Deuteronomio
17 “Huwag kayong mag-aalay sa Diyos ninyong si Jehova ng isang toro* o tupa na may depekto o anumang kapintasan, dahil kasuklam-suklam iyon sa Diyos ninyong si Jehova.+
2 “Baka may isang lalaki o babae sa gitna ninyo, sa isa sa mga lunsod na ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova, na gumagawa ng masama sa paningin ng Diyos ninyong si Jehova at lumalabag sa tipan,+ 3 at lumihis siya at sumamba at yumukod sa ibang mga diyos o sa araw, buwan, o buong hukbo ng langit,+ isang bagay na hindi ko iniutos.+ 4 Kung may magsabi nito sa iyo o mabalitaan mo ito, dapat mo itong imbestigahang mabuti. Kung mapatunayang+ nangyari nga sa Israel ang kasuklam-suklam na bagay na ito, 5 dalhin mo sa pintuang-daan ng lunsod ang lalaki o babaeng iyon na gumawa ng masama, at dapat batuhin ang lalaki o babae hanggang sa mamatay.+ 6 Sa patotoo* ng dalawa o tatlong testigo,+ dapat patayin ang taong iyon. Pero kung isa lang ang testigo, hindi siya papatayin.+ 7 Ang mga testigo ang unang babato para patayin siya; pagkatapos, babatuhin na rin siya ng buong bayan. Dapat ninyong alisin ang kasamaan sa gitna ninyo.+
8 “Kung may bumangong usapin sa isa sa mga lunsod ninyo at mahirap itong hatulan, pagpatay man ito,+ usapin sa batas, karahasan, o iba pang bagay na pinagtatalunan, pumunta kayo sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Jehova.+ 9 Pumunta kayo sa mga saserdoteng Levita at sa hukom+ sa panahong iyon, at sumangguni kayo, at sasabihin nila sa inyo ang desisyon.+ 10 Pagkatapos, gawin ninyo ang ayon sa desisyong sinabi nila sa lugar na pipiliin ni Jehova. Maingat ninyong gawin ang lahat ng sasabihin nila sa inyo. 11 Gawin ninyo ang ayon sa kautusan na ipapakita nila sa inyo at ayon sa desisyong sasabihin nila sa inyo.+ Huwag kayong lilihis sa desisyong sasabihin nila sa inyo, sa kanan man o sa kaliwa.+ 12 Dapat mamatay ang taong magiging pangahas at hindi makikinig sa hukom o sa saserdoteng naglilingkod sa Diyos ninyong si Jehova.+ Dapat ninyong alisin ang kasamaan sa Israel.+ 13 At mababalitaan iyon ng buong bayan at matatakot, at hindi na sila magiging pangahas.+
14 “Kapag pumasok na kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova at nakuha na ninyo ito at nakatira na rito at sinabi ninyo, ‘Mag-atas tayo ng hari na mamamahala sa atin gaya ng lahat ng bansa sa palibot natin,’+ 15 tiyakin ninyo na ang aatasan ninyong hari ay ang pinili ng Diyos ninyong si Jehova.+ Mag-atas kayo ng hari mula sa mga kapatid ninyo. Hindi ninyo puwedeng atasan bilang hari ang isang dayuhan na hindi ninyo kapatid. 16 Pero hindi siya dapat magparami ng kaniyang kabayo+ at hindi niya dapat pabalikin ang bayan sa Ehipto para kumuha ng mga kabayo,+ dahil sinabi sa inyo ni Jehova, ‘Huwag na huwag kayong babalik sa Ehipto.’ 17 Huwag din siyang kukuha ng maraming asawa para hindi malihis ang puso niya;+ huwag siyang magpaparami ng pilak at ginto para sa sarili niya.+ 18 Kapag umupo na siya sa trono ng kaharian niya, gagawa siya ng sariling kopya* ng Kautusang ito, na iniingatan ng mga saserdoteng Levita.+
19 “Mananatili iyon sa kaniya, at babasahin niya iyon sa bawat araw ng buhay niya,+ para matuto siyang matakot sa Diyos niyang si Jehova at masunod niya ang lahat ng salita sa Kautusang ito at ang mga tuntuning ito sa pamamagitan ng pagsasagawa sa mga iyon.+ 20 Sa gayon, ang puso niya ay hindi magmamataas sa mga kapatid niya, at hindi siya lilihis sa utos, sa kanan man o sa kaliwa, para mamahala siya nang mahabang panahon sa kaharian niya, siya at ang mga anak niya sa gitna ng Israel.