Mga Gawa ng mga Apostol
14 Sa Iconio, magkasama silang pumasok sa sinagoga ng mga Judio, at dahil sa husay nilang magsalita, maraming Judio at Griego ang naging mananampalataya.+ 2 Pero ang mga tao ng ibang mga bansa ay sinulsulan ng mga Judiong hindi naniwala, at siniraan ng mga ito ang mga kapatid.+ 3 Kaya mahaba-habang panahon silang nanatili roon at lakas-loob na nagsalita dahil sa awtoridad na ibinigay ni Jehova. Binigyan niya sila ng kapangyarihang gumawa ng mga tanda at kamangha-manghang mga bagay bilang patotoo sa mensahe ng kaniyang walang-kapantay na kabaitan.+ 4 Pero hati ang opinyon ng mga tao sa lunsod; ang ilan ay panig sa mga Judio at ang iba ay sa mga apostol. 5 Binalak ng mga tao ng ibang mga bansa at ng mga Judio pati ng mga tagapamahala ng mga ito na ipahiya sila at pagbabatuhin,+ 6 pero nalaman nila ito kaya tumakas sila papunta sa Listra at Derbe, na mga lunsod sa Licaonia, at sa nakapalibot na lupain.+ 7 Nagpatuloy sila roon sa paghahayag ng mabuting balita.
8 Sa Listra ay may nakaupong isang lalaking lumpo mula nang ipanganak. Hindi pa siya nakalakad kahit kailan. 9 Nakikinig siya kay Pablo habang nagsasalita ito. Nang tingnan siyang mabuti ni Pablo, nakita nitong may pananampalataya siya at naniniwalang mapagagaling* siya,+ 10 kaya sinabi nito nang malakas: “Tumayo ka.” At lumukso siya at nagsimulang lumakad.+ 11 Nang makita ng mga tao ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Licaonia: “Ang mga diyos ay naging gaya ng mga tao at bumaba sa atin!”+ 12 At tinawag nilang Zeus si Bernabe, pero Hermes naman si Pablo, dahil siya ang nangunguna sa pagsasalita. 13 At ang saserdote ni Zeus, na ang templo ay nasa pasukan ng* lunsod, ay nagdala ng mga toro at mga putong sa mga pintuang-daan at gustong maghandog kasama ng mga tao.
14 Pero nang malaman ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang damit nila at tumakbo papunta sa mga tao. Sumigaw sila: 15 “Bakit ninyo ginagawa ito? Mga tao lang din kami na may mga kahinaang gaya ninyo.+ At inihahayag namin sa inyo ang mabuting balita para iwan ninyo ang walang-kabuluhang mga bagay na ito at bumaling sa Diyos na buháy,+ na gumawa ng langit at lupa at dagat at lahat ng naroon.+ 16 Sa nakalipas na mga henerasyon, pinahintulutan niya ang lahat ng bansa na gawin ang gusto nila,+ 17 pero nagbigay pa rin siya ng mga patotoo tungkol sa sarili niya+—gumawa siya ng mabuti at binigyan kayo ng ulan mula sa langit at mabubungang panahon+ at saganang pagkain, at pinasaya niya nang lubos ang puso ninyo.”+ 18 Kahit sinabi nila ito, hindi pa rin naging madali na pigilan ang mga tao sa paghahain sa kanila.
19 Gayunman, may dumating na mga Judio mula sa Antioquia at Iconio at inimpluwensiyahan ang mga tao.+ Kaya binato nila si Pablo at kinaladkad palabas ng lunsod, dahil inakala nilang patay na siya.+ 20 Pero nang palibutan siya ng mga alagad, tumayo siya at pumasok sa lunsod. Kinabukasan, pumunta sila ni Bernabe sa Derbe.+ 21 Matapos ipahayag ang mabuting balita sa lunsod na iyon at matulungan ang marami na maging alagad, bumalik sila sa Listra, Iconio, at Antioquia. 22 Pinalakas nila ang mga alagad doon+ at pinasigla na panatilihing matibay ang kanilang pananampalataya* at sinabi: “Kailangan nating dumanas ng maraming kapighatian para makapasok sa Kaharian ng Diyos.”+ 23 Nag-atas din sila ng matatandang lalaki para sa bawat kongregasyon.+ Nanalangin sila at nag-ayuno+ at ipinagkatiwala ang mga ito kay Jehova, dahil nanampalataya ang mga ito sa kaniya.
24 At lumibot sila sa Pisidia at nakarating sa Pamfilia,+ 25 at matapos ipahayag ang salita sa Perga, pumunta sila sa Atalia. 26 Mula roon, naglayag sila papuntang Antioquia, kung saan ipinagkatiwala sila noon ng mga kapatid sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos para maisakatuparan ang gawaing natapos na nila ngayon.+
27 Nang makarating sila at matipon ang kongregasyon, ikinuwento nila ang maraming bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila at na binigyan niya ng pagkakataon ang ibang mga bansa na manampalataya.+ 28 Kaya matagal silang nanatili roon kasama ng mga alagad.