“Ang Diyos ng Kapayapaan” ay Nagmamalasakit sa mga Napipighati
NILILIWANAG ng Bibliya na batid ni David noon kung ano ang kapighatian. Maraming taon siyang namuhay bilang isang takas, anupat walang-awang tinugis ng isang balakyot at matigas-ang-ulong hari, na determinadong pumatay sa kaniya. Sa panahong ito ng kapighatian, nagtago si David sa mga ilang na dako. Subalit may ginawa pa siya. Marubdob siyang nanalangin kay Jehova tungkol sa kaniyang kagipitan. “Sa pamamagitan ng aking tinig, ako’y humingi ng tulong kay Jehova,” ang isinulat niya nang dakong huli hinggil sa kaniyang pagsubok. “Aking ibinubugso ang aking daing sa harap niya; aking patuloy na sinasabi sa harap niya ang aking kabagabagan.”—Awit 142:1, 2.
Sa ngayon, kukutyain ng ilan ang pananalig ni David sa Diyos. Sasabihin nila na ang panalangin ay isa lamang pamamaraan ng isip upang matahimik at na sa simpleng pananalita ay isang pag-aaksaya lamang ng oras. Gayunman, hindi nagkamali si David sa pagtitiwala sa Diyos, sapagkat ang kaniyang mga kaaway ay nalupig nang dakong huli. Sa pagbabalik-tanaw sa kaniyang karanasan, sumulat si David: “Ang napipighating ito ay tumawag, at dininig ni Jehova mismo. Iniligtas Niya siya sa lahat ng kaniyang kabagabagan.” (Awit 34:6) Ang tunay na Diyos na sa kaniya’y nanawagan si David ay tinatawag sa ibang pagkakataon bilang “ang Diyos ng kapayapaan.” (Filipos 4:9; Hebreo 13:20) Magdudulot kaya siya ng ginhawa mula sa kapighatian, anupat magbunga ng kapayapaan para sa atin?
Nagmamalasakit sa Iyo si Jehova
Hindi manhid si Jehova sa mga paghihirap ng kaniyang bayan. (Awit 34:15) Binibigyang-pansin niya ang mga pangangailangan hindi lamang ng kaniyang mga lingkod bilang isang grupo kundi gayundin ng bawat indibiduwal na natatakot sa kaniya. Nang iniaalay ang templo sa sinaunang Jerusalem, namanhik si Solomon kay Jehova na pakinggan ang “anumang panalangin, anumang kahilingan ukol sa pabor na magaganap sa bahagi ng sinumang tao o ng iyong buong bayang Israel, sapagkat batid ng bawat isa ang kaniyang sariling salot at ang kaniyang sariling pasakit.” (2 Cronica 6:29) Gaya ng kinilala ni Solomon, bawat isa ay may kani-kaniyang natatanging kapighatiang binabata. Para sa isa iyon ay maaaring pisikal na sakit. Sa iba naman, bagbag na damdamin. Ang ilan ay maaaring nagdadalamhati sa pagkamatay ng isang minamahal. Ang kawalang-trabaho, hirap ng buhay, at mga suliranin sa pamilya ay pangkaraniwan ding mga kapighatian sa mahirap na panahong ito.
Isipin sandali ang tungkol sa ‘iyong sariling salot at iyong sariling pasakit.’ Kung minsan ay baka nadama mo ang gaya ng nadama ng salmistang si David, na sumulat: “Patuloy akong umasa na may isang magpapakita ng simpatiya, ngunit wala; at mga mang-aaliw, ngunit wala akong nasumpungan.” Gayunman, makatitiyak ka na nagmamalasakit ang Diyos tungkol sa iyong kalagayan, sapagkat sa salmo ring iyon ay isinulat ni David nang maglaon: “Nakikinig si Jehova sa mga dukha, at tiyak na hindi niya hahamakin ang kaniyang sariling mga bilanggo.”—Awit 69:20, 33.
Sa pagkakapit ng mga salita ni David sa isang malawak na diwa, makatitiyak tayo na nakikinig ang Maylalang ng sangkatauhan sa mga panalangin niyaong mga nakabilanggo, wika nga, sa kanilang mga kapighatian. Higit pa rito, tumutugon siya sa kanilang kalagayan. Tingnan ang sumusunod na mga pangungusap na nagsisiwalat sa pagdamay ni Jehova sa mga napipighati.
“Huwag ninyong pagdadalamhatiin ang sinumang biyuda o walang-amang batang lalaki. Kung inyong dalamhatiin siya sa anumang paraan, at siya’y dumaing sa akin, walang-pagsalang diringgin ko ang kaniyang daing; at ang aking galit ay mag-aalab.”—Exodo 22:22-24.
“Hindi ba tiyak na pangyayarihin ng Diyos na mabigyan ng katarungan ang kaniyang mga pinili na sumisigaw sa kaniya araw at gabi, bagaman siya ay may mahabang-pagtitiis sa kanila?”—Lucas 18:7.
“Tutubusin niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang nagdadalamhati at sinumang walang katulong. Kahahabagan niya ang mababa at dukha, at ililigtas niya ang mga kaluluwa ng mga dukha. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa pang-aapi at karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang mga mata.”—Awit 72:12-14.
“Siya na humihipo sa inyo [ang bayan ng Diyos sa lupa] ay humihipo sa bilog ng aking mata.”—Zacarias 2:8.
Inilalarawan ng ilang halimbawang ito ang matinding interes ng ating Maylalang sa kapakanan ng kaniyang bayan. Kaya naman, may mabuti tayong dahilan upang sundin ang payo ni apostol Pedro: ‘Ihagis ninyo ang lahat ng inyong kabalisahan sa kaniya, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.’ (1 Pedro 5:7) Ngunit paano tayo tutulungan ng Diyos sa panahon ng kapighatian?
Kung Paano Tinutulungan ng Diyos ang mga Napipighati
Gaya ng nakita natin, nang dumanas si David ng kapighatian, siya’y marubdob na nanalangin sa Diyos para sa patnubay. Kasabay nito, nagkusa siyang lunasan ang situwasyon, anupat ginamit ang pagiging maparaan upang matakasan ang mga tumutugis sa kaniya. Sa gayon, ang pananalig kay Jehova kalakip ang personal na pagsisikap ang siyang nagpangyari kay David na mabata ang kaniyang pagsubok. Ano ang matututuhan natin dito?
Kapag napaharap tayo sa kapighatian, tiyak na hindi mali na gumawa tayo ng makatuwirang pagkukusa na lutasin ang suliranin. Halimbawa, kung mawalan ng trabaho ang isang Kristiyano, hindi ba siya magsisikap na maghanap ng trabaho? O kung mayroon siyang pisikal na sakit, hindi ba siya magpapagamot? Sa katunayan, maging si Jesus, na may kapangyarihang pagalingin ang lahat ng uri ng sakit, ay kumilala na ‘ang may-sakit ay nangangailangan ng manggagamot.’ (Mateo 9:12; ihambing ang 1 Timoteo 5:23.) Mangyari pa, hindi mapapawi ang ilang paghihirap; kailangan lamang na batahin ang mga ito. Gayunpaman, hindi minamalas ng isang tunay na Kristiyano ang pagdurusa bilang isang kagalingan sa ganang sarili, gaya ng pangmalas ng ilan. (Ihambing ang 1 Hari 18:28.) Sa halip, kumukuha siya ng anumang hakbang na magagawa niya upang makayanan ang kaniyang pagdadalamhati.
Subalit kasabay nito, makatuwiran na ipanalangin iyon kay Jehova. Bakit? Una, sa pamamagitan ng pananalig sa ating Maylalang, natutulungan tayong ‘matiyak ang mga bagay na higit na mahalaga.’ (Filipos 1:10) Halimbawa, kapag humahanap ng trabaho, ang may-pananalanging pananalig sa Diyos ay tutulong sa atin na huwag tanggapin ang trabaho na salungat sa mga simulain sa Bibliya. Iiwasan din natin na ‘mailigaw mula sa pananampalataya’ sa pamamagitan ng pag-ibig sa salapi. (1 Timoteo 6:10) Ang totoo, kapag gumagawa ng maseselang na desisyon—hinggil sa trabaho o sa anumang ibang pitak ng buhay—kailangan nating sundin ang payo ni David: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova mismo, at siya mismo ang susustine sa iyo. Hindi niya kailanman hahayaang humapay-hapay ang isa na matuwid.”—Awit 55:22.
Ang panalangin ay tutulong din sa atin na panatilihin ang timbang na pag-iisip, upang hindi tayo madaig ng ating pagdadalamhati. Sumulat si apostol Pablo: “Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pagpapasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.” Ano ang resulta? “Ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Oo, kapayapaan, ang kapayapaan ng Diyos. Ang kapayapaang iyan ay “nakahihigit sa lahat ng kaisipan,” kaya mapatatatag tayo nito kapag napabibigatan tayo ng bagbag na damdamin. Ito ang ‘magbabantay sa ating puso at kakayahang pangkaisipan,’ sa gayo’y natutulungan tayo na maiwasan ang padalus-dalos at may-kamangmangang pagtugon, na makadaragdag lamang sa ating kapighatian.—Eclesiastes 7:7.
Marami pang magagawa ang panalangin. Mahalaga ito sa magiging kinalabasan ng situwasyon. Tingnan ang isang halimbawa sa Bibliya. Nang mabilanggo si apostol Pablo sa Roma, pinasigla niya ang mga kapuwa Kristiyano na ipanalangin siya. Bakit? “Masidhi ko kayong pinapayuhan na lalung-lalo nang gawin ito,” ang isinulat niya sa kanila, “upang masauli ako sa inyo sa lalong madaling panahon.” (Hebreo 13:19) Alam ni Pablo na ang matiyagang pananalangin ng kaniyang mga kapananampalataya ay may epekto hinggil sa kung kailan siya makalalaya.—Filemon 22.
Mababago ba ng panalangin ang resulta ng iyong kapighatian? Maaaring mabago nito. Subalit dapat nating matanto na hindi laging sinasagot ni Jehova ang ating mga panalangin sa paraan na maaaring inaasahan natin. Halimbawa, paulit-ulit na nanalangin si Pablo hinggil sa kaniyang “tinik sa laman”—marahil isang pisikal na suliranin na may kaugnayan sa kaniyang paningin. Sa halip na alisin ang karamdaman, sinabi ng Diyos kay Pablo: “Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na para sa iyo; sapagkat ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.”—2 Corinto 12:7-9.
Kaya kung minsan ang ating mga kahirapan ay hindi maaalis. Sa halip, magkakaroon tayo ng pagkakataon na patunayan ang ating pananalig sa ating Maylalang. (Gawa 14:22) Isa pa, makatitiyak tayo na kahit na hindi alisin ni Jehova ang kapighatian, “gagawa . . . siya ng daang malalabasan upang mabata [natin] iyon.” (1 Corinto 10:13) Oo, may makatuwirang dahilan na si Jehova ay tinatawag na “ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.” (2 Corinto 1:3, 4) Ibinibigay niya sa atin ang kailangan natin upang makapagbata taglay ang saganang kapayapaan.
Malapit Na—Isang Sanlibutan na Walang Kapighatian!
Nangangako ang Maylalang na sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, malapit na niyang alisin ang mga kapighatian ng sangkatauhan. Paano niya gagawin ito? Sa pamamagitan ng pagliligpit kay Satanas na Diyablo, ang pangunahing tagapagdulot ng kapighatian at pusakal na kaaway ng kapayapaan, na ipinakikilala ng Bibliya bilang “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Corinto 4:4) Subalit di-magtatagal at magwawakas na ang panunupil niya sa sangkatauhan. Ang paglipol sa kaniya ay magbubukas ng daan para sa di-malirip na mga pagpapalang darating sa mga may takot sa Diyos. Nangangako ang Bibliya na “papahirin [ni Jehova] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:1-4.
Mahirap bang paniwalaan ang isang sanlibutan na walang kapighatian? Nasanay na tayong mamuhay sa kagipitan anupat nahihirapan tayong gunigunihin ang pagkawala nito. Subalit talagang nilayon ng Diyos para sa sangkatauhan na maging malaya buhat sa takot, kabalisahan, at kalamidad, at magtatagumpay ang kaniyang layunin.—Isaias 55:10, 11.
Ito ang pag-asa na nasumpungan nina Sonia, Fabiana, at Ana, na nabanggit sa pambungad na artikulo. Si Sonia, na namatayan ng dalawang anak dahil sa AIDS, ay nagtamo ng saganang kapayapaan sa pag-asa na inihaharap ng Bibliya—ang pagkabuhay-muli ng mga matuwid at di-matuwid. (Gawa 24:15) “Isang bagay ang tiyak,” sabi niya, “ang aming pag-asa ay nakahihigit kaysa sa anupamang pasakit.”
Samantalang nakatira sa ampunan, dinalaw si Ana ng isa sa mga Saksi ni Jehova. “Ipinakita niya sa akin ang pangalan ni Jehova sa Bibliya,” sabi ni Ana, “at napaluha ako sa kagalakan. Kailangang-kailangan ko ng tulong, at nalaman ko na may isang Diyos na nagmamalasakit sa atin.” Nang umalis siya sa ampunan, tumanggap si Ana ng pag-aaral sa Bibliya at natuto pa ng higit tungkol sa mga pangako ni Jehova. Pagkatapos ay inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova at sinagisagan ito sa pamamagitan ng bautismo. “Mula noon ay patuloy na akong nanalig kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin, at naaliw ako sa katiyakan na tutulungan niya ako.”
Nakasumpong din si Fabiana ng malaking kaaliwan at kapayapaan ng isip mula sa kaniyang kapighatian sa pamamagitan ng pagkatuto tungkol sa mga pangako ng Diyos sa hinaharap. “Ang pagkatuto ng katotohanan mula sa Bibliya ay tulad ng paglisan sa isang napakadilim at mapanglaw na lugar at pagpasok sa isang maaliwalas, maliwanag, at kaiga-igayang silid.”—Ihambing ang Awit 118:5.
Ngunit paano at kailan mangyayari ang literal na kapayapaan sa buong lupa? Tingnan natin sa susunod na mga artikulo.
[Kahon sa pahina 6]
Ang Maraming Anyo ng Kapighatian
▪ Halos sangkapat ng populasyon ng daigdig ay namumuhay sa labis na karukhaan, at milyun-milyon pa ang namumuhay sa di-makataong mga kalagayan na nagsasapanganib ng kanilang pag-iral.
▪ Mahigit na 200 milyong bata ang kulang sa pagkain.
▪ Mga tatlong milyong bata na wala pang limang taóng gulang ang namamatay taun-taon dahil sa diarrhea.
▪ Mga 16.5 milyon katao ang namatay sa nakahahawang mga sakit sa loob lamang ng 1993. Yamang iba-iba ang pag-uuri ng ilang bansa sa mga karamdaman, maaaring mas mataas pa ang aktuwal na bilang.
▪ Tinatayang 500 milyon katao ang apektado ng isang uri ng suliranin sa isip.
▪ Mas mabilis na dumarami ang bilang ng nagpapatiwakal na mga kabataan kaysa sa mga kabilang sa ibang edad.
▪ “Ang gutom at kawalang-trabaho ay naging mga dungis ng daigdig,” sabi ng The Unesco Courier. “May 35 milyon na walang trabaho sa pitong pinakamayayamang bansa sa daigdig, at sa Brazil lamang ay may 20 milyong manggagawa na para sa kanila ang pagkakaroon ng trabaho ay hindi man lamang nangangahulugan na sila ay makakakain nang husto.”
[Mga larawan sa pahina 7]
Makatutulong sa atin ang panalangin upang magtuon ng pansin sa pangako ng Diyos na isang sanlibutan na walang kapighatian