 Hari 3:6-12.) Bilang resulta, sinabi ng Bibliya, “Ang Diyos ay patuloy na nagbigay kay Solomon ng napakalaking karunungan at unawa.” Sa katunayan, “ang karunungan ni Solomon ay mas malawak kaysa sa karunungan ng lahat ng taga-Silangan at kaysa sa lahat ng karunungan ng Ehipto.”—1 Hari 4:29-32.
12. Anong babala ang ibinigay ni Jehova sa mga magiging hari ng Israel?
12 Gayunman, bago pa nito, nagbigay na si Jehova ng babala sa mga magiging hari na ‘huwag silang magparami ng mga kabayo para sa kanilang sarili’ at ‘huwag magparami ng mga asawa upang ang kanilang puso ay hindi malihis.’ (Deut. 17:14-17) Kapag nagparami ng mga kabayo ang hari, ipinakikita niyang umaasa siya sa lakas ng kaniyang hukbo sa halip na kay Jehova bilang kanilang Tagapagsanggalang. Mapanganib din ang pagkakaroon ng maraming asawa dahil ang ilan sa mga ito ay maaaring mula sa paganong mga bansa. Maaaring ilihis ng mga asawang ito ang hari mula sa tunay na pagsamba kay Jehova.
13. Paano winalang-bahala ni Solomon ang mga babala ng Diyos?
13 Hindi nakinig si Solomon sa mga babalang ito. Sa halip, kabaligtaran ng sinabi ni Jehova ang ginawa niya. Nagkaroon siya ng libu-libong kabayo at mangangabayo. (1 Hari 4:26) Nagkaroon din siya ng 700 asawa at 300 babae, na karamihan ay nagmula sa paganong mga bansa. “Ikiniling ng [mga ito] ang kaniyang puso na sumunod sa ibang mga diyos; at ang kaniyang puso ay hindi naging sakdal kay Jehova.” Sumamba si Solomon sa huwad na mga diyos ng paganong mga bansa na sinasamba ng kaniyang mga asawang banyaga. Bilang resulta, sinabi ni Jehova na “walang pagsalang pupunitin [Niya] ang kaharian” mula kay Solomon.—1 Hari 11:1-6, 11.
14. Ano ang ibinunga ng pagsuway ni Solomon at ng bansang Israel?
14 Hindi nagtuon ng pansin si Solomon sa kaniyang pantanging pribilehiyo na kumatawan sa tunay na Diyos. Lubusan nang nakibahagi ang hari sa huwad na pagsamba. Nang maglaon, naging apostata ang buong bansa. Dahil dito, hinayaan ni Jehova na mawasak ito noong 607 B.C.E. Bagaman naisauli ng mga Judio ang tunay na pagsamba, sinabi ni Jesus pagkalipas ng maraming taon: “Ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.” At ganiyan nga ang nangyari sa kanila. Sinabi pa ni Jesus: “Narito! Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.” (Mat. 21:43; 23:37, 38) Dahil sa kanilang kawalang-katapatan, naiwala ng bansa ang napakalaking pribilehiyo na kumatawan sa tunay na Diyos. Noong 70 C.E., winasak ng mga hukbong Romano ang Jerusalem at ang templo, at maraming Judio ang ginawang alipin.
15. Magbigay ng halimbawa ng mga taong hindi nagtuon ng pansin sa kung ano ang tunay na mahalaga.
15 Si Hudas Iscariote ay isa sa mga 12 apostol ni Jesus. Narinig ni Hudas ang magagandang turo ni Jesus at nakita ang mga himalang ginawa niya sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos. Subalit hindi iningatan ni Hudas ang kaniyang puso. Ipinagkatiwala sa kaniya ni Jesus at ng mga apostol ang kahon ng salapi, pero naging ‘magnanakaw siya at kinukuha ang mga salaping inilalagay roon.’ (Juan 12:6) Dahil sa kaniyang kasakiman, nakipagsabuwatan siya sa mapagpaimbabaw na mga punong saserdote at ipinagkanulo si Jesus sa halagang 30 pirasong pilak. (Mat. 26:14-16) Si Demas, na dating kasama ni apostol Pablo, ay isa ring halimbawa ng hindi nagtuon ng pansin sa gantimpala. Hindi iningatan ni Demas ang kaniyang puso. Sinabi ni Pablo: “Pinabayaan ako ni Demas sa dahilang inibig niya ang kasalukuyang sistema ng mga bagay.”—2 Tim. 4:10; basahin ang Kawikaan 4:23.
Aral Para sa Atin
16, 17. (a) Gaano kalakas ang ating kaaway? (b) Ano ang makatutulong sa atin na mapaglabanan ang anumang pagsalansang ni Satanas?
16 Dapat pag-isipang mabuti ng lahat ng lingkod ng Diyos ang mga halimbawang mababasa sa Bibliya. Sinasabi nito sa atin: “Ngayon ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang mga halimbawa, at isinulat ang mga ito bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.” (1 Cor. 10:11) Nabubuhay tayo ngayon sa mga huling araw ng masamang sistemang ito ng mga bagay.—2 Tim. 3:1, 13.
17 Alam ni Satanas na Diyablo, ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” na “mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” (2 Cor. 4:4; Apoc. 12:12) Gagawin niya ang lahat upang mahikayat ang mga Kristiyano na maging di-tapat kay Jehova. Kontrolado ni Satanas ang sanlibutang ito, pati na ang media nito. Subalit ipinagkaloob ni Jehova sa kaniyang bayan ang “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Cor. 4:7) Makaaasa tayo sa lakas na ito mula sa Diyos upang matulungan tayong labanan ang anumang pagsalansang ni Satanas. Sa gayon, hinihimok tayo na palaging manalangin, anupat nagtitiwalang “magbibigay [si Jehova] ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.”—Luc. 11:13.
18. Ano ang dapat maging pananaw natin sa sanlibutang ito?
18 Napapatibay rin tayo sa pagkaalam na di-magtatagal ililigtas ng Diyos ang mga tunay na Kristiyano at pupuksain ang buong sistema ni Satanas. “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Dahil dito, talagang hindi matalino para sa isang lingkod ng Diyos na isiping may inaalok ang sistemang ito ng mga bagay na mas mahalaga at nagtatagal kaysa sa kaniyang kaugnayan kay Jehova! Ang sanlibutang ito ni Satanas ay gaya ng isang lumulubog na barko. Inilaan ni Jehova ang kongregasyong Kristiyano para magsilbing “lifeboat” ng kaniyang tapat na mga lingkod. Habang hinihintay nila ang bagong sanlibutan, makapagtitiwala sila sa pangakong ito: “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, ngunit yaong mga umaasa kay Jehova ang siyang magmamay-ari ng lupa.” (Awit 37:9) Kaya ituon ang iyong pansin sa napakagandang gantimpalang ito!
Naaalaala Mo Ba?
• Ano ang pananaw ni Pablo sa gantimpalang inalok sa kaniya?
• Sa ano nakasalig ang magiging paghatol sa mga mabubuhay magpakailanman sa lupa?
• Anong matalinong landasin ang dapat nating piliin ngayon?
[Larawan sa pahina 12, 13]
Kapag nagbabasa ng Bibliya, nakikini-kinita mo ba ang gantimpalang naghihintay sa iyo?