Maging Makatuwiran sa Iyong mga Tunguhin, at Maging Maligaya
“BIGO na naman ako!” Ilang beses mo na bang nasabi ang mga salitang iyan dahil hindi mo naabot ang iyong tunguhin? Maaaring ganiyan ang masabi ng isang Kristiyanong ina dahil nauubos ang panahon niya sa pag-aasikaso sa kaniyang bagong-silang na sanggol at ikinalulungkot niyang hindi na niya nabibigyang-pansin ang kaniyang espirituwalidad. Isa pang Kristiyano ang maaaring makadama na nalilimitahan siya dahil sa paraan ng pagpapalaki sa kaniya at nag-iisip na kulang pa ang ginagawa niya sa kongregasyon. Maaaring malungkot ang isang may-edad nang Saksi dahil hindi na siya lubusang makabahagi sa mga gawaing Kristiyano na dati niyang nagagawa noong malakas pa siya at masigla. “Kung minsan, napapaiyak ako kapag nakaririnig ako ng pahayag na nagpapasigla sa iba na maglingkod bilang mga payunir,” ang sabi ni Christiane na nagnanais na maglingkod nang higit kay Jehova subalit nahahadlangan ng kalagayan sa kanilang pamilya.
Ano ang magagawa natin kung ganiyan ang ating nararamdaman? Paano nagagawa ng ilang Kristiyano na maging makatotohanan sa pagsasaalang-alang ng kanilang kalagayan? Ano ang pakinabang ng pagkakaroon ng makatuwirang mga tunguhin?
Maging Makatuwiran
Sinasabi sa atin ni apostol Pablo kung paano mapananatili ang ating kagalakan: “Magsaya kayong lagi sa Panginoon. Minsan pa ay sasabihin ko, Magsaya kayo! Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran.” (Fil. 4:4, 5) Para makadama ng kagalakan at kasiyahan sa paglilingkod sa Diyos, kailangan nating magtakda ng makatuwirang mga tunguhin ayon sa ating mga kakayahan at kalagayan. Kung pilit nating inaabot ang mga di-makatuwirang tunguhin anuman ang maging kapalit, nagdudulot ito sa atin ng labis na tensiyon. Sa kabilang dako, maging maingat tayo na huwag namang magtakda ng sobrang simpleng mga tunguhin, anupat idinadahilan ang iniisip nating mga limitasyon para maging di-gaanong aktibo kaysa sa kinakailangan sa ministeryong Kristiyano.
Anuman ang ating kalagayan, hinihiling ni Jehova na ibigay natin sa kaniya ang ating buong makakaya—ang ating buong-kaluluwa at buong-pusong paglilingkod. (Col. 3:23, 24) Kung hindi natin ibinibigay kay Jehova ang ating buong makakaya, hindi rin natin natutupad ang ating pag-aalay sa kaniya. (Roma 12:1) Karagdagan pa, pinagkakaitan natin ang ating sarili ng matinding kasiyahan, tunay na kaligayahan, at iba pang mayayamang pagpapala na nagmumula sa buong-kaluluwang paglilingkod.—Kaw. 10:22.
Ang salitang isinalin sa Bibliya na “makatuwiran” ay nangangahulugan ng pagiging makonsiderasyon. Ang kahulugan nito ay may kaugnayan sa pagiging “mapagparaya.” (Sant. 3:17, tlb. sa Rbi8-E) Nagpapahiwatig din ito ng hindi pagiging sobrang istrikto. Kaya kung tayo ay makatuwiran, magkakaroon tayo ng timbang na pangmalas sa ating kalagayan. Mahirap ba itong gawin? Mahirap ito para sa ilan, bagaman maaaring makonsiderasyon naman sila sa iba. Halimbawa, kung nakikita nating pagod na pagod na ang isang kaibigan dahil sobra na sa kaniyang makakaya ang kaniyang ginagawa, hindi ba’t tutulungan natin siyang makita na kailangan na niyang gumawa ng ilang pagbabago sa kaniyang buhay? Sa katulad na paraan, dapat na alam natin kung lumalampas na tayo sa ating mga limitasyon.—Kaw. 11:17.
Maaaring mas mahirap magkaroon ng makatuwirang pangmalas sa ating mga limitasyon kung pinalaki tayo ng mapaghanap na mga magulang. Nadama ng ilan, noong bata pa sila, na dapat silang laging gumawa ng higit pa o maging mas magaling para makuha lamang ang pagmamahal ng kanilang magulang. Kung ganiyan tayo, baka mali ang iniisip natin tungkol sa pangmalas sa atin ni Jehova. Mahal tayo ni Jehova dahil sa ating buong-pusong paglilingkod sa kaniya. Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na ‘nalalaman ni Jehova nang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.’ (Awit 103:14) Alam niya ang ating mga limitasyon at mahal niya tayo kapag masigasig pa rin tayong naglilingkod sa kaniya sa kabila ng mga ito. Kapag iniisip natin na ang ating Diyos ay hindi isang istriktong tagapag-utos, matutulungan tayo nito na maging mahinhin o makatuwiran sa pagtatakda ng mga tunguhin, anupat isinasaalang-alang ang ating mga limitasyon.—Mik. 6:8.
Gayunpaman, nahihirapan pa rin ang ilan na maging timbang. Kung totoo iyan sa iyo, bakit hindi ka humingi ng tulong sa isang makaranasang Kristiyano na talagang nakakakilala sa iyo? (Kaw. 27:9) Halimbawa, gusto mo bang maglingkod bilang regular pioneer? Napakagandang tunguhin iyan! Nahihirapan ka bang abutin ang tunguhing iyan? Baka kailangan mo ng tulong para gawing simple ang iyong buhay. O maaaring ipakipag-usap sa iyo ng isang mapagkakatiwalaang Kristiyanong kaibigan kung praktikal ba para sa iyo na gawing tunguhin ang pagiging regular pioneer sa ngayon sa kabila ng mga pananagutan mo sa pamilya. Matutulungan ka niyang makita kung talaga bang magagampanan mo ang karagdagang gawain bilang payunir o kung anong pagbabago ang maaaring makatulong sa iyo para makagawa nang higit pa. Makatutulong din ang asawang lalaki sa kaniyang asawa para makagawa ito ng magandang iskedyul na angkop sa kaniyang kakayahan. Halimbawa, maaari niyang imungkahi sa kaniyang asawa na magpahinga muna bago pasimulan ang isang magawaing buwan. Ito ay maaaring magpalakas sa kaniya at tumulong na mapanatili ang kaniyang kagalakan sa ministeryo.
Mag-isip ng mga Bagay na Kaya Mong Gawin
Maaaring dahil sa pagtanda o humihinang kalusugan, limitado na ang nagagawa mo sa paglilingkod kay Jehova. Kung ikaw ay isang magulang, baka iniisip mong hindi ka na gaanong nakikinabang sa personal na pag-aaral o mga Kristiyanong pagpupulong dahil halos lahat ng oras at lakas mo ay nagugugol mo na sa iyong maliliit na anak. Gayunman, posible kayang ang labis na pagtutuon ng pansin sa iyong mga limitasyon ang humahadlang sa iyo na makita ang kaya mo pa rin namang gawin?
Libu-libong taon na ang nakalilipas, isang Levita ang nagpahayag ng pagnanais na gawin ang isang bagay na imposibleng mangyari. Nagkaroon siya ng pribilehiyong maglingkod sa templo nang dalawang linggo sa bawat taon. Gayunman, nagpahayag siya ng kapuri-puring pagnanais na tumahan nang permanente malapit sa altar. (Awit 84:1-3) Ano ang nakatulong sa tapat na lalaking ito na maging kontento? Napag-isip-isip niya na kahit isang araw lamang sa mga looban ng templo ay isa nang napakagandang pribilehiyo. (Awit 84:4, 5, 10) Sa katulad na paraan, sa halip na laging isipin ang ating mga limitasyon, dapat nating unawain at ipagpasalamat ang mga bagay na kaya nating gawin.
Tingnan natin ang halimbawa ni Nerlande, isang babaing Kristiyano sa Canada. Nasa silyang de-gulong na lamang siya at nakadaramang limitadong-limitado na ang nagagawa niya sa ministeryo. Gayunman, nagbago ang kaniyang pangmalas nang gawin niyang personal na teritoryo sa pangangaral ang isang shopping mall. Ipinaliwanag niya: “Nakaupo ako sa aking silyang de-gulong malapit sa isang bangko sa loob ng mall. Nagdudulot sa akin ng kagalakan ang pagpapatotoo sa mga taong umuupo roon para mamahinga sandali.” Ang pakikibahagi sa mahalagang larangang ito ng ministeryo ay nagbibigay kay Nerlande ng higit na kasiyahan.
Gumawa ng mga Pagbabago Kung Kailangan
Isang bangka ang maaaring mabilis na naglalayag habang tinatangay ng hangin ang mga layag nito. Gayunman, nang makasagupa ng malakas na bagyo ang magdaragat, napilitan siyang baguhin ang direksiyon ng mga layag. Hindi man niya kontrolado ang bagyo, kontrolado naman niya ang kaniyang bangkang de-layag dahil sa ginawa niyang mga pagbabago ng direksiyon. Sa katulad na paraan, kadalasan nang wala tayong kontrol sa tulad-bagyong mga problema na dumarating sa ating buhay. Pero makokontrol natin ang ating buhay hangga’t posible sa pamamagitan ng pagbabago sa paraan ng paggamit natin ng ating pisikal, mental, at emosyonal na lakas. Kung isasaalang-alang natin ang ating nabagong mga kalagayan, matutulungan tayo nitong mapanatili ang ating kasiyahan at kagalakan sa paglilingkod sa Diyos.—Kaw. 11:2.
Isaalang-alang ang ilang halimbawa. Kung mabilis tayong mapagod, baka makabubuting umiwas tayo sa nakapapagod na mga gawain sa maghapon para may lakas tayong dumalo sa Kristiyanong pagpupulong sa gabi. Makatutulong ito para lubusan tayong makinabang sa pakikipagsamahan sa ating mga kapuwa Kristiyano. O kung hindi puwedeng makibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay ang isang ina dahil may sakit ang kaniyang anak, maaari niyang anyayahan sa kaniyang bahay ang isang sister para makapagpatotoo sila gamit ang telepono habang natutulog ang bata.
Paano kung hindi ipinahihintulot ng iyong kalagayan na patiunang mapag-aralan ang mga tatalakayin sa mga pulong sa kongregasyon? Maaari mong alamin kung gaano karami ang kaya mong paghandaan at pagbutihin mo ito hangga’t maaari. Sa pamamagitan ng pagbabago sa ating mga kasalukuyang tunguhin, mananatili tayong masigla at masaya.
Maaaring mangailangan ng determinasyon at pagsisikap ang pagbabago ng ating mga tunguhin. Kinailangang gumawa ng malaking pagbabago sa kanilang mga plano ang mag-asawang Serge at Agnès na taga-Pransiya. “Nang malaman naming nagdadalang-tao si Agnès, naglaho ang aming pangarap na maging mga misyonero,” ang sabi ni Serge. Ngayong may dalawa nang masayahin at masiglang anak na babae si Serge, ipinaliwanag niya kung paano sila nagtakda ng bagong tunguhin bilang mag-asawa. Sinabi niya: “Kahit hindi na kami makapaglilingkod sa ibang bansa, nagpasiya kaming maging mga ‘misyonero’ sa aming sariling bansa. Umugnay kami sa isang grupong banyaga ang wika.” Nakinabang ba sila sa pagtatakda ng bagong tunguhing ito? Sinabi ni Serge: “Nadarama naming nakatutulong kami sa kongregasyon.”
Si Odile, isang sister sa Pransiya na mahigit nang 70 anyos ay hindi na makatayo nang matagal dahil sa osteoarthritis sa tuhod. Nasisiraan siya ng loob dahil ang kaniyang problema sa pisikal ang humahadlang sa kaniya na makibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay. Gayunman, hindi siya sumuko. Sinimulan niyang magpatotoo gamit ang telepono. Sinabi niya: “Mas madali at kasiya-siya pala ito!” Ang paraang ito ng pangangaral ay nagpanauli sa kaniyang sigla sa ministeryo.
Nagdudulot ng mga Pagpapala ang Makatuwirang mga Tunguhin
Maiiwasan natin ang maraming kabiguan kung mayroon tayong makatuwirang pangmalas sa kung ano ang magagawa natin. Sa pagtatakda ng timbang na mga tunguhin, mayroon tayong magagawa sa kabila ng ating mga limitasyon. Kaya nagagalak tayo sa ating mga nagagawa, kahit maliit lamang ito.—Gal. 6:4.
Kung timbang tayo sa ating mga tunguhin o inaasahan sa ating sarili, magiging makonsiderasyon tayo sa ating mga kapuwa Kristiyano. Dahil batid natin ang kanilang mga limitasyon, lagi tayong magiging mapagpasalamat sa nagagawa nila sa atin. Sa pagpapakita ng ating pagpapahalaga sa anumang naibibigay na tulong, makadaragdag tayo sa espiritu ng pagkakaunawaan at pagtutulungan sa isa’t isa. (1 Ped. 3:8) Tandaan na bilang isang mapagmahal na Ama, si Jehova ay hindi kailanman humihingi nang higit sa ating makakaya. At kung mayroon tayong timbang na pangmalas sa ating mga kakayahan at nagtatakda ng abot-kayang mga tunguhin, magdudulot ng higit na kasiyahan at kagalakan ang ating espirituwal na mga gawain.
[Blurb sa pahina 29]
Para makadama ng kagalakan at kasiyahan sa paglilingkod kay Jehova, kailangan nating magtakda ng makatuwirang mga tunguhin ayon sa ating mga kakayahan at kalagayan
[Larawan sa pahina 30]
Nakadama ng kagalakan si Nerlande sa paggawa ng kung ano ang kaya niyang gawin sa ministeryo
[Larawan sa pahina 31]
Matutong “baguhin ang direksiyon ng mga layag”
[Credit Line]
© Wave Royalty Free/age fotostock
[Larawan sa pahina 32]
Nakinabang sina Serge at Agnès sa pagtatakda ng mga bagong tunguhin