Gumawi Bilang mga Mamamayan ng Kaharian!
“Gumawi kayo sa paraang karapat-dapat sa mabuting balita.”—FIL. 1:27.
1, 2. Bakit may pantanging kahulugan ang payo ni Pablo sa kongregasyon sa Filipos?
PINASIGLA ni apostol Pablo ang kongregasyon sa Filipos na “gumawi . . . sa paraang karapat-dapat sa mabuting balita.” (Basahin ang Filipos 1:27.) Ang pananalitang Griego na ginamit ni Pablo para sa salitang “gumawi” ay maaari ding isalin na “gumanap bilang mga mamamayan.” Ang pariralang iyon ay may pantanging kahulugan para sa kongregasyon sa Filipos. Bakit? Lumilitaw na pinagkalooban ng Imperyo ng Roma ang mga taga-Filipos ng isang uri ng pagkamamamayang Romano. Ipinagmamalaki noon ng mga mamamayang Romano sa Filipos at sa buong Imperyo ng Roma ang kanilang katayuan at ang pantanging proteksiyong ibinibigay sa kanila ng batas Romano.
2 May mas mabuting dahilan para magmalaki ang mga Kristiyano sa Filipos. Ipinaalaala sa kanila ni Pablo na bilang mga pinahirang Kristiyano, ang pagkamamamayan nila ay “nasa langit.” (Fil. 3:20) Mga mamamayan sila, hindi ng imperyo ng tao, kundi ng Kaharian ng Diyos. Kaya mayroon silang proteksiyon at mga benepisyong hindi maibibigay ng anumang gobyerno.—Efe. 2:19-22.
3. (a) Sino ang may oportunidad na maging mamamayan ng Kaharian? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Ang payo ni Pablo na gumawi bilang mga mamamayan ay pangunahing kumakapit sa mga maghaharing kasama ni Kristo sa langit. (Fil. 3:20) Pero maaari din itong kumapit sa mga magiging makalupang sakop ng Kaharian ng Diyos. Bakit? Dahil ang lahat ng nakaalay na Kristiyano ay naglilingkod sa iisang Hari, si Jehova, at dapat sumunod sa iisang pamantayan. (Efe. 4:4-6) Sa ngayon, maraming tao ang nagsisikap na maging mamamayan ng isang mayamang bansa. Pero mas mahalaga ang oportunidad na maging mamamayan ng Kaharian! Para lalo nating mapahalagahan ang pribilehiyong iyan, isaalang-alang natin ang ilang pagkakatulad ng mga kahilingan ng pamahalaan ng tao at ng mga kahilingan ng Kaharian ng Diyos para sa mga magiging mamamayan nila. Pagkatapos, suriin natin ang tatlong bagay na dapat nating gawin para maingatan ang pribilehiyong maging mamamayan ng Kaharian.
MGA KAHILINGAN SA PAGKAMAMAMAYAN
4. Ano ang dalisay na wika? Paano natin ito “sinasalita”?
4 Pag-aralan ang wika. Hinihiling ng ilang bansa sa mga nag-aaplay ng pagkamamamayan na pag-aralan ang pangunahing wika ng bansa. At kahit mamamayan na sila, baka kailangan pa rin ng maraming taon para maging bihasa sa wikang ito. Baka mabilis nilang matutuhan ang balarila pero kailangan pa nila ng mahabang panahon para maging matatas. Sa katulad na paraan, hinihiling ng Kaharian ng Diyos na pag-aralan ng mga mamamayan nito ang tinatawag ng Bibliya na “dalisay na wika.” (Basahin ang Zefanias 3:9.) Ano ang wikang ito? Ito ang katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin na mababasa sa Bibliya. “Sinasalita” natin ang dalisay na wika kapag ang paggawi natin ay kaayon ng kautusan at simulain ng Diyos. Bilang mga mamamayan ng Kaharian ng Diyos, baka madali nating matutuhan ang pangunahing mga turo ng Bibliya at pagkatapos ay magpabautismo tayo. Pero kailangan pa rin nating magsikap na maging matatas sa “pagsasalita” ng dalisay na wika. Paano? Kailangang patuloy nating ikapit sa ating buhay ang mga natututuhan natin sa Bibliya.
5. Bakit natin dapat gawin ang buong makakaya natin para pag-aralan ang kasaysayan ng organisasyon ni Jehova?
5 Pag-aralan ang kasaysayan. Kung interesado ang isang tao na maging mamamayan ng isang bansa, baka kailangan niyang pag-aralan ang kasaysayan ng gobyerno nito. Sa katulad na paraan, kung gusto ng isang tao na maging mamamayan ng Kaharian, dapat niyang gawin ang kaniyang buong makakaya para pag-aralan ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Kuning halimbawa ang mga anak ni Kora, na naglingkod sa sinaunang Israel. Mahal nila ang Jerusalem at dako ng pagsamba nito, at nalulugod silang isalaysay ang kasaysayan ng lunsod, hindi dahil sa kagandahan nito, kundi dahil ito “ang bayan ng Dakilang Hari,” si Jehova. Ang dako ng pagsamba sa Jerusalem ang sentro ng dalisay na pagsamba at dito tinuturuan ang mga tao tungkol sa Kautusan ni Jehova. Ang mga sakop ng Hari ng Jerusalem ay mga taong sinasang-ayunan at minamahal ni Jehova. (Basahin ang Awit 48:1, 2, 9, 12, 13.) Gaya ng mga anak ni Kora, nalulugod ka bang pag-aralan at isalaysay ang kasaysayan ng makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova? Habang mas marami kang natututuhan tungkol sa organisasyon ng Diyos at kung paano Niya sinusuportahan ang kaniyang bayan, lalong nagiging totoo sa iyo ang Kaharian ng Diyos. At lalong sisidhi ang pagnanais mong ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian.—Jer. 9:24; Luc. 4:43.
6. Bakit makatuwiran lang na hilingin sa atin ni Jehova na alamin at sundin ang mga kautusan at simulain ng Kaharian?
6 Alamin ang mga batas. Hinihiling ng mga pamahalaan na alamin at sundin ng mga sakop nito ang mga batas ng bansa. Kaya makatuwiran lang na hilingin ni Jehova na alamin at sundin ng lahat ng mamamayan ng Kaharian ang kaniyang mga kautusan at simulain. (Isa. 2:3; Juan 15:10; 1 Juan 5:3) Ang mga batas ng tao ay di-perpekto at kung minsan ay hindi patas. Pero ang “kautusan ni Jehova ay sakdal.” (Awit 19:7) Nalulugod ba tayo sa kautusan ng Diyos at binabasa ang kaniyang Salita araw-araw? (Awit 1:1, 2) Dapat sikapin ng bawat isa sa atin na pag-aralan ang kautusan ng Diyos. Walang ibang makagagawa nito para sa atin.
INIIBIG NG MGA MAMAMAYAN NG KAHARIAN ANG MGA PAMANTAYAN NG DIYOS
7. Bakit sinusunod ng mga mamamayan ng Kaharian ang kautusan ng Diyos?
7 Para patuloy na maging mamamayan ng Kaharian, hindi sapat na alam natin ang mga pamantayan ng Diyos. Dapat din nating ibigin ang mga ito. Maraming tao ang nagsasabing sang-ayon sila sa mga batas at pamantayan ng bansang tinitirhan nila. Pero kapag hindi nila gusto ang isang batas at walang nakakakita sa kanila, nilalabag nila ito. Kadalasan na, sumusunod lang sila para mapalugdan ang mga tao. (Col. 3:22) Naiiba tayong mga mamamayan ng Kaharian dahil malugod nating sinusunod ang mga kautusan ng Diyos kahit walang nakakakita. Bakit? Dahil mahal natin si Jehova, ang Tagapagbigay-Batas.—Isa. 33:22; basahin ang Lucas 10:27.
8, 9. Paano mo malalaman kung talaga ngang iniibig mo ang mga kautusan ng Diyos?
8 Paano mo malalaman kung talaga ngang iniibig mo ang mga kautusan ng Diyos? Suriin ang iyong saloobin. Halimbawa, paano ka tumutugon sa payo? Baka tungkol ito sa isang bagay na iniisip mong nakadepende sa personal na panlasa, gaya ng pananamit o pag-aayos. Bago ka naging mamamayan ng Kaharian, baka burara o mapang-akit ang pananamit mo. Pero habang lumalago ang pag-ibig mo sa Diyos, natututuhan mong manamit sa paraang nagpaparangal sa kaniya. (1 Tim. 2:9, 10; 1 Ped. 3:3, 4) Baka sa tingin mo ay mahinhin ka nang manamit ngayon. Pero paano kung sabihin sa iyo ng isang elder na marami sa kongregasyon ang natitisod sa pananamit mo? Paano ka tutugon? Magdadahilan ka ba, maghihinanakit, o magmamatigas? Ang isa sa pinakamahahalagang kautusan na dapat sundin ng mga mamamayan ng Kaharian ay ang pagtulad kay Kristo. (1 Ped. 2:21) Hinggil sa halimbawa ni Jesus, isinulat ni apostol Pablo: “Palugdan ng bawat isa sa atin ang kaniyang kapuwa sa anumang mabuti para sa kaniyang ikatitibay. Sapagkat maging ang Kristo ay hindi nagpalugod sa kaniyang sarili.” (Roma 15:2, 3) Alang-alang sa kapayapaan ng kongregasyon, iiwasan ng isang may-gulang na Kristiyano ang paggawa ng mga bagay na makatitisod sa iba.—Roma 14:19-21.
9 Suriin din ang iyong saloobin tungkol sa sekso at pag-aasawa. Kinukunsinti ng mga hindi mamamayan ng Kaharian ng Diyos ang homoseksuwalidad, pornograpya, pangangalunya, at diborsiyo. Di-tulad nila, pinag-iisipan ng mga mamamayan ng Kaharian ang mga resulta ng kanilang paggawi at ang mga epekto nito sa iba. Bagaman maraming Kristiyano ang dating imoral, itinuturing na nila ang sekso at pag-aasawa bilang mga kaloob ng Diyos. Mahal nila ang matataas na pamantayan ni Jehova at alam nilang hindi magiging mamamayan ng Kaharian ang mga sumusuway sa kautusan ng Diyos hinggil sa sekso at pag-aasawa. (1 Cor. 6:9-11) Pero kinikilala rin nila na ang puso ay mapandaya. (Jer. 17:9) Kaya pinahahalagahan nila ang espesipikong mga babala para patuloy nilang masunod ang mataas na pamantayang moral.
PINAHAHALAGAHAN NG MGA MAMAMAYAN NG KAHARIAN ANG MGA BABALA
10, 11. Anong napapanahong babala ang ibinibigay ng Kaharian ng Diyos? Ano ang nadarama mo sa gayong mga babala?
10 Para maprotektahan ang kalusugan ng mamamayan, ang mga pamahalaan ay maaaring magbigay ng babala hinggil sa mga pagkain at gamot. Siyempre pa, hindi naman lahat ng pagkain at gamot ay masama. Pero kung mapanganib ang isang produkto, magbibigay ng babala ang gobyerno para protektahan ang mamamayan nito. Kung hindi, mapaparatangan ito ng kapabayaan. Sa katulad na paraan, ang Kaharian ng Diyos ay nagbibigay ng napapanahong babala hinggil sa mga panganib sa ating moralidad at espirituwalidad. Halimbawa, ang Internet ay ginagamit ng maraming tao sa komunikasyon, edukasyon, at paglilibang. Ginagamit din ito ng organisasyon ng Diyos, at marami tayong mabubuting bagay na naisasagawa sa tulong nito. Pero maraming site sa Internet na mapanganib sa moral at espirituwal. Ang mga pornograpikong Web site ay tiyak na mapanganib sa espirituwal na kalusugan ng mga mamamayan ng Kaharian. Maraming taon nang nagbababala ang uring tapat na alipin hinggil sa gayong mga site. Laking pasasalamat natin sa mga babalang ito na tumutulong para maingatan ang ating espirituwal na kalusugan!
11 Nitong nakalipas na mga taon, may isa pang uri ng site na naging napakapopular. Social networking Web site ang tawag dito. Bagaman puwedeng maging kapaki-pakinabang, puwede rin natin itong ikapahamak. Kaya naman dapat tayong mag-ingat. Mailalantad tayo nito sa masasamang kasama. (1 Cor. 15:33) Dahil dito, ang organisasyon ng Diyos ay nagbibigay ng makatuwirang mga babala tungkol sa mga site na ito. Nabasa mo na ba ang lahat ng artikulong inilathala kamakailan ng tapat na alipin hinggil sa paggamit ng mga social networking site? Mapanganib pumasok sa mga site na ito nang hindi muna binabasa ang mga artikulong iyon!a Para itong pag-inom ng matapang na gamot nang hindi muna binabasa ang babala sa etiketa ng bote.
12. Bakit isang kamangmangan na ipagwalang-bahala ang mga babala?
12 Ang mga nagwawalang-bahala sa babala ng tapat na alipin ay tiyak na magdudulot ng pinsala sa kanilang sarili at sa kanilang mga mahal sa buhay. Ang ilan ay namihasang manood ng pornograpya o gumawa ng imoralidad at pagkatapos ay pinaniniwala ang sarili na hindi sila nakikita ni Jehova. Kamangmangan nga na isiping maitatago natin ang ating paggawi kay Jehova! (Kaw. 15:3; basahin ang Hebreo 4:13.) Gustong tulungan ng Diyos ang gayong mga tao at pinakikilos niya ang kaniyang mga kinatawan sa lupa para tulungan sila. (Gal. 6:1) Pero kung paanong pinawawalang-bisa ng ilang bansa ang pagkamamamayan ng taong nakagawa ng isang partikular na krimen, pawawalang-bisa rin ni Jehova ang pagkamamamayan ng mga lumabag sa kaniyang pamantayan at hindi nagsisisi.b (1 Cor. 5:11-13) Gayunman, maawain si Jehova. Maaaring magkaroon uli ng magandang katayuan sa harap niya at manatiling mamamayan ng Kaharian ang mga nagsisisi at nagbabago. (2 Cor. 2:5-8) Isa ngang karangalan na maglingkod sa gayong maibiging Hari!
PINAHAHALAGAHAN NG MGA MAMAMAYAN NG KAHARIAN ANG EDUKASYON
13. Paano ipinakikita ng mga mamamayan ng Kaharian na pinahahalagahan nila ang edukasyon?
13 Maraming pamahalaan ang nagsisikap na bigyan ng edukasyon ang kanilang mga mamamayan. Nagtatayo sila ng mga paaralang nagtuturo ng saligang edukasyon at mga kasanayan sa trabaho. Pinahahalagahan ng mga mamamayan ng Kaharian ang mga paaralang ito at sinisikap nilang matutong magbasa, magsulat, at magtrabaho para masuportahan ang kanilang sarili. Pero mas pinahahalagahan nila ang edukasyong tinatanggap nila bilang mga mamamayan ng Kaharian. Sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano, itinataguyod ni Jehova ang kahalagahan ng pagbabasa. Ang mga magulang ay pinasisiglang magbasa sa kanilang mga anak. Buwan-buwan, ang tapat na alipin ay naglalathala ng maraming pahina ng salig-Bibliyang materyal sa Ang Bantayan at Gumising! Kung magbabasa ka ng ilang pahina araw-araw, makaaalinsabay ka sa pagtuturong ibinibigay ng Kaharian.
14. (a) Anong pagsasanay ang tinatanggap natin? (b) Anong mga mungkahi hinggil sa gabi ng Pampamilyang Pagsamba ang naikapit mo na?
14 Linggu-linggo, ang mga mamamayan ng Kaharian ay tumatanggap ng pagsasanay sa kanilang mga pulong. Halimbawa, ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay mahigit anim na dekada nang tumutulong sa mga estudyante na maging mabisang mga guro ng Salita ng Diyos. Nagpatala ka na ba sa paaralang ito? Nitong nakalipas na mga taon, idiniriin ng tapat na alipin ang kahalagahan ng lingguhang pagdaraos ng gabi ng Pampamilyang Pagsamba. Pinatitibay ng kaayusang ito ang mga pamilya. Naikapit mo na ba ang mga mungkahing inilathala sa ating mga publikasyon hinggil dito?c
15. Anong napakalaking pribilehiyo ang taglay natin?
15 Ang mga mamamayan ng ilang bansa ay hayagang nangangalap ng suporta para sa isang pulitikal na partido. Nagbabahay-bahay pa nga ang iba. Ipinakikita ng mga mamamayan ng Kaharian sa buong daigdig na sinusuportahan nila ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pangangaral sa mga tao sa lansangan at sa bahay-bahay. Sa katunayan, gaya ng nabanggit sa naunang araling artikulo, Ang Bantayan, na naghahayag ng Kaharian ni Jehova, ang magasin na may pinakamalawak na sirkulasyon sa daigdig! Napakalaking pribilehiyo na sabihin sa iba ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Masigasig ka ba sa pangangaral?—Mat. 28:19, 20.
16. Paano mo mapatutunayan na ikaw ay mabuting mamamayan ng Kaharian ng Diyos?
16 Di-magtatagal, ang Kaharian ng Diyos ang kaisa-isang pamahalaan na mamumuno sa lupa. Ang mga kautusan nito ang tanging magiging patnubay ng mga tao. Magiging mabuting mamamayan ka ba ng Kaharian ng Diyos sa panahong iyon? Panahon na para patunayan mo ito. Sa mga desisyon mo araw-araw, gawin mo ang lahat ng bagay para sa ikaluluwalhati ni Jehova at patunayang gumagawi ka bilang mabuting mamamayan ng Kaharian ng Diyos.—1 Cor. 10:31.
[Mga talababa]
a Halimbawa, tingnan ang Gumising! ng Hulyo 2011, pahina 24-27; Agosto 2011, pahina 10-13; at Pebrero 2012, pahina 3-9.
b Tingnan ang Bantayan ng Marso 15, 2012, pahina 30-31.
c Tingnan ang Bantayan ng Agosto 15, 2011, pahina 6-7 at Ating Ministeryo sa Kaharian, Enero 2011, pahina 3-6.
[Blurb sa pahina 14]
Nakikinig ka ba sa salig-Bibliyang mga babala hinggil sa Internet?
[Larawan sa pahina 12]
Gaya ng mga anak ni Kora, nalulugod ka bang makibahagi sa dalisay na pagsamba at pag-aralan ang kasaysayan nito?
[Larawan sa pahina 15]
Malaki ang magagawa ng gabi ng inyong Pampamilyang Pagsamba para ikaw at ang iyong pamilya ay maging mabubuting mamamayan ng Kaharian