Panatilihin ang Maka-Kasulatang Pananaw sa Pangangalaga sa Kalusugan
“Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos . . . nang iyong buong pag-iisip at nang iyong buong lakas.”—MAR. 12:30.
1. Ano ang orihinal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan?
HINDI bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos na Jehova na magkasakit at mamatay ang kaniyang mga nilalang na tao. Inilagay sina Adan at Eva sa hardin ng Eden, o paraiso ng kaluguran, “upang iyon ay sakahin at ingatan” hindi lamang sa loob ng 70 o 80 taon, kundi magpakailanman. (Gen. 2:8, 15; Awit 90:10) Kung nanatiling tapat kay Jehova ang unang mag-asawa at maibiging nagpasakop sa kaniyang soberanya, hindi sana sila kailanman daranas ng panghihina ng katawan, pagkakasakit, at kamatayan.
2, 3. (a) Paano inilarawan ang pagtanda sa aklat ng Eclesiastes? (b) Sino ang dapat sisihin kung bakit nagkaroon ng Adanikong kamatayan, at paano aalisin ang mga epekto nito?
2 Detalyadong inilarawan sa Eclesiastes kabanata 12 ang “kapaha-pahamak na mga araw” na kaakibat ng pagtanda ng mga di-sakdal na tao. (Basahin ang Eclesiastes 12:1-7.) Ang puting buhok ay inihambing sa bulaklak ng “punong almendras.” Ang mga binti ay itinulad sa “mga lalaking may kalakasan” na nakabaluktot na ngayon at pasuray-suray. Ang mga babaing sumusulyap sa bintana upang makakita ng liwanag subalit kadiliman lamang ang nakikita ay angkop na ilustrasyon sa lumalabong paningin. Ang nalalagas na mga ngipin ay inilarawan bilang ‘mga babaing naggigiling na tumigil sa paggawa sapagkat kumaunti na sila.’
3 Ang pangangatog ng mga binti, panlalabo ng paningin, at pagkalagas ng mga ngipin ay tiyak na hindi bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Karagdagan pa, ang kamatayang dulot ng pagkakasala ni Adan ay isa sa “mga gawa ng Diyablo” na aalisin ng Anak ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Mesiyanikong Kaharian. Isinulat ni apostol Juan: “Sa layuning ito inihayag ang Anak ng Diyos, samakatuwid nga, upang sirain ang mga gawa ng Diyablo.”—1 Juan 3:8.
Likas Lamang ang Makatuwirang Pagkabahala sa Kalusugan
4. Bakit makatuwiran lamang na mabahala ang mga lingkod ni Jehova sa kanilang kalusugan, pero ano ang batid nila?
4 Sa ngayon, napapaharap ang mga lingkod ni Jehova sa mga problema ng pagkakasakit at pagtanda na karaniwan sa makasalanang sangkatauhan. Ang timbang na pagkabahala sa ating kalusugan sa gayong mga kalagayan ay likas lamang at kapaki-pakinabang pa nga. Hindi ba’t gusto nating paglingkuran si Jehova nang “buong lakas”? (Mar. 12:30) Subalit, bagaman sinisikap nating manatiling malusog, kailangan nating maging makatotohanan at tanggaping napakaliit talaga ng ating magagawa para pabagalin ang pagtanda o iwasan ang lahat ng sakit.
5. Anong aral ang matututuhan natin sa pagharap ng mga tapat na lingkod ng Diyos sa kanilang karamdaman?
5 Maraming tapat na lingkod ni Jehova ang kinailangang magbata ng mga problema sa kalusugan. Si Epafrodito ay isa sa mga ito. (Fil. 2:25-27) Ang tapat na kasama ni apostol Pablo na si Timoteo ay madalas sumpungin ng pananakit ng sikmura kaya inirekomenda ni Pablo na uminom siya ng “kaunting alak.” (1 Tim. 5:23) Si Pablo mismo ay may “tinik sa laman,” na marahil ay diperensiya sa mata o ibang sakit na wala pang lunas noong panahong iyon. (2 Cor. 12:7; Gal. 4:15; 6:11) May kinalaman sa kaniyang “tinik sa laman,” paulit-ulit na nagsumamo si Pablo kay Jehova na alisin ito. (Basahin ang 2 Corinto 12:8-10.) Hindi makahimalang inalis ng Diyos ang “tinik sa laman” ni Pablo. Sa halip, pinalakas siya ng Diyos upang mabata ito. Sa gayon ay nahayag ang kapangyarihan ni Jehova sa pamamagitan ng kahinaan ni Pablo. May makukuha ba tayong aral sa karanasang ito?
Iwasan ang Labis na Pagkabahala sa Pangangalaga sa Kalusugan
6, 7. Bakit dapat nating iwasan ang labis na pagkabahala sa ating kalusugan?
6 Gaya ng alam natin, tinatanggap natin bilang mga Saksi ni Jehova ang medikal na tulong at iba’t ibang paraan ng paggamot. Ang ating magasing Gumising! ay kadalasan nang naglalaman ng mga artikulo tungkol sa kalusugan. At bagaman hindi tayo nag-iindorso ng anumang partikular na paraan ng paggagamot, pinahahalagahan natin ang pakikipagtulungan ng mga propesyonal sa pangangalaga sa kalusugan. Palibhasa’y batid na hindi pa natin makakamit ang sakdal na kalusugan sa ngayon, isang katalinuhan na huwag nating gawing obsesyon ang pangangalaga sa kalusugan o lagi na lamang mabahala hinggil dito. Ang ating saloobin ay dapat na naiiba sa saloobin ng mga taong “walang pag-asa,” na nag-aakalang ganito na lamang ang buhay at susubukan ang anumang paraan ng paggamot malunasan lamang ang kanilang karamdaman. (Efe. 2:2, 12) Determinado tayong hindi maiwala ang pagsang-ayon ni Jehova para lamang mailigtas ang ating kasalukuyang buhay, sapagkat kumbinsido tayo na kung mananatili tayong tapat sa Diyos, ‘makapanghahawakan tayong mahigpit sa tunay na buhay,’ o buhay na walang hanggan sa ipinangako niyang bagong sistema ng mga bagay.—1 Tim. 6:12, 19; 2 Ped. 3:13.
7 May isa pang dahilan kung bakit natin iniiwasan ang labis na pagkabahala sa ating kalusugan. Dahil dito, maaari tayong maging makasarili. Nagbabala si Pablo laban sa panganib na ito nang himukin niya ang mga taga-Filipos na ‘ituon ang mata, hindi lamang sa kanilang personal na kapakanan ng sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.’ (Fil. 2:4) Angkop naman na alagaan natin ang ating sarili sa makatuwirang antas, subalit ang masidhing interes na ipinakikita natin sa ating mga kapatid at sa mga taong dinadalhan natin ng ‘mabuting balita ng kaharian’ ay tutulong sa atin na huwag masyadong mabahala sa ating pisikal na kalusugan.—Mat. 24:14.
8. Ano ang maaaring mangyari kapag labis tayong nababahala sa ating kalusugan?
8 Nanganganib ding mapabayaan ng isang Kristiyano ang mga kapakanan ng Kaharian dahil sa labis na pagkabahala sa kalusugan. Gayundin, dahil sa obsesyon sa pangangalaga sa kalusugan, baka sikapin nating igiit sa iba ang ating personal na mga opinyon hinggil sa kahalagahan ng isang diyeta, paraan ng paggamot, o food supplement. Sa bagay na ito, isaalang-alang ang simulain sa mga salita ni Pablo: ‘Tiyakin ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga, upang kayo ay maging walang kapintasan at hindi makatisod sa iba hanggang sa araw ni Kristo.’—Fil. 1:10.
Ano ang Mas Mahalaga?
9. Ano ang isa sa mga bagay na higit na mahalaga na hindi natin dapat ipagwalang-bahala, at bakit?
9 Kung inuuna natin ang mga bagay na higit na mahalaga, tayo ay aktibong makikibahagi sa espirituwal na pagpapagaling. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng pangangaral at pagtuturo ng Salita ng Diyos. Nakikinabang tayo at ang mga tinuturuan natin sa masayang gawaing ito. (Kaw. 17:22; 1 Tim. 4:15, 16) Paminsan-minsan, itinatampok sa mga artikulo ng mga magasing Bantayan at Gumising! ang karanasan ng ating mga espirituwal na kapatid na may malulubhang sakit. Ipinaliliwanag minsan ng mga artikulong ito kung paano nila hinaharap ang kanilang mga problema o pansamantalang nakakalimutan ang mga ito sa pamamagitan ng pagtulong sa iba na makilala si Jehova at ang kaniyang kamangha-manghang mga pangako.a
10. Bakit mahalaga ang pinipili nating paraan ng paggamot?
10 Kapag napapaharap sa problema sa kalusugan, dapat ‘dalhin ng bawat Kristiyano ang kaniyang sariling pasan,’ o pananagutan, sa pagpili ng paraan ng paggamot. (Gal. 6:5) Gayunman, tandaan natin na mahalaga kay Jehova ang pinipili nating paraan ng paggamot. Kung paanong pinakikilos tayo ng paggalang sa mga simulain ng Bibliya na “umiwas . . . sa dugo,” dapat tayong udyukan ng ating matinding paggalang sa Salita ng Diyos na iwasang pumili ng paraan ng paggagamot na makapipinsala sa atin sa espirituwal na paraan o makaaapekto sa ating kaugnayan kay Jehova. (Gawa 15:20) Ang ilang paraan ng diyagnosis at paggamot ay waring katulad na katulad ng espiritistikong mga gawain. Hindi sinang-ayunan ni Jehova ang mga apostatang Israelita na bumaling sa “mahiwagang kapangyarihan,” o espiritistikong mga gawain. Sinabi niya: “Tigilan na ninyo ang pagdadala pa ng walang-kabuluhang mga handog na mga butil. Insenso—ito ay karima-rimarim sa akin. Bagong buwan at sabbath, ang pagtawag ng isang kombensiyon—hindi ko matiis ang paggamit ng mahiwagang kapangyarihan kasabay ng kapita-pitagang kapulungan.” (Isa. 1:13) Kapag nagkasakit tayo, tiyak na hindi tamang gumawa tayo ng isang bagay na maaaring humadlang sa ating panalangin at magsapanganib ng ating kaugnayan sa Diyos.—Panag. 3:44.
Mahalaga ang “Katinuan ng Pag-iisip”
11, 12. Paano makatutulong ang “katinuan ng pag-iisip” sa pagpili ng paraan ng pangangalaga sa ating kalusugan?
11 Kapag may sakit tayo, hindi natin aasahan na makahimala tayong pagagalingin ni Jehova, pero makapananalangin tayo ukol sa karunungan sa pagpili ng paraan ng paggamot. Dapat na humingi tayo ng patnubay sa ating gagawing pagpili. Makatutulong sa atin ang mga simulain sa Bibliya at ang pagkakaroon ng katinuan ng pag-iisip. Kapag ang isa ay may malubhang sakit, isang katalinuhan na higit sa isang espesyalista ang konsultahin kung posible, kasuwato ng simulain sa Kawikaan 15:22: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan, ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawa.” Hinimok ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya na “mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at makadiyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.”—Tito 2:12.
12 Maraming tao ang nasa katulad na kalagayan ng babaing may sakit noong panahon ni Jesus. Ganito ang mababasa natin sa Marcos 5:25, 26: “May isang babae na labindalawang taon nang dumaranas ng pag-agas ng dugo, at siya ay pinaranas ng maraming pahirap ng maraming manggagamot at nagugol na niya ang lahat ng kaniyang pag-aari at hindi nakinabang kundi sa halip ay lalo pa ngang lumubha.” Pinagaling ni Jesus ang babae at nakitungo sa kaniya nang may pagkahabag. (Mar. 5:27-34) Palibhasa’y desperadong gumaling, natutukso ang ilang Kristiyano na piliin ang paraan ng diyagnosis o paraan ng paggamot na labag sa mga simulain ng dalisay na pagsamba.
13, 14. (a) Paano maaaring gamitin ni Satanas ang ating pagpili ng paraan ng paggamot para sirain ang ating katapatan? (b) Bakit natin dapat iwasan ang anumang bagay na may bahid ng okulto?
13 Gagamitin ni Satanas ang lahat ng paraan para ilihis tayo mula sa tunay na pagsamba. Kung paanong ginagamit niya ang seksuwal na imoralidad at materyalismo upang matisod ang ilan, sinisikap din niyang sirain ang katapatan ng iba sa pamamagitan ng kuwestiyunableng mga paraan ng paggamot na katumbas na rin ng paggamit ng kapangyarihan ng okultismo at espiritismo. Nananalangin tayo kay Jehova na iligtas tayo mula sa “isa na balakyot,” at mula sa “bawat uri ng katampalasanan.” Kaya hindi tayo dapat magpasailalim sa kapangyarihan ni Satanas sa pamamagitan ng paghahantad ng ating sarili sa anumang bagay na may kaugnayan sa okulto at espiritismo.—Mat. 6:13; Tito 2:14.
14 Pinagbawalan ni Jehova ang mga Israelita na magsagawa ng panghuhula at mahika. (Deut. 18:10-12) Ibinilang ni Pablo ang “pagsasagawa ng espiritismo” sa “mga gawa ng laman.” (Gal. 5:19, 20) Bukod diyan, ang “mga nagsasagawa ng espiritismo” ay hindi magkakaroon ng bahagi sa bagong sistema ng mga bagay ni Jehova. (Apoc. 21:8) Kung gayon, maliwanag na anumang bagay na may bahid ng espiritismo ay karima-rimarim kay Jehova.
“Makilala Nawa . . . ang Inyong Pagkamakatuwiran”
15, 16. Bakit natin kailangan ng karunungan sa pagpili ng paraan ng paggamot, at anong matalinong payo ang ibinigay ng lupong tagapamahala noong unang siglo?
15 Kasuwato ng mga nabanggit na, kung nag-aalinlangan tayo hinggil sa ilang paraan ng diyagnosis o paggamot, isang katalinuhan na tanggihan natin ito. Sabihin pa, hindi naman laging nangangahulugan na may bahid ng espiritismo ang isang paraan ng paggamot dahil lamang sa hindi natin maipaliwanag kung paano ito nakapagpapagaling. Kailangan ng karunungan mula sa Diyos at mahusay na pagpapasiya sa panig natin para mapanatili natin ang maka-Kasulatang pananaw sa pangangalaga sa kalusugan. Sa Kawikaan kabanata 3, mababasa natin ang payong ito: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas. . . . Ingatan mo ang praktikal na karunungan at ang kakayahang mag-isip, at sila ay magiging buhay sa iyong kaluluwa.”—Kaw. 3:5, 6, 21, 22.
16 Kaya bagaman sinisikap nating maging malusog hangga’t maaari, dapat tayong mag-ingat na huwag maiwala ang pagsang-ayon ng Diyos habang hinaharap natin ang pagkakasakit o pagtanda. Sa pangangalaga sa ating kalusugan, gaya rin naman sa ibang bagay, dapat ‘makilala ng lahat ng tao ang ating pagkamakatuwiran’ sa pamamagitan ng pamumuhay na kasuwato ng mga simulain sa Bibliya. (Fil. 4:5) Sa isang napakahalagang liham ng lupong tagapamahala noong unang siglo, tinagubilinan nila ang mga Kristiyano na umiwas sa idolatriya, sa dugo, at sa pakikiapid. Kalakip sa kanilang liham ang katiyakang ito: “Layuan ninyo ang mga bagay na ito, at mapapábutí kayo.” (Gawa 15:28, 29, Magandang Balita Biblia) Sa paanong paraan?
Maging Makatuwiran Habang Nasa Isipan ang Sakdal na Kalusugan sa Hinaharap
17. Paano tayo nakikinabang sa pisikal na paraan dahil sa panghahawakan sa mga simulain sa Bibliya?
17 Dapat tanungin ng bawat isa sa atin ang kaniyang sarili: ‘Pinahahalagahan ko ba ang mga kabutihang naidulot ng aking mahigpit na pagsunod sa mga simulain sa Bibliya hinggil sa dugo at pakikiapid?’ Isipin din ang naidulot na mga pakinabang ng pagsisikap nating ‘linisin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu.’ (2 Cor. 7:1) Dahil sa panghahawakan sa mga pamantayan ng Bibliya hinggil sa personal na kalinisan, nakaiiwas tayo sa maraming sakit. Napapabuti tayo sa pag-iwas sa sigarilyo at bawal na gamot na nakapagpaparumi sa atin sa espirituwal at pisikal na paraan. Isip-isipin din ang naidudulot na mga pakinabang sa kalusugan ng pagiging katamtaman sa pagkain at pag-inom. (Basahin ang Kawikaan 23:20; Tito 2:2, 3.) Bagaman nakabubuti sa ating kalusugan ang sapat na pamamahinga at ehersisyo, lalo na tayong nakikinabang sa pisikal at espirituwal na paraan dahil sumusunod tayo sa maka-Kasulatang patnubay.
18. Ano ang dapat na maging pangunahin sa atin, at anong hula hinggil sa kalusugan ang pinanabikan nating matupad?
18 Higit sa lahat, dapat nating ingatan ang ating espirituwal na kalusugan at patibayin ang ating mahalagang kaugnayan sa ating makalangit na Ama, ang Bukal ng “buhay ngayon at yaong darating” sa kaniyang ipinangakong bagong sanlibutan. (1 Tim. 4:8; Awit 36:9) Sa bagong sanlibutan ng Diyos, magkakaroon ng ganap na espirituwal at pisikal na pagpapagaling sa pamamagitan ng pagpapatawad sa mga kasalanan salig sa haing pantubos ni Jesus. Aakayin tayo ng Kordero ng Diyos, si Jesu-Kristo, sa “mga bukal ng mga tubig ng buhay,” at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa ating mga mata. (Apoc. 7:14-17; 22:1, 2) Gayundin, mararanasan natin ang katuparan ng kapana-panabik na hulang ito: “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—Isa. 33:24.
19. Habang nagiging makatuwiran tayo sa pangangalaga sa ating kalusugan, sa ano tayo makatitiyak?
19 Kumbinsido tayo na malapit na ang ating kaligtasan, at buong-pananabik nating hinihintay ang panahon na aalisin ni Jehova ang sakit at kamatayan. Samantala, makatitiyak tayo na tutulungan tayo ng ating maibiging Ama upang mabata ang mga pahirap na dulot ng ating sakit dahil ‘nagmamalasakit siya sa atin.’ (1 Ped. 5:7) Kaya ingatan nawa natin ang ating kalusugan subalit laging kasuwato ng malinaw na mga tagubiling nakasaad sa kinasihang Salita ng Diyos!
[Talababa]
a Makikita ang isang talaan ng gayong mga artikulo sa kahon sa pahina 17 ng Setyembre 1, 2003, isyu ng Ang Bantayan.
Bilang Repaso
• Sino ang dahilan ng pagkakasakit, at sino ang mag-aalis ng mga epekto ng kasalanan?
• Bagaman normal lamang na mabahala tayo sa ating kalusugan, ano ang dapat nating iwasan?
• Bakit mahalaga kay Jehova ang ating pinipiling paraan ng paggamot?
• May kinalaman sa ating kalusugan, paano tayo makikinabang mula sa pagsunod sa mga simulain sa Bibliya?
[Larawan sa pahina 23]
Hindi nilalang ang sangkatauhan para lamang magkasakit at tumanda
[Larawan sa pahina 25]
Nakasusumpong ng kaligayahan ang bayan ni Jehova sa ministeryo sa kabila ng mga problema sa kalusugan